Panghawakan ang inisyatiba sa lahat ng anyo ng pakikibaka at paigtingin ang opensiba laban sa kaaway

Mensahe ng Komite Sentral
ng Partido Komunista ng Pilipinas
26 Disyembre 2012

Download PDF
Lipos nang kagalakang ipinagdiriwang natin ang ika-44 na anibersaryo ng muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa teoretikong pundasyon ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at pagsisimulang muli ng demokratikong rebolusyong bayan sa wastong pamumuno ng Partido laban sa imperyalismong US at lokal na naghaharing uri ng malalaking komprador at mga panginoong maylupa.

Nagpupugay at pinupuri namin ang lahat ng kadre at kasapi ng Partido sa kanilang puspusang paggawa, militanteng pakikibaka at mga sakripisyo. Binabati namin sila sa pag-ambag sa mga tagumpay ng Partido at mamamayan na nakamit sa rebolusyonaryong pakikibaka. Pinakamataas na parangal ang ibinibigay namin sa ating mga martir at bayani at lubos natin silang pinasasalamatan sa kanilang walang pag-iimbot na mga sakripisyo at habampanahong inspirasyon.

Nakapagtipon tayo ng mga tagumpay sa pagtatayo ng Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Napangibabawan natin ang mayor na mga pagkakamali at pagkukulang sa naunang kasaysayan ng Partido sa pamamagitan ng Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong katapusan ng dekada 1960 at noong dekada 1980 at unang bahagi ng dekada 1990 sa pamamagitan ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong kalakhan ng dekada 1990.

Mula simula ng nakaraang taon, nakatipon tayo ng mga tagumpay sa ibayong pagtatayo ng Partido, ng Bagong Hukbong Bayan, ng National Democratic Front, ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa; pati sa pagtutupad ng estratehikong planong sumulong mula estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas sa ating digmang bayan.

Inilantad natin na ang rehimeng US-Aquino ay di naiiba sa rehimeng US-Arroyo sa pagiging tuta, mapagsamantala, korap, brutal at sinungaling. Epektibo nating nalabanan at nabigo ang mga kampanya ng panunupil-militar at panlilinlang ng kaaway sa ilalim ng disenyong-US na Oplan Bayanihan at nadagdagan ang ating lakas sa proseso. Higit kailanma’y determinado ang bayan at kanilang organisadong pwersa na bigwasan ng mga pamatay na dagok ang maraming mahihinang bahagi ng kaaway at magkamit ng mas malalaking tagumpay.

Ang lumalalang krisis ng kapitalistang sistema at ng lokal na naghaharing sistema ay higit na paborableng mga kundisyon para sa pakikipagdigmang bayan at pagpapalakas ng mga rebolusyonaryong pwersa at bayan. Tiwala kaming maisusulong ang digmang bayan sa yugto ng estratehikong pagkapatas.

I. Nagtatagal at lumalala ang krisis ng pandaigdigang kapitalismo


Mula’t sapul, ang neoliberal na patakaran sa ekonomya ay nagpasidhi ng pagsasamantala sa masang anakpawis at nagpabilis ng konsentrasyon at sentralisasyon ng kapital sa kamay ng monopolyong burgesya at oligarkiya nito sa pinansya. Hindi nito nalutas ang problema ng istagnasyon at ng pagkamabuway at pagkalusaw ng mga pamilihan, sistemang pampinansya at pananalapi, sa halip ay lalo pang pinalala ang mga ito.

Dumaan ito sa lagpas isandaang matinding krisis sa pinansya at ekonomya sa loob ng tatlong dekada, na humantong sa krisis na bumulaga noong 2007-2008 nang maglaho ang bula ng industriyang pabahay sa US at gumuho ang mayor na mga institusyon sa pinansya sa mismong mga sentro ng pandaigdigang kapitalismo. Mula noo’y nagtagal at lumalim ang krisis sa ekonomya at pinansya. Sumapit na ang pinakamalalang depresyong pang-ekonomya mula noong Great Depression.

Walang nakikitang solusyon sa krisis, lalo’t ang mga estadong imperyalista at monopolyong burgesya ay patuloy sa pagkapit sa mga neoliberal na patakarang pang-ekonomya at patuloy na tumutubo at kumakamkam ng kapital sa pamamagitan ng liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon ng mga di maunlad na ekonomya, laluna yaong mga atrasado.

Ang pondo para sana muling buhayin ang ekonomya ay ginagamit muna ng mga bangko at empresang monopolyo para tipirin ang paggawa at kumita ng tubo Bagsak ang kita ng 90% ng populasyon. Pero pumapaimbulog ang presyo ng saligang mga bilihin at serbisyo.

Lahat ng sentro ng kapitalismo’y batbat ng at subsob sa krisis. Ang pundamental na kontradiksyon sa pagitan ng kapital at paggawa ay lalong naging litaw sa antas ng mga estado. Ang pondong pampubliko’y ginagamit sa pagsasalba ng mga bangko at empresang monopolyo na patuloy na binibiyaan ng mga kaltas sa buwis at malalaking mapagtutubuang kontrata.

Sa paglaki ng depisit at utang pampubliko, sinusunod at ipinatutupad ng mga estado ang patakarang ipasa ang bigat ng krisis sa proletaryado at anakpawis tulad ng mga hakbanging paghihigpit ng sinturon. Ang mga ito’y nagpapalala ng tanggalan sa trabaho, pagbaba ng sahod, pagsirit ng presyo ng batayang pangangailangan, pagliit ng pensyon, pagbawas ng mga benepisyong panlipunan at pagdagdag ng buwis sa mga produkto at serbisyong gamit ng masang anakpawis.

Nakikibaka ang mamamayan sa pamamagitan ng pag-aklas at pagprotesta, gaya ng malinaw na ipinakita ng pangkalahatang welga kamakailan sa buong Europe at naunang mayor na mga welga tulad ng iba’t ibang kilusang “Occupy” sa karamihan ng mga bansang imperyalista. Tuluy-tuloy na tumitingkad ang makauring pakikibaka ng proletaryado habang ang mga manggagawa ay naninindigan at kumikilos para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at interes, sumang-ayon man o hindi ang mga umiiral na unyon.

Naging paborable ang mga kundisyon para muling sumulong ang kilusan ng uring manggagawa laban sa kapitalismo at para sa sosyalismo. Subalit malayong lamang pa ang mga monopolyong burgesya at ahenteng pampulitika nila sa pagkontra sa agos ng mga pakikibakang bayan sa pamamagitan ng dahas at panlilinlang. Binuo nila ang mga mapanupil na batas laban sa bayan sa ngalan ng anti-terorismo.

Pinalalaki din nila ang isterya ng digma para bigyang-matwid ang pinalaking produksyong panggera at pinataas na badyet militar. Para ilihis ang pansin sa mga ugat ng krisis, pinapaypayan nila ang mga reaksyunaryong tunguhin tulad ng pasismo, sobinismo, xenophobia, rasismo at panatisismong relihiyoso.

Ang proletaryado at mga mamamayan ng mga atrasadong bansa ang pinakanagdurusa sa pandaigdigang depresyon. Ang demand para sa hilaw na materyales at malamanupakturang pang-eksport ay bumaba o ang iba’y lumaki ang eksport sa mas mababang presyo. Kasabay nito, ang presyo ng mga imported na kalakal ay tumataas. Lumalaki ang mga depisit sa kalakalan at nagpapatung-patong ang utang panlabas.

Ang pandaigdigang krisis sa ekonomya ay nagreresulta sa pagsidhi ng pagsasamantala. Nagdurusa ang masang anakpawis at panggitnang saray sa labis nang mataas na tantos ng disempleyo, pagbaba ng tunay na halaga ng sahod, mababang antas ng kita, pumapaimbulog na presyo ng saligang mga produkto at serbisyo at pagkabulok at tumataas na gastusin sa mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan, murang pabahay at mga tulad nito. Lumalala ang malawakang kahirapan.

Humantong ito sa malawak na kaguluhang panlipunan. Ang mga paglaban ng bayan ay may iba’t ibang anyo. Ang mga nasa poder na kumakatawan sa mga nagsasamantalang uri ay mabilis sa paggamit ng dahas upang sindakin ang bayan at supilin ang kanilang paglaban. Pabor sa kanilang gamitin ang wika’t dahas ng gawang-US na gera sa terorismo.

Ang tinaguring Arab spring sa North Africa at Middle East ay kumalat na parang apoy at nagpabagsak sa mga despotikong gubyernong siningil sa krisis sa ekonomya, korapsyon at panunupil. Patuloy ang tunggalian sa pagitan ng mga reaksyunaryo at progresibo. Sa lahat ng atrasadong rehiyon sa mundo, sa buong Africa, West Asia, Central Asia, South Asia, East Asia at Latin America, lumalaganap at umiigting ang mga protestang masa.

Ang mga lantarang maka-imperyalistang gubyerno’y tinutuligsa at itinatakwil ng bayan. Ang mga gubyernong tulad sa Cuba, Venezuela at Demoratic People’s Republic of Korea ay suportado ng bayan dahil naggigiit ang mga ito ng pambansang kalayaan at lumalaban sa imperyalismo; at dahil nagsisikap ang mga ito na itaguyod ang kagalingan ng bayan.

Sa mga lugar na pinakawalan ng US at mga alyado nito sa NATO ang mga gerang agresyon para ibagsak ang mga guberynong tutol sa dikta ng US, tulad sa Iraq, Afghanistan, Libya, Yugoslavia at Syria, sumisiklab ang pinakamaiigting na armadong tunggalian; at kahit pagkabagsak ng mga gubyernong anti-US, ang mga kilusan para sa pambansang paglaya ay nagpupunyagi at nagiging matagalang hamon sa imperyalistang kapangyarihan.

Ang matatagal nang armadong pakikibaka para sa pambansang paglaya, tulad sa Colombia, Pilipinas, India at Kurdistan, ay nagpupunyagi’t nagpapatunay sa buong mundo na ang armadong rebolusyon ay maisusulong at mapalalakas sa kasalukuyang kundisyon. Ang mamamayan ng Palestine ay nagpupunyagi sa ilang dekada nilang pakikibaka para sa pambansang paglaya at pagbabalik sa kanilang inang bayan na may malawak na suportang internasyunal laban sa malupit na pananalakay at pananakop na rehimeng Zionista na sinusuportahan ng imperyalismong US. Pinatutunayan ng lahat nang ito na ang US at NATO’y walang kumpletong kontrol sa buong mundo.

Dahil sa lubhang di pantay na pag-unlad ng kapitalismo sa mundo, ang imperyalistang kapangyariha’y maraming mahihinang bahagi, laluna sa atrasadong mga bansa na pinakanagdurusa ang mamamayan sa imperyalismo at lokal na reaksyon. Ang kasalukuyang krisis sa mundo at ang labis na pagkabatak ng US sa mga gerang agresyon at panghihimasok-militar ay paborableng kundisyon para sa pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka ng inaaping mga mamamayan at bansa.

Ang mga imperyalistang kapangyarihan ay nakapagpapanatili pa ng matiwasay na relasyon sa hanay nila at naiiwasang maging lantad na marahas ang kanilang kumpetisyong pang-ekonomya at pampulitika. Nagagawa nila ito dahil pinagkakaisahan nila ang mga atrasadong bansa na sama-sama nilang pinagsasamantalahan sa payong ng International Monetary Fund (IMF), World Bank at World Trade Organization (WTO). Isang krusyal na katangian ng neoliberal na patakarang globalisasyon ng “malayang pamilihang” ang denasyunalisasyon ng mga ekonomya nitong mga atrasadong bansa.

Binuo ng mga imperyalistang kapangyarihan ang kanilang pagkakaisa mula sa alyansang anti-komunista at anti-sosyalista noong Cold War. Mula nang manumbalik ang kapitalismo sa dating sosyalistang mga bansa, ipinasok na lang ng mga tradisyunal na imperyalistang kapangyarihan ang mga bansang ito sa pandaigdigang sistemang kapitalista. Ang Russia at China mismo ay naging malalaking kapangyarihan at pinakikitid nila ang puwang para sa tumbasang akomodasyon ng mga imperyalistang kapangyarihan.

Likas sa kapitalistang sistema na palaging naggigitgitan ang mga imperyalistang kapangyarihan para muling hatiin ang mundo at palawakin ang kanilang teritoryong pang-ekonomya para sa pagkukunan ng murang lakas-paggawa at hilaw na materyales, para sa pamilihan, pamumuhunan at larangan ng impluwensya.

Habang umiiwas na tahasang magsalpukan, ipinamamalas ng mga imperyalistang kapangyarihan ang iba’t ibang paninindigan kaugnay ng imperyalistang agresyon ng US at naglulunsad ng mga gerang proxy sa pamamagitan ng pagsuporta sa magkakabilang panig sa mga gera sibil o mga gerang panteritoryo sa mga atrasadong bansa. Sa Africa, partikular na sa Sudan, Somalia, Kenya, Nigeria at DR Congo, may mga gerang proxy ang US at iba pang imperyalistang kapangyarihan.

Ang krisis ay nagbubunsod ng matatalas na kontradiksyon sa hanay ng mga imperyalistang kapangyarihan. Sa mga gerang agresyon laban sa Iraq at Afghanistan, ang Russia at China ay sumakay at sumuporta pa sa alyansang US-NATO. Pero mula noo’y nag-alangan na sila at inorganisa ang Shanghai Cooperation Organization bilang kontra-balanse sa US at NATO. Naging atubili sila sa pagsuporta sa mga gerang agresyon ng US-NATO sa Libya, at laluna ngayon sa Syria.

Naging mapagbantay naman ang US sa pagiging hamon ng China sa kapangyarihan ng US sa East Asia at determinadong itulak at impluwensyahan ang mayor na mga pagbabago sa China, tulad ng ibayong pribatisasyon ng mga empresang estado at liberalisasyon ng sistemang pampulitika ng China. Kaya nagpasya ang US na ituon ang militar nito sa rehiyon kahit nababahura pa ito sa ilang kaguluhan sa Middle East at Africa. Ginagamit nito ang mga alyado at papet nito sa East Asia upang lumikha ng tensyong diplomatiko sa usapin ng karagatan sa pagitan ng China at mga katabing bansa; at bigyang-matwid ang pagdaragdag ng pwersang militar ng US sa rehiyon.

Samantala, pinananatili ng US ang mahigpit na kooperasyong pang-ekonomya sa China at lalong itinutulak ang China na isapribado ang mga estratehikong empresang estado at ibenta ang mga ito sa US at mga empresang multinasyunal. Kasabay nito, ipinamamalas ng US ang malakas na presensyang militar nito sa lugar sa pamamagitan ng sunud-sunod na magkasanib na mga pagsasanay militar sa Korea, Japan, Pilipinas at iba pang bansa sa palibot ng China bilang tuluy-tuloy na pagpapaalala sa mga “komunista” (mga burukratang kapitalista) sa poder na dapat silang maghinahon sa nasyunalismo at makipag-areglo sa maka-US na “kilusang demokratiko.” Tantya ng mga estratehista ng US na ang pagpapalibot-militar nito sa China ay magtutulak dito na sumunod sa kagustuhan ng US na ibayong denasyunalisasyon ng ekonomya at liberalisasyon ng sistemang pampulitika.

Sa anu’t anuman, laganap at dumarami ang kaguluhang panlipunan sa China bunga ng paghina ng ekonomyang nakatuon sa eksport. Habang 1% ng populasyon ng China ay yumaman tulad ng nakatataas na uri sa mga abanteng bansang kapitalista, kalakhan ng 99% ng populasyon ay lubog sa kahirapan. Ang malawak na masa ng mamamayan ay tutol at tumutuligsa sa korapsyon, implasyon, lumalaking disempleyo, pagkakait ng sahod, pang-aagaw ng lupa ng mga magsasaka at pagwasak sa kapaligiran.

Ang mga Maoista sa China’y puspusan ang pagsisikap na pamunuan ang laganap na mga pagsiklab ng kaguluhang panlipunan at tingnan kung paanong pakikinabangan ng mamamayan ang posibleng sagupaan ng mga pwersang gumagamit ng islogang nasyunalismo at liberal demokrasya.

Labis-labis ang kahambugan ng mga imperyalistang US sa pagpapalakas pa ng kapangyarihan nito sa East Asia. Dapat itong paalalahanan ng paglagapak nito sa China, Korea at Indochina nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nakapaninindigan pa ang China ngayon sa labanang pampulitika sa US. Bigo rin ang US na payukuin ang DPRK sa mga kagustuhan nito at bigong wasakin ang digmang bayan para sa pambansang paglaya at demokrasya sa Pilipinas mula 1969.

May kaguluhan ngayon sa mundo bunsod ng pagkabangkarote ng neoliberal na patakaran sa ekonomya at ng grabeng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Nakikita natin sa ngayon ang tumitinding ligalig ng masa sa mga industriyal-kapitalistang bansa at maging sa mga atrasadong bansa. Nakikita rin natin ang mga gerang agresyon na inilulunsad ng imperyalistang US sa Baltic, Middle East at Africa. Ang ibayong pagkalat ng kaguluhan sa China at East Asia dahil sa mga maniobra ng US ay lumilikha ng ibayong pagkakataon para sa mamamayang Pilipino at rebolusyonaryong pwersa na isulong ang rebolusyonaryong simulain.

II. Gumigiray ang nabubulok na naghaharing sistema


Naluklok sa poder ang kontroladong-US na naghaharing pangkating Aquino sa pamamagitan ng pandaraya sa de-kompyuter na sistema ng botohan, pagmaniobra sa masmidya at malakihang pagpondo ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Naniniwala pa rin itong malalagpasan nito ang malubhang krisis sa ekonomya at lipunan ng naghaharing sistema sa pamamagitan ng pagsalalay sa pagpasok ng dayuhang pamumuhunan at pautang, sa pagpapanggap hinggil sa matuwid na pamamahala at masiglang ekonomya, pagkukunwaring paglaban sa korapsyon at sa pamamagitan ng walang katapusang mga gimik, minanipulang pagbabalita at minaniobrang mga sarbey.

Ang makinaryang pampropaganda ni Aquino ay lihim na idinidirihe ng US at ng iba pang mga dayuhang eksperto sa saywar. Pinatatakbo ito ng matatagal nang bayaran sa burges na masmidya at mga operatibang pseudo-Kaliwa na nagtatrabaho rin para sa paniktik ng US.

Ang malulupit na pang-ekonomya at panlipunang kundisyon ay di kayang pagtakpan ng anumang matatagumpay na deklarasyon ni Aquino ng “panlahatang kaunlaran.” Matingkad ang malawakang kahirapan kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Ang labis na populasyon mula sa kanayunan ay bumubuhos sa kalunsuran, nakikipag-unahan sa kung anu-anong trabaho, nagpapalawak ng mga komunidad ng maralitang-lunsod at sumisilong sa ilalim ng mga tulay, mga palengke at plasa at sa tabi ng mga kalsada at mga riles ng tren.

Harap-harapang nagsisinungaling ang rehimen sa pagsabing mahigit 7% ang tantos ng pag-unlad ng ekonomya. Kalakhan dito ay pinalobong datos ng pagkonsumong nakaasa-sa-import, pangmayamang pribadong konstruksyon at mga aktibidad sa sektor ng serbisyo. Bumagsak ang agrikultura at manupaktura at tumaas ang disempleyo. Bulaan din ang rehimen sa pagsasabing 7% na lamang ang tantos ng kawalan ng trabaho, na di hamak na mas maliit sa 23% na tantos sa European Union. Maging ang sarbey ng maka-Aquinong Social Weather Stations ay nagsasabing 25-30% ang tantos, mahigit apat na beses ang laki sa pigurang ipinagyayabang ng rehimen.

Labis na pinaliliit sa mga estadistika ng rehimen ang masasamang sosyo-ekonomikong datos. Malawakan ang tanggalan sa trabaho taun-taon mula 2008 sa lahat ng sektor ng ekonomya, laluna sa mala-manupakturang may mababang dagdag-halaga, na napasama bunsod ng pagdausdos ng ekonomya sa mga kapitalistang bansang industriyal. Mula nang pumutok ang krisis sa pinansya sa Asia noong 1997, ang mala-manupaktura sa Pilipinas ay naging tagasuplay na lamang na pinal na pag-aasembol sa China.

Ang ipinagyayabang na pagtaas ng empleyo sa mga call center ay malayung-malayo sa malawakang tanggalan sa marami pang sektor ng ekonomya. Ang pribadong konstruksyon ay tila lumalago pa rin ngunit sagad na ito at nanganganib na bumagsak makaraan ang ilang taong pagtatayo ng sobrang mga upisina at mga gusaling pantirahan na pinondohan ng dayuhang komersyal na pautang. Tumumal ang mga pampublikong proyekto sa imprastruktura sa tinaguriang programang Public-Private Partnership sa kabila ng iniulat na malaking alokasyon dahil sa likod nito, pinapalaki pa ng malalapit na kamag-anak ni Aquino ang kanilang porsyento sa mga kontraktor. Ang paglalabas ng pondo para sa mga proyekto ay malamang na pabibilisin sa unang bahagi ng 2013 upang impluwensyahan ang eleksyong lokal at pang-kongreso sa Mayo.

Ang operasyon sa pagmimina ng malalaking dayuhang kumpanya na itinutulak at binibigyang-proteksyon ng rehimen ay halos walang nililikhang trabaho at garapal na umiiwas sa buwis (kabilang ang ismagling ng ginto, pilak at iba pang mamamahaling metal). Kinasasangkutan ito pangunahin ng pagmiminang open pit at maramihang paggamit ng kemikal para sa mabilisang pandarambong ng likas na yaman. Karagdagan pang resulta nito ang pagkaubos ng lahi ng katutubong mamamayan, pagkakalbo ng kagubatan, pagguho ng lupa, matitinding pagbaha at tagtuyot, at pagkabanlik at pagkalason ng mga ilog at pagkawasak ng lupang agrikultural. Sa malawakang pag-eeksport ng mineral, ang bansa ay pinagkakaitan mag-industriyalisa sa hinaharap. Ang mga pwersang panseguridad ng estado ay ginagamit laban sa minoryang mamamayan at iba pang sektor na lumalaban at tumututol sa operasyong ito, na nagreresulta sa paparaming atake, ekstrahudisyal na pamamaslang, pagdukot, pag-aresto at iba pang walang habas na paglabag sa mga karapatang-tao.

Ang pagpapalawak ng mga plantasyon ng prutas na pang-eksport at produksyon ng biofuel ay sumisira sa lokal na produksyon ng batayang pagkain, na matagal nang bagsak at napinsala ng neoliberal na patakaran ng pagtatanggal ng subsidyong agrikultural at pagpapahintulot ng importasyon ng pagkain na maliit o walang taripang nakapataw. Sa kabuuan, ang pagpapalawak ng pagmimina, pagtotroso at mga plantasyon ay nagpapaliit ng lupa para sa lokal na produksyon ng pagkain at para sa reporma sa lupa.

Ang pag-eksport ng mamamayan para magsilbing migranteng manggagawa sa ibayong dagat ay maliwanag na patunay ng lubhang kakulangan ng oportunidad na makapagtrabaho sa bansa at kawalan dito ng pambansang industriyalisasyon. Makikinita ang kalunus-lunos na hinaharap ng eksport ng murang lakas paggawa sa pandaigdigang depresyon at lumalawak na ligalig at tumitinding diskriminasyon laban sa mga migranteng manggagawa sa mga pinagtatrabahuhan nilang bansa. Ilang taon nang tinitiyak ng matataas na burukrata at malalaking kumprador na ang dayuhang salaping remitans ng mga migranteng manggagawa ay ginagamit para itulak ang pagkonsumo ng mga produktong imported kaysa sa pondohan ang pambansang industriyalisasyon.

Nananatiling agraryo, preindustriyal, atrasado at malapyudal ang ekonomya ng Pilipinas. Pinipigilan ng naghaharing sistema ng malalaking kumprador at mga panginoong maylupa ang pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa. Habang bumabagsak ang kita sa eksport ng hilaw na materyales at mga mala-manupaktura, sumisirit naman ang halaga ng importasyon ng mga batayang pangangailangan at luho para sa mga mapagsamantalang uri. Patuloy na tumataas ang depisit sa kalakalan at maging ang natipong panlabas na utang at taunang bayad sa utang. Umaabot na sa US$72.22 bilyon ang panlabas na utang ngunit pilit itong minamaliit ng rehimen sa hungkag na pagmamayabang ng pagpapautang ng US$1 bilyon sa International Monetary Fund. Ang paghahambog ni Aquino na nakatulong diumano ang Pilipinas sa mga pagsisikap na isalba sa krisis ang mga bansa sa Eurozone na lubog sa utang ay pinagandang pagsabi lamang ng obligasyon ng mga kasaping bansa na mag-ambag sa pondo ng IMF.

Sa kasalukuyang krisis, pinag-iibayo ng rehimeng US-Aquino ang pagsasamantala at pang-aapi sa masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka at maging sa panggitnang saray. Ang kababaihan, kabataan at mga bata ang pinakanagdurusa sa lumalalang kundisyon. Sa baluktot na pangangatwiran, nagpapalaganap pa ang rehimen ng propaganda na ang paglaban ng mamamayan—hindi ang dayuhang monopolyo kapitalismo, katutubong pyudalismo at burukrata kapitalismo—ang sanhi ng kawalan ng pag-unlad, kahirapan at krisis.

Sa lugmok na kalagayan ng ekonomya at lumalaking burukratikong kulimbat, pabigat sa reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas ang mga depisit sa badyet at pampublikong utang. Sa kabila nito, inuuna pa ng rehimeng US-Aquino ang pagbabayad-utang, gastos sa militar at sa programang tinaguriang Conditional Cash Transfer at iba pang kontra-produktibong mga aktibidad. Kasabay nito, nagpapatupad ang rehimen ng di deklaradong patakarang paghihigpit ng sinturon sa kapinsalaan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagtatanggal ng mga kawani ng gubyerno, pagpapababa ng sahod at pagkaltas sa gastusin ng gubyerno para sa mga serbisyong panlipunan laluna sa kalusugan, edukasyon at murang pabahay.

Talamak ang korapsyon sa ilalim ng rehimeng Aquino. Sa pinakamataas na antas, ang ilang kapatid na babae at mga bayaw ng presidente, mga tiyuhin at pinsan ng mga Aquino at Cojuangco ay pumuporsyento sa malalaking proyektong nangangailangan ng pahintulot ng presidente at sa mga pautang mula sa mga institusyong pampinansya ng gubyerno. Pinapaboran nila ang mga kontraktor na malapit sa pamilyang Aquino at Cojuangco. Binibigyang-daan nila ang teknikal na ismagling na umaabot na ngayon sa taunang US$19 bilyon, anim na beses na mas malaki kumpara sa US$3 taunang halaga noong panahon nina Estrada at Arroyo, ayon sa pag-aaral ng Direction of Trade Statistics ng IMF. Dinadaya ni Aquino ang estadistikang nagpapakita ng pagtaas ng produksyong agrikultural para ikubli ang lumalaking ismagling ng bigas ng malalaking negosyante na protektado ng matataas na upisyal ng gubyerno. Binabantaan nila ang mga kalaban ni Aquino ng labis na paghihigpit sa buwis habang kinakalimutan ang matinding pag-iwas sa bayaring buwis nina Lucio Tan, Eduardo Cojuangco at iba pang malalaking tagapondo sa kampanyang elektoral ni Aquino.

Maging ang hweteng ay hindi pinalagpas ni Aquino. Isang malapit na kasamahan niya ang inilantad ng isang arsobispo bilang koneksyon ni Aquino sa mga hari ng hweteng. Ang Anti-Poverty Commission ay pinamumunuan ng isang matagal nang mandurugas sa NGO at aset-paniktik ng US na naglulustay ng pondo ng gubyerno, ayon sa ulat ng Commission on Audit. Ang programang Conditional Cash Transfer, kapwa ang programang Pantawid Pamilya at ang “kaunlaran at rehabilitasyon” sa ilalim ng tinaguriang programang PAMANA, ay walang dili’t iba kundi pondo para sa pamumulitika at para sa mga kampanyang “counter-insurgency,” at naging iskandalosong palabigasan para sa burukratikong korapsyon. Sa kabila ng nalantad na korupsyon sa programang ito, ang pondo nito’y itinaas pa sa P49 bilyon.

Ang mataas na tantos ng disempleyo, pagbagsak ng kita ng masang anakpawis at ng panggitnang saray, ang tumataas na presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo, at ang pagkabulok at tumataas na halaga ng serbisyong panlipunan ay nagluluwal ng panlipunang kaguluhan sa lahat ng panig ng bansa. Hindi hinaharap ng rehimeng Aquino ang mga ito at ang sanhi ng mga ito at sa halip ay pilit na pinagtatakpan ang mga ito sa paggamit ng masmidya at mga sarbey para lituhin ang publiko. Pinakamasahol sa lahat, walang habas ang paggamit ng rehimen ng karahasan ng estado laban sa mga manggagawang nakawelga at mamamayang nagkikilos-protesta.

Ang pinakamalalalang anyo ng karahasan ay yaong isinasagawa ng mga reaksyunaryong armadong pwersa sa ilalim ng dinisenyo at idinidirehe ng US na Oplan Bayanihan para supilin ang mamamayan, laluna ang mga manggagawa, magsasaka at pambansang minorya. Ang mga paglabag sa karapatang-tao tulad ng pagdukot, iligal na detensyon, tortyur at ekstrahudisyal na pamamaslang ay laganap at bumibiktima sa mga lider ng masang anakpawis, mga aktibista at mga tagapatanggol ng karapatang-tao. Ang mga bata ay iligal na inaaresto, idinidetine at pinapatay at malao’y pinalalabas na mga batang sundalo para siraan ang BHB. Malawakan ang demolisyon ng mga bahay ng maralitang-lunsod upang bigyang-daan ang mga kapitalista sa real estate. Sa kanayunan, ang mga kampanyang militar ay ginagamit para pwersahang palikasin at palayasin ang mga magsasaka at pambansang minorya upang makapangamkam ng mga lupain ang mga pribadong empresa, malalaking burukrata at upisyal ng militar.

Mula’t sapul, pinalalagpas na ng rehimeng US-Aquino ang mga paglabag sa karapatang-tao ng sinundan nitong rehimeng US-Arroyo at gayo’y pinalalakas ang loob ng militar, pulisya, mga pwersang paramilitar at mga aset-militar para gumawa ng mas malulubhang paglabag sa karapatang-tao. Wala ni isang upisyal-militar o maysala ang nausig o nahatulan sa paglabag sa karapatang-tao, sa kabila ng matibay na ebidensya sa maraming kaso. Naghahari ang kawalang pananagutan. Ang mga upisyal na sinasabing may command responsibility ang mismong mga kriminal at nagtatakip sa kanilang mga krimen. Ang inilabas na mandamyento de aresto para sa berdugong si General Palparan ay pakitang-tao lamang at hindi pa nagresulta sa kanyang pagkaaresto sa simpleng dahilang siya’y protektado ng militar. Dagdag pa, walang-puso niyang itinaas sa ranggong heneral ang koronel na responsable sa pagdukot kay Jonas Burgos at hinirang bilang hepe ng ISAFP.

Ang kamakailang pagbubuo ng inter-ahensyang komiteng pinangangalandakang isang superbody sa karapatang-tao na dagdag pa sa Philippine Human Rights Commission ay isa na namang gimik. Ang komite ay karagdagang gamit ng rehimen upang pagtakpan ang mga paglabag sa karapatang-tao ng mga reaksyunaryong armadong pwersa, pulisya at militar. Binubuo ang komite ng mga kalihim ng DND, DILG, ng mga hepe ng AFP at PNP. Pinamumunuan ito ng kalihim ng Department of Justice ngunit nadodominahan ng mga kalihim ng Department of National Defense at Department of Interior and Local Government, ng hepe ng AFP at ng Philippine National Police. Wala itong pinag-iba sa Presidential Task Force on Political Violence ni Arroyo.

Sa kabila ng malakas na kahilingan at atensyong publiko, di pa umuusad ang paglilitis sa mga Ampatuan at kanilang mga kasapakat sa garapal na pagmasaker ng 58 katao, kabilang ang 34 na mamamahayag. Pangunahing pinoproblema ni Aquino ang pagpapalabas ng paglilitis sa telebisyon. Wala siyang pakialam kahit nakadisenyong tumagal hanggang 200 taon ang paglilitis.

Ang pang-ekonomya at panlipunang krisis ay nagbubunsod ng pampulitikang krisis ng naghaharing sistema. Subalit sa ngayon, mistulang ang lahat ng mayor na partido pulitikal at koalisyon ng mga paksyon ng mapagsamantalang mga uri ay malugod na nagkakaisa sa pagsisilbi sa interes ng US at sa mapagsamantalang mga uri at sa paglaban sa rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan. Sa likod ng lahat ng ito, ang mga tagapayong US at mga tiyuhin ni Aquino na sina Eduardo at Jose Cojuangco ay lumilikha ng ilusyon ng pagkakaisa sa pamamagitan ng paggamit kina Presidente Aquino at Vice President Binay para bumuo ng mga koalisyon na babalandra sa pulitika at hahadlang sa pagtatayo ng anumang signipikanteng partidong oposisyon.

Sumanib ang naghaharing Liberal Party ni Aquino sa Nationalist People’s Coalition, sa Nacionalista Party at sa ibang elemento ng nakaraang naghaharing koalisyon ni Arroyo para sa eleksyong 2013. Gayundin, ang PDP-Laban ni Binay ay sumanib sa Pwersa ng Masang Pilipino at Laban ng Demokratikong Pilipino upang itayo ang United Nationalist Alliance (UNA). Ang totoo’y malalapit na magkakutsaba ang naghaharing koalisyon at ang UNA. Walang signipikanteng partido oposisyon o koalisyong sa reaksyunaryong pulitika, maliban sa latak ng naghaharing koalisyon ni Arroyo na nakapananatili pa dahil may balwarteng lokal ang ilan nitong lider.

Anupaman, patuloy na tatalas ang mga kontradiksyon sa hatian ng kapangyarihan at kulimbat sa pagitan ng mga reaksyunaryo sa kabila animo’y pagkakaisa nila sa ngayon. Walang tigil ang mga reaksyunaryong paksyon sa pagmamaniobra para makalamang sa pulitika at ekonomya at para magkaroon ng mga pribadong armadong grupo at ugnay sa katugon nitong mga paksyon sa loob ng militar at pulis.

Nais ng US na magkaisa ang mga reaksyunaryong pwersa upang maitulak ang antinasyunal at anti-demokratikong mga susog sa saligang batas ng 1987, mapag-ibayo pa ang panghihimasok-militar ng US, maigiit ang pagpapahina sa ligal na demokratikong kilusan at maitulak ang tahasang armadong panunupil sa rebolusyunaryong kilusan ng mamamayan sa ilalim ng Oplan Bayanihan.

Nalalantad na ang pagkahuwad ng islogan ni Aquino hinggil sa maayos na pamamahala, pagiging matuwid at katapatan. Masasamantala ng rebolusyonaryong kilusan ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga reaksyunaryo dahil sa pagkakawatak-watak at korap na katangian ng bulok na naghaharing sistema. Palaging magagamit ang patakaran ng nagkakaisang prente upang ikoordina at palakasin ang mga batayang pwersa ng rebolusyon, samantalahin ang pagkakahati-hati ng mga reaksyunaryo, ihiwalay at wasakin ang kapangyarihan ng kaaway.

Ang pansamantalang mga alyansa ng Partido sa ilang reaksyunaryong pwersa ay maaaring gamitin sa mga reaksyunaryong halalan, kondukta ng reaksyunaryong gubyerno, sa negosasyong pangkapayapaan at iba pa. Bahagi ng patakaran ng Partido sa nagkakaisang prente ang paghikayat nito sa mga pwersang patriyotiko at progresibo na lumahok sa mga eleksyon kahit ang mga ito ay huwad at nasasaklaw ng kapangyarihan at pinansya ng mga mayor na reaksyunaryong partidong pulitikal. Mahalaga sa mamamayan na magkaroon ng mga kinatawang puspusang magtutulak ng kanilang mga patriyotiko at demokratikong kahilingan kahit sa balangkas ng mga reaksyunaryong institusyon at proseso.

Gaya ng kinamumuhiang rehimeng Arroyo, ang rehimen ni Aquino at ang alalay nitong mga upisyal-militar ay patuloy na naghahambog na wala na ang rebolusyonaryong kilusan sa halos lahat ng mga erya sa Pilipinas. Paulit-ulit ang kasinungalingan nila na noong kalagitnaan ng dekada 1980, ang BHB ay may 25,000 malalakas na armas at ngayon ay may 4,000 na lamang. Ang totoo, ang armadong lakas ng BHB noong 1986 ay umabot lamang sa 6,100 riple.

Nais nilang maliitin na malayang nakakikilos sa mahigit 90% ng teritoryo ng bansa ang mga Pulang mandirigma ng BHB at iba pang rebolusyunaryong pwersa. Ang armadong pwersa ng kaaway ay maikokonsentra lamang sa ilang mga larangang gerilya sa isang takdang panahon. Ang reaksyunaryong gubyerno ay bangkarote at hindi kayang signipikanteng magparami ng tauhan at kagamitang militar nang walang substansyal na suportang militar mula sa gubyerno ng US. Maging sa loob ng mga larangang gerilyang kinokonsentrahan ng mga atake ng kaaway, malalawak ang pagitan ng mga yunit ng kaway at nakapagmamaniobra at nakapaglulunsad ng mga taktikal na opensiba ang mga yunit ng BHB para isa-isang lipulin ang mga yunit ng kaaway.

Dagdag pa, kayang maglunsad ng mga kontra-atake sa mga yunit ng kaaway sa malawak na saklaw ang mga yunit ng BHB na ipinakat ng mga kumand sa rehiyon at inter-larangan. Maraming mahihinang bahagi ang kaaway na maaaring tuklasin at samantalahin o likhain at atakehin kailanma’t gustuhin ng BHB. Pinapalakpakan ng malawak na masa ang ilan nang mga opensiba laban sa mga empresa sa pagmimina, pagtotroso at plantasyon, laluna sa Northeast, Southern at Central Mindanao. Ang pinakakahiya-hiya sa kaaway ay ang mga opensibang inilunsad sa mga lugar na kadedeklara lamang ng mga reaksyunaryong armadong pwersa na “insurgency-free.” Ito ang mga pagtambang sa mga yunit ng kaaway sa Abra, Ifugao, Isabela, Aurora, Nueva Ecija, Camarines Norte, Sorsogon, Catanduanes, Masbate, Iloilo, Zamboanga del Norte at iba pang prubinsya.

Katugma sa pagsusulong ng digmang bayan, nakikipagnegosasyon sa reaksyunaryong gubyerno ang National Democratic Front of the Philippines bilang kinatawan ng mamamayang Pilipino at ng mga rebolusyunaryong pwersa. Ang mga negosasyong pangkapayapaan ay proseso ng pagpapalaganap ng Programa para sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan, paglalantad ng antinasyunal at anti-demokratikong katangian ng reaksyunaryong gubyerno at paghamon sa mas mabubuting elemento nito na makiisa sa mga rebolusyonaryong pwersa sa nagkakaisang prente laban sa dayuhan at pyudal na dominasyon at para lubusin ang pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Sa mga negosasyong pangkapayapaan, ang NDFP ay nagsusulong ng isang anyo ng pakikibaka para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan base sa mga pinagkasunduang batayang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitikang mga reporma para pawiin ang mga ugat ng digmaang sibil. Sa ngayon, ang magkakasunod na naghaharing pangkatin ay gumamit sa negosasyong pangkapayapaan para pasukuin at patahimikin ang mga rebolusyonaryong pwersa at panatilihin ang nabubulok na naghaharing sistema. Sa nagdaang dalawang taon, pinaralisa ng rehimeng US-Aquino ang negosasyong pangkapayapaan sa pamamagitan ng pagkwestyon sa The Hague Joint Declaration of 1992 at pagtangging tumalima sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) at Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

Taliwas sa JASIG, hinahadlangan ng rehimen ang nararapat na imbestigasyon sa pagdukot, pagpaslang at iligal na pag-aresto at detensyon, paniniktik at harasment sa mga konsultant ng NDFP at tauhan sa negosasyong pangkapayapaan. Patuloy nitong pinipigilan ang paglaya ng 13 konsultant ng NDFP at mga kasapi ng negotiating panel ng NDFP. Pinaninindigan nito ang kasinungalingan ng sinundan nito sa pagtanggi ang GPH ang nag-udyok at nakipagtulungan sa gubyernong US at Dutch sa pagreyd ng pulisyang Dutch sa tanggapan ng NDFP at mga bahay ng mga nasa negotiating panel at istap nito, at sa pag-aresto at detensyon kay Prof. Jose Ma. Sison sa batayan ng gawa-gawang mga kaso. Taliwas sa CARHRIHL, patuloy na hinahadlangan ng rehimen ang paglaya ng mahigit 400 bilanggong pulitikal na sinampahan ng gawa-gawang mga kasong kriminal sa kabila ng mga akusasyong sangkot sila sa armadong tunggalian/digmaang sibil. Hindi interesado ang presidenteng malaking kumprador-panginoong maylupa sa seryosong negosasyong pangkapayapaan at ang kanyang mga ikinikilos ay tulak ng makauring galit sa rebolusyonaryong kilusan dahil sa kahilingan ng mga manggagawang bukid na saklawin ng reporma sa lupa ang Hacienda Luisita.

Patuloy na sinusunod ni Aquino ang kagustuhan ng mga kleriko-pasista at ahenteng militar na noong panahon pa ni Arroyo’y ginugulo na ang negosasyong pangkapayapaan. Ginagamit nila ang mga negosasyon para sa saywar at para isiwalat ang pagpapasurender ang mga rebolusyonaryong pwersa. Pilit silang umaasa sa permanenteng pagtatapos ng digmaan bago pa man mabuo ang mga komprehensibong kasunduan sa mga repormang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika. Ang gusto lang nila’y wasakin ang kapasyahan ng mga rebolusyonaryong pwersa at itulak silang tanggapin ang nabubulok na naghaharing sistema at ang reaksyunaryong saligang batas nito.

Nilagdaan ng gubyerno ng Maynila at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang Framework Agreement on the Bangsamoro. Sa susing mga probisyon ng kasunduan, nagpapailalim ang MILF sa awtoridad ng mapang-aping estadong nakabase sa Maynila at isinusuko ang posibilidad ng paghiwalay at pagtatayo ng isang independyenteng estado ng Bangsamoro. Ang esensyal na mga punto para sa apat na dagdag na dokumento hinggil sa mga kaayusan at kaparaanan ng transisyon, hatian sa kapangyarihan, hatian sa yaman at normalisasyon ay nakasaad sa kasunduan at nagpapatibay sa pagpapailalim ng MILF sa kapangyarihan at prosesong konstitusyunal ng gubyerno ng Maynila.

Ang Transition Commission na magiging responsable sa pagbabalangkas ng Bangsamoro Basic Law ay bubuuin sa pamamagitan ng isang executive order ni Aquino at isasalang sa pagpapatibay ng Kongreso at maaaring isailalim sa iba pang itatakdang proseso ng gubyerno sa Maynila. Ang gubyerno sa Maynila ay nagbibigay ng ilang konsesyon sa Bangsamoro hinggil sa hatian ng kapangyarihan at kayamanan ngunit maaaring ilimita o iatras ang naturang mga konsesyon. Kalilipas lamang ng malaking palabas na pirmahan noong Oktubre, nabahura na ang pag-uusap tungkol sa karagdagang mga kasunduan nang dahil nais umano ng gubyerno sa Maynila na muling pag-usapan ang tungkol sa pagbubuo at pagpapangulo sa Transition Commission. Ang mga probisyon sa normalisasyon ay bubuwag sa Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng MILF habang pahihintulutan ang patuloy na presensya ng AFP sa lupain ng Bangsamoro.

Maaaring pakunwaring tuparin ng gubyernong Maynila ang Framework Agreement at ang mga dagdag nitong dokumento dahil pumailalim na rin naman sa awtoridad ng gubyerno ang MILF, katulad ng ginawa noon ng Moro National Liberation Front sa proseso ng pagtatayo ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Pangunahing layunin ng gubyernong Maynila ang pasukuin at ipailalim ang MILF at gamitin ito sa mga layuning pampulitika at pang-ekonomya ng Maynila at Washington.

Umaasa ang reaksyunaryong gubyerno na sa pagpapatahimik ng MILF at BIAF, maipapakat ang karagdagang mga tropa ng reaksyunaryong armadong pwersa para ipanggupo sa BHB at sa rebolusyunaryong kilusan. Isa itong hibang na pangarap. Hindi nagawang wasakin ng pasistang diktadurang Marcos ang BHB kahit nang ito ay maliit at mahina pa, maging pagkatapos na makamit ni Marcos ang permanenteng tigil-putukan sa MNLF sa ilalim ng Tripoli Agreement noong 1976. Dagdag pa, lubusan mang sumuko ang MILF, maaari pang ituloy ng iba pang nakatayo at potensyal na hukbo ng armadong pakikibaka ng Bangsamoro at itali pa rin ang malaking bilang ng pwersa ng kaaway sa timog-kanlurang Mindanao.

Labag sa pambansang kasarinlan at integridad ng teritoryo ng Pilipinas ang lumalaking panghihimasok-militar ng US sa Pilipinas. Katumbas ito ng pagsalakay sa sambayanang Pilipino at sa kanilang rebolusyonaryong kilusan. Ginagamit nito ang tahasang kasuklam-suklam na mga pangangatwiran tulad ng madalas na pagsasanay-militar, mga pandaigdigang gera laban sa teror diumano at ang muling pagpokus sa rehiyon ng East Asia para pigilan ang paglaki ng China.

Determinado ang US na pirming ipusisyon ang mga pwersang militar nito sa Pilipinas at gamitin ang bansa bilang estratehikong base para magserbisyo sa mga pwersang militar ng US at magsilbing pasukan at imbakan ng mga armas nukleyar, kemikal, biological at iba pang labis na mapaminsalang mga sandata. Sa araw-araw, lumalahok ang mga tagapayo at tropang militar ng US sa paniktik, saywar at operasyong pangkombat ng reaksyunaryong armadong pwersa ng Pilipinas. Nagbibigay sila ng pinakabagong high-tech na kagamitang militar at direktang kinokontrol ang mga unmanned aerial vehicles (UAVs), o mga drone, na ang teknolohiya’y planong monopolisahin at kontrolin ng militar ng US.

Anu’t anuman, lubhang banat na ang pwersa ng US dahil sa muling pagtutuon nito sa East Asia. Ang China’y patuloy na nakikipagtulungan sa US sa rehiyon at sa buong mundo at matalinong umiiwas sa anumang labanan sa US. Taliwas sa paniniwala ng ilang reaksyunaryong Pilipino na nagbibigay-proteksyon ang US sa Pilipinas laban sa China, malinaw na nagpahayag ang US na wala itong pinapanigan sa isyu kaugnay ng pag-aagawan sa teritoryo sa pagitan ng China at mga kalapit-bansa nito. Sa katunayan, mas may interes ang US sa pakikipagrelasyon sa China kaysa sa pakikipagrelasyon sa Pilipinas. Dagdag pa, walang taglay na probisyon ang US-RP Mutual Defense Treaty para sa awtomatik na paghihiganti sakaling may ibang bansang umatake sa Pilipinas.

Ang sambayanang Pilipino lamang ang pinakahusay na makapagtatanggol sa sarili sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang rebolusyonaryong kilusan at kalauna’y pagkakamit ng kapangyarihang pampulitika sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Kalokohang umasa sa proteksyon ng US o sa kagandahang-loob ng China. Walang dayuhang kapangyarihan ang mangangahas na sakupin at okupahan ang Pilipinas hangga’t ang mahigit na 100 milyong Pilipino ay handang magdulot ng matinding pinsala sa mananalakay sa pamamagitan ng digmang bayan.

III. Sumusulong ang rebolusyong Pilipino


Sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, sumusulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng digmang bayan. Makabuluhan na ang pag-usad nito sa pagtupad ng estratehikong plano ng pag-abante ng digmang bayan mula sa estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas. Kaugnay nito, ang Partido ay nakapagpalakas sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.

Binibigo at hinahadlangan ng Partido at rebolusyonaryong kilusan ang rehimeng US-Aquino sa paggamit nito ng Oplan Bayanihan sa lantad na layuning pahinain o wasakin ang rebolusyonaryong kilusan mula 2011 hanggang 2013 at ilipat mula sa reaksyunaryong armadong pwersa tungo sa kapulisan ang tungkuling linisin ang mga nalalabing rebolusyonaryong pwersa mula 2014 hanggang 2016. Mahahalawan ng aral ang nangyari noong simula ng dekada 1970, na kahit maliit at mahina pa ang BHB ay hindi pa rin napigilan ng mas may rekursong pasistang diktadurang Marcos ang paglaki nito.

Mabangis na halimaw ang Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino. Mapagkunwari at mapang-uyam nitong tinataguriang “peace and development” ang tatluhang operasyong militar nito (saywar, paniniktik and kombat). Katunayan, kabilang sa mga operasyong ito ang mga paghuli, pagdukot, pagtortyur, asasinasyon, masaker at pwersahang pagpapalikas at pagkontrol sa populasyon sa pamamagitan ng paninindak at pamumwersa, pambobomba, istraping at panganganyon. Lahat ito’y para ipreserba ang naghaharing sistema at bigyang-daan ang mga dayuhan at lokal na mapagsamantala na apihin at pagsamantalahan ang mamamayan.

Ang pangunahing diin ng Oplan Bayanihan ay patayin ang mga pinaghihinalaang rebolusyonaryo at sulsulan ang mga yunit ng militar na magparamihan ng mga napapatay. Ito’y may katugmang saywar sa porma ng aksyong sibiko, misyong medikal, pamamahagi ng pera at iba pang panlolokong taktika na inilulunsad ng mga “peace and development team” para makapaniktik at makapanindak sa mga pamilya ng pinaghihinalaang rebolusyonaryo.

Hindi pinatatawad maging ang mga bata sa pinaghihinalaang mga larangang gerilya. Pinalalabas na sila’y mga batang sundalo ng BHB at gayo’y pwedeng sindakin, arestuhin, pahirapan o patayin. Kaya naglabas ang NDFP ng Pangkalahatang Deklarasyon at Programa ng Pagkilos para sa Karapatan, Pangangalaga at Kagalingan ng mga Bata. Saklaw nito ang mga bata sa buong bansa at sa lahat ng larangan at nagbibigay ng espesyal na atensyon sa mga bata sa mga lugar ng armadong tunggalian.

Hindi mapipigilan ang paglaki ng iba’t ibang suhetibong pwersa ng rebolusyon dahil wasto ang linya ng Partido at dahil sa mga kundisyon ng krisis at ng malawak na teritoryo ng Pilipinas na hindi kayang masinsing saklawin ng marahas na aparato ng reaksyunaryong estado. Ang kasalukuyang malubhang krisis ng pandaigdigang kapitalistang sistema at ang lalong malubhang krisis ng lokal na naghaharing sistema ay napakapaborableng kundisyon para sa lalo pang pagsulong ng armadong rebolusyonaryong kilusan ng mamamayang Pilipino. Ang kanilang determinasyong isulong ang armadong paglaban ay hindi nababawasan sa kabila ng 40 taong mahirap na pakikibaka. Ang lumalalang napakasamang kundisyon ng pagsasamantala at pang-aaping pinagdurusahan ng malawak na masa ng sambayanan ay nagpapasidhi sa kanilang hangarin para sa rebolusyonaryong pagbabago.

Sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, ang Partido ay masiglang nagpapatatag sa ideolohiya sa hanay ng mga kadre at myembro ng Partido, ganundin sa hanay ng mga aktibistang masa na nais sumapi sa Partido. Lahat ay nagnanais pag-aralan ang kasaysayan at kasalukuyang sitwasyon ng lipunan at rebolusyong Pilipino at ang pandaigdigang konteksto ng imperyalismo at proletaryong rebolusyon; at palawakin at palalimin pa ang kanilang kaalaman sa rebolusyonaryong teorya at praktika sa pamamagitan ng tatlong antas ng edukasyong pampartido. Determinado ang Partido na maagap na makapagtukoy ng mga instruktor at mag-ayos ng mga pulong pag-aaral bilang pagtugon sa sigla ng mga gustong mag-aral.

Sa araw-araw ay di mabilang ang mga pulong pag-aaral ng mga rebolusyonaryong pwersa. Gumagamit sila ng iba’t ibang mapanlikhang paraan upang mapanatiling sikreto ito sa kaaway na naghahangad pigilan ang pagpapalaganap ng mga rebolusyonaryong ideya. Tinitiyak ng mga yunit ng hukbong bayan na ligtas ang mga sesyon ng pag-aaral na inilulunsad ng mga Pulang mandirigma gayundin ng mga organisasyong masa ng mga magsasaka at lokal na sangay ng Partido.

Sa lahat ng mga pag-aaral, ikinikintal ng Partido ang paggamit ng materyalismong diyalektiko sa pag-iisip at pagkilos upang matukoy at masuri kung ano ang tama kontra sa subhetibismo, sa porma man ng empirisismo o dogmatismo, ganundin sa repormismo o rebisyunismo. Naisasagawa ng Partido ang batayang kurso ng Partido upang ang mga kandidatong kasapi ng Partido ay maging ganap na kasapi. Mulat ang mga namumunong organo at yunit ng Partido na ang mabilis na pagpapalawak ng kasapian ng Partido ay krusyal na bahagi ng estratehikong plano sa pagsulong tungo sa estratehikong pagkapatas. Nailulunsad din ng Partido ang mga intermedya at abanteng kurso upang lumawak at lumalim ang pag-unawa sa Marxismo-Leninismo-Maoismo ng mga kasapi at kadre ng Partido.

Walang paraan ang Oplan Bayanihan para pigilan ang pagrerekrut at edukasyon ng mga kandidatong kasapi at ganap na kasapi ng Partido mula sa mga pagawaan, sakahan, eskwelahan, upisina at kilusang masa sa pangkalahatan. Malawakang naisalin na ng Partido sa an-yong digital ang paglalagak, paghahanap at pagpapalaganap ng mga rebolusyonaryong babasahin. Gumagamit din ito ng makabagong teknolohiya sa paglalabas at pagpaparami ng mga pinasimpleng materyal sa pag-aaral sa iba’t ibang lenggwaheng Pilipino para sa mamamayang may limitadong pormal na edukasyon. Libu-libong kadreng lokal ng Partido, pati mga aktibistang manggagawa at magsasaka ang sinasanay bilang instruktor ng Partido at ng pambansa-demokratikong paaralan. Dahil madaling makakuha ng mga sangguniang Marxista-Leninista-Maoista, kaya ng mga aktibista na mas masiglang lumahok sa mga pag-aaral, magpropaganda at makipagdebate laban sa reaksyunaryo at mga tagapagtanggol ng kanilang ideolohiya.

Pinalalaganap at isinusulong ng Partido ang pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng propaganda at ahitasyon, sa pagpapalawak at konsolidasyon ng organisasyong masa at sa pagpapakilos ng malawak na masa ng sambayanan sa kagyatan at pangmatagalang mga isyu. Ang hukbong bayan, mga organisasyong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika ay mahusay na nakapagmumulat, nakapag-oorganisa at nakapagpapakilos sa masa.

Binabaka ng Partido ang “Kaliwa” at Kanang oportunismo. Inilalatag nito ang wastong linyang pampulitika sa mga partikular na usapin at proseso, sa gabay ng Programa ng Demokratikong Rebolusyong Bayan, sa pamamagitan ng pagsasalang ng mga datos at sirkunstanya sa makauring pagsusuri, at pagtukoy ng mga prinsipal at sekundaryong aspeto at sa gayo’y pagtukoy sa paraan ng pagkilos para maisulong ang rebolusyonaryong kilusan.

Ang Partido ay nagsasaliksik at naglalabas ng mga publikasyon hinggil sa mga usaping lokal at pandaigdig. Ang mga kasinungalingang araw-araw na hinahabi ng mga reaksyunaryo ay inilalantad, tinutuligsa at hinahamon. Maagap na pinalalaganap ang balita ng mga rebolusyonaryong pakikibaka at tagumpay. Iba’t ibang publikasyon ang inilalabas ng Komite Sentral, mga komite ng Partido sa rehiyon at iba’t ibang organisasyong masa. Ang mga ito’y inililimbag at inilalabas sa internet. Ang mga sangay ng Partido sa lokalidad ay nagtatayo ng gerilyang palimbagan para magparami ng kopya ng Ang Bayan at tiyaking makaaabot ang mga ito sa bawat kasapi ng Partido, Pulang mandirigma at mga aktibista. Ang mga lider at tagapagsalita ay sinasanay at humahalaw ng karanasan sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng mga isyu sa masa at pagpapahayag ng kanilang hinaing sa mga pulong masa.

Hinihikayat ng Partido ang masang anakpawis at ang panggitnang saray na magtayo ng mga hayag at lihim na organisasyong masa at itaguyod, depensahan at isulong ang pambansa at demokratikong karapatan at interes ng mamamayang Pilipino. Ang mga lihim na organisasyong masa ay nagkakaisa sa balangkas ng National Democratic Front at sumusuporta sa mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika.

Ang pangunahing organisassong masa ng Partido ay ang Bagong Hukbong Bayan. Kaiba ito sa iba pang organisasyong masa sa pagiging armado at pagsisilbing instrumento ng mamamayan para wasakin ang kapangyarihan ng reaksyunaryong estado at pagbibigay-daan sa pagtayo at pagsulong ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at kabuuan ng demokratikong estadong bayan.

Ang BHB ang nagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. May libu-libo itong malalakas na armas na tangan ng mga mandirigma nito at layon nitong paramihin ito tungong 25,000 upang abutin ang tarangkahan ng estratehikong pagkapatas sa loob ng ilang taon. Kumikilos ito sa mahigit 100 larangang gerilya at nagsisikap na paabutin ito sa 180 sa loob ng limang taon mula 2010 o sa mas mahabang panahon kung kinakailangan. May mga pagsisikap na alalayan ang mga nahuhuling rehiyon upang makasabay sila svpangkalahatang pagsulong.

Upang matupad ang estratehikong planong magbuo ng larangang gerilya sa bawat distritong kongresyunal, hinahati ng mga komite ng Partido sa rehiyon ang kanilang erya sa mga kumand sa prente at inter-larangan na hindi hinahati ang umiiral na lakas tauhan ng BHB o nilulusaw ang kumand sa rehiyon o inter-larangan at ang kanilang pwersang panghimpilan at panagupa. Para makapaghanda sa paglitaw ng bagong larangang gerilya, ang mga kadre ng Partido ay itinatalaga sa lugar upang maglunsad ng panlipunang pagsisiyasat at panimulang pag-oorganisa. Ang Partido at ang kilusang masa ay makapagpapalawak nang nauuna sa yunit ng BHB at kasunod nito’y makapagpapakat ang BHB ng mga sandatahang pangkat pampropaganda mula sa matatag nang larangang gerilya.

Ang Partido ay kasalukuyang nakatuon sa pagpapalakas ng namumunong komite at kumand ng BHB sa antas ng rehiyon, inter-larangan at larangang gerilya upang mapanghawakan ang inisyatiba sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba at pagbigo sa mga kampanya at operasyon ng kaaway. Bawat antas ay may sentro de grabidad (pwersang panghimpilan at panagupa) na may sapat na armadong lakas upang bigyang-proteksyon ang pamunuan ng Partido at kumand ng BHB at magdulot ng mga pamatay na bigwas sa mga yunit ng kaaway nang nagsasarili o sa tulong ng yunit ng BHB sa nakabababang antas.

Mabubuo ng Partido ang pambansang kumand sa operasyon (NOC o national operational command) ng BHB mula sa mga panrehiyong kumand sa operasyon. Ang mga ito ang pwedeng pagmulan ng mga upisyal na may matataas na kakayahan. Ang NOC ay maaaring bumase sa alinmang panrehiyong kumand at organisasyon sa anumang takdang panahon hanggang sa kayanin na nitong magtayo ng hiwalay na sentrong base sa isang relatibong estableng baseng lugar sa hinaharap.

Ang kasalukuyang modus operandi ng kaaway ay magkonsentra ng malalaking pwersa laban sa isang larangang gerilya sa iba’t ibang rehiyon sa loob ng mahabang panahon. Ang Southern Mindanao, Samar-Leyte at Negros ang pangunahing prayoridad para sa sustenidong atake ng kaaway gamit ang walo hanggang 12 batalyon kada rehiyon. Ang Bicol, Southern Tagalog, Central Luzon, Northeast Luzon at Northeast Mindanao ay sinasalakay naman ng anim hanggang sampung batalyon kada rehiyon.

Ginagamit ng mga pwersa ng BHB sa loob ng larangang gerilyang pinalilibutan ng kaaway ang taktika ng pagsasamantala sa malawak na puwang sa pagitan ng mga yunit ng kaaway upang makakilos mula sa interyor na linya tungo sa eksteryor na linya upang makapaglunsad ng mga taktikal na opensiba at malipol ang mahihinang bahagi ng pwersa ng kaaway. Nakapagdudulot ang BHB ng mga pamatay na dagok sa mga pwersa ng kaaway kahit nakakonsentra ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapatama sa kanilang mahihinang bahagi.

Sa labas ng isang larangang gerilyang inaatake ng kaaway, ang panrehiyon at panlarangang kumand ay makapaglulunsad ng taktikal na opensiba laban sa sumasalakay na pwersa ng kaaway o mga pwersa ng kaaway sa mga lugar na may kalayuan sa larangang gerilyang kinukubkob. Hindi mapipigilan ang mga taktikal na opensiba ng BHB dahil napakarami ng mahihinang bahagi ng kaaway na matutukoy at maaatake.

Hindi sapat ang armadong pwersa ng kaaway para sabay-sabay na i-target at palibutan ang lahat ng larangang gerilya. Kailanman piliin ng kaaway na magkonsentra sa ilang rehiyon o larangang gerilya sa isang panahon, ang BHB ay maaaring sumalakay sa ibang lugar laban sa mahihinang bahagi ng kaaway, maging ito man ay militar, pulisya, pwersang paramilitar o pribadong ahensyang panseguridad, ang maging mga pasilidad at linya ng suplay.

Nagsasagawa ng mga aksyong anihilatibo ang BHB bilang pangunahing taktika sa paglipol ng mga yunit ng kaaway upang makasamsam ng mga sandata para sa papalaking bilang ng mga yunit ng BHB. Nagkokonsentra ito ng pwersa upang maglunsad ng mga pagtambang laban sa mga tropa ng kaaway o mga reyd laban sa mahihinang detatsment o kampo, istasyon ng pulis maging mga sikretong armori ng mga pribadong ahensyang panseguridad.Inilulunsad ang mga aksyong atritibo upang magdulot ng pinsala sa kakayahang lumaban at moral ng kaaway. Ginagamit nito ang mga operasyong isnayp, zapper at paglalatag ng mga land mine at iba pang eksplosibo at pampaliyab (tulad ng sprayer o lighter ng sigarilyo). Isinasagawa ang mga aksyong mapanlansag sa pamamagitan ng propagandang nakatuon sa mga tropa ng kaaway at ng makataong pagtrato sa mga nabibihag.

Ginagamit ng BHB ang masinsin at malawak na pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa upang magtipon ng armadong lakas para sa regular na pakikidigmang makilos at sa pagtatatag ng mga relatibong estableng baseng erya sa hinaharap. Nagkokonsentra ito ng mas superyor na pwersa para lipulin ang isang yunit ng kaaway. Lumilipat ito upang kunin ang mas paborableng posisyon para salakayin ang mahihinang bahagi ng kaaway. Ikinakalat ang mga yunit nito upang gumampan ng gawaing masa kapag pinahihintulutan ng sitwasyon.

Tinitiyak ng Partido na ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ay nakasanib sa reporma sa lupa at pagbubuo ng baseng masa. Hindi magagapi ang BHB hangga’t nakikinabang ang masang magbubukid sa tunay na reporma sa lupa at nagsisilbing di natutuyong balon ng lakas ng BHB. Kasabay nito, napalalawak at napatitibay ang baseng masa sa pagbubuo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa.

Reporma sa lupa ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon. Ipinatutupad ito nang hakbang-hakbang, mula sa minimum hanggang sa maksimum na programa. Ang minimum na programa ay binubuo ng pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi sa usura, pagpapataas ng sahod, pagpapataas ng presyo ng produktong magsasaka, at pagpapaunlad ng produksyon sa agrikultura at ibang mapagkakakitaan sa pamamagitan ng mga batayang anyo ng pagtutulungan. Ang maksimum na programa ng kumpiskasyon at libreng pamamahagi ng lupa ay posible oras na magapi ang kapangyarihang pyudal.

Sa ilang rehiyon, laluna sa Mindanao, nakapaglunsad ang BHB ng mga signipikanteng opensiba laban sa mga empresang pagmimina, pagtotroso at plantasyon. Sa pambansang saklaw, layunin ng mga opensibang ito na patigilin at hadlangan ang pangangamkam ng lupa, pandarambong ng likas na yaman para sa eksport at pagwasak ng kalikasan at pagsasaka; at upang maparami ang lupaing sasaklawin ng reporma sa lupa, mapangalagaan ang likas na yaman at magamit nang mahusay ang mga ito para sa pambansang industriyalisasyon.

Walang kahihiyang ginamit ng rehimeng US-Arroyo ang reaksyunaryong armadong pwersa bilang gwardya ng mga empresa sa pagmimina, pagtotroso at plantasyon at hinikayat ang mga itong bumuo ng mas malalaking pribadong hukbo na tinatawag na “investment defense force.” Mainam na naoobliga ng BHB ang mga pwersa ng kaaway na matali sa paggugwardya at magbuo ng napakaraming kalat-kalat na hukbong pang-estado at pribado na sa kalaunan ay mapagkukunan ng armas para palawakin ang hanay ng BHB.

Mababawasan ang labis na gawain ng BHB kapag ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa sa pamumuno ng lokal na sangay ng Partido ay mapalalakas, wastong mapatatakbo at mapababalikat ng mas maraming tungkulin. Sa paggampan ng mga tungkulin sa pagtatanggol at produksyon, nababawasan ng mga milisyang bayan sa antas-baryo at ng mga yunit pandepensa-sa-sarili ng mga organisasyong masa ang bigat ng gawain ng BHB at nabibigyan sila ng mas mahabang panahon para sa pakikidigma, pulitiko-militar na pagsasanay, at iba pang tungkuling militar. Gayunpaman, minamantini ng hukbong bayan ang balanse ng mga tungkuling pangkombat at di-pangkombat (kabilang ang gawaing masa, laluna sa mga bagong erya.)

Ang linyang masa ay kinabibilangan ng pagtitiwala, pagsalalay at pagbibigay-kakayahan sa mamamayan na pangalagaan ang sariling kapakanan sa pamamagitan ng mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa sa ilalim ng pamumuno ng Partido. Ang mga komite na siyang mga organo ng kapangyarihang pampulitika ay sinusuportahan ng mga komiteng nangangasiwa sa edukasyong masa, pag-oorganisa, repormang agraryo, produksyon, kalusugan at kalinisan, pagtatanggol, arbitrasyon at gawaing pangkultura. Ang mga organisasyong masa ay pumupukaw at nagpapakilos sa mamamayan na sumabak sa mga kampanya para sa sariling pakinabang.

Sa pagbubuo ng gubyernong bayan mula sa antas-baryo at pataas, kinailangang patuloy na gapiin ng BHB ang mga pwersa ng kaaway at maglunsad ang masang magsasaka ng mga pakikibakang masa upang tibagin ang reaksyunaryong kapangyarihan sa mga lokalidad at patalsikin o mapilitang umalis ang mga talamak na reaksyunaryong upisyal na nang-aapi sa mamamayan at may mga utang na dugo. May lihim na katangian ang mas nakatataas na antas ng gubyernong bayan habang ang reaksyunaryong gubyerno’y umiiral at nakapambubuwis pa sa mamamayan.

Nilalapat ng Partido ang antipyudal na nagkakaisang prente sa kanayunan sa pagsandig pangunahin sa mga maralita at mababang panggitnang magsasaka, pakikipagkaibigan samayayamang magsasaka, pagsasamantala sa mga hidwaan sa pagitan ng mga panginoong maylupa, at paghihiwalay at paggapi sa mga despotikong panginoong maylupa. Pundasyon ng pambansang nagkakaisang prente ang antipyudal na nagkakaisang prente. Tinitiyak ng Partido na pangunahing nagsisilbi sa armadong pakikibaka ang patakaran ng nagkakaisang prente, laluna sa pamamagitan ng National Democratic Front. Kasabay nito, ang patakarang ito ay panghikayat sa pag-unlad ng mga patriyotiko at progresibong pwersa sa mga ligal na kilusang masa. Napakahalaga ng mga ito sa pagpapalaganap ng sigaw ng bayan para sa pundamental na mga pagbabago tungo sa pambansa at panlipunang kalayaan.

Anu’t anuman, ang patakaran at mga taktika ng nagkakaisang prente ay may layong pukawin, pakilusin at organisahin ang milyun-milyong masa. Upang mapanatili ang patriyotiko at progresibong katangian ng nagkakaisang prente, pinamumunuan ng Partido sa prinsipyo at wastong pamamaraan ang lahat ng posibleng kombinasyon ng mga pwersa sa anda-andanang mga alyansa, tulad ng batayang alyansa ng manggagawa at magsasaka, ng progresibong alyansa ng masang anakpawis at petiburges sa kalunsuran, ng patriyotikong pakikipag-alyansa sa pambansang burgesya, at ng mabuway na pakikipag-alyansa sa alinmang seksyon ng reaksyunaryong uri na nakikipagkaisa laban sa kaaway.

Sa pamamagitan ng nagkakaisang prente, naipapahayag at naaaksyunan ng malakihang bilang ng mamamayan ang mga usaping lumilitaw sa pakikibaka ng bayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Ang bayan ay pinagkakaisa at pinakikilos sa pagtataguyod ng pambansang kasarinlan at integridad panteritoryo laban sa mga imperyalista, pagtatanggol at pagtataguyod sa karapatang-tao laban sa terorismo at panunupil ng estado, pagtuligsa sa korapsyon at pagpapatalsik ng mga korap at mapanupil na upisyal ng gubyerno. Nahiwalay at napatalsik sina Marcos at Estrada dahil sa paglalapat ng Partido ng patakarang nagkakaisang prente. Nakatutok ngayon ang patakarang ito laban sa papet, korap, mapagsamantala, brutal at mapalinlang na rehimen ni Aquino.

Kaugnay ng nagkakaisang prente ang pakikipagnegosasyong pangkapayapaan. Nabibilang dito ang pagpapalaganap ng programa ng demokratikong rebolusyong bayan at ang paglalantad sa publiko ng reaksyon ng reaksyunaryong gubyerno sa sigaw para sa mga batayang reporma at sa alok ng tigil-putukan at alyansa o kooperasyon laban sa imperyalismo at pinakamasasahol na anyo ng lokal na reaksyon.

Ang hayaan ang reaksyunaryong eleksyon sa anumang antas ay kaugnay din ng nagkakaisang prente. Nakapaloob dito and pagpapaunlad ng pakikipagtulungan sa mga patriyotiko at progresibong kandidato at grupo at paghikayat sa kanilang labanan ang mga pinakasagadsaring reaksyunaryo sa loob ng reaksyunaryong gubyerno at gawin ang lahat ng kanilang makakaya na tumulong sa pagtibag sa naghaharing reaksyunaryong sistema.

Ang Partido ay palagiang tumatalima sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Ito ay ang sentralisadong pamumunong nakabatay sa demokrasya at demokrasyang pinapatnubayan ng sentralismo. Itinataguyod nito kapwa ang disiplina at demokrasya. Palagian itong nakabantay laban sa burukratismo at ultrademokrasya. Ipinatutupad nito ang pagpuna at pagpuna-sa-sarili sa mga usaping pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon.

Mabilis na lumaki ang kasapian ng Partido sa tulak ng estratehikong planong iabante ang digmang bayan mula sa estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas at ng wastong pagpapatupad ng mga probisyon ng Konstitusyon ng Partido hinggil sa pagpapasapi.

Ang mga aktibista sa unyon at sa mga organisasyong masa ng mga magsasaka, mangingisda, kababaihan, kabataan, propesyunal at iba pang sektor ay nagiging kandidatong kasapi ng Partido sa pagtanggap nila ng Konstitusyon at Programa ng Partido at pag-aplay sa Partido. Ang mga dahilan ng pagtigil o pagbagal ng paglawak ng kasapian ng Partido ay hinaharap at iwinawasto.

Maramihang nirerekrut ang mga aktibistang masa at maagap silang binibigyan ng batayang edukasyon ng Partido sa loob ng panahon ng pagiging kandidato na itinatakda ng Konstitusyon ng Partido. Iwinawasto na ang kapabayaan sa batayang tungkulin sa pagrerekluta at edukasyon ng Partido, ang kapalaluan sa pagtatakda ng mga pamantayang mas mataas sa hinihingi ng konstitusyon ng Partido at ang kakulangan ng pagtitiwala sa mga aktibistang masa.

Ang panahon ng pagiging kandidato ng mga manggagawa, magbubukid, mangingisda at ibang maralita ay anim na buwan; para sa mga petiburges ng kalunsuran, isang taon; at para sa iba pang uri, dalawang taon. Upang maging ganap na kasapi ng Partido, tatapusin ng kandidatong kasapi ang batayang kurso ng Partido at sasanib sa batayang yunit ng Partido.

Ang patakaran ng Partido ay magrekluta ng mga kasapi ng Partido pangunahin mula sa aktibistang masa at mapangahas na magpalawak ng kasapian ng Partido nang hindi nagpapapasok ng kahit isang di maaasahan. Ang paglawak ng kasapian ng Partido ay itinutulak ng umiigting na rebolusyonaryong pakikikaba at ng napakalalaking tungkuling dapat isabalikat ng mga kadre at kasapian ng Partido sa paglilingkod sa bayan at sa pagsusulong ng rebolusyon.

Ang Partido ngayon ay nakatayo sa halos lahat ng prubinsya sa bansa. Nauuna itong mabuo kaysa sa Bagong Hukbong Bayan. Lumalawak ito kasabay ng kilusang masa. Hinahawan nito ang daan para sa pagsulong ng hukbong bayan na pinamumunuan at kinapapalooban nito bilang bag-as. Yumayabong ang Partido hindi lamang sa hanay ng mga Pulang kumander at mandirigma kundi maging sa higit na mas malaking bilang ng mga aktibista sa mga organisasyon ng masang anakpawis at petiburgesya sa kalunsuran.

IV. Buong tatag at buong tapang na lumaban para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya


Dapat tayong lumaban ng buong tatag at buong tapang para sa kalayaan laban sa mapang-api at mapagsamantalang rehimeng US-Aquino. Dapat nating gapiin ang mga kampanya ng pandarahas at panlilinlang nito. Tiwala tayong magwawagi dahil ang kasalukuyang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ang lokal na naghaharing sistema ay nagbubunsod ng napakapaborableng mga kundisyon para sa rebolusyonaryong pakikibaka . Madaling ilantad at ihiwalay ang rehimeng ito dahil sa mga patakaran at kilos nitong antinasyunal at antidemokratiko.

Dapat ganap nating biguin ang estratehikong plano ng rehimeng US-Aquino na wasakin ang rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan at ipreserba ang naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa sa ilalim ng hegemonya ng imperyalismong US. Ang bukambibig ng rehimen sa usapang pangkayapaan ay isa lamang maliit na bahagi ng kampanya ng panlilinlang ng rehimen na katugma sa pangunahing kampanya ng panunupil militar sa ilalim ng Oplan Bayanihan.

Dapat nating ipagwagi ang kagyat na pakikibaka laban sa reaksyunaryong papet na rehimen upang palakasin ang ating mga rebolusyonaryong pwersa para sa matagalang pakikibaka na ibagsak ang buong naghaharing sistema. Dapat tayong magpursige sa katuparan ng estratehikong plano na isulong ang digmang bayan mula estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas.

1Dapat nating ibayong palakasin ang Partido bilang pinakaabanteng destakamento ng rebolusyonaryong proletaryado at bilang namumunong pwersa sa demokratikong rebolusyong bayan. Dapat nating palaganapin ang Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang gabay sa rebolusyong Pilipino. Dapat nating ilapat ang teoryang ito sa kasaysayan at kasalukuyang sirkunstansya ng daigdig at ng Pilipinas.

Dapat nating gamitin ang teorya upang ipaliwanag ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng lokal na naghaharing sistema, tanglawan ang landas ng rebolusyong pinamumunuan ng uring manggagawa at iangat ang ating rebolusyonaryong kamulatan at pakikibaka. Dapat nating ilantad ang mga ugat ng pagkaatrasado ng ating bansa at ang pagdarahop at pagdurusa ng sambayanan at itakda ang rebolusyonaryong daan na dapat bagtasin upang maisulong ang adhikain para sa pambansa at panlipunang paglaya.

Dapat nating tiyakin na lahat ng kandidatong kasapi ng Partido ay makapag-aaral ng batayang kurso na pangunahi’y hinggil sa lipunang Pilipino upang maging mga ganap na kasapi ng Partido sa loob ng takdang panahon ng pagiging kandidato. Kahit sa ganitong batayang antas, yaong mga kumukuha ng kurso ay dapat magkaroon ng pagkabatid o ng panimulang pag-unawa kung paano inilalapat ang materyalismong diyalektiko at pagsusuri sa uri sa kasaysayan ng Pilipinas at kasalukyang panlipunang kalagayan at sa pagbuo ng pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan.

Pagkaraa’y dapat mapag-aralan ng mga kasapi ng Partido ang intermedyang kurso ng Partido upang higit na matutunan ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas sa pagkumpara nito sa iba pang rebolusyon sa ilalim ng pamumuno ng proletaryado. Gayundin, dapat nilang pag-aralan ang abanteng kurso ng Partido upang pag-aralan ang Marxista-Leninista-Maositang pilosopiya, ekonomyang pampulitika, syensyang panlipunan, estratehiya at taktika at ang kasaysayan ng pandaigdigang kilusang komunista.

Dapat nating maunawaan kung paano sinasalanta ng monopolyo kapitalismo ang buhay ng mga manggagawa, paano lumitaw ang sosyalismo sa daigdig, paano ito pinagtaksilan at pinagibabawan ng modernong rebisyunismo at paano ito muling bumangon mula sa kundisyon ng krisis na dulot ng monopolyo kapitalismo at mula sa pagpupunyagi ng proletaryado at mamamayan sa kanilang rebolusyonaryong pakikibaka.

Ang lahat ng organo at yunit ng Partido ay dapat magsikap na ilapat ang kanilang natutunan sa pag-aaral ng teorya at praktika at masugid na ipatupad ang mga patakaran at desisyon ng Komite Sentral. Dapat nilang lagumin ang kanilang mga karanasan at magsagawa ng pagpuna at pagpuna-sa-sarili upang iwasto at pangibabawan ang mga pagkakamali at kahinaan at upang paunlarin ang kanilang gawain at estilo ng paggawa upang isulong ang pakikibaka laban sa mga kaaway ng bayan.

Dapat paunlarin at palaganapin ang mga espesyal na pag-aaral hinggil sa teoryang militar; estratehiya at taktika ng digmang bayan batay sa palalagom ng ating mga karanasan, mga patakaran at direktiba ng Partido; paalong pagsusulong ng rebolusyong agraryo, gawaing nagkakaisang prente, demokratikong kilusang masa, rebolusyonaryong gawain sa loob ng reaksyunaryong parlamento at estilo at pamamaraan ng pamumuno ng mga komite ng Partido. Ang mga panteorya at panggawaing kumperensya ay dapat organisahin sa iba’t ibang antas upang hikayatin ang sistematikong pag-aaral at talakayan ng mga usaping teoretikal at praktikal, pasiglahin ang palitan ng karanasan at mga pananaw at bigyang-daan ang pagkakaisa ng Partido hinggil sa mga patakaran at taktika.

Ang pagbaka sa suhetibismo ay nangangailangan ng tuluy-tuloy na pagbabantay sa dogmatismo at empirisismo. Subalit sa ngayon ay dapat nating bigyan ng partikular na pansin ang agos ng empirisismo at ang kaugnay na maling tendensya ng kanang oportunismo sa pulitika, konserbatismo sa kondukta ng armadong pakikibaka at ultra-demokrasya at liberalismo sa mga usaping pang-organisasyon. Ang manipestasyon ng empirisismo ay kinabibilangan ng pagiging makitid at mababaw, sa halip na komprehensibo at kongkretong pag-unawa sa mga usapin at pangyayari; labis na pagkahirati sa pangkagyatan at panandalian habang nagpapabaya sa mga saligan at pangmatagalang usapin; pagpapabaya sa edukasyong teoretikal at pampulitika; pagkakasya sa mababang antas, maliitan, kalat-kalat at di lumalaking mga organisasyon at pagpapakilos sa masa; gerilyaismo sa ilang yunit ng BHB; pagiging pasibo sa usaping militar sa ilang yunit ng BHB at larangang gerilya; labis na pagsalalay sa di maaasahang alyadong taktikal; pagdadalawang-isip sa rebolusyonaryong dalawahang-taktika sa loob ng mga reaksyunaryong institusyon at mga proseso; kaisipang baseng-bundok ng ilang yunit gerilya; labis na pagpapabaya sa sistema ng pag-uulat ng Partido; ultra-demokrasya at kaisipang grupo-grupo sa organisasyon ng Partido.

2Dapat nating ipursige ang pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng digmang bayan. Tumutugon ang linyang ito sa malakolonyal at malapyudal na katangian ng naghaharing sistema sa Pilipinas, na pinananatili ng dahas upang pagsamantalahan at apihin ang mamamayan. Upang maibagsak ang sistemang ito, dapat nating pukawin, organisahin at pakilusin ang mamamayan sa kanilang milyon at buuin ang pampulitikang lakas ng Partido, ng Bagong Hukbong Bayan at ng National Democratic Front para sa pagpapabagsak sa reaksyunaryong estado at sa pagtatayo ng demokratikong estado ng sambayanan.

Dapat pamunuan ng Partido ang BHB upang labanan at gapiin ang armadong pwersa ng reaksyunaryong estado. Dapat biguin ng BHB ang Oplan Bayanihan at makapanaig dito sa pamamagitan ng mas madalas na mga taktikal na opensiba sa malawakang antas. Sa proseso, dapat tayong makasamsam ng mas maraming sandata mula sa kaaway at paramihin ang mga panlabang yunit ng BHB. Dapat umabot ang armadong lakas ng BHB sa 25,000 upang makasulong mula sa estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas.

Dapat paunlarin ng Partido ang pambansang kumand sa operasyon, pati na ang mga kumand na interrehiyunal, rehiyunal, prubinsyal at inter-larangan upang palakasin ang pagpaplano at koordinasyon sa iba’t ibang angkop na antas at gayo’y paramihin ang panggagalingan ng inisyatiba para labanan at gapiin ang mga kampanya ng kaaway na nagkokonsentra sa ilang rehiyon at ilang larangang gerilya sa pagtatangkang wasakin ang mga ito. Maaaring ang anyo ng mga inisyatibang ito ay mga kontra-atake sa yunit ng kaaway na kumukubkob sa anumang larangang gerilya o nagsasagawa ng mga opensiba sa mga lugar kung saan mahina at bulnerable ang mga pwersa ng kaaway.

Ang pagpaplano at koordinasyon sa antas rehiyon at inter-rehiyon ay makapagpapabilis din ng pagpapalakas ng pakikidigmang gerilya sa lahat ng estrateikong lugar upang lubos na magamit ang buong haba at lapad ng kapuluan para sa pagpapaigting ng pakikidigmang gerilya.

Higit na atensyon at pagsisikap ang dapat ibuhos sa pagbubuo ng mga milisyang bayan. Ang mga ito’y esensyal sa pagsusulong ng malawak at masinsing pakikidigmang gerilya at tuwiran itong nakatutulong sa paglaki at paglakas ng hukbong bayan. Ang mga kadre at espesyal na yunit na nakatutok sa pagbubuo, pagsasanay at pangangasiwa ng mga yunit ng milisyang bayan ay dapat ipakat sa antas ng larangan, inter-larangan at rehiyon.Dapat maglunsad ang BHB ng maigting at malaganap na pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa. Ang akumulasyon ng mga tagumpay ay tiyak na hahantong sa mas malalaki at mas laganap na mga operasyon ng BHB. Dapat isanib ang rebolusyonaryong armadong lakas sa reporma sa lupa at pagbubuo ng baseng masa. Dapat konsolidahin ang mga larangang gerilya sa pamamagitan ng pagtatayo at pagpapaunlad ng mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa.

Dapat itaguyod at pamunuan ng Partido ang nagkakaisang prente sa buong bansa kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Ang nagkaisang prente ay nakatuon sa pagtulong at pagpapalakas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka at ligal na mga pakikibakang masa. Dapat paunlarin ang iba’t ibang anyo ng mga alyansa. Ang layunin ay pukawin at pakilusin ang mamamayan sa kanilang milyon ayon sa linya ng demokratikong rebolusyong bayan.

Alinsunod sa estratehikong linya ng matagalang digmang bayan, ang antipyudal na nagkakaisang prente ang dapat nasa pundasyon ng pambansang nagkakaisang prente. Bahagi dito ang pagsalig ng Partido pangunahin sa mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid, pagkabig sa panggitnang magsasaka at pagkuha ng mapagkaibigang nyutralidad ng mayamang magsasaka at ang pagsamantala sa mga kontradiksyon sa hanay ng mga panginoong maylupa upang ihiwalay at gapiin ang kapangyarihan ng mga despotikong panginoong maylupa.

Dapat ibayong paunlarin ng Partido sa buong bansa ang saligang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka, ang progresibong alyansa ng masang anakpawis sa petiburgesyang lunsod, ang patriyotikong alyansa ng mga ito sa pambansang burgesya; at ang malawak na alyansa sa ilang seksyon ng naghaharing uri. Lahat ng anyo ng alyansa ay naglalayong pukawin, organisahin at pakilusin ang mamamayan upang ihiwalay at wasakin ang kapangyarihan ng kaaway.

Dapat palawakin at palakasin ang ligal na demokratikong kilusan ng mga manggagawa at iba pang maralitang lungsod, ng kabataang estudyante, maliliit na propesyunal at mga intelektwal at iba pang demokratikong sektor sa kalunsuran.Ang pang-ekonomya at pampulitikang pakikibaka ng mga manggagawa at iba pang progresibong pwersa ay dapat nagsasariling mapalawak at maisulong sa linyang anti-imperyalista, anti-pasista at anti-pyudal upang magsilbing malakas na tagapanguna ng malawak na kilusang protesta na kayang labanan at ihiwalay ang pinakamalalaki at pinakamalalang papet at reaksyunaryo sa poder at itulak ang isa-isang pagpuksa sa mga reaksyunaryo.

Dapat pasiglahin ang pambansa-demokratikong ahitasyon, propaganda at edukasyong pampulitika bilang saligang bahagi ng lahat ng kampanyang masa.

3Dapat itaguyod ng Partido ang prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Ibig sabihin, sentralisadong pamumuno batay sa demokrasya at demokrasyang pinapatnubayan ng sentralisadong pamumuno. Dapat itaguyod ng bawat kasapi ng Partido ang kolektibong interes at programa ng buong Partdo at ng rebolusyonaryong kilusan.

Sa anumang pagbobotohan, mananaig ang mayorya sa minorya. Nakapailalim ang nakababang organo sa nakatataas na organo. Dapat palakasin ng Partido ang mga namumunong komite sa iba’t ibang antas at dapat mamuno sa paggampan ng mga kinakailangang gawain para sa pagsusulong ng digmang bayan mula sa estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas.

Ang lahat ng mga organo ng Partido ay dapat sikaping ilapat ang nalalaman nila mula sa mga pag-aaral ng teorya at praktika at dapat buong siglang ipatupad ang mga patakaran at desisyon ng Komite Sentral. Dapat nilang lagumin at suriin ang kanilang karanasan at magdaos ng pagpuna at pagpuna-sa-sarili upang iwasto at mapangibabawan ang mga kamalian at pagkukulang at upang mapaunlad ang kanilang gawain at estilo ng paggawa para isulong ang pakikibaka laban mga kaaway ng sambayanan.

Dapat ibayong itaas ng Partido ang kasapian nito tungong 250,000 sa mga susunod na taon. Ito’y para mapamunuan ng Partido ang papalaking hukbong bayan, ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika, mga organisasyong masa at mga alyansa at gampanan ang samutsaring tipo ng gawain. Ang pagpapalawak ng kasapian ng Partido ay isang kagyat at esensyal na tungkulin upang isulong ang rebolusyon.

Dapat nauuna ang Partido sa hukbong bayan sa pagbubuo ng mga organisasyon ng Partido sa mga prubinsya, distrito at munisipalidad kung saan wala pang yunit ng hukbong bayan na kumikilos. Dapat bigyang-pansin ng Partido ang pagpapalwak kapwa sa kalunsuran at kanayunan at ang pamumuno sa kilusang masa.

Dapat hikayatin ang mga aktibista sa kilusang masa na sumapi ng Partido. Mula aplikasyon at pagtanggap, sila’y magiging kandidatong kasapi at dapat bigyan ng gawain at pag-aaral sa batayang kurso ng Partido. Bawat yunit ng Partido ay dapat akunin ang responsibilidad na maging ganap na kasapi ng Partido ang bawat kandidatong kasapi ng Partido na nirerekluta nito.

Dapat tayong magrekluta ng mga kasapi ng Partido pangunahin mula sa mulat at militanteng hanay ng masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka at mula sa kilusang masa ng mga kabataan. Kailangan natin ng mga nakapag-aral na kabataan, na may samutsaring kaalaman at kasanayang teknikal para gumampan ng rebolusyonaryong gawain sa iba’t ibang larangan ng panlipunang aktibidad at sa iba’t ibang organisasyon at institusyon.

Dapat nating paunlarin at sanayin ang libu-libong bago at nakababatang kadre upang palakasin ang pamunuan ng Partido sa lahat ng antas at iba’t ibang larangan ng rebolusyonaryong gawain. Kailangan natin ng mga kadreng may matatag na paggagap sa Marxismo-Leninismo-Maoismo, puspusan sa pagtataguyod ng linya ng Partido, masugid sa pag-aaral at paggawa, malapit sa masa, kayang tumindig nang nagsasarili, handang humarap sa mga kahirapan at sakripisyo, mapagkaisa sa ibang mga kasama, sumusunod sa disiplina at marunong magpuna sa sarili.

Kailangan ng malusog na sistema ng mga regular at espesyal na ulat at sistema ng koresponsal sa pagitan ng nakatataas at nakabababang organo ng Partido para tumakbo ng tama at maayos ang organisasyon ng Partido. Dapat magsumite ang nakabababang mga organo ng regular at espesyal na mga ulat at tiyaking palaging nabibigyang-impormasyon ang nakatataas na mga organo hinggil sa sitwasyon, pagsulong at mga problema sa kanilang rebolusyonaryong gawain at dapat humingi ng mga instruksyon at gabay upang tiyakin ang tagumpay sa pagsusulong ng mga plano, patakaran at desisyon ng Partido. Sa kabilang panig, dapat masugid ang mga nakatataas na organo sa pag-aaral ng mga ulat at pagbibigay ng napapanahong gabay sa nakabababang mga organo. Ang malubhang pagpapabaya sa pag-uulat ng mga nakabababang organo at pagkabigo ng nakatataas na organo na mag-alam at magbigay ng gabay sa nakabababang organo ay seryosong paglabag sa organisasyon at disiplina ng Partido.Desidido tayong labanan ang rehimeng US-Aquino at ang buong naghaharing sistema at gayon’y magkamit ng malalaking tagumpay sa demokratikong rebolusyong bayan. Tiwala tayong susulong tayo sa estratehikong pagkapatas ng digmang bayan mula sa yugto ng estratehikong depensiba, gaano man ito katagal.

Ang mahalaga ay gawin ang lahat ng posible at makakaya upang isulong ang rebolusyon sa bawat yugto tungo sa batayang pagkumpleto ng bagong demokratikong rebolusyon at sumulong sa pagsisimula ng sosyalistang rebolusyon. Komunismo ang ating ultimong layunin.