Pangingisay lamang ng bulok sistemang pang-ekonomya ang "paglago sa ekonomya" ni Aquino


Partido Komunista ng Pilipinas
Disyembre 05, 2012

Translation:

Itinatambol ni Benigno Aquino III, kasalukuyang punong ehekutibong upisyal ng naghihingalong malakolonyal at malapyudal sa sistema ng Pilipinas, ang 7.1% paglago ng gross domestic product ng Pilipinas para sa ikatlong kwarto na iniulat ng kanyang mga teknokrata noong Nobyembre 28.

Sa gitna ng lumalalang kundisyong sosyo-ekonomiko ng mamamayan, pinagsisikapang mabuti ni Aquino na papaniwalain ang mamamayan na ang ipinangako niyang "inclusive growth" (o ang pakikinabang umano ng mamamayan sa paglago ng ekonomya) ay abot-tanaw na sa layong ibsan ang galit ng mamamayan at masansala ang kanilang paglaban. Gayunpaman, palpak ang estadistika ng paglago ni Aquino upang buhayin ang mamamayan. Walang-walang indikasyon ng pag-unlad sa ekonomya.


Tulad ng dati, nakatutok ang patakarang pang-ekonomya ni Aquino sa pagganyak sa mga dayuhang pamumuhunan sa pamamagitan ng pagpapababa ng sahod at pagbibigay ng impraistrukturang pisikal at pinansyal sa mga malalaking dayuhang kapitalista. Patuloy na hinahadlangan ni Aquino ang lokal na paglago ng ekonomya at hinahadlangan ang katarungang panlipunan sa pamamagitang ng pagharang sa reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Patuloy na itinutuon ang lokal na produksyon, kapwa sa agrikultura at pagmamanupaktura, sa bumubulusok na pamilihang pang-eksport.

Ang estadistika ng paglago ng GDP ni Aquino ay walang iba kundi ang huling mga hininga ng naghihingalong sistemang pang-ekonomya. Ang landas sa ekonomya ni Aquino ay gayang-gaya niya sa tinahak din ng mga rehimeng Arroyo, Estrada, Ramos at iba pang nakaraang rehimen. Sa pagsunod sa mga pang-ekonomyang dikta ng mga imperaylista, lumalayo si Aquino at mga teknokrata niya sa tunay na pag-unlad ng industriya at modernisasyon ng agrikultura.

Bunsod pangunahin ang ipinagmamalaking 7.1 tantos ng paglago ng GDP sa ikatlong kwarto ng 24% paglaki sa gastos sa konstruksyon, karamihan para sa pagtatayo ng mga upisina, mga mall at pabahay. Ang sinasabing gastos sa konstruksyon ay batay sa ispekulasyon ng patuloy na paglaki ng mga business processing operations (mga call center) at paggastos ng mga konsyumer tulak ng remitans ng mga migranteng manggagawa. Aabot sa 2.2 milyong metro kwadrado ng mga upisina ang tayang itatayo hanggang 2015, kalakhan sa Quezon City, Makati, Mandaluyong at Maynila upang matugunan ang inaasahan pa lang na paglaki ng dayuhang business processing operations sa Pilipinas.

Maraming pagkakahalintulad ng "pag-unlad" na ito sa ispekulatibong aktibidad na nagtulak sa diumanong "economic growth" noong maagang bahagi ng 1990 sa ilalim ng rehimeng Ramos. Gayunpaman, noong 1997-98, sa pagbagsak ng real estate, naiwang tiwangwang ang maraming upisina at di tapos na mga subdibisyon na pinopondohan ng dayuhang pamumuhunan.

Bubwelta sa ekonomya ng Pilipinas ang gayong "paglago" na tulak ng mga call center at pagtatayo ng mga kondominyum sa mga darating na taon. Ang kasalukuyang paggigiit sa gubyerno ng US na pondohan ang in-sourcing (o pagbabalik sa US ng mga trabahong inilipat sa ibang bansa) ay nagbabadya ng pagbagsak ng mga lokal na call center. Daranasin nito ang kapalaran ng libu-libong mga iskwelahan para sa pagnanars na nagsulputan noong maagang bahagi ng 2000 na malao'y bumagsak kasabay ng pagliit ng pangangailangan sa mga nars at caregiver bago magtapos ang dekada.

Upang magkamit at masustine ang "paglago ng ekonomyang" tulak ng konstruksyon, hinahawan ng rehimeng Aquino ang malalawak na lupain sa National Capital Region sa pamamagitan ng pagdemolis sa mga komunidad ng mga maralitang lunsod.

Hindi nakatutulong ang "paglago ng ekonomya" ni Aquino upang iangat ang kalagayan ng mamamayan kahit panandalian lamang. Mula Hunyo hanggang Setyembre, kasabay ng "kagulat-gulat na paglago ng ekonomya," ipinakikita ng mismong datos ng gubyerno na tumataas pa ng 0.1% ang kawalang-hanapbuhay na nangangahulugan ng pagkawala ng trabaho ng humigit-kumulang sa 250,000 manggagawa.

Pawang manipulasyon ng datos ang estratehiya ni Aquino sa "paglikha ng trabaho". Sa pamamagitan ng pagbaluktot sa kahulugan ng pagkakaroon ng trabaho, "matagumpay" nitong naibaba ng tantos ng kawalang-hanapbuhay sa 6-7% mula sa humigit-kumulang 9-10% noong mga nakaraang taon.

Sa mga idependyenteng sarbey sa mga pwersang paggawa, di bababa sa 22% ang tantos ng kawalang-hanapbuhay--mas kapanipaniwala ito kung iisipin na 75% ng hanapbuhay na nalikha noong mga nakaraang tao ay partaym ang katangian. Halos 25% ng tinaguriang mga bagong trabaho ay klasipikadong "di bayad na hanapbuhay pampamilya." Masaklaw na kategorya ito upang palabasing may hanapbuhay yaong wala naman kung tutuusin na nagsisikap lamang na kumita sa pagtatayo ng maliliit na tindahan, kainan at iba pa. Iba pang masaklaw na kategorya ang underemployment (kakulangan sa trabaho) na naglilingid sa tunay na tindi ng kawalang-hanapbuhay, na umabot na sa 20%. Dahil sa matinding kakulangan sa trabahao, napupwersa ang mahigit 9 milyon Pilipino na magtrabaho sa ibang bansa bilang mga manggagawang kontraktwal.

Mahigit sa 40% ng mga walang hanapbuhay ay mga nakatuntong ng kolehiyo, na malinaw na nagpapakita ng tindi ng pagkaaksaya ng kasanayan at kaalaman na maaari sanang mapakinabangan ng lokal na ekonomya dahil sa pagkabigo ng reaksyunaryong estado na magpatupad ng modenisasyon sa ekonomya.

Hindi mapagtatakpan ng mga pinalobong datos ng paglago ng ekonomya ni Aquino ang katotohanang nananatiling agraryo at atrasado sa saligan ang ekonomya ng Pilipinas. Krisis at istagnasyon ang pangunahin nitong  tunguhin.

Walang layuning pang-ekonomya at kapasyahang pulitikal ang reaksyunaryong estado sa Pilipinas na paunlarin ang lokal na produktibong pwersa at gawing moderno ang ekonomya. Taliwas sa katangian ng mga naghaharing uring malalaking panginoong maylupa at burgesya kumprador na paunlarin ang lokal na ekonomya bilang independyente at progresibong ekonomya.

Ang modernisasyon at pagsulong ng ekonomya ay makakamit lamang sa pagbaklas ng pyudal na monopolyo sa lupa sa pamamagitan ng tunay ay puspusang reporma sa lupa at pagwawakas sa pagsalalay sa dayong pamumuhunan at pagpapasok ng dayong kapital sa pamamagitan ng komprehensibong programa para sa pambansang industriyalisasyon.

Yao'y maisasakatuparan lamang ng isang rebolusyonaryong demokratikong gubyernong bayan na determinadong bagtasin ang daan ng pambansa at panlipunang paglaya.