Sa pakikidalamhati at pagsimpatya sa mga biktima ng bagyong Pablo, ang NDFP-Mindanao ay nagdedeklara ng 29-araw na unilateral na tigil-putukan


Jorge Madlos (Ka Oris)
NDF Mindanao Chapter
December 05, 2012

Translation: In deference to the victims of typhoon Pablo NDFP-Mindanao declares a 29-day unilateral ceasefire; condemns imperialism, local ruling elite for environmental plunder and climate change

Nakikidalamhati ang NDF-Mindanao kapwa sa mga pamilya ng mga biktima at mga nakaligtas sa bagyong Pablo, laluna ang mamamayan na pinakamatinding tinamaan sa biglaang pagbaha at pagguho ng lupa sa Davao Oriental, Compostela Valley, Surigao del Sur, at malaking bahagi ng Mindanao, kabilang din ang Palawan at bahagi ng Kabisayaan. Nais din naming ipaabot ang aming pakikisimpatya sa mga nagdadalamhating pamilya at kaibigan ng mga sundalo ng AFP na namatay nang maanod sila sa maputik na baha sa New Bataan sa prubinsya ng Compostela Valley.

Bunga ng bagyong Pablo, umabot sa 400 ang namatay sa Mindanao, ayon sa pinakahuling pagtaya, at mabilis na umaakyat ito tungong 500. Libu-libo rin ang nasugatan at daan-daan pa ang nawawala. Ang pinsala sa mga pananim ay tinatayang umaabot na sa P1.8 bilyon sa Davao del Norte pa lamang at P4 bilyon sa iba pa, bagay na nag-iwan ng libu-libong magsasakang lubhang nagdurusa at namimighati. Binaha rin ang mga syudad kung saan marami ang namatay, habang libu-lubo ang napilitang iwan ang kanilang mga nangawasak na bahay.

Bilang tugon matinding sakunang ito, at sa ngalan ng mga rebolusyonaryong pwersa, ang NDFP-Mindanao ay nagdedeklara ng unilateral na tigil-putukan para sa BHB sa mga eryang apektado ng kalamidad upang maging ligtas, walang sagabal at mabilis ang pagsalba sa mga biktima, at para maidaos ang mabilis at walang sagkang paghahatid ng serbisyong relief sa mga apektadong komunidad. Ang tigil-putukang ito ay kagyat na ipatutupad mula alas-12 ng tanghali ng Disyembre 5 hanggang alas-12 ng tanghali ng Enero 3, 2013, at maaaring palawigin pa kung kinakailangan, depende sa magiging resulta ng pagtatasa sa kondukta ng tigil-putukan.

Alinsunod sa pakikipagkonsultasyon sa Komisyon sa Mindanao ng Partido Komunista ng Pilipinas at sa mga kinauukulang kumand ng BHB sa mga apektadong erya, ang lahat ng yunit ng BHB na saklaw ng deklarasyon ng tigil-putukan ay inaatasang huwag maglunsad ng taktikal na opensiba sa loob ng mga itinakdang petsa. Ganunpaman, nananawagan kami sa AFP-PNP-CAFGU na huwag gamitin ang mga operasyon sa pagliligtas, pagkuha ng mga patay, pamamahagi ng relief, rehabilitasyon ng mga nasalantang komunidad at paglulunsad ng COPD bilang panakip sa kanilang mga operasyong militar laban sa BHB at sa mamamayan sa erya. Sa gayong kalagayan, ang lahat ng yunit ng BHB ay may karapatang magtanggol sa sarili at sa mamamayang matinding naghihirap na dahil sa kalamidad.

Kung pinahihintulutan ng kalagayang panseguridad at ng kanilang mga rekurso, nananawagan din kami sa lahat ng yunit ng BHB sa mga apektadong erya na tumulong sa pagliligtas ng mga biktima, pagkuha ng mga patay, pamamahagi ng tulong at pagkumpuni ng mga nasira. Gayundin, nananawagan kami sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa at mamamayan na mag-ipon ng ayuda para maipakita nating muli ang ating malasakit sa mga biktima. Iginigiit namin na dapat umako ng sapat-sapat na bahagi ng gastos para sa relief at rehabilitasyon ang lahat ng malalaking kumpanya sa pagmimina, pagtotroso at plantasyon.

Ang pinakamalaking pinsalang may pangmatagalang epekto, na maaaring hindi agad mapansin, ay ang pagkakawasak ng bagyong Pablo sa daan-daan libong ektarya ng nalalabing kagubatan sa Southern at Northern Mindanao. Ang pinsalang ito ay resulta ng malaking pagbabago sa klima, na nilikha ng di na mababawing pinsala sa kapaligiran ng buong daigdig ng mga imperyalistang minahan, trosohan at plantasyong agribisnes. Sa kabilang banda, bunga rin ito ng sobrang pag-init ng mundo dahil sa labis na pagbuga ng carbon sa hangin dahil sa walang tigil na pagkonsumo ng mga imperyalistang bansa ng fossil fuel sa ngalan ng sobra-sobrang tubo. Ngayong nahawan na ang natitirang makapal na kagubatan, asahan natin ang maraming negatibong epekto sa ating kalikasan na maaaring humantong sa mas madadalas at mas malalakas na bagyo sa hinaharap, kabilang na ang posibilidad ng mas matagalang La Niña at El Niño.

Ang pamahalaang Aquino ay hindi pa talaga natututo mula sa mapapait na aral ng bagyong Sendong, ng biglaang pagbaha sa Ormoc, at ng iba pang kahalintulad na kalamidad na natural at gawa ng tao. Buong yabang nitong sinabi na handa ito sa anumang sakuna, pero ang totoo, grabe ang pagpapabaya nito sa mamamayan sa kabiguan nitong protektahan sila laban sa mga natural na kalamidad.

Grabeng tinamaan ang mga bayan ng Baganga, Cateel at Boston sa Davao Oriental; New Bataan at Monkayo sa Compostela Valley; at Lingig at Hinatuan sa Surigao del Sur. Ito ang kinalalagyan ng malalawak na plantasyon na pag-aari ng Dole at Sumifru, at malalaking minahan tulad ng Indo-Phil. Ang Diwata Mountain Range na nagdudugtong sa mga bayang ito, ay nawasak na sa loob ng nakaraang 50 taon dahil sa malawakang pagtotroso ng imperyalistang US at Hapon, kakutsaba ang mga lokal na malalaking burgesya-kumprador tulad nina Valderrama, Alcantara at Andres Soriano ng PICOP.

Ilang araw bago ang pagtama ng bagyong Pablo, pikon na sinabi ni Noynoy Aquino na “hindi ito biro,” nang hindi agad magbakwit ang mamamayan. Pero sa halip na sisihin ang mamamayan, dapat bawiin niya ang maluwag na patakaran sa pagmimina, pagtotroso at plantasyong agribisnes. Sa pagpasa sa EO 79 at makaisang-panig na Mining Act of 1995, nabunyag ang pakikipagkutsaba ng gubyernong Aquino sa mga dayuhang monopolyo kapitalistang kumpanya sa kapinsalaan ng mamamayan (na sinabi niyang kanyang paglilingkuran) at ng tahahan ng lahat ng mga mamamayan ng daigdig.

Noong nakaraang mga dekada, ang Davao at Bukidnon ay bihirang-bihirang tamaan ng bagyo. Pero sa tulak ng walang kabusugang kahayukan sa sobra-sobrang tubo, ang mga imperyalista at lokal na naghaharing uri ay nagkutsaba sa paglikha ng kalagayang nakapagpabago sa klima ng mundo. Kaya nananawagan kami sa mamamayang Pilipino na palakasin ang kilusan sa pagpapatigil ngayon din ng imperyalistang pagmimina, pagtotroso at plantasyong agribisnes. Dapat magkaisa ang mamamayan ng daigdig sa pagpapatigil sa mga imperyalista sa pagpapainit ng ating planeta. Dapat tayong magpakatatag at kumilos na ngayon bago mawalan ng saysay ang lahat, bago pa humambalos ang mga unos na mas malakas pa sa bagyong Pablo at hurricane Sandy na tumama sa New York City, USA, at bago tayo mawalang lahat nang tuluyan.

Magkaisa at iligtas ang kalikasan! Magkaisa at makibaka laban sa malawakang pandarambong ng mga imperyalista at lokal na naghaharing uri sa ating likas na kayamanan!