Ilantad ang lambat na pulitiko-kriminal sa likod ng rubout sa Quezon


Partido Komunista ng Pilipinas
Enero 15, 2012

Translation: Expose with the politico-criminal web behind the Quezon rubout

Sa simula pa lamang, kitang-kita nang wala talagang gantihan ng putok sa pagpamatay sa pinunong kriminal na si Victorino Siman Atienza Jr. ("VicSiman") at sa 12 iba pa sa isang tsekpoynt ng pulis-militar sa Atimonan, Quezon noong Enero 6. Sa nakaraang ilang araw, lumilinaw na isinagawa ang rubout kaugnay ng ribalan sa pagitan ng dalawang sindikatong kriminal hinggil sa kontrol at ekspansyon ng operasyon ng jeuteng sa Southern Luzon.

Ibayong inilalantad ng rubout sa Quezon ang malawak na lambat na pulitiko-kriminal na may mga galamay hanggang sa mga susing upisyal ng gubyernong Aquino. Pinatatampok nito ang katotohanang ginagamit ng magkakaribal na sindikato ang mga pulisya at militar, kabilang ang matataas na upisyal nito upang isulong ang kani-kanilang kriminal na interes.

Bahagi ang grupo ni VicSiman sa operasyon ng jueteng ng grupo ni Rosario "Charing" Magbuhos hanggang kumalas siya kay Magbuhos bago ang 2010. Nagawa niyang makontrol ang operasyon ng jueteng sa Southern Luzon sa pamamagitan ng mga upisyal ng pulisya at militar na palaging bumibisita sa kanyang Pink Star nightclub at resort sa Calamba, Laguna. Napatay siya kasama ng isang superintendent ng pulisya, dalawang pang upisyal ng pulisya, dalawang elemento ng Air Force na aktibo sa serbisyo at ilan pang kamag-anak at mga kaibigan. Naiulat na ibinibyahe nila ang P100 milyon nang sila ay ambusin.

Isinagawa ang ambus kay VicSiman ng grupong pulis-militar na pinamumunuan ni Supt. Hansel Marantan, hepe ng Regional Special Operations Group (RSOG) sa ilalim ng tanggapan ng Calabarzon Regional Police Office. Si Marantan ay kapatid ni Cenan "Tita" Dinglasan, na namumuno sa bagitong sindikatong kriminal na nagpapatakbo ng mga pwesto ng Small Town Lottery (STL) ng gubyerno sa Laguna. Kilalang-kila ang mga operasyon ng STL bilang prente para sa operasyon ng jueteng. Bantog sa kasamaan si Marantan bilang upisyal ng pulisya na may kaugnayan sa operasyon ng jueteng at carnapping. Sangkot siya sa di bababa sa tatlong insidente ng rubout simula pa noong 2005 na nagresulta sa pagkamatay ng di bababa sa 40 pinaghihinalaang mga kriminal na elemento.

Gayunpaman, ang pasyang agawin ang jueteng at kriminal na operasyon sa Southern Luzon sa paraang marahas at istilong-gang ay lampas sa pagpapasya ng isang bagitong grupong kriminal. Magagawa lamang ito kung may basbas, o awtorisasyon, ng matataas na pambansang upisyal.

Galamay lamang sina Dinglasan at Marantan ng pambansang network ng jueteng at pasugalan na regular na nag-eentrega ng perang suhol sa Malacañang at sa matataas na upisyal ng militar at pulisya. Gayundi'y, umaakto silang kingmaker (tagaluklok ng magiging pinuno sa gubyerno), nagsisilbing tagapondo sa eleksyon ng mga kandidatong lokal at pambansa kapalit ng proteksyong pulitikal, pulis at militar.

Ito rin ang network na nagbibigay ng suhol sa dating presidenteng si Joseph Estrada. Ang pagkalantad ng suhol mula sa jueteng ay nagpasiklab ng pambansang galit at humantong sa pagpapatalsik sa kanya noong 2001. Parehong ntework din itong kinandili ni Gloria Arroyo nang siya'y maluklok sa Malacañang. Lantad na lantad ang mahigpit na ugnayan ni Arroyo sa mga nagpapatakbo ng jueteng sa Central Luzon na sina Macario "Bong" Pineda at ang asawa nitong si Lilia "Baby" Pineda.

Lumilitaw na ang rubout sa grupo ni VicSiman ay isang operasyong hinayaan o suportado ng pulitikal na mga naghaharing elitista ni Aqunino. Bilang upisyal sa paniktik ng PNP Calabarzon, nasa ilalim ng kumand ni Police Director James Malad, hepe ng PNP Calabrazon, si Marantan. Kasama rin niya si Supt. Glenn Dumlao, pinuno ng Calabarzon Public Safety Battalion na nagpakana ng operasyon sa grupo ni VicSiman na tinaguriang "Coplan Armado". Inamin ng Malacañang na alam nito ang tungkol sa Coplan Armado batay sa isang panukalang isinumite nina Marantan at Dumlao na humihingi ng dagdag na pondo para sa proyekto sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Pinamumunuan ni Paquito Ochoa, Executive Secretary ni Aquino, ang PAOCC. Upang hindi madawit sa anumang maaring lumitaw na kontrobersiya ang Malacañang, hindi upisyal na nagbigay ng pondo ang PAOCC para sa proyekto ngunit hindi rin ito sinansala bilang plano ng PNP sa panrehiyong antas.

Bantog sa kasamaan sina Dumlao at Melad dahil sa kanilang ugnayan sa dating hepe ng pulisya na si Panfilo Lacson, isa na ngayong senador at malapit na kaalyado sa pulitika ng rehimeng Aquino. Isa si Melad sa mga upisyal ng pulisya na sangkot sa ekstrahudisyal na pamamaslang sa 11 myembro ng sindikatong kriminal na Kuratong Baleleng noong 1995 maging sa kasunod na pagpatay sa mga testigo sa kaso. Sa kabilang banda, sangkot naman si Dumlao sa pagdukot at pagpatay noong 2001 sa publisistang si Bubby Dacer at sa drayber nitong si Emmanuel Corbito, pinaniniwalaang pakana rin ni Lacson matapos ang paglalantad ni Dacer ng kuha sa bidyo ng presidente noong si Estrada na nakikipag-inuman sa mga kilalang gambling lord at mga personahe ng sindikato.

Nagtago kapwa si Lacson at Dumlao. Sa kabila ng lakas ng ebidensya at ng malawak na galit na pinasiklab minsan ng kaso, ibinasura rin ito sa ilalim ni Aquino. Muling lumitaw sina Lacson at Dumlao sa tuloing ng mga tauhan ni Aquino. Muling ibinalik sa trabaho si Dumlao at itinalaga sa PNP-Calabarzon habang nakabalik naman sa Senado si Lacson.

Ang masingsing lambat na ito na nag-uugnay sa naghaharing sa reaksyunaryong pulitika at sa mga upisyal ng pulisya at militar ay nag-udyok sa magiting na obispong anti-jueteng na si Bishop Oscar Cruz na mapangutyang magtanong kung bakit hindi kabilang sa prayoridad ng Malacañang sa ilalim ni Aquino ang kampanya laban sa jueteng. Sa isang pagkakataon, inamin mismo sa publiko ng tiyuhin ni Aquino na si Antonio "Tony Boy" Cojuangco na binalaan niya si Bishop Cruz na maghinay-hinay sa kanyang mga paglalantad. Nangyari ito matapos tukuyin ni Bishop Cruz ang kabarilan at kaklase ni Aquino na si Undersecretary Rico Puno, at ang dating hepe ng pulisya na si Jesus Verzosa, bilang mga tagapangasiwa ni Aquino ng suhol mula sa jueteng sa pambasang antas. Gamit ang kanilang lambat sa kapulisan, inugnayan nina Puno at Verzosa ang sindikatong kriminal at jueteng at siyang gumagawa ng pagsasaayos para sa pag-eentrega ng payolang jueteng para sa noo'y bagong upong pinuno ng Malacañang.

Nakapagtataka pa ba kung bakit inatasan ni Aquino ang kanyang mga susing upisyal na isaayos ang pagbalik ni Lacson? O kung bakit iniligtas ni Lacson si Puno nang ipatawag ito sa isang pagdinig sa Senado para sa pag-iimbestiga sa suhol mula sa jeuteng? Makikita kahit ng bulag na nagpapatuloy ang operasyon ng jueteng dahil nagbubulsa ang naghaharing mga elitista sa pulitika ng daan-daang milyon piso galing sa suhol mula sa jueteng.

Dati nang matibay na naninindigan ang mga rebolusyonaryong pwersa ng sambayanang Pilipino laban sa mga operasyon ng sindikato sa jueteng. Saan man may nakatayong demokratikong kapangyarihang pampulitika ang mamamayan sa mga sonang gerilya, pinatitigil ang jueteng at iba pang kriminal na operasyon. Pinalalayas nila ang mga nagpapatakbo ng sugalan, ligal man ito o hindi, na lumilinlang sa mamamayan at nagsasamantala sa kanilang sosyo-ekonomikong desperasyon. Malaon nang naglulunsad ang mga rebolusyonaryong pwersa ng kampanyang edukasyon kontra rito upang himukin ang mamamayan na itakwil at palayasin ang mga sindikatong kriminal na nasa likod ng mga operasyong ito at sa halip ay itaguyod ang produksyon at paglahok sa rebolusyonaryong pakikibaka upang labanan ang mapang-api at mapagsamantalang sistema na nagbabaon sa kanila sa kahirapan.

Hinihikayat ng mga rebolusyonaryong pwersa ang sambayanang Pilipino na ilantad ang pulitiko-kriminal na network na nagpapalaganap sa buong bulok na reaksyunaryong estado--mula sa lokal na gubyerno, mga yunit ng pulisya at militar hanggang sa kanilang matataas na among upisyal sa Camp Aguinaldo, Camp Crame at Malacañang. Nananawagan ang mga rebolusyonaryong pwersa sa mga karaniwang sundalo at pulis, kabilang yaong mga sangkot sa rubout sa Quezon, na manindigan at huwag magpagamit sa mga operasyon ng mga kriminal na sindikato na pinatatakbo o pinoprotektahan ng kanilang mga heneral.

Iginigiit ng sambayanang Pilipino na manindigan at ilantad ng mga pulitiko at iba pang mga nakaaalam ang mga kriminal na operasyon sa ilalim ng rehimeng Aquino. Maaari silang umugnay sa mga rebolusyonaryong pwersa upang mabigyan ng kinakailangang tulong. Maaari isilong sa mga sonang gerilya ang sinumang handang kumalas sa mga sindikatong kriminal at maglalantad sa mga operasyon nito.