Audio Record ng pagbabanta ni Lt. Col. Toribio sa mga sibilyan

Samuel Guerrero
Celso Minguez Command, NPA-Sorsogon
Marso 1, 2013



Panoorin sa You Tube: http://youtu.be/Q9ZR_wOmD4M

ANG naka-link na video sa Youtube ay hango sa rekord ng Pebrero 17, 2013 na pagsasahimpapawid ng lingguhang programa ni Lt. Col. Teody Toribio sa istasyong Padaba FM (103.9 MHz) sa Sorsogon City. Si Toribio ang commanding officer ng 31st Infantry Battalion ng Philippine Army na nakabase sa Barangay Rangas, Juban, Sorsogon.



Maririnig sa bahaging ito na tahasang pinapangalanan at pinagbabantaan ni Lt. Col. Toribio ang ilang sibilyan sa bayan ng Barcelona, Sorsogon. Ang mga akusasyon ni Toribio na ang mga taong kanyang tinutukoy ay mga myembro ng NPA ay madaling mapabubulaanan ng mga nakakakilala sa kanila at ng mga upisyal ng kani-kanilang mga barangay.

Ang kabuuan ng rekord ng programa ay maaari naming ibahagi sa mga nagnanais sumiyasat sa usapin. Ipinagpapalagay naming magiging interesado ang iba’t ibang indibidwal at organisasyong nagtataguyod sa karapatang pantao at ang mga ahensya ng reaksyunaryong gubyerno na marapat lamang mag-imbestiga sa bagay na ito.

Pantawag din ito sa pansin ng management ng Padaba FM ukol sa kung paano nagagamit ang kanilang istasyon bilang tungtungan para lumabag sa karapatang pantao at takutin ang mga taong walang kalaban-laban.

Sumusunod ang transcript ng naturang rekord. Nilagyan namin ng diin ang mga pangalan, akusasyon at banta na binitiwan ni Toribio sa ere.

Tinig ni Lt. Col. Teody Toribio:

Kay Manay Gemma Fermanes alyas Tisay, isuko mo na po ang iyong armalite. Thirty years old ka na po, eh alam ko po baka hindi na...baka hindi mo na mapaganda ang iyong blond hair. Taga-barangay Sta. Lourdes, Barcelona ito. Minsan, nagliligal. Sorry lang po diyan ‘pag nasabay ka sa labanan...

Bobby Estiller, asawa ni Nora Estiller, huwag ‘nyo pong tampalasin ang karapatang pantao na kinokolektahan ‘nyo ang maliliit na magsasaka, maliliit na negosyante...at kahit sino pa, huwag ‘nyo pong tampalasin ang karapatang pantao nila...

Ito namang si Ryan Enano, ha, anak ni Emmanuel Enano, na poste ng New People’s Army. Tatay, huwag ‘nyo pong turuan ng kamalian ang inyong anak. Dapat kayo maging...maging huwaran sa tamang kaisipan at tamang daan...

Si Ryan Funelas, Willy Nicolas, Nelly Domehina...si Nelly Domehina, kolektor ito ng NPA sa buong Barcelona...hindi ka na makakatakma d’yan. Kilala ka ng buong Barcelona. Nagmomotor-motor ka pa, kulay maroon ‘yan nonoy, alam ko ang plate number niyan...kahit ka pa magpalit markado na ‘yan...

Carlos Felonia, taga-marketing ng pagkain ng NPA ‘yan. Mag-isip-isip na po kayo. Mamuhay tayo nang normal...

Emmanuel Enano... ha... Kaya sana po... ah... makapag-isip kayo nang maayos...

Hangad namin na ang paglalantad sa kabalbalang ito ni Lt. Col. Teody Toribio ay makatutulong para hadlangan ang anumang masamang binabalak ng mga sundalo ng 31st IB sa mga sibilyang nabanggit. Kaya hinihiling namin sa lahat ng may malasakit na palaganapin sa kabatiran ng madla ang video na ito.