Gamitin ang mga Aral ng EDSA Uno sa Pagpapaigting na Paglaban sa Rehimeng US-Aquino

Patnubay de Guia
NDFP-Southern Tagalog
March 4, 2013

Sa ika-dalawampu't pitong (27) anibersayo ng EDSA Uno, bigyang pugay natin ang kabayanihan ng malawak na hanay ng mamamayang nagpatalsik sa diktadurang US-Marcos. Bigyan natin ng pinakamataas na pagpupugay ang mga dakilang martir na nagbuwis ng kanilang mga buhay upang labanan ang pasismo ng rehimen. Ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino ang tunay na nakapagpatalsik sa bulok na rehimeng US-Marcos.

Kapuri-puri ang tagumpay ng EDSA Uno na bunga ng pakikibakang bayan. Nagbuklod ang sambayanang Pilipino upang labanan at putulin ang paghahari ng diktadurang US-Marcos.  Ang kilusang masa para sa pagpapatalsik sa diktadurang US-Marcos, na lumundo sa EDSA Uno, ay patunay na maraming makakamit ang mamamayan sa pamamagitan ng kolektibong lakas at aksyon. Subalit, naganap man ang makasaysayang EDSA Uno, hindi nakamit ng mamamayan ang tunay na pagbabagong kanilang minimithi.



Layon ng EDSA Uno, isang popular na pag-aalsa katambal ng isang rebelyong militar, na patalsikin ang diktadurang Marcos at ibalik ang demokrasya sa Pilipinas. Ngunit nabigo nitong kilalanin ang tunay na mga kaaway at kaibigan ng sambayanan dahil sa makitid nitong perspektibang ibalik ang burges na demokrasya. Kaya’t napatalsik nito ang diktadurang Marcos para lamang itanghal ang paghahari ng isa pang paksyon ng naghaharing asyendero’t kumprador burgesya sa Pilipinas, ang paksyon ng pangkating Aquino -- at pinanumbalik ang kapangyarihan ng mga arkitekto ng Batas Militar tulad ng Enrile-RAM at Ramos.

Sa panunumbalik ng burges na demokrasya, nakapangibabaw ang mga anti-diktadurang paksyon ng mga naghaharing uri -- paksyong Aquino-Ramos, Enrile-RAM, ang konserbatibong seksyon ng Simbahang Katoliko, mga Sosyal-Demokrata--mga opurtunistang sumakay sa daluyong ng popular na galit para iluklok ang mga sarili bilang bagong paksyon ng naghaharing uri.

Ang mga istorikal na limitasyon ng EDSA Uno at kalikasan ng mga popular na kilusang nangingibabaw dito ang nagtakda ng kabiguan nito na kamtin ang tunay na pagbabagong panlipunan. Bigo ito na solusyonan ang mga pundamental na krisis na kinasasadlakan ng sambayanang Pilipino. Sa halip na palitan ang sistemang malapyudal at malakolonyal, nilayon lamang nito ang isang rebolusyon sa pulitika na magpapatalsik sa kinasusuklamang diktatura at ibalik ang burges na demokrasya. Sa kalikasan nito, hindi ito nakaalpas sa makitid na anti-diktadurang kilusan kaya’t sa simula pa lang, nakatakda nang mabigong kamtin ang mga saligan at pundamental na hinihinging pagbabago sa lipunang Pilipino.

Noong panahong ding iyon, kulang pa ang lakas ng pambansa-demokratikong kilusan at armadong pakikibakang pinamumunuan ng Partido upang pamunuan ang pag-aalsang popular at itulak ang pagkukumpleto ng pampultikang rebolusyon tungo sa isang panlipunang rebolusyong wawalis sa mga labi ng pasismo, pyudalismo at imperyalismo at magtatatag ng isang panlipunang kaayusan na nakabatay sa tunay na demokrasyang bayan.

Ang pagpapanday ng isang pambansang kamalayan laban sa diktadura ay ibinunga ng walang patid na pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos ng Partido at ng mga pambansa-demokratikong organisasyon at kilusan ng mamamayang pinamumunuan nito. Tanging ang Partido at pambansa-demokratikong kilusan ang naglunsad ng walang humpay at di mapagkumpromisong pakikibaka laban sa diktadura.  Kung wala ang komulatibong pagsisikap ng Partido at pambansa-demokratikong kilusan, imposibleng maganap ang popular na pag-aalsa sa EDSA noong 1986.

Sa isang banda, dahil sa kabiguan ng EDSA Uno na kumpletuhin ang isang panlipunang rebolusyon, muling nakapagkonsolida ang iba’t ibang paksyon ng naghaharing uri. Pinanumbalik at pinalala pa nila ang dati nang kanser ng lipunan at lalong itinali ang mamamayan sa siklo ng panlipunang pang-aapi at pagsasamantala.

Kahit pormal na naibalik ang burges na demokrasya sa buong bayan, nagpatuloy na di nalansag ang mga istruktura at institusyon ng pasismo ng estado.  Ang pasismo ng estado ay binihisan lamang ng demokratikong maskara at palamuti--subalit nagpatuloy ang mapanupil at mapaniil na kalikasan ng estado na naglilingkod lamang sa interes ng mga malalaking burgesya-kumprador at panginoong maylupa.  Nananatiling monopolisado ng wala pang isang porsyento ng populasyon ang kapangyarihan sa pulitika at ekonomya sa lipunang Pilipino. Nananatiling naghahari-harian ang malalaking negosyo at dayuhang interes na kinakandili ng mga lokal na naghaharing uri.

Nananatiling walang kapangyarihan, duhagi, pinagsasamantalahan at sinusupil ang malaking mayorya ng mamamayan. Kung kaya’t walang makatotohanang pagbabagong idinulot ang burges na demokrasya sa sambayanang Pilipino, bagkus pinanatili at pinatindi lamang nito ang maigting na tunggalian sa pagitan ng naghaharing uring nagsasamantala at ang sambayanang Pilipinong pinagsasamantalahan.

Sa kasalukuyan, bagamat walang deklaradong Batas Militar, nagpapatuloy pa rin ang lansakang paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng rehimeng US-Aquino. Ginagamit ng kasalukuyang rehimen and diwa ng EDSA upang itago ang mapaniil nitong karakter. Nililinlang ng rehimeng US-Aquino ang mga mamamayan sa ilusyon ng demokrasya, habang pinagpapatuloy nito ang walang habas na pagyurak sa karapatang pantao. Ang paglalaan ng rehimeng US-Aquino ng bilyong bilyong budget sa modernisasyon ng AFP ay paglalantad sa tunay na prayoridad nito. Sa pamamagitan ng Oplan Bayanihan, nananalasa ang mersenaryong AFP at PNP sa mga komunidad na nagdudulot ng labis na takot at pinsala. Umiiral ang Oplan Bayanihan sa maskara ng paghahatid ng mga programang pangkaunlaran sa kanayunan at kalunsuran, ngunit hindi nito kailanman maitatago ang mersenaryo nitong anyo sa pangbubusabos sa karapatang pantao ng mamamayan.

Ang mga magbubukid ang pangunahing biktima ng militarisasyon sa kanayunan. Kasabay nito ang laganap pa ring kawalan ng lupa sa kanilang hanay na nagpapanatili ng pagkakagapos ng uring nagbubungkal sa pyudal na pagsasamantala. Sa kabila ng mga nakamit na tagumpay ng mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita sa kanilang pakikipaglaban, nananatili pa ring hindi pinapamahagi ng pamilya Cojuanco ang mga lupaing nararapat sa magbubukid. Patuloy din ang mga nararanasang pandarahas sa kanilang hanay. Nanganganib din na kamkamin ng rehimeng Aquino maging ang _coco levy fund_ na hinuthot ng mga pamilyang Cojuangco, Romualdez, Marcos at Enrile mula sa paggawa ng mga manggagawang bukid. Maging ang CARPER na isinusulong ng rehimeng US-Aquino ay isang malaking panlilinlang sa pangako ng repormang agraryo. Pinapanatili lamang ng CARPER, bilang huwad na repormang agraryo, ang pundamental na relasyon ng kawalan ng lupa sa kanayunan. Sinasalamin nito ang mga buhay na halimbawa ng pagiging tuta ng rehimeng US-Aquino na sunud-sunuran sa maka-uring interes ng mga asyendero at panginoong maylupa. Kainlanman ay di natin maaasahan ang rehimeng ito na tunay na magsulong ng demokratikong interes ng malawak na hanay ng magbubukid sa kanayunan.

Sa hanay ng mga manggagawa, nanatili pa rin ang pagkaalipin nito sa mababang sahod at di-makataong relasyon sa paggawa. Patuloy silang nakakaranas ng panggigipit sa kanilang mga karapatan sa paggawa na ipinatutupad ng mga nagdaan at kasalukuyang rehimen. Lalo lamang ipinako ng _two-tiered wage system_ ng rehimeng US-Aquino sa napakababang halaga ang sahod na kanilang natatanggap. Lalo pang lumiit ang halaga ng dati nang kapos na sahod na iniiuwi ng mga manggagawa sa kanilang mga pamilya. Bukod pa rito, karamihan sa kanila ay walang benepisyong natatanggap sa kabila ng mga panganib na kanilang sinusuong sa araw-araw na pagpasok sa pabrika at konstruksyon. Marami rin ang nakakaranas ng kawalan ng seguridad sa trabaho sa pamamagitan ng malawak na kontraktwalisasyon. Ito ang mga pamamaraan ng rehimen upang ipako ang naghihikahos na kalagayan ng mga manggagawa. Mas pinipili ng rehimeng US-Aquino na paboran ang mga malalaking negosyo at dayuhang kapitalista kapalit ng mababang halaga ng paggawa ng mga manggagawang Pilipino. Kailanman hindi natin maaasahan ang rehimeng US-Aquino na isulong ang mga tunay na  demokratikong karapatan ng uring-manggagawa.

Nagpapatuloy ang pribatisasyon at denasyunalisasyon ng mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon at kalusugan. Patuloy ang pag implementa ng estado ng mga polisiya ukol sa serbisyong panlipunan na hindi nagsisilbi sa interes ng mamamayan. Ilan dito ay ang banta ng pribatisasyon sa mga pampublikong ospital at pagkaltas ng budget sa edukasyon. Wala ring malinaw na programang pabahay para sa mga mamamayan ang rehimen. Bagkus, kabi-kabila ang isinasagawang marahas na demolisyon sa mga komunidad ng mga maralitang tagalungsod. Kasabay ng kawalan ng hanapbuhay ay ang lalo lamang nasadlak sa kahirapan ang sambayanang Pilipino dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Sampal sa mukha ni Aquino ang matinding kahirapang nararanasan ng mamamayan sa gitna ng  pagmamayabang nito kaugnay ng  di umano’y paglago ng ekonomiya ng bansa. Hindi sinasalamin ng 6.6% paglago ng ekonomiya noong nakaraang taon ang mahigit na 12 milyong Pilipinong wala at kulang ang hanapbuhay. Hindi maitatago ng mga numero at istatistika ang tunay na kalagayan ng sambayanang Pilipino na nasasadlak sa matinding kahirapan. Ang paglago ng GNP at GDP ng ekonomiya ay walang halaga kung ito ay di nadarama ng ordinaryong mamamayan. Ang di pagkilala ng rehimeng US-Aquino sa kahirapang kinasasadlakan ng mamamayan ay repleksyon ng kanyang hindi pag aksyon upang lutasin ito. Kainlanman ay hindi natin maaasahan ang rehimeng US-Aquino upang ibangon ang sambayanang Pilipino sa kumunoy ng kahirapan, hindi ito ang magkakalag sa tali ng pagkakagapos ng mamamayan.

Walang makatotohanang pagbabago sa kalagayan ng sambayanang Pilipino makalipas ng 27 taon at sa mahigit sa tatlong taon matapos na mailuklok ng reaksyunaryong eleksyong 2010 si Noynoy Aquino. Ngayon higit kailanman, kinakailangang ipamalas ng sambayanang Pilipino ang matagal na nilang napatunayan noong Edsa Uno--na  walang makapipigil sa nagkakaisang lakas ng mamamayan.

Sa kabila ng mga limitasyon at kabiguan ng EDSA Uno, makabuluhan ang mga nakamit na tagumpay ng sambayanang Pilipino. Itinuro at ipinakita nito ang bukal na lakas na nagmumula sa kolektibong pagkilos ng mamamayan upang magkamit ng pagbabago sa kanilang kalagayan. Itinaas nito ang kamalayan ng mamamayan at nagsilbing binyag na apoy sa malawak na mamamayan upang labanan ang muling pag-usbong ng isa pang diktadura. Ipinakita nito na hindi ang burges na demokrasya ang sagot sa pundamental na krisis ng lipunang Pilipino. Pinaunawa nito na ang antas ng pakikibaka ay kailangang maitaas ng higit pa sa isang popular na pag-aalasa, at sa halip ay magsulong ng isang rebolusyonaryong pagkilos na babago sa mapagsamantalang kaayusan ng lipunan.

Sa papaigting na paglaban sa pagsasamantala at kahirapan, ang pagkilala sa armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng paglaban sa kasalukuyang mapang-aping sistema ang naglalagay ngayon sa pusisyon sa mamamayan upang agawin ang kapangyarihang pampulitika mula sa mga naghaharing-uri at wakasan na ang malapyudal at malakolonyal na sistema. Tanging ang demokratikong rebolusyon ng bayan lamang ang naglalahad ng kumprehensibong alternatiba batay sa tunay na kalagayan ng lipunang Pilipino at naglalapat ng kongkretong aksyon batay sa mga kongkretong kundisyon nito.

Nagsisilbing aral ang mga karanasan ng sambayanang Pilipino noong Edsa Uno upang ipatuloy ang pakikibaka. Mahigpit na magkaisa! Makibaka! At tahakin ang rebolusyonaryong landas sa pagkakamit ng tunay na kalayaan at demokrasya. Walang tila napakalakas na kapangyarihan ang hindi kayang igupo ng nakikibaka at armadong mamamayan.

Mabuhay ang sambayanang Pilipinong nakikibaka at lumalaban!
Makibaka, huwag matakot!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!