Itaguyod at Pakamahalin ang Hukbo ng Mamamayan! Isulong ang Digmang Bayan sa Bago at Mas Mataas na Antas!

Patnubay de Guia
NDFP-ST
March 29, 2013

“Ang ating Hukbo ay may hindi magagaping diwa, determinadong silang gapiin ang lahat ng mga kaaway at hindi kailanman susuko. Anupaman ang kahirapan at kagipitan, kahit isa ang matira, patuloy siyang lalaban.”

            - Kasamang Mao Zedong


Lubos ang kagalakan ng National Democratic Front-Southern Tagalog sa ika-44 na taong anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan. Sa araw na ito, pulang saludo ang ipinararating ng NDF-ST sa lahat ng mga kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan, at sa buong rebolusyonaryong mamamayan sa kapuluan. Gayundin, inaalala at dinadakila natin ang lahat ng mga rebolusyonaryong martir sa kanilang walang pag-iimbot na pag-aalay ng kanilang natatanging buhay para paglingkuran ang sambayanan at ang rebolusyon.



Mahigit apat na dekada na ang nakalilipas nang unang magtipon ang 60 mandirigma bitbit ang siyam (9) na ripleng awtomatik at dalawampu’t anim (26) na mahihinang kalibreng baril upang muling itatag ang Bagong Hukbong Bayan at itakwil ang gangster na pangkating Taruc-Sumulong ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan ng lumang Partido ng mga Lava-Taruc. Mula sa probinsya ng Tarlac ay kumalat ang apoy ng rebolusyon at dumami ang mga Pulang mandirigma sa iba’t ibang lugar upang malalim na umugat sa malawak na masa. Sa kasalukuyan, nakalatag ang mahigit sa isandaang larangang gerilya sa 70 probinsya sa buong bansa. Mula sa isang distrito, nagkaroon ng pambansang katangian ang Bagong Hukbong Bayan.

Hindi naging madali ang unang pagpupundar ng ating Hukbo sa Timog Katagalugan. Dumanas ng panimulang kabiguan ang naunang mga pagsisikap na maitayo ang mga sonang gerilya sa San Pablo sa Laguna noong 1969 at 1970, sa bahagi ng Banahaw na nasasaklaw ng probinsya ng Quezon noong 1972 at 1973, sa Kanlurang Batangas noong 1973 at sa Oriental Mindoro noong 1973 at 1974. Tanging sa hangganan ng Quezon at Bikol lamang matagumpay na nakapagpunyaging ipundar ng ating Hukbo ang sonang gerilya at base ng rebolusyon sa hanay ng masang magsasaka. Ito ang nagsilbing ina na nagluwal ng iba pang mga larangang gerilya sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon sa sumunod na mga panahon.

Taong 1978 nang makapagpalawak ang mga pwersang gerilyang nagmula sa hangganang Quezon-Bikol sa mga bayan sa Timog Quezon-Bondoc Peninsula. Mula dito ay nakapagbukas ng mga sonang gerilya sa mga estratehikong lugar sa Quezon at Batangas, partikular sa bahagi ng Banahaw na nasasaklaw ng Quezon, sa hangganan ng Quezon at Batangas at sa Kanlurang Batangas noong 1979. Sa maagang bahagi ng dekada otsenta, matagumpay na nakapagpalawak at nabuksan ang sonang gerilya sa bahaging Sierra Madre ng Laguna at sa isla ng Mindoro. Mula sa pagpupunyagi ng mga kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas, mga aktibistang masang pinanday ng masisiglang demokratikong kilusang masa at ang mga bagong sibol na rebolusyonaryo sa panahon ng diktadurang US-Marcos, naitanim ang binhi ng armadong rebolusyon sa rehiyon.

Dumaan sa maraming liko at ikot ang pagsusulong ng lahatang-panig na pag-unlad ng rebolusyon. Sa proseso ng mahirap na rebolusyonaryong pakikibaka, napanday at nadalisay ang rebolusyonaryong kilusan sa pagdaan ng panahon. Ang natipong mga tagumpay mula pa dekada 70 hanggang sa kasalukuyan ay pinuhunanan ng maraming sakripisyo at buhay ng mga martir ng rebolusyon.
Sa gitna ng bawat mga pagsulong, pinakawalan ng reaksyunaryong rehimen ang malulupit na kampanya ng pagsupil para pigilan ang mga tagumpay ng rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan. Naging laboratoryo ng mararahas na kampanyang supresyon ang mga probinsya ng Laguna, Batangas, Rizal, Quezon at isla ng Mindoro. Bata-batalyong pormasyon ng pinagsanib na pwersa ng militar, kapulisan at mga paramilitar ang ipinakat sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon. Naging saksi tayo sa malawakang paglabag sa karapatang pantao ng mga rehimen—mga kaso ng pagpatay, masaker, pagpugot ng ulo, sapilitang pagkawala, panggagahasa, pagmamalupit.

Magiting na hinarap at binigo ng kilusan ang mga kampanyang panunupil simula pa sa Oplan Cadena de Amor na prototype ng Oplan Katatagan ng diktadurang US-Marcos; Oplan Lambat Bitag I, II, III at IV ni Corazon Aquino; Oplan Mamamayan ni Fidel Ramos; Oplan Makabayan at Kaisaganaan ni Joseph Estrada; Oplan Bantay Laya I at II ni Gloria Arroyo; at ngayon sa Oplan Bayanihan ni Noynoy Aquino.
Hindi maisasantabi ang mga tagumpay na inani natin sa kabila ng napakahirap na sitwasyon. Patuloy na nakapagpapalawak ang rebolusyonaryong baseng masa sa kanayunan. Nakapagkonsolida at nakapagpalawak ang saklaw ng mga organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika. Naipatutupad ang mga programa ng rebolusyong agraryo at pinakikinabangan ito ng mamamayan. Nagpatuloy ang paglaki ng kasapian ng ating Hukbo. Bago matapos ang taong 2012, naitala sa probinsya ng Quezon ang laking platung bilang ng mga magsasaka, kababaihan at kabataang sumampa sa Bagong Hukbong Bayan.

Naging mariing patama sa ulo at katawan ang malalaki at maliliit na taktikal na opensibang inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan. Nagresulta ang mga ito ng kaswalti sa hanay ng pwersang panseguridad ng estado na nagpababa sa moral nito. Sa nagdaang tatlong taon, nailunsad ang 105 na mga taktikal na opensiba kung saan nag-iwan ng kaswalti sa kaaway na 91 KIA at 70 WIA. Kinumpiska sa mga taktikal na opensibang ito ang kabuuang 131 sandata na mahahati sa sumusunod: 2-LMG (1-K3 at 1-M60); 4 grenade launcher (3-M203 at 1 M79); 66 HPR’s (37-M16, 4-M14 at 2-.30 cal. Carbine at 23 shotgun); 5-sub-machinegun/machine pistol; at 54 SFA’s.

Pinarusahan ng Hukbo ang mga taong napatunayang nagkasala sa mamamayan at ang mga mapanirang dayuhang minahan katulad ng Citinickel sa Palawan. Kahit sa mga probinsyang labis na kinonsentrahan ng mga pwersang militar katulad ng Quezon, nakapaglunsad ang Bagong Hukbong Bayan ng aksyong pamamarusa sa mga operatiba ng kaaway na ilang beses na nagkanulo sa ating Hukbo at may utang na dugo sa mamamayan. Pinarusuahan din ang mapangwasak na V.I.L. Mines na pag-aari ni Danding Cojuangco.

Lalo lamang pinatibay ng mga tagumpay na ito ang ating kapasyahan na isulong ang lahatang-panig na pag-unlad ng rebolusyonaryong pakikibaka at bumangon mula sa mga pansamantalang kabiguan. Mas lalong humigpit ang pagtangan ng Bagong Hukbong Bayan sa pampulitikang linya ng Demokratikong Rebolusyong Bayan sa pamamagitan ng isang matagalang digma sa ilalim ng pamumuno ng Partido sa rebolusyon. Higit kailanman, buo ang isip at puso ng bawat Pulang kumander at mandirigma na mataimtim na ilunsad ang mas malaganap at mas maigting na pakikidigmang gerilyang nakabatay sa papalawak at papalalim na baseng masa. Mas mataas ang kahandaan ng ating Hukbo na tuparin ang kanyang mahabang tungkulin.

Puspos ng diwang palaban, ang ating Hukbo ay natatangi. Hindi ito kailanman maihahalintulad sa mersenaryong hukbo ng reaksyunaryong estado. Ang rebolusyonaryong Hukbo ay may mahigpit na disiplinang militar habang nagpapatupad ng angkop na sukat ng demokrasya. Binabaklas nito ang pyudal na relasyon sa pagitan ng mga upisyal at kawal at ibayong pinahihigpit ang pagkakaisa sa pagitan nila. Kaya kahit sa gitna ng kahirapan at kagipitan, napatataas ng Bagong Hukbong Bayan ang kakayahan nitong lumaban.

Ang Bagong Hukbong Bayan ay walang kaparis, sapagkat ito lamang ang Hukbong tunay na naglilingkod at nagtataguyod ng interes ng sambayanan. Pinag-aaralan ng ating Hukbo ang kalagayan ng masa, tinutulungan silang lutasin ang kanilang mga suliranin, inoorganisa sila at iminumulat sa kanilang tunay na abang kalagayan. Sa patuloy na paglahok ng ating Hukbo sa mga gawaing pampulitika nito, napahihigpit ang pagkakaisa nito at ng malawak na masa. Sa tulong ng Hukbo, unti-unti nang nababaklas ang pyudal na kapangyarihan sa malawak na kanayunan at naipupundar ang demokratikong kapangyarihan ng mamamayan.

Susi sa mahigit apat na dekadang pagpupunyagi ng Bagong Hukbong Bayan ang walang pagod na pagtataguyod at pagtangkilik ng sambayanan. Ito ang dahilan kung bakit sa kabila ng masasalimuot na karanasan, patuloy na nakapagpalakas ang rebolusyonaryong pakikibaka sa rehiyon. Batid ng mamamayan na tanging ang armadong rebolusyon lamang ang makalulutas ng kanilang mga suliranin. Kung wala ang malawak na suporta ng masa, hindi makapananaig ang ating Hukbo sa napakaraming pagsubok at suliranin. Lagi’t lagi, sa malawak na masa nakasandig ang Bagong Hukbong Bayan at ang buong rebolusyonaryong kilusan. Makaranas man ng isang hakbang na pansamantalang pag-atras ang rebolusyonaryong kilusan, natitiyak nating susulong ng dalawa at higit pang mga hakbang ang digmang bayan. Ang paglahok ng masa ang siyang lakas ng pagsulong ng rebolusyon.

Sa ika-44 na taon ng Bagong Hukbong Bayan, binibigyang pugay natin ang mga martir ng rebolusyon. Ang rebolusyonaryong kasaysayan nina Rosemarie “Ka Soly” Duminais, Pamela Jane “Ka Sol” Lapiz, Arman “Ka Jun” Albarillo, Manases “Ka Marlou” Tena at ng lahat ng bayani ng uring anakpawis ay buhay na inspirasyon ng bawat rebolusyonaryong tapat na naglilingkod sa sambayanan. Ngayon, higit kailanman, determinado ang Bagong Hukbong Bayan, sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, kaisa ang rebolusyonaryong mamamayan sa rehiyon at malawak na sambayanan sa buong bansa na isulong ang digmang bayan sa bago at mas mataas na antas, hanggang sa makamit ang tagumpay.

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!
Sumulong sa Estratehikong Pagkakapatas!