Mapanlinlang na eleksyon ng mga trapo, reaksyunaryo at naghaharing uri, itakwil! Demokratikong Rebolusyong Bayan, paigtingin at ipagtagumpay!


Fortunato Magtanggol
RCTU - Southern Tagalog
March 30, 2013

Walang maasahang makabuluhang pagbabago ang uring manggagawa at sambayanan sa nalalapit na eleksyon.  Wala itong ibang idudulot kundi ang pagpapatuloy ng bulok na sistemang malapyudal at malakolonyal, na pangunahing dahilan ng paghihirap ng mamamayang Pilipino. Dahil ginagamit lamang ito ng mga naghaharing-uri upang panatilihin ang kanilang mga sarili sa estado poder, marapat lamang na mapagpasyang suungin ng mamamayan ang tunay na makapaghahatid ng pagbabago sa ating lipunan—ang demokratikong rebolusyong bayan.

Ang Muling Pagbubukas ng Telon: Paglalapit ng Trapong Eleksyon

Sa pagpasok ng buwan ng Oktubre, muling naglabasan ang mga Certificate of Candidacy (COC) at nagkalat ang mga tarpaulin lulan ang mga naglalakihang mukha ng mga trapo at pulitiko sa bansa.

Naglipana ang mga nagngingitian, nagkakawayan, at nagpapaka-galanteng mga personalidad habang papalapit ang muling pagpapalit ng ngalan at mukha ng kapangyarihan sa bansa.  Saan man magpunta, matatagpuan ang mga pangalan o inisyal na nakapaskil sa pader, nakakabit sa bulletin board, naka-ukit sa banga, nakaporma sa rehas, nakatatak sa mga damit. Kapansin-pansin din ang pagtaas ng bilang ng mga krimen at karahasan sa tuwing pumapasok ang yugtong ito.

Ganito ang hitsura ng hungkag na pag-eehersisyo ng demokratikong karapatan ng mamamayan sa pagboto.  Tila isang makulay na palabas sa entablado na binubuo at ginagalawan ng mga umaarteng personalidad, ang eleksyon ay walang iba kundi pakitang-tao na pinagbubuhusan ng panahon, yaman, at dahas upang mahalina at malinlang ang sambayanan sa mabulaklak na mga pangakong kunwa’y magdudulot ng kaginhawahan sa buhay ng uring anakpawis.

Ang Kasaysayan ng Burges na Halalan sa Bansa

Bago pa man dumating ang mga kastila, mayroon nang sistema ng pamumuno sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan. Nabulabog at nasagkaan ang tuloy-tuloy na pag-unlad ng lipunan at pag-gogobyerno sa Pilipinas nang sakupin ng mga Kastila ang bansa.  Sa loob ng napakahabang panahon, napailalim ang sambayanang Pilipino sa pamamalakad ng gobyerno ng Espanya. Mahigit tatlong daang taon nanalasa ang pananamantala ng mga ito hanggang sa pumutok ang rebolusyong 1896.

Naging matagumpay ang pagpaalis sa mga Kastila sa pamamagitan ng lumang demokratikong rebolusyon. Ngunit pumasok sa eksena ang noo’y lumalaking kapangyarihan ng imperyalismong US, at unti-unti ngunit malaliman nitong itinanim ang mga binhi ng pananakop ng imperyalismo sa timog silangang bahagi ng mundo.

Bago tuluyang “lumaya” ang Pilipinas mula sa direktang pananakop ng imperyalismong US, sinigurado muna nitong naitanim na sa isip ng mamamayan ang pagtanggap sa hungkag na demokrasyang ihahatid ng papet na gobyerno at mga susunod na rehimen dito.  Ipinakilala ang burges na halalan bilang pamantayan ng pag-iral ng demokrasya sa bansa.

Bagama’t wala na sa direktang kontrol ng US ang bansa, nanatili itong alipin ng dayuhan dahil sa ekonomiyang nakaasa sa pamumuhunan ng mga dayuhang kapitalista, pulitikang kontrolado ng mga naghaharing uri, at kulturang nagpapapaniwala sa mamamayan na kunwari ay may kalayaan itong pumili ng sariling gobyerno.

Paglahok ng mga Naghaharing Uri sa Halalan, Patunay na Mapanlinlang at Anti-Mamamayan ito

Sa kagustuhan nitong panatilihin ang kasalukuyang pagkakahati ng mga uri sa bansa, at palawakin ang sakop ng pagmamay-ari, itinataguyod ng reaksyunaryong gobyerno at mga naghaharing uri ang burges na halalan sa pamamagitan ng aktibong paglahok dito.

Hindi maitatanggi ang dominasyon ng mga panginoong maylupa, tulad ng angkan ni Noynoy Aquino, sa iba’t ibang saray ng gobyerno. Hindi rin matatabingan ang impluwensya at pagpasok ng mga may-ari ng malalaking kumpanya at negosyo sa kongreso, senado, at iba pa. Bulgarang inilalagay ni Aquino sa mga mahahalagang posisyon ang mga kilalang kontra-rebolusyonaryo at tagapamandila ng dilawang kaisipan. Sa ganitong paraan, naipapatupad nila ang mga batas na naglalayong protektahan ang kanilang mga ari-arian, tulad ng huwad na reporma sa lupa at mga batas sa usapin ng sahod, benepisyo, at pagkilos ng mga manggagawa.

Hindi na rin kataka-taka kung bakit sa mga nagdaang taon, walang substansyal na pagbabago sa pamumuhay ng sambayanang Pilipino. Bagkus, lalo itong nalulugmok sa kahirapan dahil sa mga panukalang batas ng mga buwayang nagsisilbi lamang sa kanilang mga sarili.

Ang Garapalang Pagsasanib-Pwersa ng Mga Trapo at Reaksyunaryo sa Gitna ng Lumalalang Krisis

Dahil sadyang makasarili, nag-aagawan sa pwesto mismo ang mga naghaharing uri. Halimbawa na rito ang pagkakaroon ng agwat at bangayan sa pagitan ng magkakalabang partido hindi dahil magkatunggali ang mga ideya, kundi dahil sa kagustuhan ng bawat isa na gamitin ang pusisyon para sa higit pang pagpapayaman at paghawak ng kapangyarihan.

Sa kabilang banda, dahil walang pinanghahawakang prinsipyo ang mga reasyunaryong partido, pumapasok ito sa mga garapalang pagsasabwatan gaya ng ginawa ng LP-NP-NPC-LDP at PDP-PMP kamakailan lamang.  Kung dati’y nag-aagawan ng pampulitikang kapangyarihan ang mga nasabing partido, ngayon ay buung buo na silang pumailalim sa iisang koalisyon, ang UNA, na kumakatawan sa imperyalista, malalaking kapitalista, at panginoong maylupa na siya ring mga mandurugas ng yaman ng bansa, anti-demokratiko at lumalabag sa karapatang pantao ng mamamayan.

Isang malaking kalokohan at panlilinlang ang pagbubuo ng koalisyong UNA na diumano’y mga kandidatong magpapatupad, at sa kabilang panig,  magpapatuloy sa repormang sinimulan ng rehimeng Aquino.   Kung mayroon mang tiyak sa pagsasanib pwersa ng mga ito, ito ay walang iba kundi ang higit pang pagdurusa ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino sa ilalim ng mga neoliberal na patakaran ng rehimeng Aquino.

Rehimeng Aquino: Masugid na Tagapagtaguyod ng Madumi at Reaksyunaryong Tradisyunal na Pulitika sa Bansa

Dahil sa kanyang pagtaguyod sa mga utos ng imperyalismong US, pagtalikod sa kahilingan ng mamamayan, at paggamit ng dahas upang patahimikin ang mga nadidiskuntento sa kanyang pamumuno, unti-unti nang nalalagasan ng balahibo ang tutang si Aquino at nabubunyag ang kanyang nagnanaknak at naninilaw na balat na puno ng kanser, na siya namang kumakalat sa iba’t ibang saray ng kanyang panunungkulan.

Walang kahihiyang tinanggap ni Aquino ang dati nitong mga kalaban upang konsolidahin at pilit na panatiliing nakatayo ang kanyang nabubunyag na reaksyunaryo at anti-mamamayang paghahari.  Tulad ng kanyang kainutilan sa pagtugon sa mga usapin ng mga batayang uri, ang kanyang mga bagong kakapitbisig ay mga kilalang angkan na wala namang maipagmamalaking nagawang mabuti para sa bayan.

Demokratikong Rebolusyong Bayan bilang Daan Tungo sa Tunay na Pagbabago

Sa panahon kung kailan walang tigil ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin, pahirap nang pahirap ang kalagayan ng mga manggagawa dahil sa lumalalang kontraktwalisasyon at mababang sahod, walang humpay ang kahirapan ng mga magsasaka sa kanayunan at tanging paglala ng kabuhayan ang natatamo sa ilalim ng rehimen ng mga panginoong may lupa at burgesya, walang ibang dapat tahakin ang mamamayang Pilipino kundi ang pagsusulong ng radikal na pagbabago sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan. Tanging sa ganitong paraan unti-unting maitatayo ang gobyernong tunay na maglilingkod sa sambayanan.

Marapat lamang na pangunahan ng uring manggagawa, katuwang ang malawak na hanay ng mga magsasaka, upang paigtingin ang armadong pakikibaka sa kanayunan at kamtin ang rebolusyonaryong lakas na aagaw sa pampulitikang kapangyarihan sa ating bansa. Sa pamamagitan ng makatarungang digmaan laban sa imperyalismo, burukrata kapitalismo, at pyudalismo, makakatiyak tayo ng kinabukasan na magsisilbi sa malawak na hanay ng mamamayan.