Pag-abandona ng gubyerno sa edukasyon ang tunay na konteksto ng pagpapatiwakal ng estudyante ng UP

Partido Komunista ng Pilipinas
Marso 17, 2013


Translated from: Gov't abandonment of education is the context behind suicide of UP student

Nakikiramay ang Partido Komunista ng Pilipinas sa pamilya at mga kaibigan ng 16 na taong gulang na si Kristel Tejada na nagpatiwakal noong Byernes matapos siyang pwersahin ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na lumiban sa eskwelahan dahil hindi maagap na nakapagbayad ng matrikula at iba pang bayarin.

Mula sa pamilyang anakpawis si Kristel na nabubuhay sa bingit ng kahirapan. Isang partaym na drayber ang kanyang ama na kumikita lamang nang sapat para sa pangangailangan sa araw-araw ng kanilang pito-kataong pamilya. Walang hanapbuhay ang kanyang ina. Sa ilalim ng sosyalisadong progama sa matrikula ng Unibersidad ng Pilipinas, nasa kategoryang Bracket D si Kristel na dapat magbayad ng matrikula na P300 kada yunit o hanggang P7,500 kada semestre. Dahil hindi niya kayang mabayaran ang P10,000 utang, batid niyang wala na siyang masusulingan kundi ang tumigil sa pag-aaral sa unibersidad.



Ang pagpapatiwakal ni Kristel ay isang kalunus-lunos na epekto ng labis na mabigat na pasaning dulot ng komersyalisadong edukasyon sa Pilipinas sa mga kabataang Pilipino.

Araw-araw, kinakaharap ng milyun-milyong kabataang Pilipinong tulad niya ang pag-imbulog ng halaga ng edukasyon at napupwersa, kundi man huminto sa pagpasok sa eskwela o maghanap ng trabahao sa isang ekonomyang salat sa trabaho.

Nagiging napakahirap abutin ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas dahil buong-layang pinahihintulutan ng reaksyunaryong gubyerno ang malalaking negosyo na pumiga ng maksimum na tubo sa pamamagitan ng pagtataas ng matrikula at pagpapataw ng patung-patong na bayarin. Sa ilalim ng patakaran ng estado ng pag-abandona sa edukasyon at lahatang-panig na komersyalisyon, ang edukasyon sa Pilipinas sa kalakhan ay isa na lamang malaking operasyon ng pagnenegosyo.

Ibayong inilantad ng trahedya sa buhay ni Kristel ang panlilinlang na nasa likod ng "sosyalisadong" programa sa matrikula na ipinapatupad ng Unibersidad ng Pilipinas. Layon nitong diumano ay magbigay ng pantay na oportunidad sa mga maralitang estudyante subalit wala itong gayong natatamo. Ang tunay na layunin ay magkamal ng sapat na tubo para tustusan ang unibersidad sa harap ng patakaran ng pambansang gubyerno na bawasan ang alokasyon ng pondo para sa mga unibersidad at kolehiyo ng estado. Nagsisilbi lamang itong pantabing sa papataas na halaga ng matrikula sa UP.

Sa pagpapatupad ng "sosyalisadong" programa sa matrikula upang imaksimisa ang tubo, may pagkiling ang UP kontra sa mga uring maralita. Tulad ng maksimisasyon ng tubo, nagpapataw ang administrasyon ng UP ng iba't ibang mabibigat na patakaran sa mga estudyanteng may malalang suliraning pinansyal, na nagtataboy sa papaparaming mga batang anakpawis palayo sa unibersidad.

Ang desperasyon na nagtulak kay Kristel na magpatiwakal ay lubos na mauunawaan lamang sa konteksto ng matinding kahirapang kinakaharap niya at ng iba pang kabataang Pilipino. Sa lubos na pagsapol sa kaibuturan ng kanyang pagkamatay, ang mga kapwa kabataang tulad ni Kristel at ang buong sambayanang Pilipino ay obligadong igiit ang katarungan at kumilos laban sa patakaran ng rehimeng Aquino sa pag-abandona sa edukasyon at pagtulak ng lahat-panig na komersyalisasyon nito.