Si Aquino ang pinakamukha ng kontra-mahirap


Partido Komunista ng Pilipinas
Marso 28, 2013

Translation: Aquino is quintessentially antipoor

Si Aquino ang pinakamukha ng kontra-mahirap. Noong isang araw, ipinahayag niya ang pagbasura sa Magna Carta for the Poor, sa pagsasabing walang pondo ang kanyang gubyerno para sa pabahay, edukasyon at serbisyong pangkalusugan na obligadong ilaan ng gubyerno sa ilalim ng panukalang batas.

Hindi sa makapagpapabago ang paglalagda ng Magna Carta for the Poor. Pero sa pagbasura sa panukalang nagdedeklara sa pagtataguyod sa interes ng mga maralita, sa pagsasabing walang pera para dito, muling ipinakita ni Aquino ang malalim ng kiling ng kanyang rehimen kontra sa mayorya ng sambayanang Pilipino na matagal nang nagdurusa sa malalang kawalang-hanapbuhay, pumapaimbulog na presyo ng mga bilihin, mababang sahod, di makataong kundisyon ng pamumuhay at papalubhang serbisyo sa pampublikong kalusugan at edukasyon.

Ibayong pinatatampok ng pagbasura ni Aquino sa Magna Carta for the Poor ang kawalang-habag ng kanyang rehimen sa pagpapatupad ng mga programa at patakarang umaapi at nagsasamantala sa mga manggagawa, magsasaka at mga panggitnang uri tulad ng maliliit na propesyunal at mga karaniwang empleyado, para pagsilbihan ang interes ng malalaking kapitalista, panginoong maylupa at mga dayuhang mandarambong.

Sa nakaraang tatlong taon, hindi naglaan ng sapat na pondo si Aquino sa mga kinakailangang serbisyo publiko tulad ng kalusugan, edukasyon at pabahay at sa halip ay lubos na pinaalagwa ang mga programa ng pribatisasyon at pagtulong sa pagpopondo sa mga puhunan ng hayok-sa-tubong mga kapitalistang mamumuhunan.

Hindi na lalo maaabot ang pambulikong serbisyong pangkalusugan habang ipinupursige ng rehimeng Aquino ang pribatisasyon ng National Kidney and Transplant Institute at ng Philippine Orthopedic Center maging ang komersyalisadong operasyong isinasagawa sa iba't ibang pampublikong ospital at mga sentrong pangkalusugan. Ang inilalaan nitong serbisyong pangkalusugang ay ang pagpapamyembro na lamang sa mamamayan sa tinaguriang sistemang Philhealth, isang programa ng pribadong segurong pangkalusugan na walang iba kundi isang pakana upang pahintulutan ang kumpanya sa pinansya na mangikil sa kanilang mga miyembro at sa proseso ay pagtakpan ang patakaran ng reaksyunaryong estado sa pag-abandona sa kalusugang pampubliko.

Ibayong lumalala ang komersyalisadong sistema ng edukasyon sa ilalim ng rehimeng Aquino habang patuloy itong bigo na isubsidyo nang sapat ang operasyon ng mga pampublikong paaralan. Nagbunga ito ng pagka-uk-ok ng pampublikong elementarya, sugundaryo at tersaryong mga paaralan at nagpwersa sa mga eskwelahang ito na sumabak sa komersyal na operasyon, magpataw ng iba't ibang uri ng bayarin at magtaas ng martikula. Ang mga pribadong kapitalistang negosyante ng mga pribadong eskwelahan ay pinahintulutan sa walang rendang pagpapalaki ng tubo sa pamamagitan ng pagtataas ng matrikula at pagpataw sa kanilang mga estudyante ng samutsaring bayarin.

Napakalinaw ng anti-maralitang mga patakaran ng rehimeng Aquino sa walang-awang kampanya ng rehimen na idemolis ang mga maralitang komunidad para bigyang-daan ang mga proyektong impraistruktura para sa makabagong kondominyum at mga upisina para sa operasyon sa pagnenegosyo ng mga dayuhan sa bansa. Duguan ang kamay ni Aquino sa pagsasagawa ng ilang mararahas na operasyon ng demolisyon sa nakaraang tatlong taon.

Pinayagan ni Aquino ang mga kumpanya ng langis, mga konsesyonaryo sa tubig at mga kumpanya sa elektisidad na magtaas ng kanilang presyo at singilin nang walang anumang konsiderasyon sa pang-araw-araw na hirap na buhay ng pinakamahihirap na saray ng lipunan. Muli't muling ginagamit ni Aquino ang patakaran ng deregulasyon upang igiit na walang magagawa ang kanyang rehimen sa harap ng mga pagtaas ng presyo at halaga ng serbisyo. Subalit, kahit sa kaso ng Metro Manila light rail system na nasa ilalim ng regulasyon ng gubyerno, itinataas pa rin ni Aquino ang pasahe sa tren, sa katwiran nalulugi ang gubyerno sa isang bagay na dapat lamang ay isang serbisyong pampubliko, para lamang gawin itong kaakit-akit sa mga kapitalistang mamimili.

Ibayong ibinababa ng rehimeng Aquino ang sahod ng mga manggagawa. Sa pagsusulong ng patakaran sa murang lakas paggawa, hindi lamang tinutulan ng departamento sa paggawa ni Aquino ang pagtatas ng sahod, ibayo pang pinaliliit ang arawang sahod sa pamamagitan ng pagpapalit sa minimum na sahod ng tinatawag na floor wage (na humihila sa sahod sa walang hanggang kababaan) at mga bonus sa produktibidad (upang pigain hanggang sa huling patak ang produktibong paggawa ng mga manggagawa). Lalo itong nagsasadlak sa mga manggagawa sa mas mapang-api at mapagsamantalang mga kundisyon sa paggawa.

Patuloy na tumataas ang insidente ng gutom at malalang kahirapan sa hanay ng mga maralita sa kanayunan habang hinahadlangan ng rehimeng Aquino ang igignigiit na tunay na repormang agraryo ng mga magsasaka. Patuloy na namamayagpag ang mga pamilyang Aquino at Cojuangco sa Hacienda Luisita sa kabila ng mga tagumpay sa korte ng mga magsasakang naggigiit ng pamamahagi ng lupa.

Ang tinaguriang repormang agraryo ni Aquino ay binubuo lamang ng pag-oorganisa ng mga huwad na kooperatiba upang pahintulutan ang dayuhang korporasyon sa agribisnes na pasukin ang mga kontrata sa pagtatanim, pagtransporma sa maliliit na loteng sakahan tungong malalaking plantasyon ng saging, pinya, oil palm, rubber trees at iba pang produktong inieksport. Ibayong ikinakampanya ni Aquino ang pag-akit sa mga dayuhang kumpanya sa pagmimina na tahasang paglapastangan sa mga karapatan sa lupang ninuo at sa kapaligiran.

Ang pagsisikap ni Aquino sa tinatawag na kontra-kahirapan ay limitado lamang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Walang ibang hangad ang programang ito na dinisenyo ng World Bank kundi hibangin ang mamamayan sa paniniwalang hinaharap ng gubyerno ang kahirapan na ang totoo'y wala namang ginagawa upang resolbahin ang mga ugat nito. Ang pagpopondo sa 4Ps ay magtatapos sa 2016, na kasabay sa pagkumpleto ng programang pantanghal ng 15-taong Millennium Development ng United Nations.

Walang programa ang rehimeng Aquino para paunlarin ang kakayahan ng lokal na ekonomya na lumikha ng yaman at trabaho. Ipinagpatuloy lamang nito ang dati nang programang nakatuon sa eksport, sa programang pang-ekonomyang nakaasa sa import at utang na itinataguyod ng mga teknokratang sinanay ng US ang IMF-WB sa neoliberal na moda ng pag-iisip. Upang resolbahin ang malalang suliranin ng kawalang-hanapbuhay, ibayong itinaguyod ni Aquino ang pagluluwas ng mga manggagawa, na nagsasadlak sa mga migranteng manggagawang Pilipino sa grabeng pagsasamantala at pang-aapi sa ibayong-dagat.

Abala ang mga teknokrata ni Aquino sa paglikha ng mga paraan upang akitin ang dayuhang pamumuhunan sa pagsisikap na makipagkumpetensya sa iba pang atrasadong malakolonya sa usapin ng murang lakas paggawa at mas mga liberal na patakarang pang-ekonomya para pahintulutan ang mga kapitalistang dayuhan na dambungin at samantalahin ang lokal na rekurso, magtambak ng mga surplus goods at iluwas ang kanilang tubo.

Ang kampanya ng rehimeng Aquino na tinaguriang "matuwid na daan" at "anti-korapsyon" ay lubusang nalantad na bilang huwad at dili iba't mga islogan upang itulak ang mga patakarang hangad ng malalaking dayuhang kapitalista. Nakahanda nang amyendahan ng naghaharing rehimen ang Konstitusyon ng Pilipinas ng 1987 upang tugunan ang mga kahilingan ng samahan ng mga negosyanteng dayuhan at ng lokal na malalaking burgesya kumprador para sa "pampulitikang istabilidad" at sa isang "mas liberal na kapaligiran" na walang iba kundi pananalita lamang upang bigyang-matwid ang pag-aalis ng pagbabawal laban sa muling pagkahalal ng nakaupong presidente at ang mga paghihigpit laban sa pagmamay-ari ng dayuhan ng lupain at mga lokal na negosyo.

Sa nakaraang tatlong taon, pinatunayan mismo ni Aquino na walang dudang siya'y kontra-mahirap, kontra-manggagawa, kontra-magsasaka at kontra sa lahat ng masang anakpawis. Nakapaghahari ang kanyang rehimen sa panlilinlang at panunupil. Sumasalig siya sa suporta ng gubyerno ng US, sa IMF at WB na nagpopondo sa kanyang rehimen, nag-eendorso ng kanyang mga programa at nag-aarmas sa kanyang mga pwersang panseguridad.

Matinding ang pagdurusa ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng mga programa at patakarang kontra-mahirap ng rehimeng Aquino. Nakatakdang ibayong lumala ang di na mabatang sosyo-ekonomiko kundisyon nila sa susunod na talong taon. Wala silang ibang masusulingan kundi ang mag-alsa sa lahat ng larangan at isulong ang kanilang pambansa at demokratikong hangarin sa pamamagitan ng pakikibakang masa at armadong paglaban.