Sinasabotahe ng GPH ang usapang pangkapayapaan

Editorial
Ang Bayan
Marso 21, 2013

Sa kagustuhan ng rehimeng US-Aquino na sunud-sunod na bitagin kapwa ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa pagpasok sa mga di makatarungang kasunduang pangkapayapaan, kunway nagpakita ang MalacaƱang ng interes sa "special track" o pagpapairal ng kagyat na tigil-putukan batay sa pangkalahatang deklarasyon ng pambansang pagkakaisa at makatarungang kapayapaan na pipirmahan kapwa ng Gubyerno ng Pilipinas (GPH) at NDFP.

Malaon nang iniaalok ng NDFP ang "special track" bilang tugon sa paulit-ulit na paggigiit ng rehimeng Aquino ng kagyatang tigil-putukan. Alinsunod sa "special track," maaaring pumasok ang dalawang partido sa tigil-putukan kung magkakaroon ng kasunduan hinggil sa ibayong pagtataguyod ng pambansang kalayaan, demokrasya at karapatang-tao; mabubuo ang alyansa ng rehimeng Aquino at NDFP sa anyo ng Committee for National Unity, Peace and Development; at magpapatupad ng tunay na repormang agraryo, pagpapaunlad ng kanayunan at pambansang industriyalisasyon. Ang mga ito ang batayan ng papasuking pansamantalang tigil-putukan ng mga pwersa ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga milisya nito at ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at mga pwersang paramilitar nito.


Bahagi ng panlalansi ng MalacaƱang ang pagpapadala noong huling kwarto ng 2012 ng mga "espesyal na sugo" sa pamumuno ni Ronald Llamas, Presidential Adviser on Political Affairs, at ang alok na magkita sa Hanoi, Vietnam sa maagang bahagi ng 2013 sina Benigno Aquino III at Jose Ma. Sison, chief political consultant ng NDFP, at pagsama rito ni Alan Jazmines, nakadetineng konsultant ng NDFP. Para makalikha ng paborableng kalagayan para sa "special track" ay nagdeklara ang NDFP ng pinalawig na tigil-putukan mula Disyembre 20 hanggang Enero 15.

Subalit walang nangyari sa mga pag-uusap hinggil sa "special track" na ginanap noong Disyembre at Pebrero dahil wala namang awtorisasyong pumasok sa kasunduan o lumagda sa dokumento ang mga "espesyal na sugo" ni Aquino. Lumabas din na hindi seryoso ang naunang alok ng GPH na pagkikita sa Hanoi nina Aquino at Sison.

Gusto lamang ng GPH na pasukuin ang NDFP sa isang minadaling deklarasyon ng pagkakaisa na walang sustantibong nilalaman at pumasok sa walang taning na tigil-putukan.

Ngayong wala na namang nangyari sa "special track" at wala pa ring linaw ang panunumbalik ng regular na usapang pangkapayapaan, naglulubid ng buhangin ang mga propagandista ni Aquino para palabasing hangad ng rehimen ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan at ang dapat daw sisihin ay ang NDFP sa pagkabahura nito.

Sa anu't anuman, hindi mapagtakpan nina Aquino at ng kanyang mga alipures ang katotohanang pinaralisa nila ang negosasyong pangkapayapaan. Saksi ang Third Party Facilitator mula sa Royal Norwegian Government sa mga pagsisikap ng NDFP na magkaroon ng seryosong negosasyon at sa pagmamatigas at pagmamaniobra ng GPH para masabotahe ito.

Hindi na kataka-taka ang naging kondukta ng GPH sa "special track." Sa bisperas ng muling pagbubukas ng pormal na usapang pangkapayapaan noong Pebrero 2011 ay kinutya na ng rehimeng Aquino ang prosesong pangkapayapaan sa iligal nitong pagdakip kay Alan Jazmines, isa sa mga susing konsultant ng NDFP. Binatikos din nina Aquino at mga alipures niya ang The Hague Joint Declaration na nagtatakda ng balangkas ng usapan at pagkakasunud-sunod ng mga sustantibong adyendang dapat talakayin.

Idineklara rin ni Aquino na walang saysay ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) para bigyang-matwid ang pagtanggi nitong palayain ang nakakulong na mga konsultant at istap ng NDFP na protektado ng JASIG. Hinarang din ng rehimeng Aquino ang muling pagbubuo ng NDFP sa listahan nito ng mga konsultant, mga upisyal-panseguridad at istap na protektado ng JASIG. Gayunman, ang mga detenidong iniuugnay ng GPH sa rebolusyonaryong kilusan at armadong pakikibaka ay sinasampahan ng mga kasong kriminal sa halip na kasong pulitikal alinsunod sa doktrinang Hernandez ng sariling batas ng reaksyunaryong gubyerno.

Mula't sapul ay iniiwasan na ng mga alipures ni Aquino ang anumang talakayang pumapatungkol sa pagreresolba sa mga ugat ng armadong tunggalian sa pamamagitan ng mga repormang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika. Sa halip, hayagan nilang iginigiit ang pagsuko at pasipikasyon ng mga rebolusyonaryong pwersa ng mamamayan tuwing nagpupulong ang mga negotiating panel at mga "espesyal na delegasyon."

Malinaw na hindi interesado ang rehimeng Aquino sa negosasyong pangkapayapaan para lutasin ang mga ugat ng armadong tunggalian at makapagbuo ng mga kasunduan batay sa saligang mga reporma. Paglulunsad ng todo-gera, pagpapatupad ng Oplan Bayanihan at pagpapasuko sa NDFP ang pinakahangad ni Aquino.

Sa kabila sa paggamit lamang ni Aquino ang pag-uusap bilang palabas, nananatiling determinado ang rebolusyonaryong kilusan na bagtasin ang landas na ito upang igiit ang pagresolba sa mga ugat ng digmang sibil sa pamamagitan ng pakikipag-isa at pakikipag-alyansa sa batayan ng isang programa para isulong ang pambansang kasarinlan at demokratikong pagbabago.

 Kaalinsabay nito, tuluy-tuloy na pag-iibayuhin ng PKP at BHB ang armadong pakikibaka at ang programa nitong isulong ang digmang bayan mula sa yugto ng estratehikong depensiba tungo sa estratehikong pagkapatas.

Ito lamang ang pinakagarantiya ng mamamayan na mailalatag ang matatag na pundasyong pang-ekonomya, pampulitika at panlipunan para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. May umiiral mang usapang pangkapayapaan o wala, nananatili itong mithiin ng rebolusyonaryong kilusan.