Singilin ang Berdugong AFP sa Pandarahas sa Mamamayan!

Danreb Bringgas
Procopio Tauro Front - NPA-North Abra
Ika-8 ng Marso, 2013

Mariing kinokondena ng Procopio Tauro Front – NPA North Abra ang patuloy na pandarahas at paglabag sa karapatang pantao ng mga berdugong militar laban sa mamamayan sa ilalim ng Oplan Bayanihan. Hindi maikukubli ng mga mababangong salita at mapagbalat-kayong proyekto ang kabulukan ng pasistang AFP. Mula Enero hanggang Pebrero ng taong kasalukuyan, sunod-sunod ang naging paglabag sa karapatang pantao ng mga elemento ng 41st IB kung saan parang asong ulol na naghahanap ng malalapa ang itsura ng kanilang mga operasyong militar sa bayan ng Lagangilang at Licuan-Baay sa probinsya ng Abra.

Tangkang pagpatay at pambubugbog ang dinanas ng bente-singko anyos na si Meymar Alcantara, residente ng Brgy. Nagtipulan, Lagangilang, Abra noong Enero 29. Alas onse ng tanghali, habang nangangahoy siya sa kagubatan, ay bigla siyang nilapitan ng tatlong naka-unipormeng sundalo na may dalang M16 riple. Parang mga holdaper na nakatakip ng panyo ang mukha ng mga ito at nakatakip din ang kanilang mga nameplate. Tadyak sa hita ang pinambungad nila sa binata habang pilit siyang pinapaaming kasapi ng BHB. Sinuntok-suntok din ng mga sundalo ang kanyang mukha  na nagdulot ng pamamaga nito. Hindi pa nasiyahan ang mga berdugong ito at sinugat ang gilid ng mga mata at ang dibdib ni Meymar gamit ang kanyang dalang kutsilyo. Inukitan ng numerong “1” sa kanang bahagi ng kanyang mata habang “X” naman sa kanyang kaliwang mata. Nilagyan rin ng malaking “X” ang kanyang dibdib. Umabot pa sa puntong tinutukan siya ng baril sa ulo at kinalabit ang gatilyo ngunit nagmintis ang bala nito. Tinantanan lang siya ng mga ito ng makita ang kanyang voter’s I.D. na nagpapatunay na siya’y isang sibilyan. Tumakbo ang mga pasista pabalik sa kanilang mga kasamahan pero bago siya iwanan ng mga ito ay pinagbantaan pa siyang babalikan.

Noon namang Enero 30, sa araw mismo ng naganap na engkwentro sa pagitan ng isang yunit ng Charlie Coy ng 41st IB at isang squad ng NPA mula sa Procopio Tauro Front sa Manipit, Cayapa, Lagangilang ay apat na residente ng naturang lugar ang ilegal na hinuli ng mga militar. Noong lamang ika-1 ng Pebrero, nakauwi ang apat sa kani-kanilang mga bahay. Ang mga ito ay sina Anacleto “Killito” Tugade, Ceferino “Boying” Poclani  (Kagawad ti Cayapa), Jemmy “Esmie” Bageng, at Bonifacio “Pacio” Bagang . Ang apat na masang ito ay nasa kanilang kaingin ng magdesisyon sila na magkakasamang maghanap ng pukyutan sa bundok malapit sa pinangyarihan ng nasabing labanan. Nang makauwi sa kanilang baryo ay bakas ang takot sa kanilang mga mukha na di mapagkakailang natrauma sa nangyari sa kanila. Ayon sa mga nakipag-usap sa kanila, ang tanging sinasagot nila sa mga tanong kung ano ang nangyari sa kanila ay “narigat laeng ti agsasao”(mahirap nang magsalita). Sa pagpapalalim ng ilang residente, inamin rin ng mga ito na natatakot silang magkwento ng totoong nangyari sa kanila dahil sa pagbabanta ng mga militar.

Naging biktima rin ng arbitraryong paghuli ang binatilyong si Jeboy Lunes, katorse anyos, taga-Brgy. Lenneng, Licuan-Baay, Abra. Nagpunta siya sa bundok malapit sa Palpalitpit, Cayapa, Lagangilang kasama ang isa pang lalaki na taga-Brgy. Lenneng din para manghuli ng kalabaw ng may makasalubong silang mga sundalo. Tinawag sila ng mga sundalo na lumapit. Dahil sa takot, hindi nakagalaw sa pwesto si Jeboy habang agad namang tumakbo ang kanyang kasama. Kinuha siya ng mga militar at pilit na pinapaaming kasapi siya ng NPA . Pagkatapos ay dinala siya ng mga ito sa Bituen detatsment sa Brgy. Lenneng, Abra para paaminen ngunit di pa rin nagsalita si Jeboy.  Kinabukasan ay dinala nila ang binatilyo sa Bakiro, sa munisipyo ng Licuan-Baay at dito lamang ito nakalaya nang dumating ang mayor ng naturang bayan na siya mismong nagpatunay na sibilyan, menor-de-edad at mismong  pamangkin niya pa ang biktima.

Hindi lamang iilang indibidwal ang naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao ng 41st IB sa ilalim ng 503rd Brigade. Malawakan ang ginawang panghaharass at pangsa-psywar sa mga mamamayan ng Lagangilang, partikular sa Cayapa kung saan ang mga residente ay pinapatawag sa headquarters para daw patunayang hindi sila sumusuporta sa NPA gayundin ang mga hinihinalang supporters umano ng mga NPA. Sa sityo Palpalitpit, pinipigilan pang lumabas ng baryo ang mga tao, bagay na naging malaking sagabal sa kanilang paghahanap-buhay.

Kahit sa nakaraan ay marami na ring sibilyang ang naging biktima ng iligal na paghuli, pananakit at pananakot sa panahon ng mga operasyong militar di lamang ng Charlie Coy ng 41st IB kundi  pati ng iba pang yunit nito. Halimbawa nito ay ang ang kaso ng iligal na pagkuha at paghold sa loob ng tatlong araw at dalawang gabi ng isang yunit ng Bravo Coy, 41st IB kay Jonathan Salimbay, residente ng Brgy. Pacgued, sa  panahon ng pag-ooperasyon nila sa pagitan ng  sitio Sap-al, Brgy. Buneg, Lacub at Brgy. Pacgued, Malibcong.

Naging kalakaran rin ang pilit na pagkuha ng mga army ng mga sibilyan bilang guide sa kanilang mga operasyon maging sa mga combat at military operations nito sa pamamagitan ng pananakot tulad ng nangyari kay Berto Balasta, residente ng sitio Matalibeng, Brgy. Mataragan, Malibcong na pinilit nilang magguide sa kanila sa loob ng dalawang oras kung saan anumang oras ay maaring maka-engkwentro sila ng iba pang armadong grupo. Hindi lamang ito paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL)  kundi malinaw na palatandaan ng kawalan ng pagpapahalaga at pakialam ng AFP sa maisasakripisyong buhay ng mga inosenteng sibilyan.

Wala ring magandang idinudulot ang isang taong pagbabase ng 41st IB C Coy sa detatsment nila sa Bantugo, Lacub at tatlong taong pagdedetatsment naman ng 41st IB B Coy sa Brgy. Mataragan, Malibcong. Unang-una ay labag sa batas ang pagtatayo ng Bantugo detachment sa Poblacion, Lacub dahil sa maiksing distansiya nito sa Bantugo Elementary School at  sa mga kabahayan gayundin ang pagtatayo ng detachment sa gilid ng Brgy. Mataragan sa kabila ng pagtutol ng mga residente. Sa pagtatagal ng pananatili ng mga sundalo ay humahaba ang listahan ng kanilang mga paglabag sa karapatang pantao at pagsasamantala hindi lamang sa mga residente ng mga nabanggit na lugar kundi gayundin sa mga baryong nakapaligid dito.

Sa kabila ng pagyayabang ng pamunuan ng AFP na ang mga sundalo nito ay disiplinado, pinapasubalianan ito ng napakaraming kaso tungkol sa masasamang aktibidad  at gawain nila habang nakatayo ang nasabing mga detatsment. Patuloy ang mga kaso ng pagnanakaw ng mga hayop, pagsita at pag-iimbestiga sa mga kabataan nang walang dahilan at pagpilit sa kanila na gumamit ng ipinagbabawal na gamot tulad ng nangyari sa Brgy. Mataragan. Nagpapatuloy din ang pagsasamantala ng mga sundalo sa mga kababaihan. Ginagawa nilang libangan ang pakikipagtextmate at panliligaw sa mga kadalagahan at maging sa mga pamilyado. Talamak ang pakikikabit na nagbubunga ng pagkasira ng mga tahanan at relasyon.  Sumasahol rin ang pagsasamantalang sekswal sa porma ng panghahalay at paggigiit ng pre-marital sex sa mga masang nakakarelasyon ng mga ito. Ang masama nito, dumarami ang naiuulat na mga dalagang naanakan ngunit hindi pinanagutan katulad ng isang dalaga sa Brgy. Mataragan, Malibcong, at isang dalaga  sa Pacoc, Lacub at marami pang iba. May mga pagkakataon ding pamilyado na ang mga sundalo kung kayat kapag nabuko na ay ililipat na lamang nila ng destino. Patunay na hayagang nilalapastangan ng mga buhong na sundalong ito ang dangal ng mga kababaihan at walang sinusunod na disiplina sa usaping ito.

Hanggang sa salita lang ang sinasabing paglilingkod ng militar sa mamamayan dahil wala sa anumang gawain ng mga ito ang nagpapakita ng tunay na pagsisilbi at pagpapahalaga sa kabutihan ng mga mamamayan.
Nananawagan ang Procopio Tauro Front sa ilalim ng Agustin Begnalen Command sa lahat ng biktima ng pandarahas at panunupil ng AFP na lumantad at singilin ang berdugong armado ng kasalukuyang pasistang gobyerno. Hindi natin dapat palagpasin ang kawalanghiyaan ng pasistang militar. Dapat na magkaisa ang mga mamamayan  at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan.

Sumapi tayo sa Bagong Hukbong Bayan para kamtin ang tunay hustisya at tunay na kapayapaan sa pamamagitan ng paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay.