Anong "Rising Tiger" ang pinagsasasabi ng World Bank at ng rehimeng Aquino?

Alan V. Jazmines
Konsultant, NDFP
Abril 02, 2013


Translation: What “Rising Tiger” are the World Bank and the Aquino regime talking about?
 

Nagpupuri sa sarili ang rehimen ni Benigno Aquino III kaugnay ng estadistika ng gubyerno na nagpapakita ng di karaniwang pagtaas (6.6%) ng paglago ng Gross Domestic Product ng bansa noong 2012 na nagsimula sa 6.3% noong unang hati hanggang 7.1% sa huling bahagi ng taon. Mas lalong nakiliti ang rehimen ng gayong resulta, nang biglang tawagin ni Motoo Konishi, Direktor sa bansa ng World Bank, ang Pilipinas na isa nang "rising tiger" (bumabangong tigre). Iniuugnay ng rehimen ang gayong "magandang grado" bilang resulta ng isinusulong nitong "matuwid na daan" at "mabuting pamamahala."


Gayunpaman, kung mas obhetibo at mas makatotohanang susuriin at ilalatag ang datos,  ipinapakita ng diumanong "malaking tantos ng paglago" ng GDP ng bansa, na lalong naghihirap ang masa ng sambayanan sa kabila ng madaming magagandang pantabing, at ang baseng pang-ekonomya ng bansa ay palala nang palala laluna sa batayang antas.

Sa namamayaning malakolonyal, malapyudal, pre-industriyal at atrasadong agraryong ekonomya, malaon nang kulelat ang Pilipinas sa soyo-ekonomikong usapin sa Asia. Matagal na itong ipinupunto ng Asian Development Bank at kinukumpirma ng OECD Development Center na hindi ito makapagpapabago sa kanila sa kabila ng ilusyon ng "magandang grado" sa kasalukuyan.

Sinasabi rin ng OECD Development Center na ang insidente ng kahirapan sa Pilipinas ay nananatiling pinakamataas sa hanay ng limang myembrong nagtatag ng ASEAN (kabilang ang Malaysia, Indonesia, Thailand at Singapore), kund saan 25 milyong o sangkapat ng populasyon ng Pilipinas ay nabubuhay sa ilalim ng tantos ng kahirapan na $1/araw o P45/araw. Antemano, ang umanong paglago noong nakaraang taon ay dapat ituring na isang panlilinlang, dahil ang 6.6% ay kinwenta mula sa mababang basehan -- ang 3% na nakadidismayang tantos ng paglago ng ekonomya ng bansa, isang taoon ang nakaraan.

Ang "paglagong" 6.6% sa buong 2012 (at kahit ang 7.1% sa huling bahagi ng taon) ay hindi nagpapakita ng tunay na paglago ng industriya, kahit na sa unang pagkakataon sa loob ng maraming taon, ang isang signipkanteng "pagtaas" ay dapat magmula sa sektor ng industriya. Ang bulto ng diumanong "industriyal na paglago" ay mula sa konstruksyon, na nagpalaki ng karagdagang 24.3% noong nakaraang taon bunsod pangunahin ng pagkukumahog na matapos ang kontruksyon -- pangunahin sa pagtatayo ng mga bagong gusali at "property boom" na dulot naman ng pagdagsa ng mga call center at iba pang business processing outsourcing (BPO) na itinatayo sa bansa, at sa paglaki ng benta sa mga yunit ng kondominyum na tulak pangunahin ng malaking pagpasok ng remitans mula sa mahigit na 12 milyong manggagawang Pilipino sa ibayong dagat, na ang kabuuang remitans ay idinadaan sa mga bangko (hindi pa kabilang yaong idinaan sa iba pang paraan) na umabot nang $21 bilyon isang taon at naging siyang pangatlong pinakamalaki sa buong daigdig kasunod ng China at Mexico.

Ang ikatlong mayor na pinagmumulan ng diumanong "paglago" sa nakaraang dekada -- ang re-eksport (matapos ang lokal na labor-intensive na pagproseso dito) ng mga semi-conductors at iba pang elektronikong mala-manupaktura - sa loob ng ilan nang taon ay umabot sa $25 bilyon taun-taon at bumuo sa mahigit sa 60% ng eksport ng bansa.

Gayunpaman, lahat ng pinanggagalingan ng diumanong "paglago" ay kinatatangian ng lubusang pagsasamantala sa murang lakas-paggawa ng mga Pilipino, dito man o ibang bansa. Ang panandaliang benepisyo mula sa pagsasamantala ng gayong labis na murang lakas-paggawa, laluna sa usapin ng tantos ng tubo sa kapital at sa usapin ng pag-unlad at paglago ng ekonomya, ay inaani hindi ng mga manggagawang naglapat ng murang lakas-paggawa kundi ng mga dayuhan at lokal na nagsasamantala.

Mumo lamang sa mesa ng mga imperyalista at mapagsamantalang kumprador ang nakukuha ng mga manggagawang naglapat ng murang lakas-paggawa, kaya sa kaso ng Pilipinas, may paglaki sa ginastos ng mga konsyumer sa mga produkto at serbisyo laluna sa mga luho (kabilang ang mga gastos sa maramihang imported na produktong itinatambak o mga komersyal na produkto ng mga multinasyunal hanggang sa gaya ng mga yunit ng kondiminyum.) Kaya ang malaking pagtaas sa komersyo at serbisyo kung idadagdag pa ang mga nabentang yunit ng kondominyum, ang nagdadala sa ekonomya ng Pilipnas kaysa sa mas solidong produksyong industriyal at agrikultural para sa kapakinabanngan ng masa, simula pa sa pagsikad ng labis na murang lakas-paggawa, pagdagsa ng mga BPOs at re-eksport ng baha-bahaging parteng elektroniko na may konti-pagpoproseso.

Lalong nagiging malinaw ang kabalintunaan ng lahat ng ito sa harap ng katotohanang umaabot sa trilyun-trilyon ang naiipong "paglago" mula sa pagsasamantala ng labis na murang lakas-paggawa ng bansa, iilan lamang ang nakikinabang sa yaman ng bansa habang ang karamihan ay isinasadlak sa kahirapan.

Lubos na kapansin-pansin ito sa patuloy na pagtaas ng kawalang-hanapbuhay at kakulangan sa trabaho (nakakubling disempleyo) na sumasaklot na sa mahigit 12 milyon (mahigit 30%) ng kasalukuyang pwersa sa paggawa. Ang kabalintunaan, nang tumaas umano ang GDP ng bansa nang 7.1% sa huling bahagi ng taon, lalo namang lumaki ang kawalang-hanapbuhay ng halos 900,000.

Kung wala ang malaking eskport ng lakas-paggawa sa ibayong dagat, halos dodoble lalo ang tantos ng kawalang-hanapbuhay at kakulangan sa trabaho.

Dahil sa sobra-sobrang laki ng kawalang-hanapbuhay at kakulangan sa trabahao, pamura nang pamura ang lakas-paggawa sa Pilipinas at mas lalong nagiging patapon. Ang ligal na minimum na sahod ay mas mababa nang kalahati sa halaga ng dapat na P1,000 arawang sahod na kailangan para sa isang anim-kataong pamilya para mabuhay nang disente. Ang aktwal na abereyds na sahod ng isang manggagawa sa totoo ay higit na mas mababa sa kasalukuyang kundisyon at mas nagiging mababa pa dahil sa pagtaas ng presyo ng mga esensyal na produkto.

Dahil sa lahat nang ito (kabilang ang malawakan at papalalang kawalang-lupa at kawalang-hanapbuhay ng malaking mayorya sa kanayunan), pahirap nang pahirap ang masa ng sambayanan habang mabilis namang payaman nang payaman ang mga elitista sa bansa at kanilang dayuhang amo.

Kongkreto itong ipinakita at malinaw na nakikita sa datos na inilabas ng dating national economic planning chief na si Cielito Habito: ang pinagsamang yaman ng 40 pinakamayayamang pamilya na iniulat ng Forbes Asia ay lumaki nang $13 bilyong noong 2010-2011 -- katumbas (sa halaga) ng 76.5% ng paglago noon ng GDP ng buong bansa (na lumaki noon ng $17 bilyon). Ikinumpara ito ni Habito sa Malaysia, na ang katumabas na bilang ng pinakamayayamang pamilyang iniulat ng Forbes Asia ay nakapagkamal lamang ng yamang katumbas ng 5.6% paglago ng GDP ng bansa, at sa Japan, na ang tantos ay umabot lamang ng 2.8% -- na nagpapakita na ang hindi pagkakapantay sa kita sa bansa ay malayong mas malala kaysa sa ibang bansa sa kontinente. Ang malinaw, pinagsasamantalahan ng malalaking kumprador, malalaking burukrata at malalaking panginoong maylupang iilan at kanilang imperyalistang amo sa Pilipinas ang mamamayan sa pamamagitan ng labis-labis na kasakiman at pagsasamantala na nagbubunsod sa mamamayan sa ibayong miserableng buhay.

Ano ang sinasabing "rising tiger" ng World Bank at ng rehimeng Benigno S. Aquino III?

Isang saligang radikal na pagbabago sa buong bangkarote, di-makatarungan, mapagsamantala, bulok at naghihingalong malakolonyal at malaypudal na naghaharing sistema sa bansa ang dapat gawin upang baligtarin ang papalalang sosyo-ekonomikong krisis na malaon nang pinapasan ng sambayanang Pilipino.#


---------------------------

Ang artikulong ito ay sinulat ni Alan Jazmines, isang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa usapang pangkayapayapaan at myembro ng Reciprocal Working Committee on Socio-Economic Reforms ng NDFP. Mula kalagitnaan ng 2011, dapat makipagpulong ang komite sa katapat nito sa panig ng Government of the Republic of the Philippines (GPH) para sa ikalawang bugso ng pormal na usapang pangkapayapaan ng NDFP-GPH na dapat sumentro sa mga repormang sosyo-ekonomiko. Gayunpaman, hindi naganap ang pagpupulong dahil sa pagkaaresto kay Jazmines sa pinakabisperas mismo ng unang pormal na usapan ng NDFP-GPH noong Pebrero 14, 2011 at sa patuloy niyang pagkakapiit mula noon at sa patuloy na pagkakakulong ng mahigit isang dosena pang ibang konsultang ng NDFP sa usapan. Dapat ay protektado ang mga konsultant sa usapang pangkapayapaan ng magkabilang panig ng NDFP-GPH Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) sa pagtugaygay, pag-aresto, detensyon at iba pang antagonistikong aksyon na makahahadlang o makapipigil sa anumang paraan sa kanilang epektibong partisipasyon at gawain sa prosesong pangkapayapaan. Iginigiit ito ng NDFP, na para umusad at makapagpatuloy sa mga subtantibong adyenda ang mga pormal na usapang pangkapayapaan, obligadong irespeto at tumalima muna ang GPH sa JASIG at iba pang kasunduan sa kapayapaan ng NDFP-GPH.