Bagong batalyon ng Phil. Army sa Occidental Mindoro na 76IB—walang ipinagkaiba sa mga dating pasistang batalyon ng PA sa isla ng Mindoro


Ka Higom Maragang,
Lucio de Guzman Command- NPA Mindoro
Pebrero 24, 2013

Muling sinaklot ng labis na takot at pangamba ang mga mamamayang Mindoreno nang pumarada sa mga mayor na kalsada nito ang ilampung trak ng PA-AFP sakay ang mga pasistang tropang 76IB at kagamitan nito noong huling linggo ng Enero 2013. Ang 76IB ang ipinalit sa  80IB na inalis  matapos ang halos walong taong destino sa lalawigan ng Occidental Mindoro.  Ang 76IB ay ilang dekada nang nakapakat sa mga bayan ng Lopez, Gumaca, Tagkawayan at Calauag sa Quezon at sa bayan ng Sta. Elena sa Camarines Norte sa Bicol at  may mahabang listahan ng mga krimen at paglabag sa karapatang pantao  tulad ng masaker sa Tagkawayan 8, iligal na pag-aresto at pagdetine at pagtortyur sa mga magsasaka at mga aktibistang nagtataguyod ng karapatang pantao, pagtatanggol sa interes ng mga dayuhang magmimina at mga konsesyon sa lugar  katulad din ng 80IB na kanyang pinapalitan sa Mindoro.

Kung inaakala ng 76IB na sasalubungin siya ng mga Mindoreno ng pagbubunyi at tuwa, nakakamali siya. Alam ng mamamayan na wala itong ipinagkaiba sa mga nauna nang batalyon  ng PA-AFP sa Mindoro at sa iba pang kanayunan  ng bansa--- PASISTA, BERDUGO, MALUPIT AT MARAHAS at ngayon ay MAPANLINLANG! Tigmak sa dugo ng masa ang kamay ng PA-AFP at PNP sa Mindoro.

Hindi malilimutan ang mga karumal dumal na mga krimen ng mga pasistang batalyon ng PA na ipinakat sa Mindoro mula 2001 hanggang sa kasalukuyan lalo na ang pasistang 16IB at  68IB sa ilalim ng berdugong Col. Jovito Palparan (204th Brigade) at Oplan Habol Tamaraw nang itinuring ang Mindoro bilang National Priority Concern sa programang counter insurgency ng Rehimeng US-Arroyo na Oplan Bantay Laya mula 2001 hanggang 2006. Kasama rin dito ang mga pwersang panagupa ng PA na 59IB, 6th  SFC, 19th SFC, 21St SR, at ang pinakahuli ang 4IB ,  80IB  at 22nd  at 23rd DRC sa ilalim ng Oplan Bayanihan ng Rehimeng US-Aquino.

Ang mga lansakang paglabag sa karapatang pantao ng mga pasistang tropa ng AFP at PNP na nagresulta sa pagdukot at pagpatay sa mga lider magsasaka, estudyante, guro, mangingisda at mga katutubong mangyan, iligal na pagdakip at detensyon at pagtortyur, sapilitang paglikas ng libong  pamilya at mamamayan para makaiwas sa “shock and terror” approach ni Palparan at ng mga pumalit sa kanya sa ilalim ng 203rd Brigade ng AFP. Sa mga panahong  ito pinaslang sina Choy Napoles, Bong Ternida, Eden Marcellana at Eddie Gumanoy, Isaias Manano, Juvy Magsino at Leima Fortu, Kagawad Roger Fernando, mag-asawang Expedito at Manuela Albarillo at ang limang mangingisda sa San Teodoro at Puerto Galera na pinugutan ng ulo (kabilang sina Anthony Martinez, Romy Sacdalan, Vedasto Lalongisip at iba pa) sa bahaging Oriental. Habang sa katabing probinsya naman ng Occidental Mindoro ay naganap ang pagmasaker sa pamilyang Blanco sa Talayob, Nicolas, Magsaysay at masaker kina Rico Deatras, Dodek Mendoza at isa pa sa Naitan, Batasan, San Jose  at paspaslang kay  SB Gatdula sa Sta. Cruz ng 16IB noong 2003;  pagpaslang kina Jose Sinagmayon sa Abra de Ilog, Rondel Garcia at Dario Deladia ng 68IB noong 2004 hanggang 2006 at iba pang mga krimen laban sa mamamayan.

Nagpapatuloy pa rin ang mga krimeng ito laban sa mga mamamayan sa ilalim ng Oplan Bayanihan ng Rehimeng US-Aquino sa gitna ng pagpapanggap ng kanilang mga Peace and Development Teams (PDT’s). Ang mga pinakahuling biktima ng pagpaslang  sa Mindoro noong 2011 at 2012 ay sina Remy Delicana ng Sta. Cruz, MOC, Guiller Castillo ng Mamburao, MOC na pinaslang nga mga death squads ng mga 80IB militar sa harap mismo ng kanilang mga pamilya. Habang tuloy ang kanilang mga karumal dumal na krimen laban sa mamamayan, ang ilang PDT’s naman ay kunwang tumutulong sa mga pamayanan at baryo sa mga pakitang taong proyekto tulad ng basketball court, tangke ng tubig para makuha ang “puso at isipan” ng mamamayan  at nagiging panakip ito sa gawaing paniniktik nila sa rebolusyonaryong kilusan.

Dapat hubaran ng maskara ang pagpapanggap ng  PA- AFP  at mga PDTs  nito  na mabait , matulungin at gumagalang sa karapatang pantao.  Dapat ilantad ang kanilang pagkukunwari at panlilinlang.  Dapat ilantad ang mga krimen ng PA-AFP at PNP laban sa mamamayan  at pananagutin ang mga responsible ang  sa mga krimen na ito.

Papanagutin ang mga berdugong militar sa kanilang mga krimen laban sa mamamayan! Kamtin ang tunay na katarungan!

Palayasin ang mga pasistang 76IB!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!