Ipagtanggol ang lupang ninuno! Parusahan ang mga mandarambong!

Sey-ang Rayos
Jennifer ‘Maria’ Cariño Command - New People’s Army – Benguet
Abril 30, 2013

Matagumpay na inilunsad ng Jennifer ‘Maria’ Cariño Command ng NPA-Benguet ang hakbang pagpaparusa sa Lepanto Consolidated Mining Co. noong April 25, 2013 sa pamamagitan ng pagsunog ng drilling machine nito sa barangay Colalo, Mankayan, Benguet. Ang naturang drilling operation sa lugar ay para sa planong itayo ang Tailings Dam 5B ng kumpanya na magsisilbi sa pagpapalawak ng saklaw ng mining operation ng kumpanya sa Mankayan at bahagi ng Tadian, Mt. Province. Ang pagtatayo ng Tailings Dam 5B ay nangangahulugan ng pag-agaw muli ng Lepanto ng ilampung ektaryang lupain ng mamamayan ng mga barangay ng Colalo at Bedbed sa Mankayan. Matatandaang noong 1990s ay inagaw ng Lepanto ang ilampung ektaryang palayan at iba pang lupain ng mamamayan ng Colalo para maitayo ang Tailings Dam 5A ng kumpanya. Ang pagpapalawak naman ng mining operation ng Lepanto ay mangangahulugan din ng pang-aagaw at pagkasira ng ilandaang ektarya pa ng mga agrikultural na lupain, kagubatan at iba pang bahagi ng ansestral na lupain ng mga katutubong mamamayan sa Mankayan at Tadian. Ang iginawad na pagpaparusa sa kumpanya ay isang hakbang ng pagsuporta at pakikiisa sa magiting na pakikibaka ng mamamayan ng Mankayan at iba pang lugar laban sa mapanirang pagmimina ng Lepanto at iba pang dambuhalang kumpanya sa pagmimina.

Ang Lepanto, na pag-aari ng mga pamilyang Yap, Disini, Tecson at iba pang malalaking kapitalista sa bansa, ang isa sa pinakamalaking kumpanya ng minas sa Pilipinas. Kasosyo nito ngayon ang Gold Fields na isa naman sa mga pinakamalaking kumpanya ng minas sa buong daigdig. Sa mahigit 70 taon na operasyon ng Lepanto, wala itong ibang idinulot kundi perwisyo para sa mamamayan ng Mankayan at mga katabing bayan sa saklaw ng Benguet at Mt. Province, mga bayang dinadaanan ng Abra River sa bahagi ng Ilocos Sur at Abra at maging sa buong Pilipinas.

Hindi na lamang iilan ang mga sakunang nangyari na direktang dulot ng malawakan at mapanirang pagmimina ng Lepanto. Napakalaki na ang pinsalang idinulot nito sa kapaligiran , lupa at kabuhayan ng mga taga-Mankayan at iba pang bayan. Inagaw ang mga agrikultural at komunal na lupain ng mga katutubong minorya ng Mankayan at Bakun. Nawala ang tubig sa ilang mga sapa at nadumihan ng mga nakakalasong kemikal ang mga Ilog ng Mankayan at ang Abra River na tumatagos sa maraming bayan ng Ilocos Sur at Abra. Nakalbo ang malawak na kagubatan dahil sa logging ng naturang kumpanya. Lumubog ang bahagi ng mga eskwelahan at mga kabahayan sa barangay Colalo at Poblacion ng Mankayan.

Walang katotohanan na nakakatulong ang Lepanto sa pagbibigay ng trabaho sa mga manggagawa nito. Napakadumi ng record ng kumpanya sa marahas na panunupil sa paggawa at pagbale-wala sa mga kahilingin ng mga manggagawa nito. Sa matagal na panahon, at hanggang sa kasalukuyan, naging kalakaran ng Lepanto na tanggalin sa trabaho ang mga malapit nang magretirong mga manggagawa nito nang sa gayo’y makaiwas ang kumpanya sa obligasyon ng pagbibigay ng mga kinaukulang benepisyo, tulad ng pensyon, sa mga tinatanggal na manggagawa. Ang maraming namatay at naaksidenteng manggagawa ay hindi nakatanggap ng sapat na suporta at benepisyo. Napako sa mababang halaga ang arawang sahod ng mga manggagawa. Mula 1990’s, tuloy tuloy na nagbawas ng mga regular na manggagawa ang kumpanya upang palitan ng mga kontraktwal na manggagawa. Mula sa dating bilang na mahigit 6,000, mahigit 600 na lang ang bilang ng mga regular na manggagawa at nagpapatuloy pa ang pagbawas ng kumpanya sa mga ito, habang libo-libong mga manggagawa nito ay mga kontraktwal.

Kapalit nito, taun-taong kumikita ang kumpanya ng ilang bilyong piso mula sa miniminang ginto, tanso at iba pang mineral. Ang pagyaman ng iilan ay paghihirap at kapinsalaan ng marami.

Ngunit hindi pa kuntento dito ang mga gahamang kapitalista. Plano ng kumpanya na palawakin pa ang saklaw ng kanilang operasyon sa iba pang baranggay ng Mankayan. Dahil lamang sa mahigit isang taon na magiting at matagumpay na pakikibaka ng mga residente ng Tabio at kanugnog na mga barangay kaya napigilan ang Lepanto sa pagsaklaw sa nasabing mga lugar.

Kabi-kabilaan din ang mga aplikasyon sa pagmimina ng Lepanto sa lahat ng mga probinsya sa Kordilyera, gamit ang iba’t-ibang pangalan tulad ng Olpaten, Eltopan at Mt. Franz. Sa ngayon, ang Lepanto ang may pinakamalawak na aplikasyon sa pagmimina sa buong rehiyon ng Kordilyera.

Para sa ganid na interes, ginagawa ng Lepanto ang lahat ng maduduming taktika – panlilinlang, pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa mga tumututol na mamamayan, paggamit sa mga pulis at iba pang armadong grupo sa pagbuwag sa mga piket, at iba pa. Marahas na binuwag ang barikada ng mamamayan sa barangay Colalo laban sa pagtatayo tailings dam 5A noong 1991-1992, ang mga barikada ng mga taga-barangay Bulalacao laban sa expansion ng kumpanya noong 1995-1997 at 1999, ang strike ng mga manggagawa noong 2003 at 2005. Sa buong taon ng 2012, ilang beses na sinikap na marahas na buwagin ang barikada ng mamamayan sa barangay Tabio laban sa drilling operation ng Far Southeast Gold Resources, Inc. (FSGRI), isang expansion project ng Lepanto at ang dambuhalang kumpanyang kasosyo nito, ang Gold Fields. Kung anu-anong kaso ang isinampa laban sa mahigit isandaang tao na kalahok sa protesta laban sa FSGRI. Mismong mga AFP at PNP ang nagsisilbing gwardya ng Lepanto para maipatupad ang mga proyekto nito sa pagmimina at bantayan ang interes ng mga ganid na lokal at dambuhalang kapitalista.

Ang pagtutol ng mga katutubong mamamayan ng Mankayan sa malawakan at mapanirang pagmimina ng Lepanto ay pakikibaka para ipaglaban ang kanilang lupang ansestral, kabuhayan at rekurso. Mahigpit itong nakaugnay sa kabuuang panawagan na tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Sa buong Pilipinas, libu-libong pamilya na ang napalayas sa kanilang mga lupa dahil sa pagpasok ng mga dambuhalang kumpanya sa pagmimina. Karamihan sa mga ito ay mga pambansang minoryana inagawan ng kanilang lupang ninuno. Ang mga rekursong namimina dito ay iniluluwas sa ibang bansa, bagay na magagamit sana para pag-unlad ng ekonomya ng bansa, kung meron nang maitatayong mga sariling industriya ang Pilipinas. Ito ang isang malaking dahilan ng patuloy na pagkabansot ng ekonomya ng Pilipinas.

Walang maasahang tulong ang mga katutubong mamamayan mula sa reaksyunaryong gubyerno kaugnay ng pagtatanggol ng kanilang ansestral na lupain. Sa halip na ang mamamayan ang tulungan, ang mga dambuhalang kumpanya pa ang ipinagtatanggol ng gubyerno. Samu’t saring batas ang ginawa para bigyang-laya ang pandarambong ng mga ito. Pangunahin na dito ang Mining Act of 1995 at ang mga bagong kautusan ng rehimeng Aquino II na nagsesentralisa ng kapangyarihan sa pambansang gubyerno para sa pag-apruba sa mga bagong aplikasyon sa pagmimina.Isang mahalagang bahagi rin ng Oplan Bayanihan ng AFP ang papel ng mga yunit nito sa pangangalaga sa mga pamumunuhan ng mga dayuhang kapitalista laban sa pagtutol ng mga mamamayan. Marami nang mga lider ng mga pambansang minorya na mahigpit na tumututol sa malawakan at mapaminsalang pagmiminas ang pinaslang ng mga militar. Pinakahuli dito ang pagpaslang kay Kitari Capion, isang lider ng tribung B’laan, sa South Cotabato, apat na buwan lang matapos ang pagmasaker sa asawa at dalawang anak ni Daguil Capion, kapatid ni Kitari, sa Kimlawis, Kiblawan, Davao del Sur. Kapwa sila mahigpit na lumalaban sa pagpasok ng kumpanyang Sagittarius Mines Inc.-Xstrata sa kanilang lugar. Gayundin ang pagpaslang kay Barangay Kagawad Enrico Cabasag , isa sa mga lider ng mga mamamayan ng barangay Ripang, Conner, Apayao at ng Save Apayao People’s Organization (SAPO) na nagbarikada laban sa pagpasok din ng isang kumpanya ng minas. Karaniwan nang pinapatayuan ng detatsment ng AFP ang mga lugar kung saan nagmimina o planong magmina ang mga dayuhang kumpanya.

Ang CPP, NPA, CPDF at buong rebolusyonaryong kilusan ay naninindigan para sa interes ng mamamayan laban sa malawakan at mapanirang pagmimina ng mga dambuhalang kumpanya. Ang dayuhang pamumuhunan ay hindi solusyon sa pagkamit ng pag-unlad ng bayan. Bagkus, lalo pa nitong pababagsakin ang ekonomya ng bayan kapalit ng super-ganansyang kakamkamin ng mga dayuhang kapitalista. Tanging sa rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan makakamit ang pambansang kalayaan, demokrasya at tunay na kaunlaran.

Labanan ang malawakan at mapanirang operasyon ng Lepanto at lahat ng malalaking kumpanya sa minahan!
Ipagtanggol ang lupang ansestral at kabuhayan!
Palayasin ang mga gahamang dayuhan at ipaglaban ang pambansang kasarinlan!
Isulong ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon!
Panagutin ang reaksyonaryong gubyerno at berdugong AFP at PNP sa mga krimen laban sa mamamayan!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!!!