Paglilinaw Kaugnay sa Paglikas ng mga Sibilyan sa Brgy Vicente, San Andres Catanduanes


Gregorio "Ka Greg" Bañares

NDF-Bicol
Abril 20, 2013


Isang malaking kasinungalingan ang ipinapalaganap ng tagapagsalita ng 83rd IB, na mga NPA umano ang nagpapalayas sa mga residente ng Brgy San Vicente (Malidong), sa bayan ng San Andres, Catanduanes.

Bago ang sinasabing "pagpapalayas sa mga tao" noong Abril 13, isang sibilyan ang pinaslang ng mga tropa ng 83rd IB. Alas 3:00 ng madaling araw, nang pagbabarilin ng mga sundalo ng 83rd IB ang sibilyang si Jerico Lucero,

Nangyari ang pamamaslang ng mga tropa ng 83rd IB sa magsasaka at parahagot ng abaka na si Jerico Lucero, matapos ang pamamarusa ng BHB sa kasapi ng CAFGU na si Zaldy Muebla sa Brgy Batong-Bulay, San Andres noong Abril 6, 2013. Si Muebla ay masugid na giya sa mga operasyong militar ng 83rd IB. Nakuha ng BHB mula kay Muebla ang isang kalibre 38 pistola.

Kasabay ang CAFGU na si Lamberto Muebla alyas Ricky\Nonoy, na isang rebel surrenderee (at kapatid ni Zaldy Muebla) nang paslangin ng mga sundalo ng 83rd IB ang sibilyang si Jerico Lucero noong Abril 13. Ginantihan ng mga sundalo si Lucero, matapos itong pagbintangang taga-suporta ng BHB. Pagkatapos nito, nagpakalat ang mga sundalo ng pananakot at kasinungalingan na "may papataying impormer ang BHB linggu-linggo". Resulta nito, may ilang pamilyang lumikas mula sa Brgy San Vicente, at papunta sa kalapit na barangay. Pakana ito ng 83rd IB para maghasik ng takot sa mamamayan.

Sa ngayon, militarisado ang Brgy San Vicente, at ginagamit na sangkalan ng 83rd IB ang "paglikas ng mga tao" upang makapag-tambak sila ng tropa sa lugar.

Inililinaw ng Nerissa San Juan Command ng BHB-Catanduanes na hindi mga kasapi ng NPA ang nananakot sa mga residente ng Brgy San Andres. Alam ng mamamayan na hindi gawain ng NPA ang manakot at magpalayas sa mga taumbaryo. Ang NPA ang hukbo ng sambayanan, ang rebolusyonaryong kilusan ay patuloy na lumalakas dahil sa malawak na suporta at pagtangkilik ng mamamayan. Ang gumagawa ng ganitong pananakot at sapilitang pagpapalikas (zoning at hamletting) ay ang mga pasistang sundalo. Taktika ng 83rd IB ang marumi at madugong saywar upang siraan ang rebolusyonaryong kilusan at maghasik ng takot sa mamamayan.