Ang digmang bayan sa Pilipinas, negosasyong pangkapayapaan at ang “teroristang” turing


Prof. Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag, Partido Komunista ng Pilipinas
Punong Pampulitikang Konsultant, NDFP Negotiating Panel
May 16, 2013

Translation: People's war in the Philippines, peace negotiations & “terrorist” listing

Lektura sa University of Groningen, 16 Mayo 2013

Una sa lahat, nais kong pasalamatan ang Studentenvereniging voor Internationale Betrekkingen (SIB), o ang Dutch United Nations Student Association (DUNSA), sa pag-iimbita sa akin para magtalakay hinggil sa rebolusyonaryong armadong pakikibakang inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).

Isang karangalan at pribelihiyo para sa akin ang maimbita dahil ang inyong samahan ay may mataas na prestihiyo at kilala sa pag-iimbita ng mga tagapagtalakay gaya ng yaong mga mataas na upisyal ng United Nations, ng European Union at ng The Netherlands, kabilang ang mga punong ministro, upisyal ng gabinete, mga kagawad ng parlamento, mga nakakatandang administrador, matatas na kumander militar, mga tanyag na propesor at mga mamamahayag.


Nais kong talakayin ngayong gabi ang katangian at kalagayan ng digmang bayan sa Pilipinas, ang ugnay nito sa panlipunang krisis at mga patakaran ng gubyerno ng Maynila at gayundin, ng ugnay nito sa malaon nang isinasagawang negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng gubyerno ng Maynila at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng ugnay nito sa iba pang usapin tulad ng pagbilang sa tinaguriang listahan ng mga terorista ng EU sa PKP, BHB at sa punong pampulitikang konsultant ng NDFP (ako).

Katangian ng Digmang Bayan

Simula nang itatag noong 26 Disyembre 1968, sinuri ng Partido Komunista ng Pilipinas ang lipunang Pilipino at inilarawan ito bilang malakolonyal at malapyudal. Pormal na winakasan ng US ang kolonyal na paghahari nito sa Pilipinas at iginawad ang diumanong kalayaan noong 1946. Gayunpaman, pinanatili nito ang di direktang paghahari sa pamamagitan ng sunud-sunurang mga lokal na naghaharing uri ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Pinanatili ng dalawang uring ito ang malapyudal, agraryo at di maunlad na katangain ng panlipunang ekonomya ng Pilipinas.

Sa pagharap sa naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa sa ilalim ng monopolyo kapitalismong US, isinulong ng PKP ang isang Programa ng Demokratikong Rebolusyong Bayan. Ang pangunahing layunin ng programang ito ay ang sumusunod: makibaka para sa lubos na pambansang kalayaan, bigyang-kapangyarihan ang masang anakpawis, kamtin ang demokrasya kapwa sa pagtataguyod sa mga karapatang sibil at pulitikal at pagpapalaya ng mga mgasasaka mula sa pyudal at malapyudal na pagkaalipin, itaguyod ang isang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura at paunlarin ang internasyunal na pagkakaisa at kapayapaan sa daigdig laban imperyalismo.

Ang matibong pwersa ng rebolusyon ay ang uring manggagawa, ang mga magsasagka, ang petiburgesyang lunsod at ang panggitnang burgesya. Ang namumunong uri ay ang uring manggagawa sa pamamagitan ng PKP bilang abanteng destakamento nito. Ang pangunahing pwersa ay ang magsasaka na siyang mayoryang uri. Ang petiburgesyang lunsod ay nananatiling isang rebolusyonaryong uri subalit hindi na siyang namumunong uri, sa pihit ng rebolusyon mula sa pandaidigang kapanahunan ng burges-demokratikong rebolusyon tungo sa modernong imperyalismo at proletaryong rebolusyon. Kahimat may reaksyunaryong pangamba sa masa, isa pa ring positibong patriyotikong pwersa ang panggitnang burgesya na interesado sa pambansang kalayaan at pag-unlad ng ekonomya.

Pinaninindigan ng PKP na ang mapagsamantalang mga uri ng malalaking kumprador at panginoong maylupa, na napatunayan sa kasaysayan ng Pilipinas, ay hindi kailanman kusang isusuko ang kanilang kapangyarihan at kayamanan. Sa suportang militar ng US, ginagamit nila ang estado poder (sundalo, pulisya, mga kulungan, korte, lehislatura at burukrasya) para supilin ang pambansa at demokratikong kahilingan ng mamamayan.

Kaya itinakda ng PKP ang linya ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng estratehikong pulitiko-militar na linya ng matagalang digmang bayan. Nangangailangan ang linyang ito ng yugto-yugtong pagpapaunlad sa hukbong bayan at iba pang rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan sa isang mahabang panahon upang makapagtipon ng armado at pampulitikang lakas hanggang sa kaya na nitong maglunsad ng pangkalahatang opensiba sa buong bansa at ganap na maagaw ang kapangyarihang pampulitika mula sa reaksyunaryong naghaharing uri.

Sa ganitong layunin, nagtalaga ang PKP ng mga kadre nito sa kanayunan mula noong maagang bahagi ng 1969 upang buuin ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ang kilusang magsasaka, upang ilunsad ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at ang tunay na reporma sa lupa; at paunlarin ang baseng masa sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng lahat ng posibleng anyo ng boluntaryong samahang masa (para sa mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, mga aktibistang pangkultura, bata, at iba pa), pagbubuo ng mga lokal na sangay ng PKP at pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika upang halinhan ang mga instrumentong pulitikal ng mga mapagsamantalang uri.

Nagagamit ng BHB ang malawak na maniobrahan at mahirap na kalupaan ng kanayunan para labanan ang superyor na armadong lakas ng kaaway at umunlad ng yugto-yugto sa pamamagitan ng paglalapat ng patakaran ng estratehikong depensa habang naglulunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa mga pwersa ng kaaway na nasa estratehikong opensiba. Estratehikong mas malakas ang pwersa ng kaaway kaysa sa BHB, sa proporsyong 10 sa 1. Maaaring itakda ng konsentradong mga yunit ng BHB ang eksaktong panahon at lugar para sorpresang durugin ang ispesipikong bahagi ng pwersa ng kaaway.

Sa kasalukuyang yugto, naglulunsad ang BHB ng masinsin at malawak na pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa. Ginagamit nito ang estratehiya at taktika ng konsentrasyon, paghihiwa-hiwalay at pagpapalipat-lipat, kung kinakailangan para makamit ang tiyak na mga layunin. Nagtitipon ito ng malaking pwersa upang durugin ang isang yunit ng kaaway. Naglulunsad lamang ito ng mga labanang kaya nitong ipagwagi. Naghihiwa-hiwalay ang mga yunit nito upang magsagawa ng gawing masa at bumuo ng mas maraming yunit panlaban. Naglilipat ito ng pwersa kung kailan kailangan upang iwasan ang superyor ng pwersa ng kaaway at kunin ang mas paborableng pusisyon. Naghihintay ito ng tamang pagkakataon at iniiwasan ang mga labanang hindi nito kayang ipagwagi. Pinakamahalaga sa lahat, nagtatamasa ito ng di masasaid na suporta ng masa kaya matagumpay nitong nagagawang bulag at bingi ang kaaway.

Tinatanaw ng PKP at BHB ang malamang na proseso ng pag-unlad ng digmang bayan sa tatlong estratehikong yugto. Sa unang yugto, nasa estratehikong depensiba ang BHB habang ang kaaway ay nasa estratehikong opensiba. Sa ikalawa, ang dalawang magkatunggaling hukbo ay nasa yugto ng relatibong pagkapantay at nasa estratehikong pagkapatas. At ang ikatlo, nasa estratehikong opensiba ang BHB at nasa estratehikong depensiba ang kaaway. Nakapagtitipon ng lakas ang BHB habang nagwawagi ito sa mga labanan at napahihina ang pwersa ng kaaway at nagkakamit ng pagpihit ng estratehikong balanse ng mga pwersa; at sumusulong mula sa isang yugto tungo sa isa pa sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga taktikal na opensiba ng mga pwersang gerilya at sa kalaunan, ng mga regular na pwersang makilos.

Makukumpleto sa saligan ang demokratikong rebolusyong bayan sa pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika sa buong bansa. Kagyat na magsisimula ang sosyalistang rebolusyon, kung saan patuloy na pamumunuan ng uring manggagawa ang rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng abanteng destakamento nito, ang hukbong bayan bilang pangunahing bahagi ng estado poder at pagsasabansa ng malaking bahagi ng ekonomya, kahit ang pansamantalang burges na demokratikong mga reporma ay itinutugmang isulong sa pangunahing proseso ng pagsosyalisa sa pag-aari ng industriyal na kagamitan sa produksyon at sa kaganapan ng kooperasyon at mekanisasyon sa agrikultura.

Kalagayan ng Digmang Bayan

Batay sa mga ulat na inilathala ng PKP at BHB (na pwede ninyong tingnan sa www.philippinerevolution.net), batid namin ang estado ng digmang bayan o ang lakas ng BHB sa usapin ng armadong pakikibaka, reporma sa lupa at pagbubuo ng baseng masa. Batid rin namin ang plano ng PKP at BHB para sumulong mula sa yugto ng estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas sa pamamagitan ng pagkumpleto ng mga rekisitong pulitikal at militar.

Kumikilos ang BHB ngayon sa mahigit 110 larangang gerilya, na bawat isa ay may kabuuang pwersa na mula sa pinalaking platun hanggang kumpanya at sumasaklaw sa isang teritoryo na humigit-kumulang ay katumbas ng isang distritong kongresyunal na may di bababa sa limang munisipalidad. Sinasaklaw ng mga larangang gerilya ang substansyal na bahagi ng 70 sa kabuuang 81 prubinsya ng Pilipinas. Ang bilang ng mga pultaym na Pulang mandirigma na may malalakas na sandata ay patungong antas 10,000. Pinalalaki pa sila ng ilampung libong boluntaryong mga milisyang bayan at ng daan libong mga yunit sa pagtatanggol-sa-sarili ng mga organisasyong masa sa kanayunan.

Nanlilinlang ang mga eksperto sa saywar ng reaksyunaryong gubyerno at ng militar sa pagsasabing noong kalagitnaan ng 1980s, na mayroong nang 25,000 Pulang mandirigma ang BHB subalit ngayon ay umabot na lamang ito sa 4,000 hanggang 5,000. Tinasa ng Komite Sentral ng PKP ang lakas ng BHB sa Plenum noong 1985 na may 5,600 Pulang mandirigma na may malalakas na riple. Tumaas ang bilang ng mga Pulang mandirigma sa 6,100 noong 1986. Hindi pa rin masyadong organisado at sanay ang mga milisyang bayan at mga yunit sa pagtatanggol-sa-sarili di tulad ngayon. Pinahina ang BHB ng malalalang Kaliwang oportunistang kamalian na siyang tinarget ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto na inilunsad ng PKP noong 1992.

Malaganap na ipinatupad ng PKP, BHB at ng kilusang magsasaka ang minimum na programa sa lupa, na kinabibilangan ng pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi ng usura o labis-labis na interes sa pautang, pagtataas ng sahod ng mga manggagawang bukid, pagpapataas ng presyo ng produktong-bukid at pagtataguyod ng produksyong agrikultural at iba pang hanapbuhay sa pamamagitan ng panimulang kooperasyon. Ipinatutupad ang maksimum na programa ng pagkumpiska at pantay na libreng pamamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal sa mas pinabilis na antas sa maraming lugar, depende sa lakas at kakayahan ng BHB at baseng masa.

Para magkaroon ng mas maraming lupain para sa reporma sa lupa at sa pagsalba sa kapaligiran, nilalansag ng BHB ang mga empresang pag-aari ng mga dayuhang korporasyon at mga burukrata kumprador-panginoong maylupa, laluna yaong mga nangamkam ng lupa sa mga magsasaka at pambansang minorya. Ang mga ito ay mga empresang nakatuon sa eksport, kabilang ang pagmimina, pagtotroso at mga plantasyon. Pinarurusahan din ng BHB ang empresang sa biofuel na produksyon na nagpapalit ng gamit ng lupa mula sa pagtatanim ng pagkain; laban sa mga pinalalaking mga pasilidad na panturista at laban sa tahasang ispekulasyon sa real estate.

Mayroon nang milyun-milyong baseng masa ang PKP, BHB at iba pang rebolusyonaryong pwersa. Nagawa ito sa pagbubuo ng organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, aktibistang pangkultura at mga bata, ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika mula sa antas baryo tungo sa mas mataas na antas pa at ng mga lokal sangay ng Partido. Pinamumunuan ng PKP ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika at inaayudahan ng mga nakatayong komite at ng mga organisasyong masa. Ipinatutupad ang mga programa at kampanyang masa para itaguyod ang pag-oorganisa sa masa, edukasyong masa, reporma sa lupa, produksyon, relief at rehabilitasyon sa panahon ng mga sakuna, pangangalagang pangkalusugan, lokal na seguridad at pagtatanggol sa sarili, pagsasaayos ng mga di pagkakaunawaan at mga aktibidad na pangkultura.

Nakamit ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ang gayong lakas na naglalayong sumulong mula sa estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas at nagsisikhay upang tugunan ang mga rekisitong pulitikal at militar. Lampas na sa 100,000 ang kasapian ng PKP sa ngayon at nagpapalawak pa para makamit ang 250,000 kasapian sa kalunsuran at kanayunan. Nagpapaunlad ang PKP ng mas maraming kadre ng Partido sa proseso ng gawaing masa at pagpapalawak ng kasapian nito. Nilalayon ng BHB na palakihin ang bilang ng mga Pulang mandirigma nito tungong 25,000 at ang mga larangang gerilya nito tungong 180. Nagpapalakas ng sarili ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika at ang mga organisasyong masa upang masaklaw ang mas maraming mamamayan sa kanilang milyon sa pamamagitan ng tuwirang pag-oorganisa at sa pamamagitan din ng gawain sa pakikipagkaisang prente.

Lipas na lipas na ang naghaharing sistema sa Pilipinas at nasa palagiang krisis, sa kabila ng pagpapaganda sa kalunsuran na tulak ng patakarang neoliberal sa ekonomya sa pamamagitan ng marangyang paggastos, maluluhong pag-aangkat at nagtatayugang mga gusali na pinopondohan ng mga dayuhang pangungutang at remitans ng mga manggagawang nagtatrabaho sa ibayong dagat. Pinalalala ang kronikong krisis ng lokal na naghaharing sistema ngayon ng pagkabangkarote ng patakarang neoliberal ng rehimen at ng papalalang krisis ng kapitalismo sa mundo.

Pinananatili ng naghaharing sistema ang pyudal at malapyudal na pagsasamantala at hinahadlangan ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Iginapos ito sa produksyon ng mga hilaw na materyales at mga mala-manupaktura. Kung kaya, dinaranas nito ang kronikong depisit sa kalakalan at badyet. Nakalubog ito sa pampublikong utang dahil sa labis-labis na lokal at dayuhang pangungutang. Ginagamit ang remitans ng mga manggagawang nagtatrabaho sa ibayong dagat upang tustusan ang paggastos para sa konsumo at maluluhong pag-angkat ng mga nagsasamantalang uri. Nakatakda itong lumiit habang patuloy na sinasansala ang murang lakas-paggawa ng mga pampulitikang kaguluhan sa Middle East at ng papalalim na resesyon sa mga imperaylistang bansa.

Sa harap ng patuloy na paglala ng krisis sa ekonomya at pinansya, inaayudahan ang rehimeng Aquino ng ahensya ng US at ng mga kumpanya para sa relasyong publiko sa pagbansag sa sarili bilang “bagong tigre” sa East Asia. Pinalalabas nitong tanda ng masiglang paglago ng ekonomya ang pagpasok ng “hot money” (ispekulatibong salapi) o portfolio investment sa pamilihan ng sapi. Dumausdos ang manupaktura at agrikultura. Dumausdos mula pa noong 2008 ang pag-aasembol at muling pag-eksport ng mga produktong elektroniko. Ang pinapaborang empresa ay ang mga negosyo sa call center, pribadong konstruksyon at pagmimina. Iniiwasan ng rehimen ang industriyal na pag-unlad na pag-aaring Pilipino.

Hinahagupit ang malawak na masa ng sambayanan ng papalaking tantos ng kawalang-hanapbuhay, maliit na kita, pagtaas ng presyo ng mga batayang produkto at serbisyo at ng pagkabulok ng mga impraistrukturang panlipunan. Ang tinaguriang mga programang kontra-kahirapan ng pamumudmod tulad ng Conditional Cash Transfer at PAMANA ay nagiging mga instrumento ng burukratiko at militar na korupsyon at pamimili ng boto sa mga eleksyon. Laganap at tumatalas ang panlipunang ligalig sa hanay ng masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka at maging sa hanay ng mga panggitnang saray ng burgesya.

Ang mga maling datos ng pagsulong sa ekonomya at mga dinuktor na resulta ng sarbey ng pagkakuntento ng masa ay mga dahilan ng panunuya at pagkasuklam sa kasalukuyang rehimen at sa naghaharing sistema. Ang katatapos pa lamang na eleksyon ay garapal na proseso ng pag-etsa-pwera sa patriyotiko at progresibong mga lider ng masang anakpawis at pagpabor sa mga angkan at dinastiya ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Lumilikha ng paborableng kundisyon ang krisis sa ekonomya at lipunan para sa digmang bayan.

Angkop na inilalarawan ng PKP ang rehimeng Aquino na tuta ng US bilang isang panatiko ng neoliberalismo. Wala itong malasakit sa lipunan at kontra-manggagawa at kontra-magsasaka. Hindi ito naghahapag ng anumang solusyon sa mga saligang suliraning panlipunan at pang-ekonomya na ngayon ay mabilis na pinalalala ng krisis. Hibang ito sa pagtitiyak sa mga dayuhang bangko at korporasyon at sa lokal na malalaking kumprador ng mga oportunidad para makapagkamal ng supertubo.

Sinasagad nito ang kakayahang gamitin ang burukrasya, militar, ang reaskyunaryong masmidya at mga NGO na pinopondohan ng mga imperyalista para pagtakpan ang nag-aapoy na usaping panlipunan. Abala ito sa pagkakaroon ng monopolyo sa pulitika sa pamamagitan ng malawakang panlilinlang at manipulasyon ng eleksyon at ginagamit ang pwersang militar sa ilalim ng disenyong-US na Oplan Bayanihang upang supilin ang rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan. Kamakailan, ipinahayag nito sa masmidya ang pagkitil sa negosasyong pangkapayapaan sa NDFP, nang walang ibinibigay sa huli na pormal abiso ng terminasyon.

Negosayong Pangkapayapaan ng GRP-NDFP

Sa kabila ng determinasyon ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng digmang bayan, bukas sila sa posibilidad ng pagresolba sa armadong tunggalian sa pamamagitan ng negosasyong pangkapayapaan. Binuo at binigyang-awtoridad ng Komite Sentral ng PKP at ng Pambansang Konseho ng NDFP ang Negotiating Panel ng NDFP para makipagnegosasyon sa panel na kumakatawan sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) noong panahon ng rehimeng Ramos at sa mga sumunod rito.

Isinulong ng NDFP ang pangkalahatang linya ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya sa pamamagitan ng negosasayong pangkapayapaan. Ito rin ang linyang isinulong ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa proseso ng armadong rebolusyon. Inihahapag nito sa kasalukuyang kaaway na gubyerno ang oportunidad na baguhin ang takbo at magkasundo sa isang tigil-putukan at alyansa sa NDFP para kumprontahin ang imperyalismong US at ang pinakamasusugid na mga reaksyunaryo at lutasin ang mga saligang suliranin ng mamamayan.

Sinisiraan lamang ng GRP ang sarili nito sa pagtangging harapin ang mga ugat ng gera sibil at sa pakikipagkasundo hinggil sa mga saligang repormang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika. Sa pagpupunyagi sa pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digang bayan, hinahadlangan ng mga rebolusyonaryong pwersa at ng mamamayan ang GRP na pabanguhin ang sarili, sa paggamit sa negosasyong pangkapayapaan upang lituhin ang kanilang hanay at sa pagpapasuko at pasipikasyon sa kanila.

Sa pakikipagnegosasyong pangkapayapaan, ginagabayan ang NDFP ng katotohanang mayroong sariling demokratikong gubyerno ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa anyo ng mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika sa pamumuno ng PKP bilang namumunong partido at ang gubyernong ito ay namamahala sa milyun-milyong populasyon. Mayroon itong disiplinadong hukbong bayan sa ilalim ng epektibong pambansang kumand at teritoryong sumasaklaw sa mahigit 100,000 kilometro kwadrado o 30 porsyento ng kabuuang teirotryo ng Pilipinas. Ang totoo, malayaang nakapagmamaniobra ang mga kadre ng PKP at mga mandirigma ng BHB sa mahigit 90 porsyento ng teritoryong ito sa bansa.

Sa ilalim ng internasyunal na batas, magkapantay na nakikidigma sa isang gera sibil ang demokratikong gubyernong bayan ng mga manggagawa at magsasaka at ang reaksyunaryong gubyerno ng malalaking kumprador at panginoong maylupa, na may mga porma ng interbensyon ang militar ng US sa panig ng reaksyunaryong gubyerno. Upang igiit ang pag-iral at integridad ng rebolusyonaryong gubyerno, ipinahayag ng NDFP noong Hulyo 5, 1996 ang Unilateral Declaration of Undertaking to Apply the Geneva Conventions ng 1949 at ang Protocol I ng 1977 nito at inilagak ito sa Swiss Federal Council noong Hulyo 6, 1996.

Ipinakita ang determinasyon nitong ilunsad ang digmang bayan sa ilalim ng internasyunal na batas at makipagnegosasyon hinggil sa kapayapaan sa ilalim ng gayunding batas. Ang totoo, matagumpay na nabuo ng GRP at NDFP ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) noong 1998 sa ilalim ng mga prinsipyo at pamantayan ng International Bill of Rights (Universal Declaration of Human Rights, the UN Convention on Economic, Social and Cultural Rights, ang UN Convention on Civil and Political Rights, at iba pa) at ng Internasyunal na Makatong Batas (Geneva Conventions at iba pang kaugnay na kumbensyon).

Noong 1986, matapos nang pagbagsak ng pasistang diktador na si Marcos, nagkasundo ang GRP at NDFP na mag-usap sa Maynila para sa pagdaraos ng tigil-putukan at pagkaisahan ang isang 60-araw na kasunduan sa tigil-putukan na maaaring magbunsod ng mga dagdag na kasunduan hinggil sa mga sustantibong adyenda ng negosasyong pangkapayapaan. Ang kasunduan sa tigil-putukan, na magkatuwang na nilagdaan noong Nobyembre 1986, ay binasag ng pagmasaker ng gwardya ng presidente sa mga nagpoprotestang magsasaka at mga tagasuporta nila sa kalunsuran sa harap ng palasyo ng presidente noong Enero 22, 1987. Prinotektahan ng Presidente noon ng GRP na si Aquino ang mga upisyal na responsable sa masaker. Noong Marso 25, 1987, pormal niyang “pinakawalan ang espada ng digma” laban sa mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan at iniutos ang malupit na kampanya ng militar na panunupil na tinaguriang Lambat Bitag.

Subalit noong 1989, nag-alala siya hinggil sa ibubunga ng mga natural na sakuna, ng panlipunang sakunang nilikha niya at ng patuloy na mga banta ng kudeta. Sinugo niya si Rep. Jose V. Yap sa akin, bilang tagapangulong tagapagtatag ng PKP, sa Amsterdam upang mag-alok ng negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Ikinalugod ko ang alok sa kabila ng pagkansela sa aking pasaporte sa Pilipinas noong Setyembre 16, 1988.

Binigyan ng NDFP si Yap ng memorandum para kay Presidente Aquino ng GRP na nagdidiin na ang negosasyong pangkapayapaan ay di dapat idaos sa Pilipinas dahil sa lubhang mapanganib ito sa NDFP tulad ng napatunayan sa usapan at kasunduan hinggil sa tigil-putukan noong 1986-87. Pumayag ang NDFP na makikipagnegosasyon sa kapayapaan kung idaraos ito sa ibang bansa, sa pakikipagtulungan ng isang gubyernong magiging punong-abala. Subalit patuloy na hinadlangan ng noo’y kalihim ng depensa na si Ramos ang posiblidad ng negosasyong pangkapayapaan hanggang sa siya’y maging presidente noong 1992 at pinabalik si Yap sa mga upisyal ng NDFP sa The Netherlands upang magsagawa ng panimulang mga pag-uusap.

Binuo ng GRP at NDFP ang The Hague Joint Declaration noong Setyembre 1, 1992 bilang balangkas na kasunduan para sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan nila, na ang gubyernong Dutch ang tagapamagitan. Itinatakda ng kasunduan na ang layunin ng negosasyong pangkapayapaan ay ilatag ang batayan para sa isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa pamamagitan ng pagharap sa mga ugat ng armadong tunggalian at pagkakaroon ng mga komprehensibong kasunduan hinggil sa mga repormang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika. Itinadhana rin nito na walang panig na magpapataw ng anumang paunang kundisyon na nagbabalewala sa katangian at layunin ng negosasyong pangkapayapaan.

Inilatag nito ang sustantibong adyenda para buuin ang mga komprehensibong kasunduan ayon sa pagkakasunud-sunod: paggalang sa mga karapatang-tao at internasyunal na makataong batas, mga repormang panlipunan at pang-ekonomya, mga repormang pulitikal at konstitusyunal at ang pagwawakas ng mga labanan at dispusisyon ng mga pwersa. Nangangailangan ito ng kaugnay na pagbubuo ng Reciprocal Working Committees upang gumawa ng mga borador ng pansamantalang komprehensibong kasunduan na ipipinalisa ng mga panel sa negosasyon at pagtitibayin ng mga prinsipal ng mga partido sa negosasyon.

Gayunpaman, ang mga sumunod na panimulang mga usapan ay ginambala ng makaisang panig na pagbubuo ng GRP ng National Unification Commission (NUC) para sa dinidiriheng mga huwad na lokalisadong negosasyong pangkapayapaan ng GRP. Pagkatapos na mabuwag ang NUC, nagkaroon pa ang GRP at NDFP ng mga karagdagang mayor na kasunduan noong 1995 para patibayin ang prosesong pangkapayapaan, gaya ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) para sa mga negosyador, konsultant at mga sangkot na tauhan ng magkabilang panig, ng Ground Rules for Meetings of the Negotiating Panels, at ng Joint Agreement on the Formation, Sequence and Operationalization of the Reciprocal Working Committees.

Ang pagbubukas ng pormal na negosasyong pangkapayapaan ng mga panel sa negosasyon ng GRP at NDFP ay ginanap sa Brussels, Belgium noong 1995, kung saan ang gubyernong Belgian ang naging tagapamagitan. Naabala ang negosasyon nang mahigit na isang taon dahil sa di pagpapalaya ng GRP sa ikinulong na konsulant ng NDFP na si Sotero Llmasa ayon sa itinatadhana ng JASIG. Nagtulungan ang mga panel sa negosasyon ng GRP at NDFP na kumbinsihin si Presidente Ramos ng GRP na ipawalambisa ang pagtutol ng kalihim ng depensa na palayain si Llamas.

Itinuloy nila ang negosasyon nang palayain si Llamas noong 1996. Nagtagumpay silang tapusin at lagdaan ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) noong Marso 16, 1998. Maagap na nilagdaan at pinagtibay ito ng prinsipal ng NDFP, ang tagapangulo ng Pambansang Konseho ng NDFP noong Abril 10, 1998. Hindi ito nagawang pagtibayin ni Presidente Ramos ng GRP bago ang pagtatapos ng termino ng kanyang panunungkulan nang taon ding iyon. Noong Agosto, 7, 1998, pinagtibay ito ni Presidente Estrada ng GRP. Subalit makaisang-panig siyang nakahanap ng dahilan na kitlin ang JASIG at syempre, ang negosasyong pangkapayapaan noong Mayo 1999.

Pagturing na “Terorista” at iba pang Balakid

Matapos ang pagbagsak ng rehimeng Estrada noong Enero 2001, na resulta ng malawakang protesta laban sa korapsyon, nakipagkasundo ang rehimeng Arroyo sa NDFP na ituloy ang negosasyong pangkapayapaan ng GRP-NDFP, para muling pagtibayin ang lahat ng mga naunang kasunduan, para makapagtrabaho ang Joint Monitoring COmmittee para sa CARHRIHL at para maging tagapamagitan sa negosasyong pangkapayapaan ang Royal Norwegian Government. Subalit nooong Hunyo 2001, biglang nagdesisyon ito na iparalisa ang negosasyong pangkapayapaan at ipursige ang brutal na patakaran ng todo-todong militar na panunupil sa rebolusyonaryong kilusan.

Inianunsyo nito ang Oplan Bantay Laya bilang kontra-rebolusyonaryong kampanyang pakanang militar nito kahanay ng tinaguriang gera laban sa terorismo ng US. Nang bumista si Presidente Arroyo ng GRP sa US noong Nobyembre 2001, iminungkahi niyang italaga bilang “mga dayuhang terorista” ang PKP, BHB at ang punong pampulitikang konsultant ng NDFP. Dumating sa The Netherlands noong papatapos na bahagi ng Nobyermbre sina House Speaker de Venecia, kasama ang iba pang matataas na upisyal ng GRP para makipagkita sa mga negosyador ng NDFP at mga konsultant. Sinabi niya na itatalaga ng US ang PKP, BHB at ako bilang “mga terorista” kung hindi lalagda ang NDFP sa isang “pinal na kasunduang pangkapayapaan,” na mangangailangan ng paglalansag sa BHB at pagsusuko ng armas.

Hindi nagpagantso ang NDFP at iginiit na dapat magpatuloy ang negosasyong pangkapayapaan kung igagalang at tatalima ang GRP sa JASIG kaugnay sa iligal na pag-aresto at detensyon ng mga konsultant ng NDFP. Ginawa ng US ang pagtrato sa PKP at BHB bilang “mga terorista” noong Agosto 9, 2002 at sa akin noong Agosto 12, 2002. Sa loob ng 24 oras, itinala rin ako ng gubyernong Dutch bilang “terorista”, inipit ang aking account sa bangko, pinagkaitan ako ng lahat ng mga panlipunang benepisyo na ipinagkaloob sa akin bilang asylum seeker at inobliga akong muling ibalik ang pensyong dating ibinigay sa akin. Nagsampa ako ng ligal na aksyon sa gubyernong Dutch na humihingi ng batayan ng paglista sa akin bilang “terorista”.

Ang nagawa lamang na ipakita sa akin ng awtoridad ng Dutch ay ang mga siniping balita na sinulat ng iba sa Ang Bayan, ang publikasyon ng PKP na kumukondena sa US at nagbabala hinggil sa pakikialam ng pwersang militar sa mga usapin ng Pilipinas. Pagkatapos, tinanggal ako ng gubyernong Dutch sa talaan nito ng mga “terorista” pero nagsilbi namang pangunahing tagatulak ng pagpapabilang sa akin sa listahan mga “terorista” ng Konseho ng European Union (EU) Oktubre 28, 2002. Kung kaya, ipinursige ko ang ligal na aksyon sa loob ng ilang taon para tanggalin ang aking pangalan mula sa talaan ng EU. Pansamantala, ang pagkakasama ng pangalan ko sa talaan ng mga “terorista” ng EU ay nagpahina at pumaralisa sa negosasyong pangkapayapaan ng GRP-NDFP, sa kabila ng dating mga resolusyon ng Parlamento ng EU na nag-eendorso at sumusuporta rito.

Sa kalaunan, nagdesisyon ang European COurt of Justice pabor sa akin noong Setyembre 30, 2009. Naging pinal ito noong Disyembre 10, 2009 dahil wala namang apela mula sa natalong partido. Pinal itong nagpasya na nalabag ang aking mga saligang karapatan sa paglilista sa akin bilang isang “terorista” at sa pagparusa sa akin nang walang anumang ispesipikong kaso ng teroristang krimeng isinampa. Kabilang sa mga nilabag na saligang karapatan ang mga sumusunod: ang karapatang maipaalam ang kaso kung mayroon man, ang karapatan na ipagpalagay na inosente, ang karapatan sa ligal na abugado at karapatan sa prosesong hudisyal.

Mula nang pagtatalang “terorista” sa PKP, BHB at sa akin noong 2002, paralisado na ang negosasyong pangkapayapaan ng GRP-NDFP. Pinanindigan ng NDFP na ang mga dayuhang gubyerno na nag-blacklist sa PKP, BHB at sa akin bilang mga “terorista” ay walang karapatang makialam sa mga usapin ng Pilipinas at humusga sa mga entidad ng Pilipinas at ng kanilang mga gawain sa loob ng teritoryo ng Pilipinas. Ipinanukala ng NDFP sa GRP na gumawa ng magkasamang pahayag na simpleng nagdedeklara na walang karapatan ang anumang dayuhang gubyerno para gawin ito. Subalit ang kasuklam-suklam na karuwagan, papet na reaksyon ng GRP ay ang paggiit sa “nakapangyayaring karapatan” ng US at iba pang gubyernong dayuhan na makialam sa mga usapin ng Pilipinas.

Nagtagpo noong 2004 sa Oslo ang mga panel sa negosasyon ng GRP at NDFP at naglabas ng magkasamang pahayag na nagsasaad na ang dalawang partidong nagnenegosasyon at ang RNG bilang ikatlong partidong tagapamagitan ay nagkakaisang gagawa ng magkasama at indibidwal na pagsisikap para matanggal ang pangalan ko at ng PKP at BHB sa talaan ng mga “terorista”. Nang nakauwi ang panel ng GRP sa Pilipinas, naglabas ng pahayag ang tagapayo ng presidente sa prosesong pangkapayapaan na may “soberanong karapatan” ang mga gubyernong dayuhan na humusga sa mga entidad at aksyon ng Pilipinas.

Nang maggiit ng pagtalima sa JASIG at sa magkasamang pahayag sa Oslo ang NDFP sa GRP, nagpasya ang GRP na walang-taning na “suspendihin” ang JASIG kahit na ang kasunduang ito ay nagtatadhana na alinman sa isa o parehong partido sa negosasyon na mayroon lamang dalawang pagpipilian: igalang ang epektibidad ng JASIG o kaya ay lubos nang wakasan ang buong kasunduan. Ang praktikal na epekto ng “suspensyon” ay ang ganap na paralisasyon, kundi man ng ganap na pagkamatay ng negosasyong pangkapayapaan.

Simula ng 2005, naghabol ang rehimeng Arroyo sa gubyernong Dutch na arestuhin ako sa hindi totoong kaso ng pagpatay. Noong Agosto 2007, inaresto ako ng pulisya ng gubyernong Dutch at nireyd ang tanggapan sa impormasyon ng NDFP at anim pang tirahan ng mga panel sa negosasyon ng NDFP, mga konsultant at istap. Kinuha nila ang mga papeles at digital copy (kopya sa kompyuter) ng mga dokumentong may kaugnayan sa negosasyong pangkapayapaan ng GRP-NDFP.

Sunud-sunod na ibinasura ng Dutch District Court ng The Hague at ng Appellate Court ang gawa-gawang mga kaso ng pagpatay na isinampa sa akin noong 2007 at kalauna’y binitiwan ng Dutch National Prosecution Service ang imbestigasyon nito. Isinauli ng pulisyang Dutch ang karamihan sa mga papeles at digital copy ng mga dokumentong kinumpiska nila. Subalit hindi nila ibinalik ang isang disk na naglalaman ng pinakamahalagang koda at ang apat na kaugnay na disks ay naibalik subalit hindi na mabuksan o nasira na. Ang limang disks na ito ay naglalaman ng mga koda para sa para sa encrypting (pagkokoda) at decrypting (pagbubukas) ng mga litrato at impormasyong idineposito sa isang safety box sa isang Bangkong Dutch para sa kapakinabangan ng mga konsultant ng NDFP, mga upisyal sa seguridad at istap na sangkot sa negosasyong pangkapayapaan ng GRP-NDFP sang-ayon sa JASIG.

Matapos palitan ng kasalukuyang rehimeng Aquino ang rehimeng Arroyo noong Hunyo 2010, nagkasundong magkita ang GRP at NDFP at muling ituloy ang kanilang pagnenegosasyon. Muling binuo ng GRP noong Nobyembre 2012 ang panel sa negosasyon nito para sa layunin ng negosasyon. Subalit sa kasamang-palad, itinalaga bilang presidensyal na tagapayo sa prosesong pangkapayapaan ang dati pa ring tauhan ni Arroyo na si Teresita Deles na sumasabotahe sa negosasyong pangkapayapaan ng GRP-NDFP noon pa mang 2004.

Nagtagpo at naglabas ang panel sa negosasyon ng NDFP at ang bagong buong panel sa negosasyon ng GRP ng isang magkasamang pahayag sa Oslo noong Pebrero 2011. Nakiisa ang panel sa negosasyon ng GRP sa muling pagtitibay ng lahat ng mga naunang kasunduan ng GRP-NDFP subalit malisyosong iginiit ang pagsingit ng pariralang mayroon itong kwalipikasyon sa paglagda at tinawag ang The Hague Joint Declaration bilang isang “dokumento ng walang katapusang pagkakahati”, kung kaya inatake ang balangkas ng kasunduan na siyang nagpatibay at kung bakit naging posible ang negosasyong pangkapayapaan.

Sa kabila ng negatibong pusisyon ng panel sa negosasyong ng GRP, muling inilinaw ng punong pampulitikang konsultant ng NDFP sa prinsipal ng GRP ang malaon nang alok ng NDFP sa GRP mula pa noong 2005 para sa isang kagyat na tigil-putukan at alyansa batay sa isang pangkalahatang pahayag ng kumon ng layunin na kamtin ang ganap na pambansang kalayaan, demokrasya, katarungang panlipunan at pag-unlad ng ekonomya sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Ginawa ang alok upang epektibong tugunan ang palagiang iginigiit ng GRP para sa isang walang-taning na tigil-putukan upang pasukuin at patahimikin ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan. Buong-tiwalang ipinahayag ng punong pampulitikang konsultant ng NDFP na ang tigil-putukan at alyansang iniaalok ng NDFP ay maaaring pag-usapan sa isang ispesyal na landas, habang ang regular na landas ng usapan ay maaaring magpatuloy ayon sa The Hague Joint Declaration at mga kasunod na kasunduan.

Ipinaghambog ng GRP na wala itong obligasyong tualima sa JASIG at iginigiit pa na ang mga nakadetineng konsultant ng NDFP ay maaari lamang mapalaya sa pamamagitan ng ligal na mga proseso ng reaksyunaryong gubyerno, sa kabila na pawang kasinungalingan ang mga isinampang karaniwang krimen na inimbento lamang ng rehimeng Arroyo sa tinagurian nitong opensibang ligal ng pagsasampa ng mga karaniwang krimen upang itali at usigin ang tinatarget nitong mga katunggali. Mapag-aalaman kalaunan na nagkutsabahan ang rehimeng Arroyo at ang gubyernong Dutch sa paggamit sa mga tagausig at pulisyang Dutch upang sirain ang mga koda para sa pag-decrypt ng mga larawan at impormasyon hinggil sa mga konsultant na protektado ng JASIG.

Ginamit pa ng GRP ang nabanggit na pagkatuklas bilang dagdag na dahilan para di tumalima sa JASIG kaugnay ng pagpapalaya sa mga dinetineng konsultant ng NDFP kahit sa mga makataong dahilan. Hindi rin nito pinahintulutan ang rekonstruksyon ng listahan ng mga dokumento na hindi na maibalik dahil sa mga nasirang koda. Matapos ang tatlong taon ng negosasyon sa pagitan ng rehimeng Aquino at ng NDFP, wala ni isang konsultant ng NDFP ang napalaya bilang pagtalima sa JASIG. At malisyoso pang nagpakalat ng kasinungalingan sa masmidya ang rehimen na nakikipag-negosasyon lamang ang NDFP sa GRP upang mapalaya ang mga konsultant ng NDFP at makabalik sa pakikidigma.

Noong Hunyo 2012, muling nagtagpo sa Oslo ang mga panel sa negosasyong ng GRP at NDFP. Ang napagkasunduan lamang ay ang maikling talata na nagsasabing “dapat magpatuloy ang makabuluhang mga talakayan hinggil sa mga usaping inilatag ng dalawang panig,” na walang pagsangguni sa sustantibong adyenda na nasa The Hague Joint Declaration at sa Joint Agreement on the Formation, Sequence and Operationalization of the Reciprocal Working Committees. Ang maikling parapo na kasunduang ito ay binibigyang-kahulugan ngayon ng rehimeng Aquino bilang pagwawakas ng regular na landas ng negosasyong pangkapayapaan.

Matapos ang isang serye ng mga pulong sa pagitan ng punong pampulitikang konsultant ng GRP, ni Ronald Llamas na presidensyal na tagapayo sa pulitika ng GPH, at ni Ambassador Ture Lundh ng RNG, nagpulong ang mga delegasyon ng GRP at NDFP noong Pebrero 2013 para umano ihanda ang isang pulong para sa ispesyal na landas ng usapan sa pagitan ng presidente ng GRP at ng tagapangulong tagapagtatag ng PKP para sa isang makasaysayang pag-uusap sa Hanoi na tulad naganap sa pagitan ng dati at tagapangulo ng MILF noong 2011 sa Tokyo. Nagsumite ang NDFP ng isang borador na pahayag para sa pulong na iyon at ng pagpapalawig ng inisyal na borador ng Declaration for National Unity and Just Peace (Deklarasyon para sa Pambansang Pagkakaisa at Makatarungang Kapayapaan), para magbigay daan sa tigil-putukan at pagtutulungan.

Halos kinitil na ng delegasyon ng GRP ang ispesyal na landas ng usapan sa paggigiit na ang tigil-putukan ay dapat nasa anyong indepenidong unilateral at sabayang tigil-putukan sa loob ng ligal na balangkas ng reaksyunaryong gubyerno at ng kawalan ng anumang uri ng sustantibong kasunduan na kapwa kapaki-pakinabang sa magkabilang panig at mamamayan. Nagpahayag ang delegasyon ng NDFP ng pananaw na ang gayong kahilingan ay nagpapawalang-saysay sa ispesyal na landas ng usapan at dapat ipagpatuloy ang negosasyong pangkapayapaan ng GRP-NDFP upang trabahuhin ang mga sustantibong adyendang isinaad ng The Hague Joint Declaration.

Samantala, patuloy na gumagawa ang rehimeng US-Aquino ng terorismo ng estado. Kinasasangkutan ito ng lansakan at sistematikong paglabag sa mga karapatang-tao sa ilalim ng Oplan Bayanihan, na ngayon ay nasa prosesong lampasan ang Oplan Bantay Laya sa panahon ng rehimeng Arroyo. Nagagawa ito sa paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) sa pamamagitan ng iligal na pagdakip at indepenidong pagdetine, pagtortyur at pagpatay ng mga taong may kaugnayan sa NDFP at sangkot sa negosasyong pangkapayapaan at pagtangging imbestigahan na sa proseso ay pagpapalampas sa mga kaso ng paglabag sa JASIG.

Sa mas malawak na saklaw, ang mga paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHIL) ay kinabibilangan ng pagdukot, indepenidong pagkakulong, tortyur at pagpatay sa mga panlipunang aktibista at mga pinaghihinalaang rebolusyonaryo na malisyosong kinasuhan ng mga karaniwang krimen, walang patumanggang pag-atake ng militar sa buu-buong komunidad ng maralitang lunsod, ng mga magsasaka at pambansang minorya, pwersahang maramihang pagpapalikas at pagpapalayas mula sa lupa at mga tahanan.

Prospek ng Digmang Bayan at Negosasyong Pangkapayapaan

Sa pamamagitan ng presidensyal na tagapayo sa prosesong pangkapayaan nito, ng tagapangulo ng panel sa negosasyon at presidensyal na tagapagsalita nito, inianunsyo ng rehimeng Aquino sa madla na hindi na ito papasok sa anumang pormal na usapan sa NDFP kapwa sa regular at ispesyal na landas ng negosasyong pangkapayapaan. Inianunsyo rin nito na ipinabatid na nito sa Royal Norwegian Government (RNG) na itinigil na nito ang negosasyong pangkapayapaan sa NDFP. Subalit sa pagtatanong ng panel sa negosasyon ng NDFP, itinanggi ng RNG na wala itong natanggap na anumang abiso ng terminasyon.

Gayundin, inianunsyo ng rehimang Aquino na gumagawa ito ng isang “bagong pamamaraan”. Tumutukoy ito sa pagwawakas ng negosasyong pangkapayapaan, ng pagpapatindi ng brutal na kampanyang militar at pakikidigmang sikolohikal sa ilalim ng Oplan Bayanihang dinisenyo ng US. Inilalarga na ang mga kampanyang saywar. Kinasasangkutan ito ng paglulunsad ng mga huwad na lokalisadong negosasyon at pag-iimbento ng maramihang mga pagpapasuko at pamumudmod ng bahagi ng batbat-ng-katiwaliang Conditional Cash Transfer at pondo ng PAMANA, habang ang kalakhan ng pondo ay nilulustay at ibinubulsa ng mga tiwaling burukrata at mga upisyal militar.

Desididong gamitin ng rehimeng ang brutal na militar sa walang-saysay na pagtatangkang durugin ang mga rebolusyonaryong pwersa at ang mamamayang kinakatawan ng NDFP. Sa proseso, ipagpapatuloy nito ang paggawa ng lansakan at sistematikong paglabag sa karapatang-tao.

Kabilang sa mga paglabag sa mga karapatang sibil at pulitikal ang mga pagdukot o pwersahang pagdukot, iligal na pag-aresto at walang-taning na detensyon, pagsasampa ng mga gawa-gawang karaniwang kasong kriminal sa mga aktibistang panlipunan, tortyur, ekstrahudisyal na pamamaslang, masaker at walang patumanggang pag-atake sa mga komunidad sa pamamagitan ng pambobomba, pamamaril at panganganyon. Kabilang naman sa mga paglabag sa mga karapatang pang-ekonomya, panlipunan at pangkultura ang pwersahang maramihang pagpapalikas, paninira ng hanapbuhay at kabuhayan, pang-aagaw ng lupa sa kapakinabangan ng mga dayuhang korporasyon at mga burukratang kumprador-panginoong maylupa, pag-ubos sa lahi ng mga pambansang minorya, walang-habas na pandarambong sa likas na yaman at pangwawasak ng kapaligiran.

Sa pamumuno ng PKP, determinado at handa ang BHB na labanan ang umiigting na kontra-rebolusyonaryong dahas at isulong ang plano upang makaabante mula sa estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas. Makikita natin ang pag-igting ng gera sibil sa pagitan ng reaksyunaryong gubyerno ng malalaking kumprador at panginoong maylupa; at ng rebolusyonaryong gubyerno ng mga manggagawa at magsasaka. Ang lumalalang krisis ng naghaharing sistema, ang kaakibat na pagdurusa ng sambayanan at ang kawalan ng negosasyong pangkapayapaan ay ibayong nagpapataba ng lupa para sa paglaganap at pag-igting ng digmang bayan.

Dahil sa sukdulang antinasyunal at anti-demokratikong katangian ng rehimeng US-Aquino, walang anumang palatandaan na papayag ito kaagad na ipagpatuloy ang negosasyong pangkapayapaan at postibong tutugon sa sigaw ng mga tagapagtaguyod ng makatarungang kapayapaan at karapatang-tao para sa pagtutuloy ng negosasyong pangkapayapaan. Inaasahan pa rin ng NDFP na sa paglala ng krisis ng naghaharing sistema at ng pag-ibayo ng rebolusyonaryong lakas ng mamamayan, lalaki ang posibilidad na ang rehimeng Aquino o ang mga papalit na rehimen ay maghahangad ng pagtutuloy ng negosasyong pangkapayapaan.