Ang pangangailangan sa Nagkakaisang Prente sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan sa Pilipinas

Prof. Jose Maria Sison
Founding Chairman, CPP

Chief Political Consultant, NDFP
Abril 24, 2013

Translated from: The need for United Front in the Filipino People's Democratic Revolution
Talumpati sa Pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng Pagkakatatag ng National Democratic Front of the Philippines
Amsterdam, Netherlands


Magandang hapon, mahal na mga kasama at kaibigan mula sa iba't ibang bansa at mga kababayang Pilipino, maalab na pagbati ng pakikiisa!

Bilang chief international representative (punong internasyunal na kinatawan), inilahad ni Louie Jalandoni ang mga nakamit na tagumpay ng National Democratic Front of the Philippines. Ang toka sa akin ay talakayin ang patakaran sa pakikipagkaisang prente sa pangkalahatan.

Palagiang kinakailangan ng demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino ang pakikipagkaisang prente dahil ito ang epektibong paraan upang imulat, organisahin at pakilusin ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino nang milyun-milyon upang sumulong at makamit ang ganap na tagumpay. Ang pangangailangan sa pakikipagkaisang prente ay mas kagyat kaysa dati habang mabilis na lumalala ang sosyo-ekonomiko at pampulitikang krisis at nagdudulot ng di mabatang pagdurusa sa sambayanang Pilipino at dapat nilang paigtingin ang kanilang pakikibaka laban sa mga nagsasamantala at umaapi sa kanila.



Ang nagkakaisang prente ay isa sa tatlong pinakamakapangyarihang sandata ng bagong demokratikong rebolusyon. Ang dalawa pa ay ang pamumuno ng uring manggagawa at ang armadong pakikibaka. Ang nagkakaisang prente ay binubuo ng uring manggagawa na nakikipag-alyansa sa mga magsasaka, kumakabig sa petiburgesya ng kalunsuran at sa gitnang burgesya at sumasamantala sa mga kontradiksyon sa hanay ng malalaking kumprador at panginoong maylupa upang ihiwalay at durugin ang kaaway sa isang takdang panahon. Hindi magagapi ng malawak na masa ng sambayanan ang malakas na estado poder at ang pang-ekonomyang yaman ng nagsasamatalang uri kung hindi mailalapat ang patakaran sa pakikipagkaisang prente.

Pinalulubha at pinalalalim ang malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino ng papalalang pamalagiang krisis ng sistema at ng mga patakarang nagbubunsod ng krisis na ipinapataw ng imperyalismong US. Nangangayupapa sa monopolyo kapitalismong US ang mga reaksyunaryong uri ng malalaking kumprador at panginoong maylupa at ang kanilang mga kinatawan sa pulitika. Kung kaya, ang Pilipinas ay sinasalanta ng neoliberal na patakarang globalisasyon ng "malayang pamilihan" na sulsol ng US. Isinasailalim din ito sa interbensyong militar ng US at sa palagiang banta ng tahasang agresyon.

Saligang Alyansa ng Uring Manggagawa at Magsasaka


Higit kailanma'y malinaw ang pambansa at demokratikong katangian ng rebolusyong Pilipino. Sa paghahangad na makamit ang tagumpay ng rebolusyong ito, kailangan nating alamin ang ating mga kaibigan at kung sino ang ating kaaway. Kailangang kilalanin natin sa umpisa pa lamang ang matatalik na kaibigan at ang pinakamatatatag na pwersa para sa panlipunang rebolusyon. Ang uring manggagawa at uring magsasaka ang mga batayang uring pinagsasamantalahan sa lipunang Pilipino. Sila ang lubos na naghahangad sa rebolusyonaryong pagbabago at sila ang tiyak na pinakamatalik at pinakamatatag na kaibigan ng rebolusyon.

Sa kasalukuyang yugto ng modernong imperyalismo at proletaryong rebolusyon, ang uring manggagawa sa industriya ang namumunong uri at ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang siyang rebolusyonaryong partido. Ito ang pinakaprogresibong pampulitika at pinakaproduktibong uri. Subalit nililimita ng dayuhan at pyudal na dominasyon ang kanilang bilang sa 16 porsyento lamang ng populasyon. Isinasailalim sila sa mataas na tantos ng kawalang-hanapbuhay, pagkawala ng kasiguruhan sa trabaho, maliit na sahod, kakulangan ng panlipunang benepisyo at ng panunupil sa mga unyon at iba pang demokratikong karapatan.

Sa pamamagitan ng pagbubuo ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente, ang uring manggagawa at ang rebolusyonaryong partido nito ay nakipag-ugnayan sa mga magsasaka, na siyang malaking mayorya ng mamamayan, upang buuin ang isang saligang alyansang manggagawa-magsasaka. Kinikilala ng programa ng demokratikong rebolusyon ng bayan ng PKP ang mga magsasaka bilang pangunahing pwersa ng rebolusyon at ang katuparan ng kanilang kahilingan para sa lupa bilang pangunahing laman ng rebolusyon.

Mula nang muling pagtatatag noong 1968, nilayon na ng PKP na buuin ang pinakamatibay na kawing sa pagitan ng uring manggagawa at uring magsasaka. Nagawa ito sa pamamagitan ng pagtatayo at pagpapaunlad sa Bagong Hukbong Bayan at sa kilusang masa ng mga magsasaka sa pamamagitan naman ng pagpapatupad ng rebolusyong agraryo at bilang tugon sa paulit-ulit na mga pagtatangka ng reaksyunaryong estado na magpatupad ng mga huwad na pakanang reporma sa lupa. Ipinupursige ng PKP at BHB ang estratehikong linya ng matagalang digang bayan, na pangunahing sumasalig sa uring magsasaka. Isinasanib nila ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka, tunay na repora sa lupa at ang pagbubuo ng mga organisayong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika.

Inilalapat nila ang patakaran ng antipyudal na pakikipagkaisang prente sa pamamagitan ng pagsalig pangunahin sa maralitang mga magsasaka at manggagawang bukid, pagkabig sa panggitnang magsasaka, pagnyutralisa sa mayamang magsasaka at pagsamantala sa mga kontradiksyon ng mga panginoong maylupa upang durugin ang kapangyarihan ng mga despotikong panginoong maylupa. Para labanan ang pagsasamantlang pyudal at malapyudal, nagpapakawala ang BHB at ang masang magsasaka ng mga pamatay na bira sa mga tradisyunal na despotikong panginoong maylupa at sa modernong mga korporasyong nangangamkam ng lupa sangkot sa mga plantasyon, minahan, deporestasyon, ispekulasyong real estate at ng mga tinaguriang sonang pang-ekonomya.

Pakikipagkaisang Prente sa Panggitnang Saray ng Lipunan


Sumasaklaw ang uring manggagawa at magsasaka ng di bababa sa 90 porsyento ng mamamayan at sila ang bumubuo ng pundasyon ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente. Subalit kailangan nilang makabig ang panggitnang saray ng lipunan bilang mga kaibigan ng rebolusyon. Ito ay ang petiburgesya ng kalunsuran at panggitnang burgesya. Sila ay maliit na bahagi ng populasyon na katumbas halos ng walo at isang poryensto, ayon sa pagkasunod. Subalit gumagampan sila ng susing papel sa lipunan at may malakas makaimpluwensya.

Mayroon silang propesyunal, teknikal, pangnegosyo at iba pang kakayahan na makapagsisilbi nang lubos sa rebolusyon. Gumampan ng mahalagang papel ang panggitnang saray ng lipunan sa paglalantad at pagkundena sa pagkatuta sa US at sa pinakamalalalang anyo ng paglabag sa mga karapatang-tao. Kailangan at krusyal na gawain ito sa patakaran sa pakikipagkaisang prente na makabig ang panggitnang pwersa sa panig ng rebolusyon. Sa kundisyon ng papalalang krisis, patuloy silang pinahihirapan ng kawalang-hanapbuhay, mababang kita, mataas na bayaring buwis, pagkabangkarote at iba pang kahirapan. Gumampan sila ng mahalagang papel sa ligal na kilusang masa para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya.

Ang National Democratic Front of the Philippines ang namumukod-tanging lihim na organisasyon sa nagkakaisang prente para pagkaisahin at pagtugmain ang pambansa at demokratikong mga karapatan at interes ng masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka at ang panggitnang saray ng lipunan. Simula noong 1973, nagpakahusay ang NDFP sa pagbubuo ng alyansa ng progresibong pwersa ng masang anakpawis at ng petiburgesyang lunsod laban sa pasistang diktadurang Marcos at laban sa mga kasunod na huwad na demokratikong mga rehimen. Ang alyansa ng mga progresibong pwersa ang mayor na nag-inisyatiba ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Itinataguyod rin ng NDFP ang patriyotikong alyansa ng mga progresibong pwersa sa panggitnang burgesya. Sinusuportahan nito ang hangarin ng panggitnang burgesya para sa industriyalisasyon na pag-aaring Pilipino. Pinigil at binigo ang gayong hangarin ng serye ng mga neokolonyal na patakarang pang-ekonomyang dikta ng US: import-substitution reassembly noong 1950s at 1960s at ang mala-manupakturang nakabatay sa eksport na nagsimula noong 1970s at lumawak sa ilalim ng neoliberal na patakarang pang-ekonomya mula 1980s. Kung kaya, naudlot ang industriyal na pag-unlad ng Pilipinas. Malaking bilang ng mga Pilipinong propesyunal, teknolohista at mga manggagawang may kasanayan ay pwersadong nahiwalay sa kanilang mga pamilya at maghanap ng trabaho sa ibang bansa.

Pansamantala at Mabuway na mga Alyado


Ang mga mapagsamantalang uring malalaking kumprador at panginoong maylupa ay mga kaaway sa uri ng rebolusyon. Naghahari sila sa mga lungsod at kanayunan. Mayroon silang sala-salabat na interes. Sila ang pinakamayayaman at pinakamakapangyarihan sa pulitika. Iniluklok nila ang sunud-sunod na rehimen upang linlangin at supilin ang mamamayan. Nakinabang sila nang husto sa neoliberal na patakarang pang-ekonomya na dikta ng US. Tinatawag natin silang reaksyunaryo sa kalahatan. Subalit maaarii nating buuin ang pinakamalawak na posibleng nagkakaisang prente sa pamamagitan ng pagpapakitid sa pinakamalalang target na mga reaksyunaryo at pagturing sa mga ito bilang kaaway.

Nahahati ang mga reaksyunaryong uri ayon sa kanilang angkan, sa klase at laki ng yaman, apilasyong pultikal at sa tindi ng kanilang pagiging antinasyunal at anti-mamamayan. Madalas ay nagiging masaklap at marahas ang kontradiksyon ng mga reaksyunaryo laluna sa kalagayan ng papalalang krisis. Maaaring samantalahin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang mga kontradiksyong ito at humugot ng pansamantalang mga alyado sa hanay ng mga reaksyunaryo, kahimat mabuway at di masasandigan, upang magbunsod ng pinakamalapad na anyo ng nagkakaisang prene laban sa pinakamalalang kaaway, na siyang pinakareaksyunaryong pwersa sa gera sibil o dayuhang mananakop sa isang gera para sa pambansang paglaya.

Matatag na naninindigan ang PKP, BHB at ang NDFP laban sa naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Gayunpaman, sa usapin ng pleksibilidad sa patakaran sa pakikipagkaisang prente, nahikayat at napalawak nila ang kooperasyon sa mga grupong pulitikal at mga lider ng panggitnang saray ng lipunan at kahit maging sa mga galing sa mapagsamantalang uri upang dalhin ang anti-imperyalista at demokratikong pusisyon sa mga mayor na usapin sa loob ng mga institusyon at prosesong kontrolado ng mga reaksyunaryo. Sinasagpang ng mga rebolusyonaryong pwersa ang bawat pagkakataon upang itulak ang kagyat na paggapi sa kasalukuyang kaaway at ang pangmatagalang disintegrasyon ng buong naghaharing sistema.

Patakaran sa Pakikipagkaisang Prente sa Usapang Pangkapayapaan


Nagawa ng NDFP at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa saklaw nito na harapin ang reaksyunaryong gubyerno sa usapang pangkapayapaan at maging ang pag-aalok ng kagyat na tigil-putukan at alyansa batay sa isang malinaw na deklarasyon na may patriyotiko at progresibong layunin. Nag-iinisyatiba sila sa paglalapat ng patakaran sa pakikipagkaisang prente maging sa pag-alok ng pagkakataon sa naghaharing pangkatin na makiisa sa pakikibaka ng mamamayan laban sa dayuhan at pyudal na dominasyon. Sa usaping ito, makabuluhan sa NDFP ang alyansa ng Partido Komunista ng China at ng Guomindang una, laban sa mga warlords sa hilaga noong 1922-27 at pagkatapos, laban sa mga pasistang mananakop na Hapones noong 1937-45.

Nagtagumpay ang NDFP sa reaksyunaryong gubyerno sa pagkakaroon ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (Komprehensibong Kasunduan Hinggil sa Paggalang sa mga Karapatang-tao at Internasyunal na Makataong Batas) at iba pang mayor na kasunduan. Subalit lahat ng reaksyunaryong pangkating umupo sa poder ay tumangging makiisa sa NDFP para harapin ang mga saligang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitikang suliranin ng mamamayan, para harapin ang mga ugat ng armadong tunggalian at para bumuo ng komprehensibong mga kasunduan hinggil sa mga saligang repormang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika.

Sa ilalim ng Oplan Bayanihan na dinisenyo ng US, itinuturing ng rehimeng US-Aquino ang negosasyong pangkapayapaan bilang isa lamang paraan ng paggiiit ng pagpapasuko at pasipikasyon ng mga rebolusyonaryong pwersa at ng mamamayan at bilang isa lamang menor na bahagi na pwedeng ibasura sa kabuuang planong militar upang durugin ang rebolusyonaryong kilusan. Sinasabotahe ng parehong mga ultra-reaksyunaryong uri ng mga burukrata at upisyal militar ang negosasyong pangkapayapaan.

Nagpunyagi ang NDFP sa negosasyong pangkapayapaan upang ipakita ang makatarungan at makatwirang adhikain ng rebolusyonaryong kilusan, upang ipalaganap ang nilalaman ng programa para sa demokratikong rebolusyon ng bayan at para paghandaan ang pagsulong ng digmang bayan at ang ibayong paglala ng krisis. Posible na ang isang signipikanteng pagbabago sa balanse ng pwersa sa pagitan ng rebolusyon at kontra-rebolusyon ay maaaring humikayat sa reaksyunaryong gubyerno na magseryoso sa negosasyong pangkapayapaan. Anu't anuman, determinadong nananawagan ang NDFP para sa tunay pambansang kalayaan, demokrasya, katarungang panlipunan, pag-unlad sa ekonomya sa pamamagitan ng pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa, sa isang patriyotiko, progresibo at mapagsilbi-sa-mamamayang kultura at nagsasariling patakarang panlabas.

Patakaran sa internasyunal na Pakikipagkaisang Prente


Mayroong pang-internasyunal na aspeto ang patakaran sa pambansang pakikipagkaisang prente. Saklaw nito ang pagumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga migranteng manggagawa at iba pang Pilipino sa ibayong dagat upang manindigan sa kanilang mga demokratikong karapatan at interes at upang paunlarin ang kanilang relasyon ng pakikiisa sa mga mamamayan ng bansang pinatatrabahuhan nila at mga internasyunal na organisasyon.

Sa pagkatawan sa buong sambayanang Pilipino sa bansa at sa ibayong dagat, pinauunlad ng NDFP ang pinakamalawak na saklaw ng relasyon ng pakikipagkaisa at pakikipagtulungan sa mga dayuhang gubyerno at mga akmang ahensya nila, sa iba' ibang tipo ng organisasyong masa, partido at mga kilusan sa pambansang pagpapalaya. Itinataguyod rin ng NDFP ang internasyunal na relasyon sa mga kabilang na organisasyon nito sa dati nang nariyan at potensyal na katuwang sa ibang bansa.

Kilala ang Partido Komunista ng Pilipinas sa pagpapaunlad ng relasyon sa partido komunista at partido ng mga manggagawa sa diwa ng proletaryong internasyunalismo maging sa iba't ibang uri ng partido, organisasyong masa at kilusan sa loob ng balangkas ng internayunal na nagkakaisang prente ayon sa anti-imperyalista at demokratikong linya. Ang ibang bahagi ng NDFP ay nagpapaunlad rin ng ugnayan sa mga katapat nila sa ibang bansa at lumalahok sa mga internasyunal na pagtitipon, kilusan at kampanya ayon sa anti-imperyalista at demokratikong linya.

Perspektiba ng Rebolusyong Pilipino


Nagpupunyagi ang sambayanang Pilipino sa paglulunsad ng rebolusyon dahil nananatili sa pagiging tuta ang reaksyunaryong estado ng imperyalismong US at sa pagdudulot ng kontra-rebolusyonaryong dahas upang ipreserba ang mapagsamantala at mapang-aping naghaharing sistema. Kung kaya, determinadong lubusin ng mga rebolusyonaryong pwersa at ng mamamayan ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika sa buong bansa at pagkatapos ay tumungo sa yugto ng sosyalistang rebolusyon sa pamumuno ng uring manggagawa. Ang pakikipagkaisang prente ay dapat ibayong paunlarin upang itaguyod, ipagtanggol at iangat ang adhikain sa pambansang paglaya, demokrasya at sosyalismo.

Dapat ibilang sa sosyalistang katangian ng demokratikong sistemang estado ng bayan ang pamumuno ng uring manggagawa at ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang hukbong bayan bilang pangunahing bahagi ng estado poder, ang nasyunalisasyon ng malaking bahagi ng ekonomya, ang planadong pagsulong ng ekonomya sa landas ng sosyalistang rebolusyon at ang kooperasyon at mekanisasyon ng agrikultura, ang hegemonya ng isang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura at ang isang nagsasariling patakarang panlabas ng internasyunal na pakikipagkaisa, kapayapaan at kaunlaran.