Ang tunay na mga dahilan kung bakit winakasan ng rehimeng Aquino ang negosasyong pangkapayapaan sa NDFP


Prof. JOSE MARIA SISON
NDFP Chief Political Consultant
07 May 2013

Translation: Real reasons why Aquino Regime has ended peace negotiations with NDFP

Sa kanilang mga pahayag at aksyon, mataas ang pagnanais ng Patido Komunista ng Pilipinas (PKP) at ng National Democratic Front of the Philippines na maipagpatuloy ang neogsasyong pangkapayapaan sa pagitan ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas (GPH) at ng NDFP sang-ayon sa The Hague Joint Declaration (Magkasamang Kasunduan sa The Hague) at mga kasunod na kasunduan.

Tulad ng paulit-ulit na pagkumpirma ni Luis Jalandoni, tagapangulo ng Negotiating Panel ng NDFP, nagtatamasa ang mga kagawad at konsultant ng kanyang panel ng buong pagtitiwala ng lahat ng kagawad ng Komite Sentral ng PKP at ng Pambansang Konseho ng NDFP. Patuloy na tinataglay ng panel niya ang awtorisasyon ng PKP at NDFP at handang-handang ipagpatuloy ang pormal na usapan sa negosasyong pangkapayapaan.

Punong Pampulitikang Konsultant lamang ako ng panel. Mula nang maaresto ako ng diktadurang Marcos noong 1977, hindi ko sinasabing upisyal ako ng Komite Sentral ng PKP at ng Pambansang Konseho ng NDFP. Ang mga mamamahayag at mga kasamahan ko sa pagtuturo ang eksaktong tumukoy sa akin bilang Tagapangulong Tagapagtatag ng PKP. Ito ay datos ng kasaysayan na buong pagmamalaki kong kinikilala at kabilang sa aking resumé.

Malakas ang loob at katawa-tawa kung makapagsalita sina OPAPP secretary at tagapangulo ng panel ng GPH na si Alex Padilla na tila may kapangyarihan at karapatan silang pumili ng mga negosyador at konsultant ng NDFP. Nasa kailaliman sila ng basurahan ng intriga na malisyosong nagsasasatsat hinggil sa relasyon ko sa mga Tiamzon, na batid kong kong napakahusay at tapat na mga rebolusyonaryo na karapat-dapat na gawaran ng pinakamataas na pagrespeto.

Ang mga intrigang pinakakalat nina Deles, Padilla at Lacierda sa masmidya ay desperado at walang-saysay na pagtatangka para pagtakpan ang tunay na mga dahilan kung bakit tinapos ng rehimen ang negosasyong pangkapayapaan, nang walang anumang ibinigay na pormal na abiso ng terminasyon sa NDFP. Sumusunod ang mga tunay na dahilan:

Una, nais ng rehimeng Aquino na ibasura ang The Hague Joint Declaration at lahat ng kasunduang kasunod nito at para ipakita na hindi ito dapat makipagnegosasyon sa NDFP dahil ganap na nakasandig ito sa marahas at mapanlinlang na paraan ng Oplan Bayanihan na dinsenyo ng US.

Ikalawa, nais lamang makipag-usap ng rehimeng Aquino sa NDFP sa layuning pasukuin at patahimikin ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa paunang kundisyon ng walang-taning na tigil-putukan na permanenteng umiiwas sa pangangailangang harapin ang mga ugat ng gera sibil sa pamamagitan ng komprehensibong kasunduan hinggil sa mga saligang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitkang reporma. Nasubok at napatunayan na ng NDFP sa "ispesyal na landas" na ayaw magkaroon ng rehimeng Aquino ng tigil-putukan at pakikipagtulungan sa NDFP, kahit ito ay batay sa isang pangkalahatang deklarasyon ng komun na layunin para sa kapakinabangan ng mamamayan.

Ikatlo, pinahihintulutan ng rehimeng Aquino ang mga tiwaling burukrata at upisyal nito na magsagawa ng mga huwad na lokalisadong usapan at mga huwad na pagpagpapasuko upang pribadong maibulsa ang malaking pondo mula sa Conditional Cash Transfer at PAMANA na nagkakahalaga ng mahigit Php 45 bilyon. Nailantad na ng Commission on Audit ang paglustay ng pondong ito.

Ang ipinangangalandakang "new approach" ng rehimeng Aquino ay kinasasangkutan ng pagpapaigting ng kampayang militar ng panunupil at pakikidigmang sikolohikal, ng pagwawakas sa negosasyong pangkapayapaan ng GPH-NDFP, ng pagpapalit dito ng mga huwad na lokalisadong usapan at mga huwad na pagpapasuko at pagbulsa ng pondo ng CCT at PAMANA ng mga tiwaling burukarata at upisyal militar.

Ang ipinayo ko sa Negotiating Panel ng NDFP ay maging handa lagi sa negosasyong pangkapayapaan alinsunod sa The Hague Joint Declartion at mga kasunod na mga kasunduan. Kung patuloy na magmamatigas ang rehimeng Aquino, hindi masyadong kaiinipan ang tatlong taon nito para palampasin. Ang papet, mapagsamantala, korap, brutal at mapanlinlang na katangian ng rehimen ay ibayong magpapahina sa naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa.

Masugid na tagatangkilik ang rehimeng Aquino ng bangkaroteng neoliberal na patakarang pang-ekonomya at agresibong ekspansyunismo ng US. Hindi ito nagbibigay-pansin sa mga saligang suliranin ng sambayanang Pilipino subalit lubhang nakaasa sa mga publisidad, dinoktor ng mga sarbey at mga iprinograma nang eleksyon ng Smartmatic. Ang ultra-reaksyunaryong katangian ng rehimeng Aquino at ang papalalang pang-ekonomya at panlipunang krisis ay pumapabor sa paglakas ng demokratikong gubyernong bayan at ng rebolusyonaryong pwersa at mamamayang sumusuporta rito.