Hinggil sa kinahinatnan ng midterm elections

Partido Komunista ng Pilipinas
Mayo 17, 2013

Translation: On the outcome of the 2013 elections

1. Walang ipinagkaiba ang katatapos pa lamang na midterm elections sa mga dating eleksyon sa ilalim ng mahigit kalahating siglo ng neokolonyal na reaksyunaryong paghahari. Mula sa pambansa hanggang sa lokal na antas, ang eleksyon ay pinagharian ng mga partido pulitikal na pinopondohan at kumakatawan sa interes ng malalaking kumprador at panginoong maylupa at yaong mga nangangayupapa sa malalaking dayuhang negosyo.

Sa inisyal na resulta ng eleksyon, ipinakikita na 75% ng mga magiging kinatawan ng House of Representative (Kongreso) ay nabibilang sa tinatawag na tradisyunal na mga pamilya ng pulitiko o mga dinastiya. Lahat ng mga nangunang tumakbong kandidato sa Senado ay pawang nagpapalawig ng sariling karera sa pulitika, o ng sa kanilang magulang o mga pamilya. Wala ni isa sa kanila ang nagmula sa hanay ng masang anakpawis.
Walang saligang napala ang sambayanang Pilipino sa eleksyong 2013. Sa kabuuan, nagsisilbi lamang ang eleksyon para patatagin ang kontrol ng naghaharing mga reaksyunaryong uri sa gubyerno at sa burukrasya nito. Sa kabila ng lubos na pagtatambol sa "demokrasya", pinatunayan ng eleksyong 2013 na isa itong huwad na demokratikong ehersisyo kung saan limitado ang "kapangyarihan" ng mamamayan na pumili mula lamang sa hanay ng naghaharing mga reaksyunaryo at bumoto sa mga kandidato na gagawa o magpatutupad ng mga batas na mang-aapi at magsasamantala sa kanila.

2. Ang resulta ng automated elections (awtomatikong operasyon ng eleksyon) ng 2013 ay di kapani-paniwala dahil sa lubos na kawalan ng transparency. Ang sistema ng de-makinang pagbibilang at pagkokonsolida ng eleksyong 2013 ay lalong hindi malinaw at di-demokratiko. Walang transparency sa lahat ng antas, mula sa kawalan ng pagrepaso ng publiko sa source code, hanggang sa pagiging sikreto ng pagbibilang ng boto ng mga automated counting machine at ang pagkokonsolida ng mga boto sa buong bansa.

Ang awtomatikong sistema ay pag-aari, kontrolado at pinangangasiwaan ng mga dayuhang kumpanya na ang motibo ay tubo at hindi ng anumang patriyotikong katungkulan. Dahil walang sistema kung paano titiyakin ang digital signatures o integridad ng software (programa sa kompyuter) na tumatakbo mula sa compact-flash card, ang mga makina ay maaaring patakbuhin ng mga kaduda-dudang programa para imanipula ang bilang ng boto at ng malawakang pagsasagawa ng pagbago sa resulta ng eleksyon na hindi mabubusisi ng publiko. Walang lubos na paraan ang publiko o ang mga partido pulitikal upang independyenteng siyasatin ang software at irepaso ang mga bilang na ipinapasa sa sentral na server computer ng Comelec at ng katuwang nitong pribadong kumpanyang Smartmatic Inc.

Nagkakaisa ang mga tagapagtaguyod ng demokrasyang elektoral na ibasura ang sistema ng automated elections sa Pilipinas. Kinundena ito na isang hakbang sa kawalan ng demokrasya. Inilalayo ng tinaguriang awtomatikong pagbibilang ang mga botante sa kanilang mga boto. Iginigiit nila na ang awtomasyon ay dapat gawin sa transmisyon ng mga boto matapos itong bilangin sa paraang demokratiko, hayagan at manu-manong. Sa kasaysayan ng mga eleksyon sa Pilipinas, hindi naman naging problema ang bilangan sa antas-presinto kundi, sa pagkokonsolida sa antas munisipyo, prubinsya at pambansang antas kung saan nagaganap ang pinakamalalalang manipulasyon ng resulta ng eleksyon.

Ang laganap na mga balita hinggil sa mga sirang compact flash cards, palsong transmisyong elektroniko, di paggana ng mga makinang pambilang at ang mga pagka-atraso ng pagtitpon ng mga boto ay nagpapatingkad sa laganap na kaduda-dudang resulta ng eleksyon.

3. Sasamantalahin ng rehimeng Aquino ang resulta ng eleksyong 2013 upang ibayong konsolidahin ang mapang-api at mapanupil na paghahari nito. Mayorya ng papasok na bagong mga senador ay mga kaalyado ni Aquino at mga inaasahang susuporta sa mga ipinatutupad ni Aquino na mga programa ng IMF at World Bank.

Sa dikta ng mga tagapayo ng US sa kanya at presyur mula sa American at European chambers of commerce, nakatakdang ibayong iliberalisa ng rehimeng Aquino ang mga patakaran sa pamumuhunan at kalakalan sa Pilipinas. Ipinupursige nila ang pagtatanggal sa mga pagbabawal ng konstitusyon sa 100% pag-aaring dayuhan ng mga lupa at mga susing serbisyo publiko at mga empresa sa pamamagitan ng pagsusog sa konstitusyon ng 1987 kundi man sa pagbubuo ng komisyon o kumbensyon para baguhin ang konstitusyon o pagpapasa ng mga bagong batas para pawalambisa ang mga gayong probisyon.

Sang-ayon sa mga dikta ng US, puspusan din ang pagtutulak ni Aquino na tiyakin ang ligal na pagbibigay-katwiran para sa papalaking presensya at pagbase ng pwersang militar ng US sa Pilipinas para ikutan ang mga paghihigpit ng konstitusyon ng 1987 laban sa mga dayuhang militar na pasilidad sa Pilipinas. Tahasan ding sinasabi ng malalaking dayuhang grupo ng mga negosyante ang pagpupursige sa pagtatangal sa mga restriksyon ng konstitusyon laban sa muling pagkahalal ng presidente nang lampas sa isang anim na taong termino ng panunungkulan.

Sa mahigpit na kontrol sa kongreso ng Pilipinas, nilalayon ni Aquino na ibayong iliberalisa ang Mining Act of 1995 upang makaakit ng mas malalaking pamumuhunan sa sektor ng pagmimina. Tahasan niyang binalewala ang pagtutol ng sambayanang Pilipino sa pandarambong ng dayuhan sa patrimonya ng bansa at ang pagkawasak ng kapaligiran na dulot na malakihang komersyal na operasyon ng pagmimina, plantasyon at pagtotroso.

Sa pagkontrol sa mayorya ng kongreso, inaasahang maipursige ni Aquino ang kanyang programang pambadyet upang maipatupad ang mga hakbangin ng pagtitipid sa pamamagitan ng ibayong pagbabawas ng mga gastusing panlipunan at pagsasagawa ng pribatisasyon ng pampublikong yutilidad at serbisyo. Asahan na ilalarga nang todo-todo ang pribatisasyon ng mga pampublikong ospital at eskwelahan sa mga susunod na taon. Kaugnay nito, nagbabadya ang pagpapataw ni Aquino ng dagdag na mga hakbangin sa pagbubuwis upang makalikom ng dagdag ng kita para sa gubyerno sa harap ng nagpapatuloy na krisis sa ekonomya.

Kung walang malakas na bloke ng oposisyon sa kongreso, inaasahan ng pangkating Aquino na maisulong ang paglagda ng mga kontrata ng gubyerno sa mga pribadong kontraktor nang walang pag-aalala sa pagpuna ng publiko at imbestigasyon ng blue-ribbon. Nakaplanong ipatupad ng rehimeng Aquino ang publikong pagsusubasta sa ekstensyon ng proyektong LRT, ang pagtataas ng pamasahe at pribatisasyon ng Metro Rail Transit system at ang muling pagsusubasta sa proyektong paghuhukay sa Laguna Lake. Malamang na makopo ng malalaking burukrata kapitalista at malalaking kumprador na kasabwat ni Aquino ang mga kontratang ito katulad ng nangyari sa proyekto sa konstruksyon ng Daang-Hari sa ilalim ng Public-Private Partnership Program na batbat sa katiwaliang iginawad sa mga kroni ni Aquino sa kabila ng mababang halaga ng proyekto ng kontrata ng mga katunggaling partido na sumubasta.

Sa matatag na pagkapanalo sa eleksyon, lalong malakas ang loob ni Aquino na higit na paiigtingin ang todo-todong gerang mapanupil ng rehimen sa ilalim ng Oplan Bayanihan. Inaasahan ni Aquino ang pakikipagtulungan ng kongreso ng Pilipinas upang palakihin ang pondo para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa Philippine National Police (PNP) at maipwesto ang mapanlinlang na programa sa kontra-insurhensya tulad ng mga proyektong PAMANA at Kalahi na ginagamit ng mga kumander ng militar at mga lokal na burukrata kapitalista para magpayaman.

4. Hindi hinarap ng katatapos pa lamang na eleksyon ang pinakamabibigat na problema at kahilingan ng sambayanang Pilipino. Kung hindi pa sa pagsisikap ng mga progresibong partidong lumahok sa mga kampanyang pampulitika, hindi natumbok ng mga talakayan at debate sa eleksyon ang pinakakagyat na mga kahilingan ng mamamayan kabilang ang, reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, mataas na sahod, mababang presyo ng mga bilihin, lokal na hanapbuhay at murang pabahay.

Walang ibang mapagpipilian ang sambayanang Pilipino kundi ang paigtingin ang kanilang pakikibaka laban sa mga maka-imperyalista at anti-mamamayang rehimeng Aquino. Dapat buong-sigla nilang isulong ang kanilang mga kahilingan at magkasa ng maiigting at malaganap na mga pakikibakang masa. Maaaring samantalahin ng sambayanang Pilipino at ng kanilang demokratikong kilusang masa ang pagkakabiyak-biyak sa hanay ng mga reaksyunaryo sa pamamagitan ng paglalapat ng mga taktika sa nagkakaisang prente para makapagbuo ng mga alyansa sa mga sekyong anti-Aquino laluna sa harap ng mga maniobra sa pulitikang kaugnay ng papalapit na eleksyong presidensyal sa 2016.

Sa harap ng kanilang lumalalang kundisyong sosyo-ekonomiko, mapipilitang buong sikhay na isulong ng sambayanang Pilipino ang kanilang pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya sa pamamagitan ng demokratikong pakikibakang masa at armadong paglaban.