Mabibigo ang Pakanang Localized Peace Talks ng Rehimeng US-Aquino

Patnubay De Guia
NDFP Southern Tagalog Chapter
May 19, 2013

Kung may ilusyon angrehimeng US-Aquino na mabibitag ang rebolusyonaryong kilusan sa mga lokalisadong usapang pangkapayapaan, nakatakdang magising ito sa bangungot ng nag-aalimpuyong digmang bayan sa buong kapuluan bago magtapos ang kanyang panunungkulan sa 2016.

Ilang ulit nang nasubukang inutil at baog ang diumanong “new approach” ni Aquino na localized peace talks. Nauna nang tinangkang ipatupad ito ng rehimen ni Corazon Aquino, Ramos, Estrada at Arroyo na pawing nauwi lamang sa masaklap na kabiguan. Bigo ang lahat ng pakanang lokalisadong usapang pangkapayapaan sa nagdaang mga taon na layuning pahinain at pagwatak-watakin ang rebolusyonaryong kilusan.


Ang lahat ng pangrehiyong organisasyon ng Partido Komunistang Pilipinas at kumand ng NPA ay matatag na humahanay sa likod ng pambansang lideratong Partido at kinikilala ang NDFP Negotiating Panel bilang itinakdang may solong otoridad na katawanin ang rebolusyonaryong kilusan at makipagnegosasyon sa reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas. Walang iba pang kikilalaninang pambansa-demokratikong kilusan sa Pilipinas na entidad para makipag-usap sa gubyerno ng Pilipinas kundi ang NDFP Negotiating Panel.

Nang ipinahayag ng rehimeng US-Aquino na ihinto at tapusin na ang pakikipag-usap sa NDFP Negotiating Panel, inilantad lamang nito ang tunay na adyenda na hindi paghahanap ng komon na solusyon sa ugat ng armadong tunggalian sa Pilipinas ang hangad ng rehimeng Aquino kundi pagpapasuko at pasipikasyon sa CPP-NPA-NDFP.

Bawat maniubrang mga kinatawan ni Aquino sa katauhan nina Teresita Deles at Alex Padilla ay pagsabotahe sa usapang pangkapayapaan at pagpawalambisa’t pagtalikod sa mga nauna nang kasunduang pinagtibay ng magkabilang prinsipal.

Sinalaula ng rehimeng Aquino at mga negosyador nito ang Joint Agreement on Security and Immunity Guarantee (JASIG) sa pagtarget ng panunugis, pag-aresto at pagpatay sa mga consultant at tauhan ng NDFP sa usapang pangkapayapaan. Patuloy na nilalabag nito ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) sa patuloy na kriminalisasyon at pagpiit sa mahigit 300 detenidong pulitikal, pagpinsala sa buhay at ari-arian ng mamamayan resulta ng militarisasyon sa kanayunan, ekstra-hudisyal na pamamaslang at pagdukot sa mga aktibista at patuloy na humahabang listahan na paglabag sa karapatang pantao.

At upang ganap nang tapusin ang negosasyon, nais ng mga negosyador ni Aquino na ibasura ang The Hague Joint Declaration at isaklob ang Konstitusyon ng Pilipinas bilang tanging pampulitikang balangkas sa negosasyon na walang ibang kahulugan kundi pagsurender sa otoridad ng reaksyunaryong gubyerno at walang-taning na tigil-putukan kahit wala pa man lamang nararating na makabuluhang kasunduan sa apat na substantibong adyenda: karapatang pantao at internasyunal na makataong batas; mga repormang sosyo-ekonomiko; repormang pampulitika at konstitusyunal; at pagtatapos ng mga sagupaan at dispusisyon ng armadong pwersa.

Walang ibang tatanggaping balangkas ang rebolusyonaryong kilusan sa negosasyong pangkapayapaan kundi ang The Hague Joint Declaration na naglalagay sa rebolusyonaryong kilusan sa kapantay na katayuan ng Gubyerno ng Pilipinas bilang isang belligerent force. Ito ang tanging prinsipyadong pampulitikang balangkas na katanggap-tanggap at makatwiran sa dalawang partidong nag-uusap.

Ang pagbasura ng rehimeng Aquino sa naunang mga kasunduang nilagdaan at pinagtibay ng magkabilang prinsipal ay rurok ng arogansyang kasalukuya ng reaksyunaryong rehimen na ipilit ang reaksyunaryong konstitusyon bilang balangkas sa pag-uusap at bitagin ito sa kapitulasyon.

Nabubuhay sa ilusyon ang rehimeng Aquino na mas magiging madali nitong durugin ang rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng Partido dahil lamang nabitag nito ang MILF sa isang walang taning na tigil-putukan sa ilalim ng isangframework agreement kahit walang substantibong nilalaman.

Pinatutunayan lamang nito na walang ibang natitirang landas kundi magpunyagi sa armadong rebolusyon, tuloy-tuloy na magpalakas at dalhin ang digmang bayan sa estratehikong pagpatas hanggang sa ganap na tagumpay. At sa yugtong ito, ang lakas ng reboluyonaryong mamamayan ang magpupwersa sa reaksyunaryong gubyerno na seryusuhin ang usapang pangkapayapaan.