Manggagawa, magmartsa sa unahan ng rebolusyong Pilipino!

Partido Komunista ng Pilipinas
Mayo 1, 2013

Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa milyun-milyong mga manggagawang Pilipino sa okasyon ng Pandaigdigang Araw ng Manggagawa. Bilang abanteng taliba ng uring manggagawa, kinikilala ng PKP ang Mayo Uno bilang isa sa pinakamakasaysayang araw para sa masang anakpawis at sa kanilang militanteng pakikibaka para isulong at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at kagalingan. Ang Mayo Uno ay may espesyal na lugar sa kasaysayan ng sosyalistang rebolusyon.

Sa okasyon ng Mayo Uno, nakikiisa ang PKP sa pakikibaka ng masang manggagawang Pilipino para isulong at ipagtanggol ang kanilang mga demokratikong karapatan at kagalingan. Sinusuportahan ng PKP ang sigaw ng mga manggagawa para sa karagdagang sahod, para ipagtanggol ang karapatan sa pag-uunyon at labanan ang kontraktwalisasyon at iba't ibang anyo ng pleksibleng paggawa.



Kalunus-lunos ang kalagayan ng uring mangggagawang Pilipino sa ilalim ng kasalukuyang rehimeng US-Aquino. Ang pagpapatuloy ng patakaran ng murang paggawa o "cheap labor" ang isa sa pundamental na patakaran ng rehimeng Aquino alinsunod sa baluktot at pinaglumaan na nitong programa ng "kaunlaran" na dinisenyo ng IMF-WB na nakasalalay sa dayuhang pautang at pamumuhunan. Lalong sumisidhi ang problema ng mababang sahod sa pagpapatupad ng "two-tier wage system" na sa saligan ay nag-aalis sa karapatan ng mga manggagawa sa minimum na sahod.

Halos kalahati ng kabuuang pwersa ng paggawa ang wala o kulang sa trabaho. Tanda ng labis na pagkaatrasado ng ekonomya ng Pilipinas, nasa 10% ng populasyon nito ang nagtatrabaho bilang mga de-kontratang manggagawa sa ibang bansa. Tinutulan ng sunud-sunod na mga gubyernong maka-IMF ang pagpapatupad ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Dahil dito, papalala ang problema ng malawakang disempleyo at laganap na kahirapan at pang-aapi sa kanayunan. Ginagamit ng reaksyunaryong gubyerno ang napakalalang problema ng disempleyo bilang pabigat upang lalong ibaba ang sahod ng mga manggagawa.

Sa nagdaang tatlumpung taon, walang patumanggang ipinatupad ng magkakasunod na reaksyunaryong gubyerno ang mga patakarang neo-liberal na nagbunga ng padausdos nang padausdos na kalagayan ng uring manggagawang Pilipino. Kaliwa't kanan ang pagsupil at paglansag sa mga unyong manggagawa sa layuning baklasin ang kanilang kakayahang ipagtanggol ang kanilang kagalingan at mga karapatan. Ang bilang ng mga unyonisadong manggagawa kumpara sa kabuuan ay nasa isa sa pinakamababang antas sa nagdaang 50 taon.

Ang malawakang pagpapatupad ng kontraktwalisasyon at iba't ibang anyo ng pleksibleng paggawa ay nagbibigay-daan sa walang kapantay na pang-aapi sa mga manggagawang Pilipino. Sa banta ng "end of contract" sa pagtatapos ng tatlo hanggang anim na buwang kontrata, ang mga manggagawa ay napupwersang lunukin ang pinakamalulupit na anyo ng pang-aapi at pagsasamantala.

Napakalubha ng kahirapan ng masang anakpawis. Hindi na nakaaagapay ang napakababang sahod sa mabilis na pumapaimbulog na presyo ng karaniwang bilihin at kaliwa't kanang pabigat na buwis. Mayorya ng proletaryado at mala-proletaryado ay pwersadong manirahan sa mga barung-barong na wala o kulang na kulang sa mga pasilidad. Ang patakaran ng gubyerno sa pagtitipid at pribatisasyon ng mga serbisyong pampubliko ay nagreresulta sa pagkakait sa masang manggagawa at anakpawis ng kailangang-kailangang libreng serbisyong pangkalusugan at edukasyon. Kaliwa't kanan ang demolisyon ng mga komunidad ng maralita upang bigyang-daan ang mga proyektong pang-imprastruktura ng mga malalaking dayuhan at lokal na negosyante.

Ang labis na api at lugmok na sitwasyon ng masang manggagawang Pilipino ay pumupukaw sa kanila sa pangangailangan para sa militanteng pakikibaka at rebolusyonaryong pagbabago. Sa kabila ng mga banta, tuluy-tuloy ang pagpupunyagi ng mga manggagawa sa pagbubuo ng mga unyon at iba't ibang anyo ng organisasyon at paglulunsad ng mga welga at iba't ibang anyo ng pakikibaka.

Ang umiiral na mga kundisyong panlipunan ay matabang lupa para sa pagbulwak ng militanteng kilusan ng masang manggagawa sa mga darating na taon. Tungkulin ng mga rebolusyonaryong manggagawa na malawakang pukawin ang masang anakpawis at himukin sila sa landas ng paglaban.

Nananawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas sa masang manggagawang Pilipino na magmartsa sa unahan ng rebolusyong Pilipino. Tungo dito, dapat itaas ang kanilang kamulatan hindi lamang tungkol sa kanilang kalagayan bilang mga manggagawa, kundi ang ugnayan rin nila sa kalagayan ng iba pang aping uri at sektor, laluna ng uring magsasaka. Dapat ihanda ang kanilang isip at kahandaan na bagtasin ang landas ng mahirap na pakikibaka bilang tanging landas para magkamit ng kinakailangang pagbabago at kamtin kahit ang panandaliang kaginhawaan.

Dapat isagawa ang malawakang pagpukaw sa milyun-milyong mga manggagawa kaugnay ng mga napapanahong mga usapin na may kaugnayan sa kanilang kahirapan at kaapihan. Ilantad ang malalaking negosyante sa likod ng mga kontrata ng gubyerno. Ilantad ang dayong malalaking kapitalistang nandarambong ng ating likas na yaman, umaapi sa mga manggagawa at nagkakamal ng supertubo. Ilantad ang mga panginoong maylupa at ang pakikipagkuntsabahan sa mga ito ng maka-asenderong rehimeng Aquino. Ilantad ang dayuhang mga monopolyo sa likod ng labis-labis na pagpepresyo sa mga produktong langis. Ilantad ang IMF-WB sa likod ng mga makadayuhang mga patakaran sa ekonomya.

Pag-alabin ang mga pakikibaka ng uring manggagawa at masang anakpawis sa loob at labas ng mga pabrika. Puspusang buuin ang mga unyong manggagawa at iba't ibang anyo ng organisasyon. Isulong ang pakikibaka para sa karagdagang sahod. Puspusang labanan ang kontraktwalisasyon at igiit ang karapatan sa pag-uunyon at sa kolektibong pakikipagtawaran o collective bargaining. Mahigpit na labanan ang demolisyon sa mga komunidad ng anakpawis. Labanan ang iskemang pribatisasyon at iba pang programa ng pag-abandona ng gubyerno sa kapakanan ng mamamayan pabor sa interes ng malaking negosyo.

Puspusang ilantad at ihiwalay ang anti-manggagawa at anti-mamamayang rehimeng US-Aquino. Labanan ang pangangayupapa nito sa imperyalismong US at ang pagpapagamit nito sa hegemonismo ng US sa Asia. Labanan ang patakaran nito ng pagbibigay nito ng karapatan sa militar ng US na gamitin ang lahat ng daungan at paliparan kailanman at saanman naisin. Labanan ang permanenteng presensya ng mga tropang militar ng US at ang panghihimasok nito sa mga panloob na usapin ng bansa.

Mabilis na palawakin ang kasapian ng PKP sa hanay ng masang manggagawa. Dapat magkaroon ng tiyak na mga target ng pagpapalawak ng mga sangay ng Partido at pagbubuo ng bago kung saan wala pang nakatayo. Tiyakin ang pagbibigay ng batayang kurso ng Partido sa mga aktibistang manggagawa at maagap silang pasumpain bilang mga kandidato at ganap na kasapi ng PKP. Matamang bigyan sila ng angkop na mga tungkulin sa pagrerekrut ng bagong mga kasapi, pagbubuo ng bagong mga sangay ng Partido, pag-oorganisa ng masa, pagbibigay edukasyon at pagsusulong ng mga pakikibakang masa.

Malawakang palahukin ang masang manggagawa sa armadong pakikibaka sa kanayunan. Puspusang magrekrut ng Pulang mandirigma sa hanay ng mga manggagawa. Ang malawakang paglahok ng uring manggagawa, sampu ng mga nakapag-aral na kabataan, ay kabilang sa mga susing tungkulin para sa pagsusulong ng digmang bayan sa bagong antas sa mga darating na taon.