Panibagong kaso ng Extra Judicial Killing sa Camalig, Albay

Florante Orobia
Santos Binamera Command, BHB-Albay
Mayo 26, 2013

Mariing kinokondena ng Santos Binamera Command ang panibagong kaso ng extra-judicial killing ng mga death squad ng AFP sa Camalig, Albay. Ito na ang ika-38 kaso ng extra-judicial killing sa Bikol sa panahon ng Oplan Bayanihan ng Rehimeng Noynoy Aquino.

Ang panibagong biktima ng extra-judicial killing ay si Ricky Nate, isang fish vendor na residente ng Brgy. Cotmon, Camalig Albay. Pinagbabaril ito hanggang mamatay ng mga death squad ng 2nd IBPA gamit ang maiksing baril nitong Mayo 26, 2013, 7:30 ng umaga sa mismong sentrong baryo ng Brgy. Del Rosario, Camalig, Albay.



Si Ricky Nate ay naging biktima ng pananakot at pagbabanta ni 1Lt. Sason, CO ng Charlie Coy, 2nd IBPA na nakahimpil sa Brgy. Alobo, Daraga, Albay. Batay sa blotter ni Ricky Nate sa Brgy. Del Rosario at sa bayan ng Camalig noong 2012, inakusahan siya ng militar na diumano ay simpatisador ng rebolusyonaryong kilusan, binantaan ang buhay at pinatigil pa sa paglalako ng isda. Ang kaso ng pananakot kay Ricky Nate ay inareglo sa harap ng LGU Camalig kung saan nangako si 1Lt. Sason na hindi na uulit sa panghaharas.

Sinadyang barilin ang biktima sa harap ng baryo chapel upang maghasik ng matinding takot sa mga mamamayan laluna sa mga taumbaryo ng Brgy. Del Rosario kung saan naging matagumpay ang taktikal na opensiba ng BHB laban sa 2nd IBPA noong Mayo 20, 2013. Malinaw na pinagbalingan nila si Ricky Nate ng kanilang galit at pagkapikon sa pagkatalo sa labanan.  Indirektang inaamin at mistulang ipinagmamayabang pa nga ng 2nd IBPA na sila ang pumatay sa biktima dahil tambak ang tropa ng 2nd IBPA sa Brgy. Del Rosario at pati na sa mga kalapit-baryo nito na naglulunsad ng "hot pursuit operations" laban sa BHB mula pa noong Mayo 20, 2013. Hindi lalampas sa 1 kilometro ang layo ng pinangyarihan ng krimen sa mga baraks ng Charlie Coy, 2nd IBPA sa loob ng Brgy. Del Rosario at sa detachment nila sa Brgy. Alobo.

Bahagi ng marumi at kasuklam-suklam na taktika ng militar ang pagbaling ng galit sa mga inosenteng sibilyan kapag natatalo sa labanan. Malinaw na labag ito sa CARHRIHL (Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law) at mga internasyunal na makataong batas taliwas sa mga propaganda ng AFP-PNP at ng Oplan Bayanihan kung saan nag-aasta silang "kampeon ng karapatang pantao". Mabilis na nahubaran ang pagpapanggap na makatao ng mga kriminal na militar kapag napipikon-talo.

Kailangang papanagutin ng mamamayan ang berdugong 2nd IBPA sa kanilang mga kasuklam-suklam na krimen laban sa mamamayan. Kailangang magpursigi ang mamamayan sa kanilang pagbabantay laban sa mga paglabag sa kanilang karapatan at krimen ng tropang 2nd IBPA. Gagawin ng Santos Binamera Command ang lahat ng makakaya, sa tulong ng mamamayan, na maparusahan ang mga maysala.