SWAT ng PNP-Sorsogon, tinambangan ng BHB

Samuel Guerrero
Celso Minguez Command, NPA-Sorsogon
Mayo 11, 2013

LIMANG tropa ng Special Weapons and Tactics (SWAT) unit ng PNP-Sorsogon City ang kumpirmadong nasugatan sa pananambang ng mga Pulang mandirigma ng Celso Minguez Command (CMC) ng Bagong Hukbong Bayan sa Barangay Bato, Bacon District ng nasabing syudad nitong Mayo 10.

Kabilang sa mga nasugatan sina C/Insp. Juancho Balte Ibis, PO2 Nelson Dioquino, PO1 Eric Elquiro at dalawa pang hindi pinangalanan. Kasalukuyang kinukumpirma ng CMC ang natanggap nitong ulat na napatay ang apat sa naturang mga pulis.



Ang naturang ambus ay sagot ng BHB sa pinaiigting na counterinsurgency operations ng reaksyunaryong militar at pulisya sa panahon ng eleksyon. Sinasamantala ng AFP at PNP ang awtoridad nilang “bantayan” ang halalan para sindakin ang mga botante sa mga baryong itinuturing nilang balwarte ng rebolusyonaryong kilusan. Sinasamantala rin nila ang pagkakataon para mapag-ibayo ang paglalatag ng mga intelligence network laban sa BHB at mga rebolusyonaryong organisasyong masa. Gagawin ng BHB ang lahat ng paraan para hadlangan ang mga pakanang ito.

Binabati ng Celso Minguez Command ang kinauukulang yunit ng BHB sa kanilang matagumpay na operasyon.