Tauhan ni Antonio ang nagtangkang pumatay sa lider magsasaka ng Agani, Alcala!

Kondenahin ang mga karahasan at panggigipit!

Ester Falcon
Henry Abraham Command - NPA-Eastern Cagayan
Mayo 02, 2013

Mariing kinokondena ng Bagong Hukbong Bayan-Silangang Cagayan ang tangkang pagpatay kay Melia Tabarejo, lider magsasaka ng Agani, Alcala, Cagayan noong gabi ng April 27. Hinagisan ng granada ang loob ng tahanan ni Tabarejo. Sugatan din ang isa pang kapamilya ni Tabarejo sa nasabing insidente. Pulitika ang pangunahing anggulo na tinitignan sa krimen sa kabila ng pagtatakip dito ng kampo ng itinuturong pinakamakapangyarihan na pulitiko sa bayan ng Alcala at ng probinsya ng Cagayan-- ang mga Antonio.

Mainit na ang halalan sa probinsya ng Cagayan sa pagsisimula pa lamang ng kampanya noong Marso 30, 2013. Bago pa ito, nagbabatuhan na ng iba’t ibang isyu at kanya-kanyang baho ang mga tradisyunal na pulitiko. Sa pagsisimula pa lamang ng eleksyon, agarang nagbaba ng memorandum ang Police Provincial Office ang PNP Cagayan ng kautusan na subaybayan ang mga lider at kampanyador ng mga progresibong partylist at kandidato. Malisyosong iniuugnay ng PNP at AFP ang mga progresibo sa rebolusyonaryo at armadong kilusan.

Dahil dito, nagpoposturang ligal ang mga pag-atake sa mga kampanya ng progresibo mula sa pagkakampanya, pagkakabit ng mga campaign materials atbp. Bukod pa sa aktuwal na paniniktik, pagbabanta at ang mismong pangyayaring tangkang pagpatay sa mga lider ng mga sagadsagaring pulitiko katulad ng mga Enrile at mga alipures nito. Lumalantad ang kampo ni Bong Antonio sa mga lantarang nagsusubaybay at nangigipit sa mga lider magsasaka.

Habang aktuwal na naghahasik ng terorismo, tuluy-tuloy ang pagbabanta ng mga pulitikong tuta ni Enrile sa mga lider ng Anakpawis ng mga bayan ng Baggao, Amulung, Sta. Ana, Buguey, Alcala, Aparri, Lallo at iba pang bayan sa Cagayan.

Samantala, malaganap ang pagbili ng boto habang papalapit ang eleksyon. Ikalawang linggo ng Abril 2013 nang bigyan ni Enrile at Antonio ng halagang 30 milyon si kasalukuyang mayor Pattung ng Baggao. Bigay ito ng Huaxia Mining Corp., isang kumpanya na nagmimina sa bayan ng Gonzaga. Matatandaang ito rin ang kumpanyang nagbigay ng pinansya kay Pentecostes noong 2010. Kapalit nito ang pagbubukas ng pagmimina sa buong bayan ng Gonzaga pagkaupong- pagkaupo pa lamang ni Pentecostes. Buong-buong ibinenta ni Pentecostes ang Gonzaga nangangampanya pa lamang siya noong 2010. Siguradong halos katulad ng Gonzaga ang gustong mangyari ng mga Enrile at ni Pattung sa bayan ng Baggao!

Hindi lamang tradisyunal na pulitiko ang binabayaran. Kamakailan lamang ay ipinatawag ni Enrile ang COMELEC _officer_ ng Sta. Ana, Cagayan. Tumanggap ang nasabing COMELEC Officer ng Sta. Ana ng halagang P300,000 mula kay Enrile. Ipapaalala lamang natin na tumatakbong mayor ng bayan ng Sta. Ana ang apo ni Juan Ponce Enrile na si AJ Ponce sa naturang bayan. Hindi nakapagtataka ang posibleng “bilihan” at “bayaran”. Buong-buong gagawin ni Enrile ang lahat ng paraan upang makuha ang bayan ng Sta. Ana para sa tuluy-tuloy na makapaghari at magawa ang mga iligal na transaksyon na mismong sa senado ay nailalantad. Higit sa lahat, ang pagbubukas ng pagmimina sa bayang ito na hindi nila maipilit dahil kontra ang kasalukuyang administrasyon ni Mayor Tobias at ang mamamayan sa pagmimina.

Lalo pang dapat magmatyag ang mamamayan sa galaw ng mga bulok na pulitiko at dinastiya. Nananawagan ang buong rebolusyonaryong kilusan na itaas ang militansya at matapang na ilantad ang lahat ng mga pandaraya at pandarahas. Lalo pang ipapakat ng dinastiyang Enrile kasabwat si Antonio sa lahat ng terorismo nito, sa mamamayan at sa mga progresibong pulitiko at lider.

Habang papalapit ang Mayo 13, aasahan pa natin ang mas papainit pang atmospera ng eleksyon. Sa gayon, lalo pang mas magiging malinaw at matibay sa mamamayan ang kabulukan na itinatago sa pangalan ng demokrasya ng halalan sa ating bansa. #