Ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa imperyalistang dominasyon at panunupil

Kontribusyon sa 2013 anti-imperyalistang talakayan sa Ireland
Belfast, Ireland
13-15 Hunyo 2013

 

Luis G. Jalandoni
Punong Internasyunal na Kinatawan ng NDFP



Translation: The Filipino peoples' struggle against imperialist domination and repression

Nais pasalamatan ng National Democartic Front of the Philippines ang Republikanong Sinn Fein sa imbitasyong ito upang makilahok sa 2013 Anti-imperyalistang Talakayan sa Ireland, at upang makadalo sa mga aktibidad para tutulan ang pulong ng G-8 na ginagawa sa Fermanagh, sa British Occupied Ireland. Nagagalak kami sa pagkakataong ito na ibahagi sa inyo ang sitwasyon sa Pilipinas, laluna ang panlipunan at pangkapaligirang pangwawasak na ginagawa ng imperyalismo, at ang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.

Nais din naming samantalahin ang pagkakataong ito na ipaabot ang aming pakikiramay sa mga kapamilya, kasamahan at kaibigan ni Ruairí Ó Brádaigh, dating Chief of Staff ng Irish Republican Army at Pangulo ng Republikanong Sinn Fein, na pumanaw noong Hunyo 5. Inilaan niya ang kanyang buhay sa Irish Republican Movement, kapwa bilang isang mandirigma at pulitikal na lider, na nagtakda ng pinakamataas na pamantayan ng paninindigan, tungkulin, at dangal at katapatan sa adhikain ng paglaya ng Ireland. Sinasaluduhan ng mga rebolusyonaryong Pilipinog ang pamana na ipinasa niya sa susunod na henerasyon ng mga Republikano na patuloy na nakikipaglaban para sa pambansang kalayaan at tunay na demokrasya sa Ireland.


Ang Imperyalismong US sa Pilipinas


Angkop lamang na magdaos ng pampublikong mga aktibidad kasabay ng pulong ng G-8 dito sa Ireland. Binibigyan nito ng mahusay na oportunidad ang mamamayan sa buong mundo na itutok ang kolektibong pagtuligsa sa pagkawasak at pagdarahop na dulot ng pinakamakakapangyarihang imperyalistang estado sa mundo.

Binubuo lamang ng 14% ng populasyon ng daigdig ang mga bansang kasapi ng G-8 subalit kinakatawan nila ang 60% ng gross domestic product ng daigdig. Ang mga monopolyong korporasyon na nakabase sa mga bansang ito ay may negosyo sa buong mundo, nandarambong sa kapaligiran, nagsasamantala sa mga manggagawang sahuran para sa kanilang supertubo at nagpapakawala ng armadong panunupil laban sa nagpoprotestang mamamayan. Ang mga gubyerno ng G-8 ang pinakamalalaking tagagastang militar at kinukontrol nila ang halos lahat ng sandatang nukleyar sa daigdig. Walang pag-aatubili ang mga gubyernong ito na gamitin ang kanilang kapangyarihang militar laban sa ibang bansang naggigiit ng pambansang kalayaan, o suportahan ang mga mapanupil na papet na mga rehimen sa Asia, Middle East, Africa at Latin America.

Malaon nang nagdurusa ang Pilipinas sa imperyalistang dominasyon ng US mula pa noong pagsisimula ng ika-20 siglo. Pinalitan ng US ang kolonyalismong Espanyol at naglunsad ng gerang mapanakop noong 1899 laban sa nakapangyayaring sambayanang Pilipino. Nagresulta ang brutalidad ng dayuhang mananakop sa pagkamatay ng 20,000 mandirigmang Pilipino at ng karagdagan pang 1.5 milyong sibilyan.

Hindi na tinantanan simula noon ng US ang Pilipinas, nangasiwa muna ito bilang isang kolonyal na kapangyarihan hanggang 1946, at pagkatapos ay sa pamamagitan ng serye ng mga lokal na gubyernong papet. Pinanatili ang bansa bilang isang ekonomyang atrasadong agrikultural at di-industriyalisado - bilang pinagkukunan ng mineral at likas na yaman, mga produkto ng plantasyon, mga mala-manupakturang produkto at murang lakas paggawa. Nagsilbi rin ang Pilipinas, noon at ngayon, na isang lunsaran ng agresyong militar sa Asia-Pacific, Indian Ocean at Middle East.

Isang pulu-pulong bansa ang Pilipinas sa southeast Asia na binubuo ng mnahigit 7,000 pulo. Mayroon itong lupain na may sukat na 300,000 kilometro kwadrado, na halos kasinlaki ng Italy at New Zealand, at mayroong populasyon sa kasalukuyan na may 100 milyon. Sagana ang bansa sa yamang mineral, kagubatan, agrikultural, tubig at dagat. Sa kabila ng kasaganahang ito sa likas na yaman, malaking mayorya ng populasyon ay nabubuhay sa karalitaan.

Pinanatiling pyudal na estado, pangunahin ang bansa, ng imperyalismong US at ng mga lokal na naghaharing uring mga panginoong maylupa at malalaking burgesya kumprador. Mayorya ng populasyon ay mga magbubukid at mahigit 70% sa kanila ay mga nakikisamáng walang lupa. Nagbabayad sila ng pyudal na upa sa lupa sa mga panginoong maylupa, na minsan ay umaabot sa 70% ng kabuuang ani. Halos walang anumang mekanisasyon sa agrikultura, karamihan sa mga magsasaka ay gumagamit ng mga kalabaw at de manong mga kagamitan sa pagbubungkal at pag-aani ng kanilang mga produkto. Dumaranas din ang mga magsasaka at manggagawang bukid ng pyudal na pagkaalipin, usura, mababang sahod at mababang presyo ng kanilang produktong agrikultural.

Kulang sa 15% ng populasyon ay nagtatrabaho sa sektor ng industriya bilang mga sahurang manggagawa. Nagtatrabaho sila sa pagbungkal ng likas na yaman, agrikultura, pag-aasembol at mala-manupaktura ng mga produktong elektroniko, damit, kagamitan sa transportasyon at mga produktong pagkain. Sa nakaraang dekada, ang gawain sa call center ng mga dayuhang kumpanya ang nagpalaki sa bansa na nag-eempleyo ng 700,000 manggagawa o humigit-kumulang 2% ng kasalukuyang pwersa sa paggawa ng bansa.

Kumikita lamang ng abereyds na US$1.70 (€1.30) kada oras ang mga manggagawa sa Pilipinas. Nangangailangan ang karaniwang pamilya ng US$23.60 (€18.20) bawat araw para mabuhay. Nangangahulugan ito, na sa aberyeds, kalahati lamang ang kinikita ng isang manggagawa ng kanilang kailangan para mabuhay! Ang totoo, mahigit 60% ng populasyon ang nabubuhay sa kahirapan, na hindi kumikita nang sapat para sa kanilang pangangailangan.

Patuloy na dinadambong ng mga dayuhang monopolyong korporasyon ang likas na yaman ng bansa. Tumatabo sila ng supertubo sa mga operasyong pagkuha ng hilaw na materyales habang halos walang ibinabayad sa gubyerno. Sa kabilang banda, nagreresulta ito sa pagkakawasak sa kapaligiran na di kayang maibalik at ng pagkasaid ng mga rekurso para sa industriyal na pangangailangan ng bansa.

Lubos na masiba at mapanupil ng lokal na naghaharing mga uring panginoong maylupa at malalaking burgesya kumprador. Minomonopolisa nila ang rekursong pang-ekonomya ng bansa, nagsasamantala sa mga manggagawa, humuhuthot ng pampulitika at pang-ekonomyang kapangyarihan sa mga rekurso ng gubyerno at gumagamit sa buong pwersa ng reaksyunaryong estado laban sa masang naggigiit ng panlipunang pagbabago. Lubusan din silang sunud-sunuran sa mga dayuhang monopolyong korporasyon at sa imperyalismong US. Isinuko nila ang patrimonya at soberanya ng bansa sa dayuhang tubo at nagbabasbas sa imperyalistang dominasyon ng US.

Rebolusyon laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo


Nagdurusa ang malaking mayorya ng sambayanang Pilipino sa kronikong problema ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Sa ilalim ng ganitong kundisyon, walang ibang pagpipilian ang mamamayan kundi ang maglunsad ang rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang kalayaan at tunay na demokrasya. Kinasasangkutan ito ng pwersahang pagbabagsak sa reaksyunaryong estadong kontrolado ng US, ng libreng pamamahagi ng lupang agrikultural sa mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid, ng sosyalistang pagpapaunlad sa agrikultura, pambansang industriyalisasyon at ng pagtatayo ng demokratikong republikang bayan na pamumunuan ng uring manggagawa.

Pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas sa kaslukuyan ang pambansang demokratikong rebolusyon. Mula nang muling itatag ito noong 1968, binuo at nasa pamumuno ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan bilang siyang pangunahing sandata nito sa paglansag sa aramdong lakas ng reaksyunaryong estado. Sa paggamit sa estratehiya ng matagalang digmang bayan, nakapagpalakas ang mga rebolusyonaryong pwersa sa malawak na kanayunan, ginagapi nang hakbang-hakbang ang reaksyunaryong armadong pwersa at nilalayong agawin ang pambansang kapangyarihang pampulitika.

Ang BHB ang siya ring pangunahing makinarya ng Partido sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapailos sa masa sa kanayunan para sa rebolusyon. Binubuo ang mga sektoral na organisasyon ng mga magsasaka, kababaihan, kabataan, mga bata at mga petiburgesya ng kanayunan. Inilulunsad ang mga programa at kampanya sa rebolusyong agraryo, kabilang ang pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi sa usura, pagpapalaki ng produksyong agrikultural, pagtataas ng sahod ng mga manggagawang bukid, pagtataas ng presyo ng mga produktong agrikultural at pagpapaunlad ng mga gawaing pangkooperatiba.

Binubuo ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika mula sa antas baryo at kalaunan hanggang sa antas munisipyo at prubinsya. Nagpapatupad ito ng mga programa sa repormang agraryo, produksyong pang-eonomya, kalusugan, edukasyon, pagtatanggol sa sarili, lokal na abritrasyon at mga aktibidad na pangkultura.

Mahalaga rin ang mga rebolusyonaryong pakikibaka sa mga kabayanan at mga syudad. Binubuo ang mga organisasyon ng mga industriyal na manggagawa, maralitang lunsod, kababaihan, kabataang-estudyante at mga propesyunal sa kalunsuran. Naglulunsad sila ng ligal at di-armadong aksyong masa upang ipalaganap ang kahilingan ng masa para sa pambansa at panlipunang paglaya. Ipinapalaganap din nila ang mga balita hinggil sa armadong pakikibakang inilulunsad pangunahin sa kanayunan, na nagbibigay-inspirasyon sa populasyon sa kalunsuran na suportahan at aktibong lumahok doon.

Sa kasalukuyan, aktibo ang mga rebolusyonaryong pwersang pinamumunuan ng PKP sa 70 sa kabuuang 81 prubinsya sa Pilipinas. Kumikilos ang BHB sa mahigit 110 larangang gerilya, bawat larangan ay katumbas ng isang platun hanggang isang kumpanya ng mga Pulang mandirigma. Ang bilang mga pultaym na Pulang mandirigma na may malalakas na armad ay patungo na sa antas 10,000. Dumadagdag sa likas nila ang ilampung libong boluntaryo na nasa mga milisyang bayan at ng daanlibong nasa yunit na pagtatanggol-sa-sarili ng mga organisasyong masa sa kanayunan.

Umaabot na sa milyun-milyon ang baseng masa ng rebolusyon. Nagawa ito sa pamamagitan ng pagbubuo ng organisasyong masa sa baryo, ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at ng mga lokal na sangay ng Partido. Lampas na sa 100,000 ang kasapian ng PKP at lumalaki patungong sa target na 250,000 kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Layon ng BHB na palakihin ang mga Pulang mandirigma nito sa 25,000 at ang mga larangang gerilya nito sa 180. Pinalalakas ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa ang kanilang sarili at nilalayong saklawin ang milyun-milyong pang mamamayan sa pamamagitan ng direktang pag-oorganisa at gawain sa pakikipagkaisang prente.

Sa pamumuno ng PKP, determinado at handa ang BHB at iba pang alyadong organisasyon ng NDFP na isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka sa ganap na tagumpay laban sa imperyalismo at lokal na reaksyunaryong kaalyado nito. Mag-aambag ang tagumpay ng sambayanang Pilipino sa pagpapahina sa imperyalistang dominasyon ng US at sa pagpapaigting ng kontradiksyon sa hanay ng mga imperyalistang estado.

Ipinaaabot namin ang aming rebolusyonaryong pakikiisa sa mamamayan ng Ireland sa kanilang patuloy na pakikibaka laban sa imperyalismong UK at para sa sosyalistang rebolusyon. Umaasa kami sa mas mahigpit na pagkakaisa sa pagitan ng mamamayan at ng mutwal na suporta sa ating kumon na pakikibaka para sa pambansang kalayaan, katarungang panlipunan, tunay na demokrasya at sosyalistang pag-unlad.

Tagumpay sa pambansa demokratikong rebolusyon sa Pilipinas!
Tagumpay sa Irish Republican Movement!
Mabuhay ang Republican Sinn Fein!
Mabuhay ang internasyunal na anti-imperyalistang pagkakaisa!