Isulong ang rebolusyonaryong kilusan sa reporma sa lupa

Partido Komunista ng Pilipinas
Hunyo 11, 2013

Translation: Advance the revolutionary land reform movement


Sa loob ng 25 taon, malinaw na ipinakita ng reaksyunaryong Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na ito'y isang malaking panlilinlang. Patuloy na pinangingibabawan ng atrasado at kontra-kaunlarang uring panginoong maylupa ang ekonomya at pulitika ng Pilipinas. Patuloy na isinasailalim ng mga panginoong maylupa ang milyun-milyong magsasakang PIlipino sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa pamamagitan ng kanilang mga asyenda at iba pang pyudal na ari-arian.

Walang ipinagkaiba ang CARP at ang pinalawig na programa nito, ang CARPer, sa Presidential Decree #27 ng diktadurang Marcos at sa lahat ng mga nakaraang huwad na programa sa reporma sa lupa mula pa noong pagsisimula ng estadong neokolonyal. Matapos ang pitong dekada, nananatiling walang lupa ang mga Pilipinong magbubukid at isinasailalim sa matinding pagsasamantala at pang-aapi.


Ang CARP at ang lahat ng mga naunang huwad na programa sa reporma sa lupa ay mga proyekto ng panlilinlang ng reaksyunaryong estadong dominado ng mga panginoong maylupa. Nilalayon lamang nitong balewalain ang laganap na kahilingan sa lupa at apulain ang demokratikong pakikibaka ng masang magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa.

Pinatatampok ang pagiging huwad ng CARP ng katotohanang nananatiling hindi nagagalaw at nasa monopolyong kontrol ng malalaking panginoong maylupa ang malalaking asyenda, matapos ang 25 taon ng implementasyon. Ibayo pa itong pinatitingkad ng katotohanang kasalukuyang pinangangasiwaan ang reaksyunaryong estado ni Benigno Aquino III, inapo ng angkan ng mga panginoong maylupang Cojuangco. Ang Hacienda Luisita, ang pinakamatingkad na simbolo ng pyudal na paghahari, ay nananatiling nasa kontrol ng mga Cojuangco sa pamamagitan ng panlilinlang, burukratikong manipulasyon at armadong panunupil. Patuloy na dinodominahan ng malalaking asyenda ang kanayunan.

Nagtatampisaw sa maluhong pamumuhay ang mga pamilyang Aquino, Roxas, Araneta at iba pang pamilya ng malalaking panginoong maylupa. Nakatira sila mga mala-palasyong tahanan, nagsusuot ng mahahaling damit, kumakain ng imported na karne, nalulungo sa mamahaling alak, nagpipiging sa nagtatayugang hotel, pabalik-balik sa ibang bansa at nakikipagkarera para maaliw sa kanilang mga kotseng matakaw sa gasolina. Manhid sila sa karukhaan at pagdarahop ng mga magsasaka at iba pang masang anakpawis.

Ang pinakalitaw na pagpapamalas ng kawalan ng tunay demorasya sa Pilipinas ay ang kawalan ng tunay na reporma sa lupa. Ang mayorya ng sambayanang Pilipino na binubuo ng mga magsasakang walang lupa at mahihirap na manggagawang bukid ay araw-araw na pinagdurusa sa mataas na upa sa lupa, napakababang sahod, mataas na gastos sa agrikultural na produksyon, mababang presyo ng kanilang produktong-bukid, mataas na interes sa utang at iba pang anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala at pang-aapi.

Daan libong magbubukid ang napalalayas sa kanilang mga lupa dahil sa malawakang pagpapalit-gamit ng mga panginoong maylupa ng mga lupaing agrikultural tungong di-agrikultural upang ikutan ang batas sa reporma sa lupa at mabilis na makapagkamal ng tubo. Ibayo pang napapalayas sa kanilang lupain ang mga pambansang minorya ng pagdagsa ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina na lumalason sa lupa at mga ilog. Walang-walang kaunlarang pang-ekonomyang na makapagbibigay ng trabaho sa modernong industriya sa lakas paggawa sa kanayunan. Ang kanayunan ng Pilipinas ay isang malaking dagat ng mga wala at kulang sa trabaho, kung saan napakababa ng kita at lubog sa gutom at karukhaan ang masa.

Walang katarungang panlipunan sa ilalim ng CARP ng reaksyunaryong estado. Ibinasura na ng mga organisasyon ng magsasaka ang CARP bilang isang purong transaksyong real estate na ang pyudal na mga lupain ay binibili sa estado sa mas mataas na presyo kaysa sa tunay nitong halaga. Ang mga tinaguriang certificate of land transfer (dokumento ng paglilipat ng pag-aari sa lupa) ng mga magbubukid ay naglalaho dahil sa kanilang kawalang-kaayahang magbayad ng napakamahal na tantos ng amortisasyon. Sa ngalan ng "economies of scale" (malakihang ekonomya), ang mga tinaguriang benepisaryo ay inoobligang sumapi sa mga "argarian reform communities" para pwersahin silang isanib sa sistema ng malaking plantasyon para sa produksyon ng saging, tubo, goma, oil palm at iba pang produktong pang-eksport. Pinabibili sila ng mga binhi at gamit sa agrikultura at pinupwersang ibenta ang kanilang produkto sa malalaking panginoong maylupa at mga eksporter.

Patuloy na sinasamantala ng mga dayuhang monopolyo kapitalista ang pyudal at malayudal na sistema at ang atrasadong produksyong agrikultural upang makahuthot ng supertubo at dambungin ang yaman ng Pilipinas. Ang malalaking panginoong maylupa at malalaking burgesya kumprador ang pinakamapagkakatiwalaang kaalyado ng mga imperyalista. Nagsisilbi silang tagasuplay ng murang hilaw na materyales at daluyan ng mga produktong sarplas mula sa mga bansang imperyalista.

Ang paghahangad sa tunay na reporma sa lupa ang nananatiling pinakamalaking demoratikong kahilingan ng sambayanang Pilipino. Ito ang pangunahing laman ng demokratikong rebolusyon ng bayan na naglalayong iwasto ang istoriko at inhustisyang panlipunan na humahagupit sa masang magsasaka, at palayain sila mula sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala at pang-aapi. Sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa na katuwang ng pambansang industriyalisasyon, mapapakawalan ang buong kakayahan ng mga produktibong pwersa sa Pilipinas.

Ang paggigiit sa tunay na reporma sa lupa ang patuloy na gumagatong sa digmang bayan. Sa araw-araw, nagpaplano ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga rebolusyonaryong pwersa sa ilalim ng pamumuno ng PKP ng mga kampanya sa reporma sa lupa alinsunod sa Programa para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan. Ipinatutupad sa buong bansa ang minimum na programa sa reporma sa lupa.

Sa ilalim ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM), isang alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), inoorganisa at pinakikilos ang masang magsasaka upang kumprontahin ang mga panginoong maylupa sa pamamagitan ng paggigiit sa pagpapababa ng upa sa lupa, pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang bukid, pagpapababa ng tantos sa interes sa utang at itaas ang presyo ng kanilang produktong-bukid. Sa gabay ng PKP, inoorganisa ng PKM ang mga panimulang anyo ng kooperasyon at kolektibisasyon upang itaas ang produksyon at magkaroon ng dagdag na kita.

Iwinawagayway ng PKP ang bandila ng tunay na reporma sa lupa upang wasakin ang baseng pang-ekonomya ng pagsasamantala at pang-aapi ng mga panginoong maylupa. Sa pagsasakatuparan nito, matagumpay na nakauugat nang malalim ang mga rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan, naitatayo ang Bagong Hukbong Bayan at nabubuo ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa ilalim ng Demokratikong Gubyernong Bayan. Malaki ang positibong epekto ng rebolusyonaryong kilusan sa reporma sa lupa sa masang magsasaka. Ang malaking mayorya ng mga Pulang mandirigna ng BHB ay binubuo ng pinakamabubuting anak ng masang magsasaka.

Patuloy na nag-aalimpuyo ang digmang bayan sa buong bansa. Susulong ito sa mas mataas na antas sa mga susunod na taon kasabay ng malalaking pagsulong sa rebolusyonaryong kilusan sa reporma sa lupa.

(Inilabas ang pahayag na ito kasabay ng ika-25 taon ng CARP na isinabatas ni Corazon Cojuangco Aquino noong Hunyo 10, 1998.)