Pang-aatake sa mga demokratikong karapatan at kalayaan; mga estratehiya at tugon sa pagharap

Kontribusyon ng PKP sa ika-22 Internasyunal na Komunistang Seminar

Translation: Attacks on democratic rights and freedoms; Strategies and actions in response (CPP contribution to the 22nd International Communist Seminar)

Hunyo 03, 2013

CPP International Department
Brussels, Belgium
31 Mayo - 02 Hunyo 2013

I. Pang-aatake sa mga Demokratikong Karapatan at Kalayaan

Ang pang-aapi ay kaakibat ng makauring pagsasamantala. Kaya't likas sa monopolyong burgesya na isakatuparan ang pang-aatake sa mga demokratikong karapatan at kalayaan ng uring manggagawa at buong mamamayan upang panatilihin ang mapagsamantalang sistema.

Hindi tuluy-tuloy na mapipiga ng monopolyong burgsesya ang uring manggagawa ng labis na halaga kung wala iyong kapangyarihang mag-empleyo at magtanggal ng mga manggagawa sa bawat pabrika at kung wala ang estado poder para pangibabawan ang uring manggagawa at sansalain o pigilan ang kilusang unyon ng mga manggagawa, at laluna ang rebolusyonaryong partido ng proletaryado. Pinalaki ng monopolyong burgesya ang papel ng burges na estado sa panunupil sa proletaryado at mamamayan at sa paglulunsad ng gerang mapanakop para makapang-agaw ng pang-ekonomyang teritoryo at makapandambong.



Sa mahihirap na bansa, kaalyado ng imperyalisatng burgesya ang malalaking burgesyang kumprador at ang uring panginoong maylupa at nasa katayuang gamitin gamitin ang mga ito sa pinakagarapal na uri ng pagsasamantala at sa pinakabrutal na anyo ng pang-aapi. Hinuhuthot ang supertubo nang may kakarampot na puhunan sa pamamagitan ng paggamit ng murang lakas-paggawa sa gitna ng pinakamalalang kalagayan ng kawalang-hanapbuhay at karalitaan. Karaniwang bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng pinagsasamantalahang masa ang panunupil. Ginagamit ng mga lokal na mapagsamantalang uri ang terorismo ng estado laban sa mga palantandaan ng paglaban ng mamamayan.

Ginagamit ng mga imperyalistang kapangyarihang pinangungunahan ng US ang neolberal na patakarang sa ekonomya upang itangging ang uring manggagawa ang tagapaglikha ng bagong materyal na halaga sa produksyon. Pinalalabas nilang ang monopolyong burgesya ang ultimong tagapaglikha talaga ng yaman at trabaho, at binibigyang katwiran ang paggamit sa estado upang pasikarin ang pagkamal ng tubo at ang akumulasyon at konsentrasyon ng kapital.

Itinutulak pababa ang sahod ng mga manggagawa. Binabawasan ang panlipunang paggastos na gubyerno habang binibigyang-pribelihiyo ang malalaking burgesya at mga ehekutibong malalaki ang kita sa pamamagitan ng kaltas sa buwis. Isinasapribado ang mga pag-aaring estado. Nililiberalisa ang pamumuhunan, kalakalan at pinansya. Binabasura ang mga regulasyon para bigyang-proteksyon ang mga manggagawa, kababaihan, mga bata, ang buong lipunan at ang kapaligiran. Sa ngalan ng globalisasyon, tinatanggal ang lokal na proteksyon sa ekonomya ng mahihirap na bansa upang pahintulutan ang imperyalisatng burgesya na samantalahin ang murang lakas-paggawa at dambungin ang likas na yaman.

Nagbunsod ang neoliberal patakaran sa ekonomya ng serye ng papalalang krisis sa pinansya at ekonomya. Mula pa noong 1990, ang bawat krisis ay mistulang nalulutas ng simpleng pagpapalaki ng suplay ng salapi at pautang, pagganyak sa konsumerismo, kung kaya lumolobo ang gross domestic product (ang kabuuang halaga ng produkto at serbisyong nalilikha ng isang bansa sa isang takdang panahon). Subalit mula 2007-2008, naging malinaw na mayroong limitasyon ang pag-abuso sa kapital sa pinansya, hindi lamang sa antas ng mga pamilya at mga korporasyon kundi maging sa antas ng ekonomya ng mga bansa at estado.

Ginagamit ang malaking halaga ng pondong publiko para suhayan ang mga naluluging bangko at mga kumpanya. Ang mga pondong publiko na tinataguring pampasikad ng pagbangon ng ekonomya ay inilalaan sa mga korporasyon, na maagap namang ginagamit sa pagbabawas sa gastos sa paggawa at pagpapalaki ng tubo. Patuloy na nagbibigay ang estado ng malaking bawas sa buwis sa malalaking burgesya at nagkakaloob ng mas malaking pondo para sa mga instrumento ng panunupil at gera, habang ang ekonomya ay nababansot at bumabagsak. Gumastos ang US nang di bababa sa US$ 4 trilyon sa mga gerang agresyon, di pa kabilang ang halaga ng pagpapalit ng mga kagamitan sa gera at ang gastos medikal ng mga beterano.

Pinoproblema ng lahat ng mga imperyalistang bansa ang pampublikong depisit at utang at ng bumabagsak na halaga ng salapi, laluna ang dolyar ng US at ang euro. Tulad ng mga bansa sa Ikatlong Daigdig (mga mahihirap na bansa), pirme silang nasa bingit ng di pagbabayad ng utang at pagkabangkarote subalit pansamantalang nakakukuha ng alwan sa pamamagitan ng mga bagong utang na ibayong naglulubog sa kanila sa kumunoy ng pagkakautang. Ang pagpapataw ng mga hakbangin ng pagtitipid sa kapinsalaan ng mamamayan ay nagdulot ng lalong pagkabahura ng ekonomya at ng malawakang protesta at panlipunang ligalig sa ilang imperyalistang bansa.

Sa paglaki ng mga pampublikong depisit at utang, ginagamit at nagpatutupad ng mga patakaran ang mga estado na nagpapasa ng bigat ng krisis sa proletaryado at sa mamamayan. Itinataas nila ang buwis at nagpatutupad ng mga tinaguriang hakbangin ng pagtitipid. Lumilikha ito ng ibayong tanggalan sa trabaho, pagbaba ng sahod, pagtaas ng presyo ng batayang pangangailangan, pagpapaliit ng pensyon, pagbawas sa mga benepisyong panlipunan at ng pagtaas ng buwis sa mga produkto at serbisyong ginagamit ng masang manggagawa.

Itinutulak ang mga manggagawa at mamamayan ng kanilang malalang abang kalagayan para lumaban. Matatag silang lumalaban. Hindi sila napipigilan ng monopolyong burgesya na nagpapaigting ng panunupil at malawakang panlilinlang sa pamamagitan ng pagpapakawala ng lahat ng anyo ng reaksyunaryong agos kabilang ang sobinismo, diskriminasyon ng lahi, relihiyosong pagkapanatiko, pasismo at pang-uupat ng gera, sa imbing pagtatangkang itago ang mga ugat ng krisis at ibaling ang atensyon ng mamamayan.

Bago pa man ang teroristang pag-atake sa US noong 11 Setyembre 2001, inilatag na ng US at ng mga imperyalistang katuwang nito ang ligal, ideolohikal at pulitikal na pagbibigay-matwid sa terorismo ng estado at mga gerang agresyon. Kung kaya, nang maganap ang 9-11, ang PATRIOT ACT USA at ang pinaplanong mga gera ay dagliang naisabatas at naipatupad. Mula noon, maraming batas at mga kautusan ng pangulo ang naipasa upang padulasin ang panunupil at pakawalan ang gera sa tabing ng paglaban sa terorismo at ng gawa-gawang mga "weapons of mass destruction" (mga sandata para sa malawakang paglipol) na hawak diumano ng target na rehimen.

Minamanipula ng monopolyong burgesya ang tinaguriang mga think tank, mga departamento ng akademya, mga ispesyal na komite ng mga sangay ng ehekutibo at lehislatibo, mga partido pulitikal, mga nongovernmental organization, ang simbahan at pinakamahalaga sa lahat, ang mga korporasyon ng masmidya upang magtambol at magpalaganap ng mga mapanlinlang na argumento at pakana para sa kapakinabangan ng terorismo ng estado at mga gerang agresyon.

Ang mga imperyalistang kapangyarihan at ang multilateral na mga ahensya nito gaya ng International Monetary Fund, World Bank at ang World Trade Organization, ay nagpapataw ng di mabatang mga kundisyon sa mga kliyenteng estado. Nagpapataw sila ng mas mabibigat na kundisyon sa pautang at ginagamit ang mga utang na panlyabe para agawin ang mga lokal na publiko at pribadong mga propyedad at para dambungin ang mga likas na yaman ng mahihirap na bansa. Ipinagkakaloob ng mga papet na gubyerno ng mahihirap na bansang ito, kapalit ng napakaliit na halaga, ang kanilang lokal na pag-aaring kapital, lupain at likas na yaman sa mga monopolyong kumpanya.

Sa ilalim ng rehimeng nagpapatupad ng neoliberal na patakaran sa ekonomya at ng tuluy-tuloy na impluwensya ng neo-konserbatibong patakarang militar, pinakawalan ng US at ng NATO ang mga gerang agresyon sa napakabilis na paraan, kabilang yaong sa Balkan, West Asia, Central Asia at Africa simula ng pagtatapos ng Cold War noong 1991. Ang pangunahing tutok ng mga gerang ito ay saklawin ang mga pamilihan at larangan ng pamumuhunan, kontrolin ang mga pinagkukunan at ruta ng langis at iba pang likas na yaman at magluklok ng mga papet na gubyerno.

Ang proletaryado at mamamayan ng mga mahihirap na bansa ang higit na tinatamaan ng depresyon sa daigdig. Bumaba ang pangangailangan sa hilaw na materyales at mga mala-manupakturang eksport o kaya ay inieksport ito nang maramihan subalit sa napakababang presyo. Kaalinsabay, tumaas naman ang presyo ng mga inaangkat na produkto. Lumalaki ang mga depisit sa kalakalan at lumolobo ang dayuhang utang.

Nagresulta ang krisis sa ekonomya sa pagtindi ng pagsasamantala. Nagdurusa ang mga manggagawa at ang panggitnang saray ng lipunan sa di maagwantang mataas na tantos ng kawalang-hanapbuhay, pagliit ng tunay na halaga ng sahod, pagbaba ng kita, pag-imbulog ng presyo ng mga batayang produkto at serbisyo, at sa pagkabulok at mataas na halaga ng mga panlipunang serbisyo, tulad ng edukasyon, kalusugan, murang pabahay at iba pa. Lumala ang malawakang karalitaan.

Sa inaasahang paglaban ng mamamayan at higit pa, bilang reaksyon sa paglitaw nito, sinusulsulan ng US at iba pang imperyalistang kapangyarihan na magkaroon ang mga papet na estado ng mas mabalasik na mga batas at mas brutal na pamamaraan ng pagsugpo. Dinidisenyo nila ang sistema ng pagkontrol sa lipunan at pulisya at mga kampanya ng panunupil. Pinagkakakitaan nila ang pagsusuplay ng mga sandata at kasabay nito'y nagkakaroon ng bentahe at impluwensya sa hanay ng mga reaksyunaryong pulitiko at upisyal militar.

II. Kasalukuyang Tunguhin ng Paglaban ng Mamamayan

Humantong na sa malawakang panlipunang ligalig ang krisis sa daigdig at ang pag-igting ng pang-aapi at pagsasamantalang ipinapataw ng reaksyunaryong uri sa mamamayan. Ang paglaban ng mamamayan ay nasa iba't ibang anyo.

Sa mga sentro ng imperyalismo sa North America at Western Europe, pumutok ang mga welga at martsang protesta laban sa pag-atake sa karapatan ng manggagawa, mga patakaran ng pagtitipid, papalalang kundisyon sa paggawa, pagdausdos ng mga benepisyong panlipunan, pagbawas sa buwis at napakatataas na kita para sa mataas na burgesya, dayong gerang agresyon, diskriminasyon sa lahi at pagiging minorya, kriminalisasyon ng mga migranteng manggagawa, diskriminasyon sa mga kabataan sa trabaho, at ng mataas na gastos sa edukasyon.

Lumitaw ang kilusang Occupy sa Wall Street at lumaganap ito sa maraming syudad sa loob at labas ng US, at malawakang lumitaw naman ang Indignados sa Spain. Idineklara ng mga kilusang ito na hindi sila pinamumunuan ng mga Partido kundi likha ng ispontanyong pag-aalsa ng masa. Subalit sa Greece at iba pang bansa, nasa unahan ng pakikibakang masa ang mga partido komunista at partido ng mga manggagawa.

Higit na namumulat ang uring manggagawa sa pangangailangang harapin ang tunggalian ng mga uri laban sa monopolyong burgesya na malaon nang nagpapatupad ng pakikitunggali sa uri upang supilin ang mga demokratikong karapatan at pababain ang sahod. Matatag na tumatampok ang tunggalian ng mga uri sa proletaryado habang nag-aalsa ang mga manggagawa at kumikilos para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at interes. Nagiging mas paborable ang mga kundisyon sa pagbangon ng kilusan ng uring manggagawa kontra sa kapitalismo at para sa sosyalismo.

Ang pagtagal ng krisis ay nagpapataba ng lupa para sa mga tunay na partido komunista at manggagawa para patatagin ang kanilang hanay, pangibabawan ang mga humahadlang na salik, at patalasin ang tunggalian ng mga uri laban sa monopolyong burgesya. Subalit may ilang salik na humaharang sa patuloy na masiglang pag-unlad ng mga kilusang masang anti-imperyalista at mga rebolusyonaryong partido.

Sa abanteng mga kapitalistang bansa, wala pang malaki at malakas na Marxista-Leninistang partido o rebolusyonaryong kilusang masa na kaya nang humamon sa monopolyong burgesya at mga ahente nito. Ang iba't ibang pormasyong komunista na nagpupunyaging gampanan ang papel ng mga rebolusyonaryong partido ng proletaryado ay dumaranas pa rin ng mga limitasyon at kahinaan na umusbong sa panahon ng mga dekada ng Cold War, ng paglaganap ng mga ideyang rebisyunista at modernong rebisyunista, ng neoliberal na patakaran sa ekonomya, at iba't iba pang uri ng imperyalistang opensiba sa propaganda.

Nasasalag pa rin ng mga imperyalistang estado sa Europe ang hamon ng mga Komunista gamit ang suson-suson na mga tagapagtanggol na partido kabilang ang mga Demokratikong Kristyano, mga liberal, sosyal demokrata, ang mga luntian, at ng pabaling-baling na sentimyentong publiko sa pagitan ng sosyal-demokrata at dulong kanan sa mga eleksyon. Gayunpaman, ang pagkakahiwa-hiwalay ng mga pwersang pulitikal ay magpapatuloy habang papalala ang kalagayang sosyo-ekonomiko.

Dahil sa labis na di pantay na pag-unlad ng kapitalismo sa daigdig, maraming nagiging kahinaan ang imperyalisatng hegemonya, laluna sa mahihirap na bansang ang mamamayan ay dumaranas nang higit sa hagupit ng imperyalismo at lokal na reaksyon. Ang kasalukuyang pandaigdigang krisis at ang labis na paglawig ng mga gerang agresyon ng US at interbensyong militar ay mga paborableng kundisyon sa pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka ng inaaping mamamayan at mga bansa. Sa lahat ng mahihirap na rehiyon sa mundo, sa buong Africa, West Asia, Central Asia, South Asia, East Asia at Latin America, lumalaganap at tumitindi ang mga protestang masa at armadong pakikibaka.

Kinukundena at itinatakwil ng mamamayan ang mga lantarang gubyernong maka-imperyalista sa paparaming bilang na mga bansa. Ang mga gubyernong tulad ng sa Cuba, Venezuela at sa Democartic People's Republic of Korea ay suportado ng mamamayan dahil iginigiit nila ang pambansang kalayaan at nilalabanan ang imperyalismo. Ipinatutupad nila ang mga patakaran para sa kagalingan ng mamamayan at ipinapahayag nila ang paninindigan sa sosyalismo.

Lumilitaw ang pinakamaiigting na anyo ng armadong tunggalian sa mga bansang pinaglunsaran ng US at ng mga kaalyado ng NATO ng mga gerang agresyon upang ibagsak ang mga gubyernong nagtatakwil sa dikta ng imperyalismo tulad ng sa Balkan, Iraq, Afghanistan, Libya at Syria. At kahit matapos patalsikin ang mga independyenteng gubyernong ito, nagpupunyagi ang mga kilusan para sa pambansang paglaya at nagsisilbing pangmatagalan hamon sa mga imperyalistang kapangyarihan.

Matinding sinasalanta ang mamamayan ng daigdig ng mga kudisyon ng depresyon sa ekonomya at ng papalalang pagsasamantala at pang-aapi. Bumubulwak ang mga pag-aalsang masa at pampulitikang kaguluhan upang yanigin at ibagsak ang mga papet na gubyerno ng US at iba pang imperyalistang kapangyarihan. Hinog ang kalagayan para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa maraming bansa at sa buo-buong rehiyon sa daigdig. Kahit sa mga bansang wala pang malakas na rebolusyonaryong partido ng proletaryado, naroon ang mga kundisyon para mapaghandaan ang pagpapalakas sa sarili.

Kumalat ang tinaguriang Arab Spring sa Middle East at North Africa, kung saan iginiit ng masa ang mga demokratikong pagbabago, pinabagsak ang mga despotikong rehimen at niyanig ang iba pa. Gayunpaman, dahil walang malakas na partido komunista, lumakas ang kilusang Islamiko tulad ng sa Tunisia, Egypt at kung saan-saan pa. Ang mga imperyalistang kapangyarihang pinangungunahan ng US ay nagluklok din ng mga bagong gubyernong papet sa ngalan ng liberal na demokrasya. Saan man mayroon, pinananatili ng mga imperyalista ang mga monarkiyang papet.

Nagpupunyagi ang matatagal nang aramdong pakikibaka para sa pambansang kalayaan tulad ng sa India at Pilipinas. Pinatutunayan nito sa buong mundo na maaaring ilunsad ang armadong rebolusyon at maaaring lumakas sa ilalim ng kasalukuyang mga kundisyon. Tuluy-tuloy sa paglulunsad ng kanilang ilang dekada nang pakikibaka ang mamamayang Palestinian para sa pambansang kalayaan at para sa kanilang pagbalik sa kanilang inang bayan na may malawak ng suportang internasyunal. Lahat nang ito ay patunay na hindi habampanahon ay kayang kontrolin ng US at NATO ang buong daigdig.

Gumagampan ng papel na tagapaghudyat ng paglulunsad ng proletaryong rebolusyon sa daigdig ang mga partidong Marxista-Leninista at Maoista na naglulunsad ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Tangan nila ang sulo ng armadong rebolusyon. Tinatanglawan nila ang landas ng rebolusyon para sa mamamayan ng mahihirap na bansa, sa mga umatras na bansa ng dating mga sosyalistang bansa at sa mga imperyalistang bansa.

III. Estratehiya at pagkilos bilang tugon

Kabilang sa maaari at dapat gawin ng mamamayan kaugnay ng pandaigdigang krisis sa pinansya at ekonomya ang paggigiit ng kaluwagan, pagbangon at mga reporma sa pandaigdigang sistemang kapitalista na dominado ng mga imperyalista hanggang sa paglalatag ng pinakasaligang kritisismo sa sistemang ito at iangat ang paggigiit at pagkilos para sa rebolusyonaryong pagbabago tungong sosyalismo. Estratehikong tungkulin ng mga komunista ang tugunan ang kagyat na kahilingan ng proletaryado at mamamayan at magsikap na ibagsak ang burges na estado.

Maaaring igiit ang mga reporma upang tugunan ang kagyat na pangangailangan ng mga manggagawa para sa trabaho, disenteng kita, mas mahusay na mga kundisyon sa pagtatrabaho at pamumuhay, at ng pagkakaroon ng batayang serbisyong panlipunan. Subalit hindi dapat magpatali ang mga komunista sa paghahanap lamang ng mga reporma sa loob ng umiiral na naghaharing sistema ng malaking burgesya. Ang pangmatagalang layunin ng uring manggagawa at mamamayan ay palitan ang sistema ng monopolyo kapitalismo ng sosyalistang sistema.

Ayon sa isang mahalagang parirala mula sa Communist Manifesto, dapat ipwagwagi ang laban para sa demokrasya, sa pamamagitan ng kilusang popular para sa sosyalismo sa imperyalistang bansa man o sa mga di pa mauunlad na bansang pinangingibabawan ng imperyalismo. Dapat iangat ang kamulatan, organisasyon at pagkilos ng malawak na masa ng sambayanan sa isang antas na sapat ang lakas para makapagdulot ng mga kagyat na saligang reporma at panlipunang rebolusyon sa kalaunan.

Sa mga bansang industriyal kapitalista, umiiral ang mga batayang ekonomiko para sa sosyalismo. Subalit hindi boluntaryong isusuko ng monopolyong burgesya ang pampulitika at pang-ekonomyang kapangyarihan nito. Ginagamit nito ang estado poder upang lituhin ang mamamayan at marahas na supilin ang nagpoprotestang masa. Kung kaya, dapat ipagwagi ang laban para sa demokrasya laban sa potensyal o aktwal na banta ng pasismo at ng paggamit ng imperyalistang gera ng monopolyong burgesya para kontrolin ang mamamayan. Sa usaping ito, alalahanin natin ang Great Depression, ang paglitaw ng pasismo at ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

May pangangailangan para sa isang partido ng uring manggagawa na mamumuno sa mamamayang naghahangad ng mga saligang reporma sa loob ng burges na sistemang pampulitika at sa paglayon sa sosyalistang rebolusyon. Kung wala ang ganitong partido ng uring manggagawa, patuloy na paghaharian ng malaking burgesya ang lipunan nang walang paghamon at paghadlang gamit ang mga pampulitikang partido para sa pagpreserba ng sistema, para sa mga pagligsahang ng magkakauri at mga tagapagtaguyod ng sistema sa pampulitikang kapangyarihan sa hanay ng mga paksyon ng burgesya, sa pag-etsapwersa sa anumang pampulitikang partidong naghahangad na ibagsak ang paghahari ng burgesya.

Dapat ay mayroong partido ng uring manggagawa na nakatuon sa pagpapalaganap at pagsasakatuparan ng rebolusyonaryong programa para sa panlipunang pagbabago at may kakayahang pamunuan ang malawak na masang anakpawis. Ang gayong partido ang pinakamaaasahan sa pagkumpronta sa pandaigdigang krisis sa pinansya at ekonomya at sa paglutas sa mga suliranin para sa kapakinabangan at aktibong partisipasyon ng mamamayan.

Sa pagsasakatuparan ng mga kampanyang pang-organisasyon, dapat determinadong buuin ang isang tunay na partido ng uring manggagawa para higitan ang mga burges na partido ng paggawa, ang mga repormistang sosyal demokrata o ang mga rebisyunistang partido komunista. Isang malaking hamon ang pagbubuo ng gayong partido ng uring manggagawa dahil sa malaon nang pagtatangka ng monopolyong burgesya na tatakan bilang "mga terorista" ang mga rebolusyonaryong pwersa na nananawagan ng pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo. Subalit ang kasalukuyang mga kundisyon ng krisis ay paborable sa pagbubuo ng gayong partido.

Sa mga bansang di pa masyadong maunlad kung saan mayroon pang mga labi ng pyudalismo, ang pagwawagi ng laban para sa demokrasya ay kinabibilangan hindi lamang ng paninindigan, pagtatanggol at pagtataguyod ng kolektibo at indibidwal na mga demokratikong karapatan ng mamamayan, laluna ang sibil at pulitikal na kalayaan, kundi pinakamahalaga ay ang pagharap sa kahilingan ng masang magsasaka ng reporma sa lupa. Kinasasangkutan ito ng pagpapalahok sa masang magsasaka sa bagong demokratikong rebolusyong pinamumunuan ng uring manggagawa bilang siyang tagapagtaguyod ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa matagal nang panahon.

Dapat itayo ang mga unyon ng manggagawa at iba pang organisasyong masa upang panindigan, ipagtanggol at itaguyod ang mga karapatan at interes ng pinagsasamantalahang uri at sektor ng lipunan. Sa mga bansang industriyal kapitalista, ang pinakamahalaga sa mga ito ay ang mga organisasyong masa ng mga manggagawa, mga migranteng manggagawa, mga imigrante, ang iba't ibang nasyunalidad, kabataan, kababaihan, mga propesyunal at mga manggagawang pangkultura. Sa mga bansang malakolonyal at malapyudal, ang pinakamahalagang organisasyong masa ay ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, ang intelihensya at ang mga pambansang minorya. Ang mga uri at sektor na ito ang pinakatinatamaan ng krisis sa partikular na mga paraan.

Ang organsasyong masang makauri at sektoral ay dapat pang magtayo ng mga alyansa ng iba't ibang uri (multi-class) at mulitisektoral upang patampukin ang kumon na interes at unti-unti at hakbang-hakbang ba buuin ang pampulitikang pagkakaisa. Ang inihahapag sa kanila ng tunay na partido ng uring manggagawa ay ang pangkalahatang linya at aksyon ng pagkilos bilang gabay, paghikayat sa kanilang pampulitika at pang-organisasyong inisyatiba at kung gayon, makabig ang kanilang suporta. Maaaring buuin ng mga organisasyon masang may iba't ibang pang-ideolohiya, pampulitika at relihiyosong apilasyon ang mga pormal at impormal na alyansa upang ipursige ang kumon ng programa ng pagkilos batay sa pagkakaisa at koordinasyon.

Dapat milyun-milyong pakilusin ang malawak na masa ng sambayanan upang batikusin ang mapagsamantala at mapang-aping katangian ng sistema ng monopolyo kapitalismo at igiit ang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitikang pagbabago, mula sa mga saligang reporma hanggang sa mga batayang rebolusyonaryong transpormasyon ng lipunan.

Ang pakikibaka para sa demokrasya ay dapat isulong ayon sa mga umiiral na obhetibo at suhetibong mga kundisyon. Dapat isulong ang iba't ibang anyo ng kolektibong pakikibaka, ng pagtatangol at pagsusulong ng buong saklaw ng karapatang-tao -- sibil, pulitikal, sosyal, ekonomiko at kultural -- para sa kapakinabangan ng pinagsasamantalahan at inaaping mamamayan. Dapat matamang kumilos ang mamamayan habang nagbubunsod ng krisis sa pulitika ang sosyo-ekonomikong krisis, at habang pinipinsala at sinisiraan ng mga pwersa at ahente ng monopolyo kapitalismo ang demokratikong protesta bilang labag sa batas na rebelyon o terorismo, kung kaya nabibigyang-katwiran ang matinding pampulitikang panunupil.

Sa mga bansa kung saan ginagamit ng mga naghaharing uri ang terorismo ng estado o ang pagkasangkot ng imperyalismo sa interbensyong militar, may soberanong karapatan ang mamamayan na pakilusin ang sarili sa lahat ng anyo ng paglaban, kabilang ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Sa ngayon, nagpapatuloy at sumusulong ang ligal na kilusang masa at ang rebolusyonaryong armadong pakikibaba sa iba't ibang bansa sa Asia, Africa at Latin America, kung saan naroon ang pinakapinagsasamantalahan at pinakaaping mamamayan.

Para maging pinakaepektibo sa pagpoprotesta at paghahapag ng mga kahilingan, dapat nakabatay ang kilusang masa para sa panlipunang pagbabago sa antas ng lokal na mga komunidad, ng mga pabrika, taniman, paaralan at mga sentrong panrelihiyon. Hindi ito matitibag kung malalim na nakalubog ang mga nakatalagang kadre ng partido ng uring manggagawa at mga organisasyong masa na nagmumulat, nag-oorganisa at nagpapakilos sa masang anakpawis sa ganitong batayang antas.

Malinaw na ipinakikita ng katotohanan sa mga kaso ng pinakamalalalang kampanya ng panlilinlang ng mga kontra-rebolusyonaryong estado na hindi nito kayang pakilusin ang mamamayan laban sa progresibong kilusang masa at sa mga kasong nagpapatupad ang mga estadong ito ng kampanya ng armadong panunupil subalit bigong gapiin o papanghinain ang rebolusyonaryong kilusang masa ng mamamayan.

Kailangang pamunuan ng mga rebolusyonaryong partido ng proletaryado ang laban para sa demokrasya at rebolusyonaryong pakikibaka para sa sosyalismo. Subalit hindi sila magtatagumpay kung wala ang rebolusyonaryong kilusang masa. Kailangan nilang palitawin ang isang kilusang masa ng uring manggagawa at ng mamamayan na sapat ang lakas para wakasan ang kapangyarihang pang-estado ng burgesya at iluklok sa poder ang proletaryado.

IV. Mga prospek

Patuloy na nangunguyapit ang mga monopolyo kapitalista at imperyalistang kapangyarihan sa neoliberal na patakarang pang-ekonomya dahil ito ang bumubusog sa kanilang kahayukan sa supertubo. Kung kaya, walang nakikitang solusyon ang kapitalismo sa kasalukuyang pandaigdigang krisis sa ekonomya at lipunan. Ang nakikita sa ngayon ay ang panibagong pagkabulok ng pandaidigang krisis ng kapitalismo.

Lahat ng mayor na kontradiksyon ay inaasahang umigting: sa pagitan ng paggawa at kapital sa mga imperyalistang bansa; sa pagitan ng imperyalistang kapangyarihan sa isang banda at ng inaaping mamamayan at mga bansa sa kabilang banda; sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at mga bansang naggigiit ng pambansang kalayaan; at sa hanay mismo ng mga imperyalistang kapangyarihan.

Tatalas ang tunggalian sa pagitan ng manggagawa at kapital sa mga darating na taon, habang lumalala ang istruktural na krisis ng kapitalismo at imperyalismo. Lalala ang pandaigdigang depresyon na ibayo pang magpapababa ng demand ng mauunlad na bansa para sa hilaw na materyales at mga mala-manupakturang eksport mula sa mahihirap na bansa. Ibayo nitong wawasakin ang mga produktibong pwersa at magpapalala ng kahirapan. Lalaganap at lalamin ang panlipunang diskuntento. Lilikha ito ng akyong protesta ng masa, ng mga pag-aalsang masa na wala pang kapantay sa nakaraan, paglago ng rebolusyonaryong armadong kilusan para sa pambansa at panlipunang kalayaang pinamumunuan ng mga rebolusyonaryong partido ng uring manggagawa sa konteksto ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente.

Ang pagtatangka ng mga imperyalistang kapangyarihan na ipasa ang bigat ng krisis sa proletaryado at mamamayan sa pamamagitan ng mataas na buwis at mga hakbangin ng pagtitipid sa kapinsalaan nila ay magiging dahilan ng matitinding paglaban ng masa, na sasapaw sa mga welga ng mga manggagawa at mga raling protesta na nasaksihan na natin sa mga kapitalistang bansa. Hindi matatanggap ng mga manggagawa at mamamayan ang mapait na kabalighuan ng paglaki ng produksyon na nagreresulta sa malawakang tanggalan, mababang kita at pagdarahop.

Patuloy na baluktot na nakikita ng US at iba pang imperyalistang kapangyarihan (laluna na yaong nasa NATO) sa pandaigdigang krisis ng kapitalismo ang pangangailangang pasiglahin ang kanilang mga ekonomya sa pamamagitan ng pagpapalaki ng produksyong militar, gamitin ito para maglunsad ng agresyon upang ibagsak ang mga rehimeng naggigiit ng pambansang kalayaan at magpalawak ng pang-ekonomyang teritoryo nila. Magpapatuloy ang mga imperyalistang interbensyong militar at ang mga gerang agresyon at itututok ito sa mga bansang mayroong mayamang likas na yaman, laluna sa langis at gas. Sa usaping ito, ang Iran at Venezuela ay ilang sa mga target ng imperyalismo.

Sisikaping imantine ng mga imperyalistang kapangyarihan ang kanilang pagkakaisa sa loob ng UN Security Council, sa IMF, sa WTO at iba pang panrehiyong alyansang pangkalakalan at militar. Subalit naroon lagi ang tendensyang mag-away-away dahil sa lumalalang krisis ng pandaigdigang kapitalismo at magbuo ng mga alyansa at kontra-alyansa sa usaping pang-ekonomya at militar. Magiging litaw ang paglalabanan para sa muling paghahati ng mundo sa hanay ng mga imperyalistang kapangyarihan habang nagpapaligsahan sila sa kontrol sa pinagkukunan ng panggatong at hilaw na materyales, pamilihan, larangan ng pamumuhunan at mga saklaw ng impluwensya.

Ang pagtalas ng mga mayor na kontradiksyon sa mundo ay humahamon sa mamamayan sa mga imperyalistang bansa at sa buong mundo na maging mapagbantay at militante sa paninindigan, pagtatanggol at pagtataguyod ng kanilang mga demokratikong karapatan at pakikibaka para sa saligang bago at para sa isang mas maayos na daigdig na may higit na kalayaan, demokrasya, katarungang panlipunan, lahatang-panig na pag-unlad, internayunal na pagkakaisa at kapayapaan.