Aluling Bridge: pagnanakaw, panlilinlang at kainutilan ni Noynoy

Alfredo Cesar Command
NPA-Ilocos Sur
July 26, 2013

Sa huli niyang State of the Nation Address, isinama ni Noynoy Aquino sa kanyang pagmamayabang ang pagtatapos ng Aluling Bridge sa Cervantes, Ilocos Sur na nagdudugtong ng Mountain Province at Ilocos Sur bilang bahagi ng pakete ng mga tulay at kalsadang ginawa diumano ng kanyang administrasyon.

Walang pwedeng ipagmalaki si Noynoy sa pagkakatapos ng Aluling bridge paglipas ng 35 taong paghihintay ng mga mamamayan ng Ilocos Sur at Mountain Province.  Kung tutuusin, ipinakita lang niya ang masugid niyang pagtulong sa mga dayuhang kumpanyang minahan para mas mapabilis ang pandarambong at pagkawasak ng mga nasabing probinsya at mga karatig nito.



Batid ng mga mamamayan ng Mountain Province at Ilocos Sur na ginawang gatasan ng mga lokal na pulitiko kasabwat ang matataas na opisyal ng gobyerno ang proyektong tulay sa Aluling mula pa noong 1978. Taun-taon itong pinondohan at sa loob ng tatlo at kalahating dekada ay kumita ang mga tiwaling opisyal ng gubyerno ng daan-daang milyong piso, na nagresulta sa walang katapusang perwisyo sa mga mamamayan dahil walang magamit na tulay. Kaya kahit wala pang isandaang metro ang haba nito, pakutya itong tinaguriang "the longest bridge" ng mga mamamayan dito.

Ginagamit ni Noynoy ang mga ganitong klase ng proyekto upang magmistulang malinis, progresibo at pag-ibahin ang kanyang panunungkulan sa mga nagdaang rehimen.  Ngunit malinaw na isang pagbabalatkayo ang sinasabi niyang "matuwid na daan".  Sa nakaraang 35 taon, kasama ang panunungkulan ng kanyang ina sa mga nakinabang sa pagnanakaw sa pondo ng proyektong katulad ng Aluling bridge. Walang kaseryosohan si Noynoy sa pagtutuwid ng mga katiwaliang nangyari sa mga proyektong ito at sa halip ay nagpapatuloy pa ito sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Dagdag dito, may mga mas importante at nakababahalang problema ang mga mamamayan ng Mountain Province at Ilocos Sur na hindi man lang nabigyan ng kahit kaunting atensyon at higit pa rito ay lalong tumindi sa ilalim ng panunungkulan ni Noynoy.

Una, patuloy na nawawasak ang mga bukirin sa maraming bayan ng Ilocos Sur at maging ng Abra dahil sa pinsalang dulot ng Lepanto Mining Corporation sa Ilog Abra. Nilalamon ng mga duming nanggagaling sa minahan ang mga lupang sakahan sa paligid ng Ilog Abra at winawasak nito ang kabuhayan ng libo-libong mga pamilyang magsasaka.

Ikalawa, nagsasabwatan ang NCIP, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, PNP at AFP para ipagpilitan ang operasyon ngisang mineral processing plant sa bayan ng Quirino, Ilocos Surna pagmamay-ari ng SouthOcean Mining Corporation (SMC), isang kompanyang Tsino at ang kasosyo nitong mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Ilocos Sur at bayan ng Quirino. Ito ay sa kabila ng malawakang pagtutol ng mga mamamayan ng bayan ng Quirino sa naturang proyekto.

Ikatlo, tinambakan ng mga sundalo ang mga barangay ng Quirino na tumututol sa operasyon ng nasabing dayuhang kompanyang minahan. Nitong huling linggo ng Hulyo, kasabay ng inilulunsad na konsultasyon ng NCIP hinggil sa Mineral Processing Plant,  inoperasyonng mga tropa ng 81st IB, 50th IB at 51st DRCang mga barangay ng Patungcaleo, Lamag, Namitpit, Banoen, Malideg, Patiacan at Poblacion sa Quirino, Ilocos Sur na nagdulot ng matinding takot sa mga mamamayan.

Walang saysay ang pagmamayabang ni Aquino sa mga proyektong tulay at kalsada kung susuriin ang tunay na intensyon ng kanyang administrasyon. Pilit niyang binibigyang katwiran ang programang Public-Private Partnership(PPP) sa mga proyekto ng gobyerno na pumapabor lang sa malalaking negosyante at mga kontraktor na malapit sa pamilyang Aquino at Cojuanco. Samantalang walang-awa niyang pinipiga ang mga mamamayan sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, produktong petrolyo, serbisyo publiko at mga bayarin sa tubig at kuryente. Mas masahol ang kalagayan at mas lalong dumidilim ang hinaharap ng mamamayan sa ilalim ng rehimeng ng asenderong si Noynoy.

Ang Aluling bridge ay katulad ng "matuwid na daan" ni Noynoy -- isang ilusyon ng kaunlaran na ipinantatabing sa mas malalaki at sa mas malalalim na ugat ng paghihirap ng sambayanan. Sinasalamin ng Aluling bridge ang bulok na sistemang panlipunan na kinakatawan ni Noynoy. Isang sistemang walang pagkalinga at seryosong pagharap sa mga batayang pangangailangan ng mamamayan at kung saan ang pagyaman ng ilan ay nakabatay sa patuloy na paghihirap ng nakararami.

Walang magandang kinabukasang maipapamana si Noynoy at ang buong sistemang kanyang kinakatawan sa mga susunod na henerasyon ng ating bayan. Mananatiling malayo sa mamamayan ang serbisyong panlipunang kasing-simple ng isang tulay at higit na walang totoong pag-unlad na matatamasa ang mamamayan hangga"t nanatiling ang mga asendero, malalaking negosyante at burukrata ang may hawak ng kapangyarihang pampulitika sa dikta ng kanilang mga among dayuhan.

Sa pamamagitan lamang ng pagtatayo ng isang demokratikong gubyerno ng mamamayan makakamit ang isang progresibo at komprehensibong serbisyong panlipunan. Sa landas lamang ng pambansa-demokratikongrebolusyon na may sosyalistang perspektiba makakamit ang tunay na kaunlaran. Ang tagumpay ng armadong rebolusyon ang pamanang magtitiyak ng magandang kinabukasan ng ating susunod na henerasyon.