Bigo ang rehimeng US-Aquino na isulong ang makabayan at demokratikong interes ng mamamayan!

Patnubay de Guia
NDFP - Southern Tagalog
July 9, 2013

Inutil ang reaksyunaryong rehimeng US-Aquino na lutasin ang krisis na dulot ng isang malakolonyal at malapyudal na ekonomiya.

Sa kabila ng mga hungkag na retorikang ipinakakalat ng rehimen ukol sa pag-unlad diumano ng ekonomiya, di na maitatago ng mga huwad na istadistika ang pagkalugmok ng mamamayang Pilipino sa kahirapan. Inutil ang reaksyunaryong rehimeng US-Aquino na maghatid ng abot-kaya at dekalidad na serbisyong panlipunan sa malawak na hanay ng mamamayan. Patunay lamang ang patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin at batayang mga serbisyo, gayundin ang paglawak ng kahirapan at kawalan ng kabuhayan.

Buhay at kamatayan ang mga pagtaas na ito ng bayarin sa mga serbisyong panlipunan para sa isang pamilya na nabubuhay sa ilalim ng minimum na sahod. Tinatayang P456 kada araw ang opisyal na wage rate sa National Capital Region (NCR). Kalahati lamang ito ng kinakailangan ng isang pamilya ng anim upang mabuhay nang disente sa isang araw. Idagdag pa rito ang laganap na paglabag ng malalaking kumpanya sa minimum wage law. Sa aktwal 80 porsyento ng mga kumpanya sa Timog Katagalugan ang naitalang lumalabag dito.

Baon na baon na ang mamamayan sa walang humpay na pagtaas ng mga bayarin. Ngayong Hulyo, inaasahang magtataas ng singil sa tubig. Nais ipataw ng malalaking kumpanya tulad ng Manila Water ang dagdag P5.83 sa bawat kubiko kada metro na kinokonsumo; gayundin ang Maynilad na nais ng dagdag na P8.58 na ipatutupad hanggang taong 2018. Sa madaling salita, magbabayad ng P113.48 kada buwan ang bawat kumukunsumo ng lampas 10 hanggang 20 metro-kubiko. Dagdag pa rito, sa halip na protektahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage system (MWSS) ang interes ng mamamayan, kinakatigan nito sa maraming pagkakataon ang kagustuhan ng malalaking kumpanya ng tubig.

Tinangkang linlangin ng rehimeng US-Aquino ang mamamayan sa pamamagitan ng pagmanipula ng mga datos at istadistika. Sinasabi nito na 7.5 porsyento lamang sa populasyon ang walang trabaho noong Abril 2013 (mas mataas mula 6.9 porsyento noong Abril 2012). Ngunit ang katotohanan pinakikitid ng rehimen ang mga pamantayan at mas sinusulong nito ang mga liberal na depinisyon ng mga wala at kulang sa trabaho upang mapaliit ang mga datos sa kawalan ng hanap-buhay. Sa aktwal, ayon sa mga independent surveys tinatayang nasa 20-25 porsyento ang tunay na walang trabaho sa bansa. Upang itago ang laganap na kawalan ng trabaho, ipinangangalandakan ng reaksyunaryong rehimen ang diumano'y "skills mismatch problem" bilang panakip sa katotohanan ng pagbagsak ng ekonomiya. Ginagamit din itong dahilan upang isulong ang programang K-12 na naglalayong baguhin ang sistema ng edukasyon upang magsilbing balon ng mura at may-mababang kasanayan na paggawa para sa dayuhang namumuhunan.

Pahirap rin ang kaliwa't kanang pagtaas ng matrikula sa sektor ng edukasyon. Katunayan nito ang pagpayag ng Departament of Education (DEPED) na magtaas ng matrikula ang 1,144 na mga pribadong paaralan sa elemetarya at sekondaryang antas. Gayundin ang pagpahintulot ng Commission on Higher Education (CHED) sa 354 na pribadong kolehiyo at unibersidad na magtaas ng matrikula. Hindi pa kasama rito ang mga datos sa ARMM. Sa kabila ng pagtataas ng matrikula, inutil ang reaksyunaryong rehimeng US-Aquino upang tugunan ang kakulangan sa mga pampublikong paaralan na tinatayang 46,000 na guro at 33,000 silid-aralan. Sa halip, patuloy pa nitong kinakampanya ang mga programa tungo sa komersyalisasyon ng edukasyon.

Malaki ang banta sa pagsasapribado ng mga serbisyong pangkalusugan tulad ng iba't ibang ospital na sumasailalim sa programa ng Private-Public Partnership ng reaksyunaryong rehimeng US-Aquino. Walang maaasahan na maayos na programa ng pabahay. Sa katunayan, sa halip na tugunan ang ugat ng kawalan ng tirahan, mas pinili ng reaksyunaryong rehimen na bayaran na lamang ng tig P18,000 ang mga nais nilang paalisin sa mga estero.  Nagpapakita lamang ang hakbanging ito ng kawalang ng interes ng gubyerno na magsagawa ng komprehensibo at epektibong programa sa pabahay at paglikha ng trabaho. Pakitang-tao at pabalat-bungang mga programa ang ipinatutupad ng rehimen na pagtatapal lamang sa mga problema at hindi pagsagot sa tunay na ugat nito.

Pinagmamalaki ng rehimeng US-Aquino ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na sagot diumano sa kahirapan. Ngunit ang binibigay nitong P1,400 kada buwan ay di awtomatikong katumbas ng pagginhawa ng buhay ng mamamayan. Manipestayon lamang ito ng isang ilusyon, isang bula na sasabog din kalaunan. Ginagamit ng rehimeng US-Aquino ang 4Ps upang pigilan ang kolektibo at demokratikong pagkilos ng mamamayan. Kapalit ng ibinibigay na kakarampot na limos ng rehimen sa mamamayan sa bisa ng 4Ps ay ang kondisyon ng di paglahok sa mga progresibo at demokratikong organisasyon.

Kitang-kita na bigo na magkaroon ng makatotohanang pagbabago sa ilalim ng rehimeng US-Aquino. Nananatiling di nagbabago ang tantos ng kahirapan noong Hulyo 2012 kung ikukumpara sa datos mula taong 2006 at 2009. Nanatiling isa sa pinakamataas sa Asya ang antas ng kahirapan sa bansa.

Mas pinaiigting pa ito ng patuloy na pagtanggi ng reaksyunaryong rehimeng US-Aquino na magpatupad ng makabuluhang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa. Sa halip isinusulong nito ang two-tier wage system na mas nagpapatindi ng pagsasamantala sa paggawa. Laganap ang kawalan ng lupa at pyudal na pagsasamantala sa kanayunan. Bigo ang hungkag na CARPER upang lutasin ang daan-taong suliranin sa lupa. Sa halip na maghatid ito ng tunay na ginhawa sa mga magbubukid, naging kasangkapan ang CARP at CARPER sa patuloy na konsentrasyon ng malalawak na lupain sa kamay ng iilan.

Pinapangalandakan ng mga propagandista ng rehimen at dilawang midya ang mabilis na paglago ng ekonomiya. Nagtamo diumano ang ekonomiya ng bansa ng 6.8 na paglago noong nakaraang taon at 7.8 sa unang kwarto ng kasalukuyang taon. Ngunit hindi kailan man maitatago ng anumang istadistika ang kumunoy ng kahirapang lumalamon sa batayang sektor ng mamamayan. Nagpapatuloy ang dominado-ng-dayuhang ekonomiya ng bansa na nakasandig-sa-import at nakatuon-sa-export na di nagdudulot ng makabuluhang pag-unlad para sa mamamayan. Nanatiling atrasado ang sektor ng agrikultura ng bansa na kung tutuusin ay pundasyon ng isang tunay na matatag na ekonomiyang nagsusulong ng pambansang industriyalisasyon. Wala ring masasabi na tunay na pambansang industriya na magbibigay kabuhayan sa mamamayan. Sa madaling salita, isa itong ekonomiya na hindi nagsasarili, nanatiling nakasandig sa dikta ng imperyalistang US na nagtataguyod ng liberalisasyon, pribastisasyon at deregulasyon.

Makikita na ang uri ng pag-unlad na isinusulong ng rehimeng US-Aquino ay di nagsisilbi sa interes ng masang Pilipinong baon sa kahirapan. Bagkus, pinatutunayan lamang ng mga programang pinatutupad nito na ang rehimen ay sunud-sunuran sa dikta ng dayuhang kapital at mga naghaharing-uri sa lipunan. Kailan man hindi magsisilbi ang sistemang ito upang mapalaya sa gapos ng kahirapan at pagsasamantala ang malawak na hanay ng mamamayan. Wala tayong aasahan sa reaksyunaryong rehimeng US-Aquino kundi mga anti-mamamayan, anti-nasyunal at anti-demokratikong mga polisiya sa ekonomiya sapagkat sunud-sunuran ito sa dikta ng IMF-World Bank na pangunahing instrumento ng imperyalistang US.

Tanging isang rebolusyong panlipunan lamang ang tatapos sa daan-taong pang-aapi at pang-aalipin na dinaranas ng mamamayang Pilipino.   Sa pamamagitan lamang ng demokratikong rebolusyon ng bayan malulutas ang krisis ng isang malakolonyal at malapyudal na lipunan. Ito lamang ang nagbibigay ng kongkretong alternatibo na lulutas sa mga saligang suliranin ng bayan at tutupad sa mga demokratiko at pambansang kahilingan ng mamamayan.

Ang demokratikong rebolusyon ng bayan ay may dalawang saligang tungkulin at nilalaman: isang pambansang rebolusyon at isang demokratikong rebolusyon. Tanging sa pagtatagumpay lamang ng demokratikong rebolusyong bayan maisusulong ang pambansa at demokratikong reporma sa ekonomiya at lipunan.

Tinutupad ng pambansang rebolusyon ang pagpapalaya sa buong bayan mula sa kuko ng imperyalismong US. Sa pamamagitan nito, itatatag ang isang nagsasarili, malaya at progresibong pambansang ekonomya at industriya.

Nilulutas naman ng demokratikong rebolusyon ang suliranin sa lupa ng masang magsasaka na bumubuo ng pinakamalaking mayorya ng populasyon ng bansa.  Sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo, nilalansag ang monopolyong kontrol at pag-aari ng uring panginoong maylupa sa pangunahing kagamitan sa produksyon—ang lupa—na pinagmumulan ng kanilang kapangyarihan.  Kaalinsabay, pinalalaya ang higanteng pwersa sa produksyon—ang masang magsasaka—para sa pagtatag ng isang bago, malaya, nagsasarili at masaganang lipunan. ###