Buwan ng Pakikiisa ng Pilipinas sa Digmang Bayan sa India, idineklara ng PKP

Communist Party of the Philippines
July 01, 2013

Translation: CPP declares Philippine Solidarity Month for the People’s War in India

Idinideklara ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), kasama ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas ang Hulyo 2013 bilang Buwan ng Pakikiisa ng Pilipinas sa Digmang Bayan sa India. Inilalabas ng PKP ang deklarasyong ito ng pakikiisa kasabay ng panawagan sa mga demokratiko at anti-imperyalistang pwersa para sa isang internasyunal na araw ng pagsuporta sa digmang bayan sa India sa Hulyo 1. Igawad natin ang ating pinakamataas na parangal sa mga bayani at martir ng rebolusyong bayan sa India, ipagdiwang ang kanilang mga tagumpay at tanawin ang ibayong pagsulong sa hinaharap.

Nananawagan ang PKP sa buong kasapian nito, sa lahat ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa at mamamayan na nasa pamumuno nito na magdaos ng aktibidad na pang-edukasyon at pangkulutura sa buwan ng Hulyo upang ibayong palalimin ang pag-unawa at pakikipagkaisa ng mga rebolusyonaryong pwersang Pilipino sa demokratikong rebolusyong bayan sa India.


Ang mga sangay ng Partido, mga yunit ng BHB, mga balangay ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa at mga kagawaran ng rebolusyonaryong gubyerno ay maglalaan ng isa o ilang araw ng aktibidad sa buwan ng Hulyo para maglunsad ng mga aktibidad tulad ng mga talakayang pang-edukasyon, pagpapalabas ng mga sine, mga pangkulturang pagtatanghal at mga pangmasang propaganda para ipahayag ang pakikiisa at makalikha ng suporta para sa digmang bayan sa India.

Ang paglulunsad ng Buwan ng Pakikiisa ng Pilipinas sa Digmang Bayan sa India ay pagtumbas ng PKP sa isinagawang linggo ng pakikiisa na ginawa ng Communist Party of India (Maoist) o CPI-M noong April 22-28 kasabay ng ika-40 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) noong Abril 24.

Sa kabila ng layo ng distansya at pambansang kakanyahan, ang digmang bayan sa India at Pilipinas ay maraming pagkakahalintulad. Higit sa lahat, ang digmang bayan sa India at Pilipinas ay parehong pinamumunuan ng partido komunista na kapwa tumatalima sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at malalim na nakaugat sa masang anakpwis ng mamamayan.

Kapwa isinusulong ng mga ito ang demokratikong interes ng mga magsasaka at pambansang minorya para sa lupa laban sa mga nagmomonopolyo ng lupa at nangangamkam na mga dayuhang kumpanya sa pagmimina at mga dayuhang monopolyo kapitalistang mandarambong. Pawang nagsusulong ang mga ito ng demokratikong pakikiba ng mga manggagawa, kabataan, estudyante, kababaihan at iba pang demokratikong sektor laban sa mga mapagsamantala at mang-aapi.

Namumuno ang CPI-M sa People’s Liberation Guerrilla Amry kung katulad na ang PKP ay namumuno rin sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Pilipinas. Kapwa naglulunsad ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya habang nagtatayo ng mga organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika ng mamamayan at naglulunsad ng mga kampanya upang isulong ang kilusan sa reporma sa lupa. Sa pagtatamasa ng malawakang suporta, patuloy na nagpapalawak at nagtitipon ng malalaking tagumpay ang PLGA at BHB sa larangan ng armadong pakikibaka.

Kapwa kinakaharap ng digmang bayan sa India at Pilipinas ang brutal na mga kampanya ng panunupil na isinasagawa ng reaksyunaryong pwersa sa dikta ng imperyalistang gubyerno ng US. Ang Operation Green Hunt ng mga reaksyunaryong Indian at ang Oplan Bayanihan ng mga reaksyunaryong Pilipino ay kapwa gumagamit ng pinakamalulupit na uri ng armadong panunupil na nagbubunsod ng lansakan at malawakang mga paglabag sa karapatang-tao. Hindi nagkakaiba ang mga aktong ito ng panunupil na nakatuon laban sa rebolusyonaryong masa sa imbing pagtatangkang sindakin ang mamamayan.

Nililibak ng mga imperyalistang US at mga reaksyunaryo ang mga rebolusyonaryong pwersa sa India at Pilipinas bilang “mga terorista.” Subalit hindi nila napigilan ang paglago ng rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan sa India at Pilipinas na kapwa matatag na sumulong nang may malalim at malawak na suporta ng mamamayan. Paulit-ulit at mapagpasyang binigo ng digmang bayan sa India at Pilipinas ang pagtatangka ng mga reaksyunaryo sa armadong panunupil habang matatag nilang tinutugunan ang aspirasyon ng mamamayan para sa demokrasya.

Ninanais at sinisikap buuin ng mga rebolusyonaryong pwersang Indian at Pilipino ang isang malapad na internasyunal na anti-imperyalista at demokratikong kilusan upang isulong ang interes ng masang anakpawis sa gitna ng papalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng pangkabangkarote ng mga patakarang neoliberal. Tinatanaw ng digmang bayan sa India at Pilipinas ang malaking potensyal sa rebolusyonaryong pagsulong sa harap ng pag-igting ng pagsasamanatala at pang-aapi sa mamamayan sa mga kapitalista at malakolonyal at malapyudal na bansa.

Pinupuri ng PKP ang CPI-M at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa India sa pagpupunyagi sa landas ng digmang bayan. Inaasahan ng mamamayan ng daigdig ang paglago at malaking pagsulong ng digmang bayan sa India habang patuloy na bumabangon at nag-aalsa ang mamamayan ng India laban sa pang-aapi at pagsasamantala ng mga naghaharing uri at mga imperyalista. Tinatanaw ng mamamayan ng daigdig ang epikong saklaw at potensyal ng digmang bayan sa India para malakihang baguhin ang mukha ng mundo, tulad nang nagawang pagbabago sa internasyunal na balanse ng tunggalian ng mga uri ng tagumpay ng rebolusyon sa China at Russia.

Tinatanaw ng mamamayang Pilipino ang ganap na tagumpay ng rebolusyong Indian habang hinahangad nilang makamit ang tagumpay sa kanilang sariling bayan. Tinutugunan ng mamamayang Pilipino at Indian ang interes ng proletaryado at mamamayan ng buong daigdig sa pamamagitan ng paglulunsad ng digmang bayan sa kani-kanilang bansa at sa armadong pagbigwas sa mga imperyalista at mga reaksyunaryong kasapakat nila. Hindi maitatatwang magbibigay-inspirasyon ang kanilang pagsulong at tagumpay sa iba pang mamamayan ng daigdig para manindigan laban sa mga imperyalista at maglunsad ng rebolusyon upang makamit ang pambansa at panlipunang paglaya.