Itanghal ang pagsulong ng rebolusyon sa India

Patnubay de Guia
NDFP-Southern Tagalog
Hulyo 13, 2013

Kaisang nagbubunyi ang rebolusyonaryong mamamayan ng Timog Katagalugan sa mabulas na pagsulong ng rebolusyon sa India. Nagpupugay ang National Democratic Front-Southern Tagalog (NDF-ST) sampu ng mga kaalyadong organisasyon nito sa makasaysayang pagkakatatag ng Communist Party of India (Maoist) mula sa pagsasanib ng dalawang pinakamakapangyarihang Maoistang agos ng Kilusang Komunista sa India—ang CPI (ML)[People’s War] at MCCI (Maoist Communist Certer of India).

Inihahandog din ng lahat ng Komunistang Pilipino ang pinakamataas na pulang saludo kina kasamang Charu Mazumdar at Kanai Chatterjee, mga yumaong dakilang lider na tagapagtatag ng CPI (ML) at MCCI na matatag na nagtaguyod ng wastong rebolusyonaryong linya ng matagalang digmang bayan upang dalhin sa wastong landas ang rebolusyon sa India laban sa mapaminsalang linya ng rebisyunismo at parlamentarismo ng iba pang nabulok na partido at grupong Marxista-Leninista pagkaraang mabigo ang pag-aalsa ng Kilusang Naxalbari noong dekada 60’s at humantong sa mga isplit sa Kilusang Komunista sa India. Gayundin, nagbibigay pugay ang rebolusyong Pilipino sa lahat ng bayani at martir ng rebolusyon sa India sa di matatawaran nilang sakripisyo upang palayain ang sambayanan ng India mula sa imperyalismo at lahat ng reaksyon.



Bagaman magkaiba ang bansang India at Pilipinas sa maraming partikular na aspeto sa lipunan, binubuklod ang mamamayan ng dalawang bansa ng hangaring wakasan ang kasalukuyang mapang-api at mapagsamantalang sistemang namamayani sa mundo. Sa ganitong konteksto, magkapareho sa maraming bagay ang kalikasan ng rebolusyon sa dalawang bansa.

Tulad ng bansang Pilipinas, umiiral ang sistemang malakolonyal at malapyudal sa bansang India. Kung ang Pilipinas ay sinakop ng kolonyalistang Espanyol noong ika-16 na siglo udyok ng akumulasyon ng komersyanteng kapital, sinakop naman ng Britanya ang India noong ika-18 siglo udyok ng lumalaking pangangailangan para sa murang hilaw na pagkain at produktong agrikultural na kailangang-kailangan para paunlarin ang kapitalistang produksyon at pagpiga ng kapitalistang tubo. Sa ganitong sirkumstansya inianak ang mapanakop na patakaran ng Britanya sa balangkas ng imperyalismo ng malayang kalakalan.

Resulta ng pananakop, sumanib at lumukob sa katutubong pyudalismo ng India ang mga kapitalistang relasyon sa produksyon na dinala ng mga kapitalista ng British East India Company. At upang itulak ang produksyon ng kalakal para sa eksport na pangunahing pinagkukunan ng supertubo ng Britanya para sa sariling akumulasyon ng kapital sa industriya at pautang, pinaunlad nito ang mga industriyang handikrap sa India na kapakipakinabang lamang sa kanyang kolonyal na kalakalang eksport.

At kahimat sumulong na ang Britanya sa produksyon ng mga kagamitan sa produksyon, nananatiling malaki ang papel ng industriya at pagbebenta ng tela sa kanyang kalakalang eksport. Sa pagitan ng 1867-1869, ang tela ang bumubuo ng 75% ng manupakturang iniluluwas ng Britanya. At para pawiin ang kumpetisyon sa industriya ng tela ng Britanya, sinira nito ang industriya ng tela ng India na mas murang naibebenta sa England. Ang pangwawasak na ito ay nagpatuloy kahit matapos ang panahon ng malayang kalakalan. Sa ganito, tuluyang pinigilan at binansot ng Britanya ang umuunlad na pambansang industriya at umuusbong na kapitalismo ng India.

Mula sa pagiging pyudal naging malapyudal ang sistema ng lipunan sa India. Nabago ang ekonomiya ng bansa. Pinanatili ng kolonyalistang Britanya ang atrasadong agrikultura. Naging balon ito ng murang hilaw na materyales at tambakan ng mga sobrang produkto ng mga industriyalisadong bansa.

Ipinatupad ng Britanya ang kolonyal na paghahari sa India sa pamamagitan ng British Raj na may pampulitikang kontrol sa buong kontinente ng India at mga nagsasariling kaharian na pinamamahalaan ng mga indibidwal na maharlika na nasa ilalim ng Kaharian ng Britanya. Mga mandirigmang Sikhs ang bumuo ng bag-as ng reaksyunaryong Indian Army at Royal Indian Navy at ang hukbong ito ang pwersang ginamit ng Britanya noong Una at Ikalawang Digmaang Pandaigdig at sa mga gerang mapanalakay sa Burma at Indotsina.

Noong 1947, matapos igawad ng Britanya ang huwad na kalayaan sa bansa, nanatili pa rin ang dayuhang kontrol sa India. Isinakatuparan ito sa pamamagitan ng pagsasanay ng mga lokal na kumprador na kinasangkapan ng Britanya upang isulong at pangalagaan ang imperyalistang interes nito. Sa pag-iral ng malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunan, pinanatili ng mga lokal na kumprador at iba pang naghaharing-uri sa India na bukas ang kanilang bansa sa pandaramdong ng mga imperyalistang bansa tulad ng Britanya at US.

Malaki ang papel na ginampanan ng mga pakikibaka ng mamamayan ng India laban sa halos 200 taong pananakop at pagsasamantala ng kolonyalistang Britanya at sa kasalukuyang paghahari ng imperyalismo sa bansa, Pinagpapatuloy ng kasalukuyang henerasyon ang mayamang rebolusyonaryong tradisyon at kasaysayan nito. Masidhi ang hangarin ng mamamayan ng India na isulong ang kanilang pambansang kasarinlan at mga demokratikong karapatan.

Sa pagkakatatag ng CPI (Maoist) mula sa pagsasanib ng dalawang Maoistang partido, humakbang ang rebolusyon sa India sa isang makasaysayang pagsulong: isang pagsulong na buong tatag na nagtataguyod ng landas ng matagalang digmang bayan, nagtatakwil sa landas ng parlamentarismo, kumikilala sa rebisyunismo bilang pangunahing banta sa Kilusang Komunista at rebolusyon sa India, at nagtutuon sa lahat ng rebolusyonaryong aktibidad sa pinakabatayan, pangunahin at kagyat na tungkulin na buuin ang hukbong bayan at mga baseng purok sa pamamagitan ng pagpapaigting at pagpapalaganap ng pakikidigmang gerilya sa papalawak na mga lugar ng bansa.

Ang dalawang Maoistang partido na bumuo ng CPI (Maoist) ay may mahaba at maningning na kasaysayan sapul sa panahon ng puno-ng-ligalig na dekada 60’s. Sila ang nagmana sa lahat ng bagay na rebolusyonaryo sa mahabang kasaysayan ng Kilusang Komunista sa India.

Malalim na nakaugat ang CPI (Maoist) sa masang pinagsasamantalahan at inaapi. Sa pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikidigmang gerilyang agraryo batay sa linya ng matagalang digmang bayan, nagtagumpay itong makapagpalakas ng masang suporta sa magubat na rehiyon ng bansa at naitatag ang malalim na ugat sa hanay ng masang manggagawa, kabataan, kababaihan, mga estudyante’t intelektwal at iba pang pinagsasamantalahang uri at sektor sa mga kapatagan at kalunsuran ng bansa.

Pinamumunuan ng CPI (Maoist) ang People’s Liberation Guerilla Army (PLGA), ang armadong organisasyon ng CPI (Maoist) sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Isinusulong ng PLGA ang matagalang digmang bayan sa pamamagitan ng armadong pakikibaka, pinauunlad ang mga sonang gerilya sa mga estratehikong lugar sa layuning itranspormang mga gerilyang base sa hinaharap. Patuloy ang paglawak at pagkamit ng mga tagumpay sa pakikidigmang gerilya ng PLGA dahil sa malawak na suporta ng masa.

Magiting na napangibabawan ng PLGA ang mga mararahas na pagsalakay ng reaksyunaryong hukbo ng estado na sinasanay, inaarmasan at pinupunduhan ng imperyalismong US. Katugon ng mga kontra-rebolusyonaryong kampanya ng mga imperyalistang bansa, inilulunsad ng reaksyunaryong gubyerno ang Operation Green Hunt. Tulad ng Oplan Bayanihan sa Pilipinas, isang anti-mamamayan at pasistang hakbangin ng reaksyunaryong gubyerno ng India ang Operation Green Hunt. Gumagamit ito ng pinakamarahas na tipo ng armadong panunupil at panlilinlang laban sa mamamayang nakikibaka na nagdudulot ng laganap na paglabag sa karapatang pantao. Pinapakita lamang nito na gagawin ng mga imperyalista, sa pangununa ng imperyalismong US, ang lahat ng paraan upang pigilan ang paglakas ng pakikibaka ng mamamayan hindi lamang sa India kundi sa buong daigdig.

Habang sinusupil ng imperyalismo ang nakikibakang mamamayan ng daigdig, patuloy naman nilang pinabibilis ang pagkamal ng supertubo at ng konsentrasyon ng kapital ng mundo sa kamay ng mga monopolyo-kapitalista at oligarkiya sa pinansya. Sa pamamagitan ng mga neoliberal na patakarang ipinatutupad ng mga imperyalista, lalong ibinubulid ang mamamayan sa bangin ng kahirapan.

Itinutulak ng mga imperyalistang kapangyarihan at kanilang mga ahensyang multilateral (IMF, WTO, World Bank) na ipapasan sa masang anakpawis ng mundo ang bigat ng pandaigdigang krisis sa pamamagitan ng mga neoliberal na patakaran. Sa bansang nasasakupan nila, nagpapatuloy ang liberalisasyon sa ekonomiya, pribatisasyon ng mga ari-ariang publiko, deregulasyon o pagtalikod ng reaksyunaryong gubyerno sa responsibilidad nitong kontrolin ang presyo ng mga produkto sa pamilihan.

Sa buong mundo, laganap ang kawalan ng trabaho at pagbabawas sa sahod at benipisyo ng mga manggagawa. Laganap pa rin ang kawalan ng lupa at suporta sa mga magbubukid. Dagdag pa sa kahirapang nararanasan ng mamamayan ang malaking pagbabawas sa pondo para sa mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan at pabahay.

Sa kabilang banda, nililikha ng imperyalismo ang mga kundisyon ng rebolusyon at paglitaw ng mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya. Habang pinalalala ng mga imperyalista ang pandaigdigang krisis lalo namang ginagatungan ang pagnanais ng mga mamamayan sa mga malakolonyang bayan na magrebolusyon.

Sa mga kapitalista at imperyalistang bansa, pumuputok ang mga pampulitikang welga at mga higanteng kilos protesta dahil sa ipinatutupad na paghihigpit ng sinturon. Matindi ang pagtutol ng mga manggagawa, kababaihan at kabataan sa pagbagsak ng sahod at paglala ng kundisyon ng kanilang pamumuhay. Upang pigilan ang malawak na pagkakaisa ng mamamayan, pinapaypayan ng naghaharing monopolyo-kapitalista sa mga bansang ito ang xenophobia, alitang etniko at relihiyon, ultra-nasyunalismo at samu’t saring reaksyunaryong pananaw. Isinisisi ng mga monopolyo-kapitalista sa mga migrante manggagawa na diumano’y umaagaw sa opurtunidad sa trabaho ng sariling mamamayan ang pagsahol ng kawalang trabaho sa mga kapitalistang bansa.

Subalit, kahit anong gawin ng mga imperyalista hindi nila mapipigilan ang paglakas ng rebolusyon, na siyang tanging solusyon sa kahirapang nararanasan ng mamamayan ng daigdig. Tumitindi ang paglaban ng mamamayan at umuusbong ang agos ng mga rebolusyonaryong daluyong sa iba’t ibang panig ng mundo. Tulad ng pagtanaw sa tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas, tinatanaw din ng mamamayang Pilipino ang tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan sa India.

Nagsisilbing inspirasyon ng mamamayang Pilipino ang pakikibaka ng CPI (Maoist) at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa India laban sa mapagsamantala at mapang-aping sistema. Ang paglaya ng bansang India mula sa kontrol ng imperyalismo at katutubong reaksyon ay may makasaysayang kabuluhan sa pandaigdig na kilusang proletaryo. Internasyunalistang tungkulin ng mga Komunistang Pilipino na ipagtagumpay ang rebolusyong Pilipino bilang ambag sa pagsulong ng rebolusyon sa India.