Magpunyagi sa pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya at itatag ang sosyalismo

LUIS G. JALANDONI
NDFP Chief International Representative
Member, NDFP National Executive Committee
15 Hulyo 2013
 

Translation: Resolutely struggle for national and social liberation and build socialism

Kontribusyon ng National Democratic Front of the Philippines sa ika-17 Interanasyunal na Seminar hinggil sa mga Problema ng Rebolusyon sa Latin America

Sa ngalan ng Partido Komunista ng Pilipinas, ng Bagong Hukbong Bayan, at ng rebolusyonaryong mamamayan ng Pilipinas, ipinaaabot ng National Democratic Front of the Philippines ang pinakamaalab na pagbati ng rebolusyonaryong pakikiisa sa lahat ng partido at kilusang kalahok sa ika-17 Internasyunal na Seminar Hinggil sa mga Problema ng Rebolusyon sa Latin America.



Pinahahalagahan namin ang palitan ng pananaw na nagaganap sa Seminar at nalulugod kami sa pagkakataong patibayin ang aming pakikipag-ugnayan sa ibang rebolusyonaryong mga partido at kilusan sa Latin America at sa Caribbean. Ikinararangal namin ang imbitasyon ng Marxista-Leninistang Partido Komunista ng Ecuador at ng Movimmiento Popular Democratico.

Ang tema ngayong taon, "Modernisasyon ng Kapitalismo o Panlipunang Rebolusyon?" ay isang napakahalagang usapin na kailangang mapagpasyang harapin. Dapat itakwil ang repormistang ilusyon sa kapitalismo at dapat buong pagpupunyaging isulong ang pakikibaka para ipagtagumpay ang pambansa at panlipunang paglaya at itayo ang sosyalismo kung nais nating pamunuan ang mamamayan ng daigdig sa landas para wakasan ang pang-aapi, panunupil at pagsasamantala at itatag ang sosyalismo.

Pagpapaigting ng kapitalistang pagsasamantala at panunupil ng estado

Nakakubabaw sa daigdig ang pinakamalalang depresyon sa ekonomya magmula noong Great Depression (Malaking Depresyon). Nasa ikalimang taon na ang kasalukuyang pandaigdigang krisis sa pinansya at ekonomya at wala pang nakikitang solusyon. Patuloy na nangunguyapit sa neoliberal na patakarang pang-ekonomya ang mga imperaylistang estado at ang monopolyong burgesya sa daigdig at nakikinabang pa rin sa tubo at akumulasyon ng kapital sa pamamagitan ng liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon ng mga nahuhuli at atrasadong ekonomya.

Hinahagupit at nakalubog sa krisis ang lahat ng sentro ng pandaigdigang kapitalismo. Ang mga pampublikong pondo na dapat nakalaan para isalba ang ekonomya ay ginagamit para suhayan ang mga bangko at mga monopolyong kumpanya na patuloy na pinapaboran ng pagbawas sa buwis at mga kontratang malaki ang kita. Kung kaya, hindi umuusad ang produksyon at nananatili ang mataas na tantos ng kawalang-hanapbuhay. Nakapako ang kita ng 99% ng populasyon. Samantala, patuloy na tumataas ang presyo ng mga batayang produkto at serbsiyo.

Sa paglaki ng mga pampublikong depisit at pampublikong utang, ginagamit at ipinatutupad ng mga estado ang mga hakbangin sa pagtitipid na nagpapasa naman ng bigat ng krisis sa proletaryado at iba pang mamamayan. Nagdudulot ang hakbanging ito ng ibayong tanggalan, pagbaba ng sahod, pagtaas ng presyo ng mga batayang pangangailangan, pagliit ng pensyon, pagbawas ng mga benepisyong panlipunan at pagtaas ng buwis sa mga produkto at serbisyong kinukonsumo ng masang anakpawis.

Lumalaban ang mamamayan sa pamamagitan ng mga welga at protestang masa, tulad ng ipinakita ng mga serye ng mga popular na protesta sa iba't ibang bansa sa Europe, North Africa, sa Middle East at gayundin sa Latin America. Sa mga sentro ng kapitalismo, nagiging tampok ang pakikitunggali sa uri ng proletaryado habang naninindigan at kumikilos ang mga manggagawa para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at interes.

Subalit ginagawa rin ng monopolyong burgesya at ng mga ahente nila sa pulitika ang kanilang mga hakabangin para labanan ang daluyong ng paglaban ng mamamayan sa pamamagitan ng dahas at panlilinlang. Ipinatutupad nila ang malulupit na batas laban sa mamamayan sa ngalan ng anti-terorismo. Maagap na ginagamit ng mga nasa poder na kumakatawan sa mga mapagsamantalang uri ang dahas para sindakin ang mamamayan at supilin ang kanilang paglaban.

Isinasangkalan ng mga imperyalistang estado ang isterya sa gera upang bigyang-katwiran ang pagpapalaki ng produksyon para sa digma at mas malaking badyet sa militar. Upang ilayo ang atensyon ng masa sa mga ugat ng krisis, inuupat nila ang mga reaksyunaryong agos gaya ng pasismo, sobinismo, xenophobia, rasismo at rehiliyosong pagkapanatiko.

Sa kasalukuyang yugto ng imperyalismo, naging posibleng maging sosyalisado sa antas pandaigdig ang kapital at ang mga kasangkapan sa produksyon. Ang pagluluwas ng malaking halaga ng kapital at ang malalaking igpaw sa teknolohiya noong nakaraang siglo ay nagsanib upang lubusang palakihin ang produktibidad at ang halaga ng mga produkto sa buong mundo. Ang masang anakpawis sa buong mundo ay pinag-uugnay ng manupaktura at distribusyon ng dami ng kalakal na ito. Gayunpaman, lahat ng malalaking halaga ng yaman at kapital na nalilikha ay hindi bumabalik para sa kapakinabangan ng mamamayan ng daigdig dahil minomonopolisa ito ng uring kapitalista.

Rebolusyonaryong pakikibaka para sa sosyalismo

Tulad nang napatunayan na sa mga karanasan ng mamamayan sa Latin America at Caribbean, ang pagsasamantala, lubos na di pagkakapantay-pantay at ang pasistang panunupil ay umiral kasabay ng kapitalistang pag-unlad. Nangangahulugan ang sosyalisasyon ng kapitalistang produksyon sa antas pandaigdig ng globalisasyon ng kapitalistang pagsasamantala. Sa paghahangad ng lubusang kalutasan, walang ibang masusulingan ang uring mangagagawa kundi ang pamunuan ang mamamayan sa pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomya mula sa uring kapitalista, durugin ang burges na estado at isakatuparan ang sosyalistang rebolusyon.

Kailangang magpalakas ng sarili ang mga rebolusyonaryong partido ng proletaryado sa bawat bansa sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Kailangan silang lumubog sa hanay ng masang anakpawis; tuklasin kasama nila ang kanilang pang-ekonomya at panlipunang interes; itayo ang kanilang organisasyong pangkomunidad at sektoral; at pamunuan ang mga organisasyong ito bilang mga kolektibang yunit panlaban, upang makapagkamit ng mga ispesipikong kahilingan at upang ihanda sila sa mapagpasyang pampulitikang laban sa kapitalistang estado. Natututo kami sa Pilipinas mula sa mga rebolusyonaryong karanasan ng mga kasama sa Latin America at sa Caribbean.

Tulad ng ipinamalas ng mga karanasan ng proeletaryong rebolusyonaryong mga partido sa buong daigdig, kailangang mapangahas na palawakin ang kasapian ng Partido mula sa hanay ng mga aktibistang napaunlad sa proseso ng mga pampulitikang pakikibaka. Kailangang matutunan ng mga kasapi at kadre ang rebolusyonaryong kasanayan sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masang anakpawis at dapat bigyan sila ng katungkulan sa pamumuno sa mga organisasyong masa.

Rebolusyonarong pakikibaka ng sambayanang Pilipino upang ipagwagi at itatag ang sosyalismo sa buong bansa

Sa Pilipinas, pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang sambayanang Pilipino sa isang buhay-at-kamatayang pakikibaka laban sa imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Simula pa noong muling pagkakatatag nito noong 1968, binuo at pinamunuan ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) bilang siyang pangunahing sandata nito sa paglansag sa armadong lakas ng reaksyunaryong estado. Gamit ang estratehiya ng matagalang digmang bayan, binubuo ng mga rebolusyonaryong pwersa ang lakas sa malawak na kanayunan,baha-bahaging ginagapi ang reaksyunaryong armadong pwersa at nilalayong agawin ang kapangyarihang pampulitika sa bansa. Magsisimula kaagad ang sosyalistang rebolusyon matapos ang pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika sa buong bansa.

Pinupukaw, inoorganisa at pinakikilos ng Partido ang masa sa kanayunan para sa rebolusyon. Itinatayo ang mga organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, pambansang minorya, kababaihan, kabataan, mga bata at ng petiburgesya sa kanayunan. Sa batayan ng mga organisayong masang ito, itinatatag ang lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika mula antas baryo at kung saan posible rin, sa antas bayan at saka ang antas prubinsya. Inilulunsad ang mga programa at kampanya sa rebolusyong agraryo, kabilang yaong pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi sa usura, pagpapataas ng produksyong agrikultural, pagpapataas ng sahod sa mga bukirin, pagpapataas ng presyo ng mga produktong agrikultural at pagpapaunlad ng mga aktibidad na pangkooperatiba. Dagdag pa sa repormang agraryo, naglulunsad rin sila ng mga programa sa kalusugan, edukasyon, pagtatanggol-sa-sarili, lokal na arbitrasyon at kultura.

Mahalaga rin ang mga rebolusyonaryong pakikibaka sa mga kabayanan at kalunsuran. Binubuo ang mga organisasyon ng mga manggagawa sa industriya, maralitang lunsod, kababaihan, kabataan at estudyante at mga propesyunal ng kalunsuran. Naglulunsad sila ng mga ligal at di armadong akyong masa upang ipalagananp ang mga kahilingan ng masa para sa pambansa at panlipunang paglaya. Ipinalalaganap din nila ang mga balita sa armadong pakikibaka na pangunahing inilulunsad sa kanayunan, na nagbibigay-inspirasyon sa populasyon ng kalunsuran upang suportahan at aktibong lumahok dito.

Sa ngayon, kumikilos ang mga rebolusyonaryong pwersang pinamumunuan ng PKP sa 70 sa kabuuang 81 prubinsya ng Pilipinas. Kumikiloas ang BHB sa mahigit 110 larangang gerilya, na ang bawat larangan ay katumabas ng isang platun hanggang kumpanya ng mga Pulang mandirigma. Ang bilang ng mga pultaym na Pulang mandirigma na may malalakas na sandata ay tumutungo sa antas na 10,000. Pinalalakas pa sila ng ilampung libong mga boluntaryo na nasa mga milisyang bayan at ng daan libong kasapi ng mga yunit sa pagtatanggol-sa-sarili ng mga organisasyong masa sa kanayunan.

Milyun-milyong mamamayan ang baseng masa ng rebolusyon. Nagawa ito sa pamamagitan ng pagbubuo ng organisasyong masang nakabase sa baryo, ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at ng mga lokal na sangay ng Partido. Lampas na sa 100,000 ang kasapian ng PKP at lumalaki pa tungo sa target sa 250,000 kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Nilalayon ng BHB na palakihin ang mga Pulang mandirigma nito tungong 25,000 at ang mga larangang gerilya nito sa 180. Nagpapalakas ng sarili ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa at nilalayong saklawin ang milyun-milyon pang mamamayan sa pamamagitan ng direktang pag-oorganisa at ng gawain sa pakikipagkaisang prente.

Sa pamumuno ng PKP, determinado at handa ang BHB at iba pang alyadong organisasyon ng NDFP na isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka tungo sa yugto ng estratehikong pagkapatas ng digmang bayan. Nilalayon nila ang tagumpay sa buong bansa laban sa imperyalismong US at mga lokal na reaksyunaryong alyado nito. Makapag-aambag ang tagumpay ng sambayanang Pilipino sa pagpapahina ng imperyalistang dominasyon ng US at sa pagpapaigting ng kontradiksyon sa hanay ng mga imperyalistang estado.

Ipinararating ng rebolusyonaryong mamamayan ng Pilipinas ang kanilang pakikiisa sa mga bansang sinasaklaw ng Pacific Ocean hanggang sa mamamayan ng Latin America at ng Caribbean sa kanilang pakikibaka laban sa imperyalismo at kapitalistang pagsasamantala at para sa sosyalistang rebolusyon. Ang ating komun na kasaysayan ng kolonyal at neokolonyal na panlulupig, maging ng ating komung pamana ng pambansang kilusang mapagpalaya ay nagpapatibay ng pagkakaisa ng ating mamamayan. Tinatanaw namin ang mas mahigpit na pagkakaisa at mutwal na suporta sa ating komung pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya, tunay na demokrasya at sosyalistang pag-unlad.

LUIS G. JALANDONI
NDFP Chief International Representative
Member, NDFP National Executive Committee