Paalingawngawin ang mithiin ng sambayanang Pilipino para sa makabayan at demokratikong ekonomya

Ang Bayan
Ispesyal na Isyu
Hulyo 05, 2013

Download PDF Here

Dalawang linggo mula ngayon, pangunguhanan ni Benigno Aquino III ang pagbubukas ng ika-16 sesyon ng reaksyunaryong kongreso at ihaharap niya ang kanyang state of the nation address (SONA). Batid ng mga rebolusyonaryong pwersa na muli na namang ipagmamalaki ni Aquino ang kunwa’y mga tagumpay ng kanyang gubyerno at ipamarali ang hungkag na alamat ng “inclusive growth.”  Dapat puspusang ibunyag ng mamamayan ang mga ilusyong pinapalaganap ng makinarya at mga espesyalista sa propaganda ni Aquino. Dapat nilang paalingawngawin ang mithiin para sa makabayan at demokratikong ekonomya.

Sa utos ng mga imperyalistang US at ng International Monetary Fund at World Bank (IMF-WB), ipinatutupad ng rehimeng Aquino ang mga patakaran ng liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon na nagpapanatili sa matagalang krisis ng malakolonyal at malapyudal na ekonomya. Sa hindi pagpapatupad ng mga batayang reporma upang buuin ang isang nakatatayo-sa-sarili, moderno at masiglang pambansang ekonomya, hinahayaan lamang ng rehimeng Aquino ang ibayong paglala ng ekonomya ng Pilipinas at ang malawakang pagkawasak ng mga produktibong pwersa.


Ang ipinangangalandakan ni Aquino na "mabilis na paglago ng ekonomya" ay puro satsat na walang saysay sa sambayanang Pilipino. Para sa masang anakpawis na mga manggagawa at magsasaka, hindi mapasusubaliang nakalubog sa krisis ang ekonomya ng Pilipinas. Kinatatangian ito ng malalang kawalan ng lupa at konsentrasyon ng lupain sa malalaking panginoong maylupa at mga may-ari ng mga plantasyon, ng matinding kawalan ng hanapbuhay at malawakang pangingibang-bansa ng mga manggagawa.

Pinatitingkad ng patuloy na paglala ng malakolonyal at malapyudal na ekonomya ang pagkabangkrap ng mahigit tatlong dekada ng neoliberal na teorya at praktika. Pilit na tumatalima si Aquino sa neoliberal na balangkas upang pagsilbihan ang interes ng dayuhang monopolyo kapital at lokal na naghaharing uri ng malalaking burges kumprador at malalaking panginoong maylupa. Ipinaiilalim ng rehimeng Aquino sa pinakamalalalang anyo ng pang-aapi at pagsasamantala ang mamamayang Pilipino, bagay na nagpapasidhi sa kanilang makabayan  at demokratikong mithiin sa ekonomya.

Ang sosyo-ekonomikong kalagayan ng mamamayan

Patuloy na nabubuhay ang mayorya ng sambayanang Pilipino sa malubhang kalagayang sosyo-ekonomiko. Araw-araw nilang dinaranas ang gutom, kahirapan at sakit. Kulang na kulang ang kita ng masang anakpawis habang patuloy na tumataas ang gastos sa pagkain, damit, transportasyon, edukasyon, gamot, serbisyong pangkalusugan at iba pang saligang pangangailangan. Ang upisyal na sahod na P456/araw sa National Capital Region ay wala pa sa kalahating mahigit P1,200 na arawang gastos para mabuhay ang isang anim-kataong pamilya. Lumalabag ang mahigit kalahati ng mga kumpanya sa NCR sa batas sa minimum na sahod, at umaabot sa mahigit 80% naman sa Southern Tagalog. Kabilang sa mga lumalabag dito ang ipinagmamalaking mga kumpanya sa call center.

Mariing tinututulan ng rehimeng Aquino ang malaon nang iginigiit na substansyal na pagpapataas ng sahod. Sa halip, isinusulong pa nito ang pagpapatupad ng dalawang andanang sistema ng sahuran na lalong lumalansag sa pambansang sistema ng minimum na sahod sa pamamagitan ng pagpapako ng kumpensasyon ng mga manggagawa sa tinaguriang sagad na sahod na arbitraryong itinatakda batay sa diumano'y lokal na kalagayan. Ibayong binibigyan ng pribilehiyo ang mga kapitalista na maggawad ng mga bonus sa produktibidad sang-ayon sa kanilang kapritso. Sa gayo'y isinasadlak nila ang mga manggagawa, karaniwang empleyado at mga panggitnang propesyunal sa mas malalalang anyo ng pagsasamantala at pang-aapi sa paggamit ng iba-ibang pleksibleng kaayusan sa paggawa.

Patuloy na bumabagsak ang kita sa kanayunan bunga ng paglaganap ng kawalan ng lupa, ng napakabababang sahod ng mga manggagawang bukid at ng pagbagsak ng presyo sa bukid ng palay, kopra, abaka at iba pang produktong agrikultural. Ang mga nagbubungkal ay nakukuba sa labis-labis na pyudal na upa sa lupa na umaabot nang hanggang 70% ng kabuuang ani matapos nila balikatin ang gastos sa produksyon.  Malawakan ang pagpapalayas sa mga magsasaka at mga pambansang minorya dahil sa pagpasok ng mga kumpanya sa pagmimina, ng malalaking plantasyong agribisnes at ng mga proyektong komersyal at panturismo. Napalalayas ng malalaking komersyal na dayuhang kumpanya sa pangisda ang mga maralitang mangingisda sa kanilang mga pangisdaan.

Napakatindi ng suliranin ng kawalang-hanapbuhay. Patuloy na tumataas ang bilang ng mga manggagawang walang trabaho bunga ng kawalan ng industriyal na pag-unlad at malawakang kawalan ng lupa. Mapanlinlang na sinasabi ng gubyerno na ang tantos ng disempleyo ay nasa 7.5% noong Abril 2013 (tumaas mula 6.9% noong Abril 2012). Minamanipula ng rehimeng Aquino ang datos ng kawalang-hanapbuhay sa pamamagitan ng mas pinakitid na depinisyon ng pwersa sa paggawa upang pababain ang baseng bilang nito; at sa pamamagitan ng mas liberal na mga depenisyon ng mga itinuturing na walang trabaho at kulang sa trabaho upang palobohin naman ang kanilang bilang. Ayon sa pinakahuling mga independyenteng sarbey, ang tantos ng kawalang-hanapbuhay ay nasa pagitan ng 20-25%.

Patuloy na itinutulak ng rehimeng Aquino ang pag-eeksport ng mga manggagawang Pilipino sa tangkang tabingan pang lalo ang aktwal na lala ng disempleyo. Ang grabeng problema ng pangingibang-bansa ng mga manggagawa ay pinatitingkad ng katotohanang 10% na ng kabuuang populasyon ang bilang ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibayong dagat. Dinaranas ng mga kontraktwal na migranteng manggagawa ang pinakamalalalang anyo ng pang-aapi at pagsasamantala, kabilang ang pambabarat sa kanilang sahod, matinding diskriminasyon sa lahi at sentimyentong anti-migrante na bunsod ng lokal na krisis sa mga bansang pinagtatrabahuhan nila. Pinatunayan mismo ng rehimeng Aquino ang ganap na pagkainutil nito na ipagtanggol at isulong ang mga karapatan at kagalingan ng mga migranteng manggagawang Pilipino. Tiyak na lalala pa ang kawalang-hanapbuhay sa Pilipinas dahil napipilitan nang umuwi ang mga migranteng manggagawa na nasa ibang bansa dahil sa krisis din sa kanilang pinatatrabahuhang bansa.

Paparami ang mga pamilyang Pilipinong mula sa panggitnang uri na bumabagsak ang kabuhayan dahil sa laganap na sosyo-ekonomikong krisis. Walang sapat na empleyo para sa mga nakapagtapos ng kolehiyo. Karamihan sa kanila ay walang makitang trabaho liban sa mababang uri ng pansamantalang hanapbuhay sa mga call center o sa ibayong dagat. Walang mga oportunidad para makapagpalaki ng kapital kundi sa mga kumpanyang nakasandig sa import, maliliit na negosyo sa pagtitingi o sa empresang nakatutok sa serbisyo.

Patuloy na bumubulusok ang kalagayan sa pamumuhay ng malawak na masa ng Pilipinong anakpawis. Sa mga bayan at lunsod, konsentrado sila sa malalaking kolonya ng mga maralita na salat sa pampublikong serbisyo at mapanganib sa sunog at iba pang sakuna. Paparaming bilang ng mamamayan ang nakatira sa mga barungbarong sa ilalim ng mga tulay at mga overpass (tulay na tawiran ng tao), sa mga pampublikong pamilihan, mga plasa at parke at maging sa mga lansangan. Sa kanayunan, nakatira ang mga maralitang magsasaka sa mahuhunang kubo na mapanganib sa mga natural na kalamidad. Buu-buong mga komunidad ang nasa mga lugar na peligroso sa baha at pagguho ng lupa.

Mabilis na nauuk-ok ang pampublikong imprastruktura sa edukasyon habang binabawasan ng rehimeng Aquino ang panlipunang gastusin para rito. Ang upisyal na pagtaya ng rehimeng Aquino sa kakulangan ng mga guro (46,000) at silid-aralan (33,000) ay mas mababa kaysa sa aktwal na bilang dahil ang mga pampublikong paaralan ay bumaling na sa doble o tripleng relyebo ng oras sa pagtuturo sa kapinsalaan ng kapakanan ng mga estudyante at kalidad ng pagtuturo. Patuloy na ginaganyak ng reaksyunaryong gubyerno ang komersyalisasyon ng edukasyon. Patuloy ang pagtaas ng matrikula nang hanggang 10-15% taun-taon. Walang ginagawa ang gubyerno para bigyan ng katarungan ang daanlibong mga pamilyang nabiktima ng tinatawag na mga kumpanya sa "pre-need" na nagtakas ng milyun-milyong salaping pag-aari ng mamamayang namuhunan sa kanilang "planong pang-edukasyon."

Bulok ang serbisyong pangkalusugan. Karaniwang di abot-kaya ang mga pribadong pasilidad-medikal maliban na lamang kung may magagamit na pribadong segurong pangkalusugan na suportado ng estado. Regular na lumalaganap ang mga epidemya ng dengue, leptospirosis, kolera, sakit sa baga at iba pa na resulta ng kawalan ng malinis na tubig at sanitasyong publiko at pangkalahatang pagkabulok ng kalunsuran. Lampas sa pagbibigay ng abiso at babala sa publiko, hindi kayang harapin at pigilan ng salat sa pondong serbisyong pangkalusugan at obras publikas ang gayong mga epidemya.

Taun-taon, ilampung libo ang nagiging biktima ng magkakasunod na natural at likha ng taong mga kalamidad na dulot ng malalang pagkawasak ng kapaligiran. Dinaranas nila ang papalala at madalas na pagbaha, pagguho ng lupa at pagragasa ng putik na hindi lamang nagsasapanganib sa kanilang buhay kundi wumawasak at pumeperwisyo pa sa kanilang kabuhayan at nagdudulot ng gutom at sakit. Sa katuus-tuusan, sila ang biktima ng mga baluktot na prayoridad sa ekonomya ng reaksyunaryong gubyerno na aktibong nag-eendorso ng pagtotroso, ng mga operasyong pagmimina at plantasyon, maging ng malawakang konstruksyon ng mga mall at iba pang establisimyentong pangkomersyo na ganap na nagbabalewala sa masamang epekto sa kapaligiran at kagalingan ng mamamayan. Ibayo pang nagdurusa ang mga biktima ng kalamidad dahil sa kainutilan ng reaksyunaryong gubyernong magbigay ng substansyal na relief at rehabilitasyon. Binawasan pa ng rehimeng Aquino ang paggastos para sa paghahanda sa mga sakuna. Lulong naman ang social welfare department (departamento para sa kagalingang panlipunan) sa burukratikong korapsyon.

Taliwas na taliwas ang kalunus-lunos na sosyo-ekonomikong kalagayan ng mamamayang Pilipino sa marangyang pamumuhay ng mga Aquino at ng naghaharing uri ng malalaking panginoong maylupa at burges kumprador. Habang lubog sa karalitaan at dumaranas ng pumapaimbulog na mga presyo at dumadausdos na kita ang mamamayan, ang mga naghaharing uri ay nagmamaneho ng mga sportscar at SUV na matatakaw sa gasolina, nagsusuot ng mga damit na kilala ang tatak, magdamagang nagpipiging sa magagarang hotel at lumalaklak ng mamahaling mga alak.

Habang lumalaganap ang kahirapan at gutom sa mga anakpawis, natitipon naman ang tubo at yaman sa mga naghaharing uring panginoong maylupa at malalaking burgesya komprador. Tumaas ang tubo ng pinakamalalaking kumpanya sa Pilipinas mula P421 bilyon tungong P780 bilyon noong unang taon ng rehimeng Aquino. Noong 2012, tumaas nang 18% ang tubo ng mga kumpanyang nakalista sa stock market ng Pilipinas mula P320 bilyon tungong P377 bilyon.

Ang PR-economics ni Aquino

Si Aquino at ang kanyang rehimeng panginoong maylupa ang kumakatawan sa kontra-progreso. Nitong nakaraang tatlong taon, walang pinaggagawa sina Aquino at ang kanyang mga teknokratang sinanay ng IMF kundi ang "PR-economics" na kinabibilangan ng publisidad at mga kampanya sa midya upang palabasing "mabilis na paglago ng ekonomya" ang malalang sosyo-ekonomikong krisis. Abala ang kanyang mga tagalubid ng kasinungalingan sa pagtatambol ng pili at dinoktor na mga estadistika para likhain ang ilusyon ng paglago ng ekonomya. Layon ng "PR economics" ni Aquino na ilihis ang atensyon ng mamamayan mula sa kanilang kalunus-lunos na kalagayang pang-ekonomya para ipatanggap ang mga pangako ng tinaguriang "inclusive growth." Wala itong ipinagkaiba sa "trickle down" economics na propaganda ng nakaraang rehimeng Arroyo, na nagsasabing kapag umunlad ang ekonomya dahil sa mga kaluwagang pinatatamasa sa mga negosyante ay tatagos din ito kalaunan sa masa.

Sa suporta ng US, ginagamit ng naghaharing pangkating Aquino ang makinarya ng dilawang midya na pinangangasiwaan ng mga kapatid ni Aquino at malalapit na kaibigan ng angkang Aquino-Cojuangco at kinabibilangan ng mga manunulat ng opinyon, mga publisador, mamamahayag, mga pambalitaang website, mga kumpanya sa pagsasarbey, mga IT network para sa eleksyon, mga blog at mga taong may akawnt sa social media. Ipinangangalandakan nila ang diumano'y mataas na tantos ng popularidad at suporta kay Aquino. Araw-araw nilang pinangangasiwaan at kinukumpuni ang katayuan sa publiko ng rehimeng Aquino.

Pinagtatakpan nila ang burukratikong kapitalistang korapsyon sa pamamagitan ng pagpapaulit-ulit ng "mabuting pamamahala" ni Aquino. Sinasamantala pa nila ang malaganap na persepsyon ng publiko sa kahinaan ng ulo ni Aquino sa pamamagitan ng pagpapakalat ng linyang "di baleng tanga, hindi naman korap." Patuloy silang nagpapakalat ng mga anti-korapsyong propaganda na nakatuon sa nakaraang rehimeng Arroyo. Ang kalkuladong layunin nito ay mailayo ang atensyon sa mga malakihang korapsyon at anomalya ng rehimeng Aquino na kinasasangkutan ng paggamit ng burukratikong pribilehiyo sa paggagawad ng malalaking kontrata sa imprastruktura sa malalapit na kamag-anak ni Aquino, mga tagasuporta at mga kaibigan. Patuloy na sinasaklot ng malawakang korapsyon ang burukrasya ng gubyerno, pangunahin ang Department of Education, ang Department of Public Works and Highways, Bureau of Internal Revenue, Bureau of Customs at Department of Social Welfare and Development.

Ipinagyayabang ng mga PR manager ni Aquino ang 7.9% na paglago sa unang kwarto ng 2013 at ipinangangalandakan na resulta ito ng kanyang "mabuting pamamahala. Ang malinaw na katotohanan ay ang tinaguriang "pinakamabilis na tantos ng paglago sa Asia" ay nakamit lamang sa pamamagitan ng artipisyal at minsanang malakihang pagbuhos ng pondo ng gubyerno sa pampublikong konstruksyon na nagresulta sa 45.6% na paglago matapos ang ilang taon ng pagiging matumal. Pinalaki ang paggasta ng gubyerno bilang bahagi ng estratehiya sa eleksyon ng rehimeng Aquino at sa pakikipagsosyo sa pribadong konstruksyon na lumaki nang 30.7%. Ang sinasabing paglago sa unang kwarto ng 2013 ay ibayo pang pinalaki ng malawakang gastos sa eleksyon.

Sa paglalapat ng dogma na "pagpapaulit-ulit ng kasinungalingan hanggang tanggapin ng mamamayan na totoo ito," walang katapusang ipinangangalandakan ni Aquino na nabawasan na ang tantos ng kahirapan sa pamamagitan ng programa ng pamumudmod ng pera, habang ipinagwawalambahala naman ang mas malaking problema ng kawalang-lupa, mababang sahod, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kakulangan sa trabaho at iba pa. Pinagtatakpan ang tunay na lawak ng karalitaan sa pamamagitan ng walang katapusang pagpapalabas ng mga pahayag sa midya. Ang programang ito na pinopondohan ng World Bank at sinimulan sa ilalim ng rehimeng Arroyo ay malaganap na itinatambol bilang pinakasolusyon ni Aquino sa kahirapan. Ginagamit ang programa sa pamumudmod ng salapi bilang instrumento sa kontra-insurhensya dahil pinagbabawalan dito ang mga "benepisyaryo" na lumahok sa mga organisasyong nagsusulong ng mga progresibo at demokratikong mithiin. Pinupuno ng programa ang mga bulsa ng mga korap na upisyal ng gubyerno at militar. Nakatakdang mahinto ang programang nagkakahalaga ng P30-40 bilyon sa 2015 kasabay ng pagtatapos din ng pagpopondo rito ng World Bank.

Para pagdudahan ang lawak ng kawalang-hanapbuhay sa Pilipinas, ginaya ng mga tagapagsinungaling ni Aquino ang mga media manager ng gubyernong US sa pamamagitan ng pagtatambol ng tinaguriang "skills mismatch problem" (suliranin ng di pagtutugma ng kasanayan sa mga umiiral na trabaho). Ito ay baluktot na pagtatangkang isisi sa mga manggagawa ang malalang suliranin ng kawalang-hanapbuhay at pagtakpan ang katotohanang patuloy na nakasadsad at lumulubha ang ekonomya ng Pilipinas. Dagdag pa, nilalayon nitong bigyang-katwiran ang pagpapatupad ng programang K-12 na magtatransporma sa sistema sa edukasyon tungong malaking kampo ng pagsasanay upang iluwal ang mura at kiming pwersa sa paggawa na may mababang antas ng kasanayan na siyang kinakailangan ng mga dayuhang mamumuhunan.

Regular na tumutungo sa midya ang mga upisyal ni Aquino para ipahayag ang pagkakaroon ng ilampung libong "oportunidad sa trabaho" sa mga iniisponsor ng gubyernong mga "job fair" kahit wala namang kumpanyang nag-aalok ng trabaho. Sa kulang-kulang 9,000 tumungo sa "job fair" noong Hunyo 12 para maghanap ng trabaho, 500 lamang ang natanggap. Kung mayroon talagang malaking pangangailangan para sa mga manggagawa, mag-aagawan ang mga kumpanyang ito at mag-aalok ng mas malaking sweldo sa diumano'y maliit na bulto ng mga manggagawa. Taliwas dito, iba-ibang iskema sa pleksibleng paggawa ang ginagamit ng mga kumpanya para ibaba ang sahod habang sinasamantala nila ang patuloy na pag-iral ng lumalaking dagat ng mga manggagawang walang trabaho.

Humaling na humaling si Aquino sa paghahabol ng positibong grado sa pangungutang upang maipagmayabang ang Pilipinas bilang paraiso para sa mga dayuhang mamumuhunan. Bumaling pa nga ang rehimeng Aquino sa pagtitipid sa gastusin ng gubyerno mula 2010 hanggang maagang bahagi ng 2012 kapalit ng pagtamlay ng ekonomya para mapaliit ang pampublikong depisit at mailarawan ang bansa bilang kliyenteng karapat-dapat sa pautang. Noong 2011, humantong na ito sa pagsisinungaling na ang Pilipinas ay isa nang bansang nagpapautang matapos na malisyosong ilarawan ang $1 bilyon obligasyong kontribusyon nito sa IMF bilang pautang.

Ang totoo, sige ang pangungutang ng gubyernong Aquino. Nagbenta ito ng 10- at 25-taong bono ng gubyerno noong Setyembre 2010 ($1 bilyon), Enero 2011 ($1.25 bilyon) at Nobyembre 2012 ($500 milyon). Nakatakda pa itong mangutang ng kulang-kulang $1 bilyon ngayong taon para mabayaran ang mga dati na nitong utang. Tinatayang aabot na sa P5.78 trilyon ang kabuuang utang ng gubyerno ng Pilipinas sa pagtatapos ng 2013.

Nag-iingay ang mga teknokrata at pulitiko ng naghaharing uri hinggil sa pang-aakit ng direktang dayuhang pamumuhunan upang lutasin ang masidhing suliranin ng kawalang-hanapbuhay. Naghahabol pa sila ng mas matitinding patakaran sa liberalisasyon na ibayong magpapababa sa sahod ng mga manggagawa bilang insentibo sa mga dayuhang kapitalista. Ngayon pa lang ay isa na sa pinakamababa sa mundo ang pasahod sa mga manggagawang Pilipino, na mas mataas lamang sa Pakistan at Tajekistan. Walang puknat ang mga usap-usapan hinggil sa pag-amyenda ng konstitusyon ng 1987 upang tanggalin ang mga pagbabawal sa mga dayuhan na mag-ari ng lupain at ng mga lokal na empresa nang 100%.

Inilalarawang "lipas na" ang makabayang kahilingan para sa pambansang industriyalisasyon. Ang totoo, ang modelo ni Aquino ng ekonomyang nakaasa sa dayuhang pamumuhunan at nakasandig sa dayuhang pangungutang at eksport-import ang siyang lipas na at palso. Kapareho pa rin nito sa saligan ang balangkas sa ekonomya ng nakaraang sampung gubyerno mula pa noong dekada 1940 na bigong magbuo ng ekonomyang maunlad at nakatatayo-sa-sarili. Ang produksyong nakatuon sa eksport (semiconductor at mga pyesang elektroniko, wiring set, pag-asembol ng mga pyesa ng kotse) na tinaguriang direktang dayuhang pamumuhunan ay ganap na nakahiwalay sa iba pang bahagi ng ekonomya.

Ang malaking bahagi ng dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas ay nasa anyo pa rin ng "hot money" o "portfolio investments" na naghahabol ng mabilisang tubo. Mula nitong maagang bahagi ng taon, gumagawa na ng malaking istorya sina Aquino at kanyang mga espeyalista sa PR hinggil sa mataas na rekord ng kalakalan sa Philippine Stock Exchange. Noong Enero 2013 lamang, tumaas nang 120% ang mga bagong dayuhang portfolio investment. Gayunpaman, matapos abutin ng PSE ang bagong rurok na halos 7,400 puntos noong Mayo, pinagbabawi naman ng mga dayuhang nangapital ang kanilang puhunan at iniuwi ang kita. Hinatak naman nito pababa ang PSE nang halos 6,100 puntos noong kalagitnaan ng Hunyo na naging sanhi ng matarik na debalwasyon ng piso bunga ng paglaki ng demand ng hot money na iuuwi na at kailangang maipalit muli sa dolyar.

Tulad ng inaasahan, minaliit ng tagapagsalita ni Aquino ang malawakang pag-atras ng hot money ng mga dayuhan at nagpahayag na ito ay pansamantalang pag-atras lamang at "nananatiling matatag ang saligang ekonomya."

Ang mithiin ng bayan para sa makabayan at demokratikong ekonomya

Sa gitna ng malalang krisis sa ekonomya, dapat paalingawngawin ng sambayanang Pilipino ang kanilang paggigiit para sa makabayan at demokratikong mga patakarang pang-ekonomya. Dapat mariin nilang ilantad at kundenahin ang atrasado at kontra-kaunlarang dogma ng sinanay ng IMF na mga teknokrata ng naghaharing reaksyunaryong estado na nagsisilbing balangkas para sa anti-mamamayan, antinasyunal at anti-demokratikong mga patakaran sa ekonomya. Dapat silang maglunsad ng mga demokratikong pakikibakang masa at armadong paglaban sa kanayunan upang tutulan ang mga patakaran at hakbangin sa liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon ng rehimeng Aquino.

Ang sigaw para sa tunay na reporma sa lupa ang pangunahing demokratikong sosyo-ekonomikong kahilingan ng sambayanang Pilipino. Layon nitong kamtin ang panlipunang paglaya ng mayorya ng sambayanang Pilipino na binubuo ng mga magsasakang walang lupa at mga manggagawang bukid mula sa pinakamasasahol na anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala. Kinabibilangan ito pangunahin ng pagbuwag sa monopolyo sa lupa at ng demokratikong pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal. Nilalayon nitong pakawalan ang produktibidad sa kanayunan at sigla sa ekonomya sa pamamagitan ng pagbibigay sa bulto ng mga tagapaglikha sa agrikultura ng kontrol sa mga kasangkapan sa produksyon. Ang pagpapataas ng produktibidad ay ibayong makakamit sa pamamagitan ng kooperasyon sa trabaho, pagkakaroon ng irigasyon at iba pang imprastrukturang pamproduksyon at ng paglalapat ng mekanisasyon bilang panimulang hakbang sa sosyalistang transpormasyon ng agrikultura.

Sa ilalim ng isang tunay na demokratikong rehimen, makukumpleto sa saligan ang reporma sa lupa sa Pilipinas sa loob ng isa o dalawang taon. Sa ilalim ng estadong pinangingibabawan ng mga panginoong maylupa, ipinatupad ang iba't ibang programa ng huwad na reporma sa lupa sa Pilipinas mula pa noong dekada 1930 hanggang sa pinakahuling Comprehensive Agrarian Reform Program (1988) at sa ekstensyon nito mula noong 2009. Matapos ang mahigit kalahating siglo ng huwad na mga programa sa reporma sa lupa, nananatili pa ring dominante ang uring panginoong maylupa kasama ang malalaking burgesya kumprador at kanilang katuwang na mga dayuhang monopolyo kapitalista. Mula nang maupo sa poder noong 2010, hinadlangan na ng gubyerno ng panginoong maylupang si Benigno Aquino III ang pamamahagi ng 6,500-ektaryang Hacienda Luisita ng angkang Cojuangco-Aquino.

Taliwas sa iginigiit na reporma sa lupa, pinahintulutan ng rehimeng Aquino, maging ng lahat ng nakaraang mga rehimen ang malalaking panginoong maylupa, mga kumpanya sa real estate, mga dayuhang kumpanya sa pagmimina, plantasyon at malalaking korporasyong agribisnes at mga lokal na katuwang nila na dominahan at kontrolin ang malalaking tipak ng lupain. Ang mga magsasakang tinaguriang benepisyaryo ng repormang agraryo ay nawalan ng kontrol kalaunan sa kanilang lupa dahil hindi nila masustine ang pagbayad ng pabigat na amortisasyon o kaya'y bunga ng malawakang pagpapalit-gamit ng lupa para sa mga proyektong komersyal at pang-real estate. Napananatili o nakakamkam ng malalaking panginoong maylupa at mga may-ari ng plantasyon ang monopolyong kontrol sa malalaking tipak ng lupain sa pamamagitan ng pagtutulak sa mga magsasakang sumapi sa mga huwad na kooperatibang inorganisa ng gubyerno na ginagamit upang organisahin ang produksyon ng mga pananim na pang-eksport.

Iginigiit ng sambayanang Pilipino na wakasan ang mga di demokratikong hakbangin ng pagtitipid at pagbabawas ng gastusin na ipinatutupad ng rehimeng Aquino sang-ayon sa dikta ng IMF-WB. Iginigiit nila ang mas malaking subsidyo ng estado para sa pampublikong edukasyon hanggang sa antas ng kolehiyo. Iginigiit nila ang mas malaking pondo para sa kalusugang publiko at ang pagpapahinto sa patakaran ng komersyalisasyon at pribatisasyon ng pampublikong mga ospital at ng programang turismong medikal. Iginigiit nila ang pagwawakas sa demolisyon ng mga komunidad ng maralitang lunsod na naglalayong hawanin ang mamahaling lupain para sa kapakinabangan ng mga Ayala at iba pang malalaking kumpanya sa negosyo.

Ang paggigiit sa pambansang industriyalisasyon ang pangunahing makabayang kahilingan sa ekonomya ng sambayanang Pilipino. Iginigiit ng sambayanang Pilipino ang isang ekonomyang nakatatayo-sa-sarili na pangunahing nakatuon sa pagpapahusay ng materyal na kundisyon sa pamumuhay ng mamamayan. Dapat makapagbigay ang agrikultura at industriya sa sambayanang Pilipino ng murang pagkain, damit at iba pang batayang produktong pangkonsumo. Isinisigaw nila ang pagwawakas sa patakaran ng pagsunod sa kagustuhan ng mga dayuhang kumpanya para sa murang lakas-paggawa, hilaw na materyales at mala-manupaktura.

Ang sustenidong modernisasyon ng isang ekonomyang nakatatayo-sa-sarili ay makakamit sa pamamagitan ng paggamit sa agrikultura bilang pundasyon, sa mabibigat na industriya bilang namumunong salik at sa magagaang industriya bilang tagapag-ugnay ng dalawa. Ito ang susing prinsipyong itinakda sa sosyalistang konstruksyon ng China mula maagang bahagi ng dekada 1950 na nagresulta sa dalawang dekada ng mabilis at balansyadong paglago.

Iginigiit ng sambayanang Pilipino ang pagtatayo ng industriya ng bakal para sa produksyon ng saligang bakal at may halong bakal (basic steel and steel alloys.) Iginigiit nila ang pagtatayo ng industriya ng kemikal, petrolyo, gamot, enerhiya, telekomunikasyon at iba pang batayang industriya. Minimithi nila ang pagtatayo ng makapangyarihang ekonomyang may kakayahang gumawa ng makina, barko at iba pang mabibigat na industriya. Iginigiit ng sambayanang Pilipino ang pagsasabansa ng industriya ng langis na kinasasangkutan ng sentralisadong pagbili ng estado ng krudong langis, pagtatayo ng repineriya ng estado at mga pwesto para sa pagtitingi at ng kontrol ng gubyerno sa pagpepresyo.

Iginigiit nila ang pagkakaroon ng ganitong magagaang industriya para sa produksyon ng pagkain, tela at damit, mga produktong papel, sapatos at iba pang sapin sa paa, aplayans, mwebles, mga maliit na instrumento, makinaryang pang-agrikultura at iba pang produkto para sa indibidwal at produktibong konsumo. Iginigiit nila ang modernisasyon ng produksyong pang-agrikutura na kaakibat ng reporma sa lupa sa pamamagitan ng malawakang mekanisasyon.

Sa loob ng mahigit anim na dekada, tumanggi ang mga naghaharing reaksyunaryong uri na magpaunlad ng kahit mga saligang industriya. Hindi nakausad ang pagmamanupaktura sa Pilipinas lampas sa mga planta ng pag-aasembol na nakasandig sa imported na mga sangkap at ang produksyon ay nakatuon sa demand ng pamilihan sa eksport. Karamihan ng mga mala-manupaktura sa Pilipinas ay nakahiwalay sa kabuuang ekonomya. Katulad din ng produksyong agrikultural at pangingisda, kontrolado ito ng malalaking dayuhang agribisnes at nakatuon sa eksport. Walang pagpoproseso ng rekursong mineral lampas sa yugto ng ekstraksyon. Maliitan ang pagpoproseso ng pagkain at napakababa pa lamang ng antas.

Sa halip na tugunan ang daing ng mamamayan para sa makabayang mga patakaran sa ekonomya, pinaaalagwa ng rehimeng Aquino ang pagganyak ng mga dayuhang monopolyo kapitalista at mamumuhunan sa pamamagitan ng ibayong liberalisasyon ng mga patakaran sa pamumuhunan at kalakalan at pagbubukas ng mas maraming bahagi ng ekonomya sa dayuhang pagsasamantala. Nakatakdang lampasan ni Aquino ang lahat ng mga nakaraang rehimen sa pagpapababa ng sahod at sa ibayong pagliliberalisa sa kalakalan at pamumuhunan sa mga nananatili pang bahagi ng ekonomya. Sa loob ng mahigit tatlong dekada, niliberalisa ng magkakasunod na papet na rehimen ang halos lahat ng aspeto ng lokal na ekonomya, mula sa pagbabangko hanggang sa tubig at iba pang pampublikong yutilidad, pagmimina, pinansyal na merkado, transportasyon, maliitang pagtitingi, agrikultura at iba pa.

Ang maigting na mga patakaran sa liberalisasyon nitong nakaraang tatlong dekada ay nagresulta sa halos ganap na pagkawasak ng lokal na negosyo at dominasyon naman ng malalaking dayuhang kapital sa lahat ng aspeto ng ekonomya. Dagdag pa, pagkaraan ng mahigit dalawang dekada ng paglalansag sa pambansang sistema ng minimum na sahod,  pinakamalaki na ngayon ang pagkakaiba ng arawang sahod ng mga manggagawa at ng kinakailangan nilang gastusin para mabuhay sa araw-araw. Halos wala nang iniunlad ang produksyong agrikultural mula nang mawalan ng signipikanteng mekanisasyon mula noong dekada 1970.

Iginigiit ng sambayanang Pilipino na wakasan ang dayuhang dominasyon sa ekonomya na siyang dahilan kung bakit ang lokal na ekonomya ay hanggang sa antas na lamang ng malamanupaktura at ekstraksyon ng hilaw na materyales. Iginigiit nilang suportahan ang pagpapaunlad ng lokal na kapital at wakasan ang ganap na pagsandig sa dayuhang pautang at dayuhang pamumuhunan. Iginigiit nila ang pantay na katayuan sa mga katuwang sa kalakalan.

Tagumpay ng digmang bayan bilang kundisyon sa reporma sa ekonomya

Ibayo pang kumikiling si Aquino sa kanyang mga imperyalistang amo para sa suportang pinansyal at militar bunsod ng malalang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema. Winakasan na ni Aquino ang usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines na dapat sana ay patungo na sa yugto na pagtalakay sa mga krusyal na usapin ng mga repormang sosyo-ekonomiko. Sa pamamagitan nito ay naiiwasan niya ang mga pampublikong debate at talakayan hinggil sa mga patakarang dinisenyo ng IMF na ipinatutupad ng kanyang rehimen.

Humantong na si Aquino sa malupit na kampanyang panunupil na tiyak na magiging mas brutal sa gitna ng papalalang kahirapan, desperasyon sa ekonomya at lumalakas na paglaban. Dumarami ang mga pang-aatake at mga paglabag sa karapatang-tao ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang sektor na naggigiit ng kanilang makabayan at demokratikong mga kahilingan.

Ang malinaw, hindi makakamit ang kahilingan ng sambayanang Pilipino para sa makabayan at demokratikong patakaran sa ekonomya sa ilalim ng reaksyunaryong papet na estado ng malalaking panginoong maylupa at malalaking burgesya kumprador. Habang lumalala ang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema, lalo itong ipinagtatanggol ng mga reaksyunaryo.

Sa ganap na pagtatagumpay lamang ng demokratikong rebolusyong bayan iiral ang mga kundisyon para maisagawa ang makabayan at demokratikong reporma sa ekonomya ng Pilipinas. Ang gayong mga malawakang saligang sosyo-ekonomikong reporma ay maipatutupad lamang sa pamamagitan ng demokratikong gubyernong bayan. Sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP,) may mga pag-igpaw na ang digmang bayan nitong nakaraang mga taon at tinatanaw na ang ganap na tagumpay sa malapit na hinaharap.

Sa proseso ng paglulunsad ng digmang bayan, patuloy na susulong ang rebolusyonaryong kilusan sa reporma sa lupa sa buong bansa. Nakinabang na rito ang daanlibong mga magsasaka. Bago makamit ang tagumpay sa buong bansa, ipatutupad ng mga rebolusyonaryong pwersa ang minimum na programa sa reporma sa lupa na kinatatampukan pangunahin ng pagpapababa ng upa sa lupa sa pamamagitan ng kolektibong pagkumpronta sa kapangyarihan ng mga panginoong maylupa. Sa ilalim ng minimum na programa sa reporma sa lupa, sinisikap na itaas ang sahod ng mga manggagawang bukid, nagtatayo ng kolektiba sa paggawa at iba pang uri ng kooperasyon at pinatataas ang kita sa pamamagitan ng dagdag pang hanapbuhay.

Sa pamamagitan ng pag-oorganisa sa rebolusyonaryong Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM) at iba pang organisasyong masa ng mga kabataan, kababaihan, mga bata, mga manggagawang pangkultura at mga rebolusyonaryong komite sa reporma sa lupa, seguridad at pagtatanggol-sa-sarili, arbitrasyon at iba pa, nagagawa ng mamamayan na pairalin ang kanilang kapangyarihang pampulitika sa kanilang mga baryo at munisipalidad. Ipinatutupad na ang ilang sangkap ng maksimum na programa ng pamamahagi ng lupa sa mga lugar na abante ang rebolusyonaryong kalagayan.

Sa kalunsuran at mga sentrong bayan, nag-aalsa ang mga manggagawa sa kabila ng todo-todong panunupil sa kanilang karapatan sa pag-oorganisa. Nitong nakaraang dalawang taon, nakapagkamit ng paparaming tagumpay ang mga manggagawa sa pagtatayo ng mga unyon at iba pang tipo ng mga samahan at nakapaglunsad ng mga welga at iba pang uri ng kolektibong pagkilos. Iginigiit nila ang pagtataas ng sahod at nilalabanan ang kontraktwalisasyon at iba pang di makatarungang praktika sa paggawa. Mariing nilalaban ng mga maralitang komunidad sa kalunsuran ang pagdemolis ng gubyerno sa kanilang mga tirahan. Inilulunsad ang mga pakikibakang masa laban sa pagtaas ng gastos sa edukasyon, presyo ng langis, mga bayarin sa kuryente at tubig. Sa lahat ng ito, lumalakas ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pamamagitan ng paglulunsad ng propaganda at edukasyon, pagrerekrut ng mga sulong na aktibista at  pagbubuo at pagpapalawak ng PKP.

Patuloy na namumulat ang masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka at ang panggitnang uri na ibayo silang malulubog sa krisis sa nalalabing tatlong taon ng papet na rehimeng Aquino. Dahil sa mga patakaran ng rehimeng Aquino na nagsisilbi sa interes ng dayuhan at lokal na malalaking negosyo at malalaking panginoong maylupa, nagiging mas malinaw na walang ibang masusulingan ang sambayanang Pilipino kundi ang maglunsad ng mga demokratikong pakikibakang masa at armadong paglaban upang igiit ang kanilang makabayan at demokratikong mga kahilingan.

Ang mithiing kamtin ang pambansa at demokratikong mga reporma sa ekonomya na magwawakas sa matagalang krisis sa ekonomya at kawalan ng katarungang panlipunan ay kabilang sa pinakamabibigat na dahilan para puspusang isulong ng sambayanang Pilipino ang digmang bayan.