Parangalan ang ating mga martir! Pamarisan ang kanilang pagtahak sa landas ng pagrerebolusyon!


NDFP Bicol Chapter
July 07, 2013

Pinakamataas na pagpupugay ang iniaalay ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front sa rehiyong Bikol sa walong kasama na nagbuwis ng kanilang buhay sa isang depensibang labanan kontra sa 31st Infantry Battalion nitong Hulyo 4, 2013 sa Brgy. Calomayon, Juban, Sorsogon.

Labis na ipinagdadalamhati ng mamamayan ang pagkakamartir nina Ka Greg Bañares (Frankie Joe Soriano), Ka Miloy (Pehing Hipa), Ka Nel (Christine Puche), Ka Gary (Ted Palacio), Ka Rey (David Llunar), Ka Nene (Romero Añonuevo), Ka Jay (William Villanueva, Jr.), at Ka Kevin (Ailyn Calma). Inialay ng mga kasamang namartir ang kanilang husay at talino para makipagkaisa sa rebolusyonaryong adhikain ng mamamayan na makamit ang isang lipunang tunay na malaya, makatarungan, at maunlad.


Si Frankie Joe Soriano, kilala ng masa at mga kasama bilang Ka Ems, at Ka Greg Bañares naman sa mga kaibigan sa media, ay panganay na anak ng mga guro sa pampublikong elementarya sa Libmanan, Camarines Sur.

Maagang naulila sa ama si Ka Greg, kaya’t naging mahirap para sa isang karaniwang guro ang magpaaral sa tatlong anak. Sa gayon, mula sa pag-aaral ng highschool sa Colegio de Santissimo Rosario sa Libmanan ay pinag-aral si Ka Greg ng tiyahin sa La Consolacion College sa Iriga City. Doon na rin niya ipinagpatuloy ang pagiging aktibong sakristan sa simbahan.

Nag-aral siya ng AB Philosophy sa Ateneo de Naga University, at ginamit ang kaalamang ito upang higit pang mapalalim ang pag-unawa sa mga prinsipyong gumagabay sa pagrerebolusyon ng mamamayan. Mula nang maging kasapi ng Kapatirang Plebeians at paglao’y ng League of Filipino Students sa Ateneo noong 1989, naging aktibo siya sa pagtataguyod sa kapakanan ng mga kabataan at estudyante, at tuluy-tuloy niyang hinubog ang sarili bilang tagapaglingkod ng mamamayan. Naging organisador siya ng mga magsasaka noong 1992, nagsulong ng rebolusyonaryong gawain sa mga sentrong bayan ng Camarines Norte noong 1995, at gayundin ng mga Bikolano sa Kamaynilaan noong ikalawang hati ng taon ding iyon.

Itinalaga siyang kumilos sa sonang gerilya bilang kagawad ng Panrehiyong Kawanihan sa Instruksyon noong 1998, at simula noong 2003, nagsilbi siyang boses ng mga inaapi at mahihirap na mamamayang Bikolano bilang si Ka Greg Bañares. Kagawad siya ng Panrehiyong Komite ng Partido sa Bikol.

Saan man mapunta, laman sa tuwina ng damdamin at pagkilos ni Ka Ems ang pagpapataas ng diwang rebolusyonaryo ng masa at mga kasama nang sa gayon ay maarmasan sila ng wastong pananaw, paninindigan, at pamamaraan upang isulong ang kanilang mga demokratikong karapatan at mithiin. Sa mahigpit na pagdadala at pagpapalaganap ni Ka Ems ng rebolusyonaryong pananaw at paninindigan, buo ang tiwala ng mga kasama at mamamayan na magtatagumpay ang rebolusyon.

Si Ka Miloy (Pehing Hipa) ay taga barangay Butag, Bulan. Ilang panahon lang matapos maging kasapi ng organisasyon ng kabataan sa kanilang baryo, nagdesisyon siya na sumapi na sa New People’s Army dahil batid niyang ang hukbong bayan ang armas ng katulad niyang naghihirap na mamamayan laban sa mapang-aping estado ng mga malalaking haciendero at burgesya kumprador.

Sa mahigit labinlimang taong paglilingkod ni Ka miloy sa mamamayan, lubos niyang napahigpit ang pakikiisa sa masa at mga mandirigma ng hukbong bayan. Naging mahalagang salik ito upang siya’y umunlad bilang isa sa mahuhusay na pulang kumander ng Celso Minguez Command at maging kagawad ng Pamprubinsyang Komite ng Partido sa Sorsogon.

Bukambibig ng mga pulang mandirigma ang pagiging mahusay na kumander ni Ka Miloy. Tiwala ang mga kasama sa kanyang pamumuno dahil hindi siya nagigitla ng mga biglaang balita ng operasyon ng kaaway. Matalas niyang nasusuri ang sitwasyong militar sa prubinsya na nagdulot ng mahuhusay na pagharap sa kaaway.

Naging magaan ang loob ng mga kasama kay Ka Miloy dahil sapol niya ang sentimiyento ng mga mandirigmang kapwa niya magsasaka. Sa gayon ay sa wastong pamamaraan niya naipapaabot ang mga puna. Mahusay sa pakikitungo sa masa, malumanay sa pagkukuwento, ganito ang mga alaala kay Ka Miloy. Wala din siyang pinipili na kasamang pakikitunguhan. Lagi siyang may panahon sa pakikipag-sayahan sa mga kasama, ngunit pagdating sa usaping militar, mulat niyang pinanghahawakan ang mahigpit na disiplina.

Minsan nang nadakip nang kaaway si Ka Miloy, pero dahil batid niya ang kawastuhan ng pagrerebolusyon, nagpatuloy siya sa pagkilos matapos lumaya.

Bilang bahagi ng kanyang tungkulin bilang kagawad ng komiteng prubinsya, ay nagsilbi rin si Ka Miloy bilang pangalawang kalihim ng komite ng isang larangang gerilya sa Sorsogon. Siya rin ang tumatayong kumander ng yunit gerilya ng nasabing larangan hanggang sa kanyang pagkamartir. Namatay si Ka Miloy na mahigpit ang paghawak sa kanyang baril, patunay ng pagkapit niya sa armadong pakikibaka.

Larawan ng isang tunay na komunista si Christine “Ka Nel” Puche. Sa kabila ng malalaking kahirapan sa pagrerebolusyon ay hindi siya kinakitaan ni minsan ng pag-aatubili. Hindi hadlang ang kanyang malabong paningin upang suungin ang mga bundok ng kanayunan. Bagamat kagagaling pa lang sa isang mayor na operasyong medikal at pinayuhang ipahinga ang kanyang sugat, pinili niyang ipagpatuloy ang paggampanan sa mahahalagang gawain sa hanay ng mga magsasaka sa kanayunan.

Mula nang maorganisa noong 1993 bilang estudyante ng Journalism sa UP College of Mass Communications, buong panahon ni Ka Nel ay iniukol na niya sa pagrerebolusyon. Walang kapaguran si Ka Nel sa paggampan sa anumang gawain. Maaalala siya bilang kasama na laging mayroong pinagkakaabalahang gawain. Kahit nang mag-aaral pa lamang sa Bicol University-College of Education Laboratory High School, taglay na ni Ka Nel ang wastong aktitud sa pagharap sa mga gawain. Napaunlad niya pa ang gayong katangian sa pamumuno sa kolektibong kanyang kinapalooban sa Partido.

Matalas, matalino, at laging inuuna ang kapakanan ng mahihirap at inaapi. Hinahangaan si Ka Nel sa mahusay niyang pagbalanse sa mga hamon ng pagiging rebolusyonaryong ina, pagiging asawa, at higit sa lahat, bilang tagapaglingkod ng mamamayan.

Itinalaga si Ka Nel noong 1998 bilang kagawad ng Istap sa Instruksyon sa Albay. Inilipat siya sa Panrehiyong Istap sa Propaganda noong 2001 kung saan pinamunuan niya ang higit pang pagpapalapit ng rebolusyonaryong linya sa masa at maging sa mga panggitnang pwersa. Taong 2006, nadestino siya sa Sorsogon upang doon ipagpatuloy ang gawain sa hanay ng masa. Tubong Legazpi City si Ka Nel.

Propesor ng Computer Science sa Ateneo de Naga University noong 1995 si Ted Palacio, Ka Gary para sa mga kasama. Sa Ateneo din siya nagtapos ng BS Computer Science. Sa kabila ng mga paanyaya ng malalaking opisinang tiyak na magbibigay sa kaniya ng maalwang buhay, pinangibabaw ni Ka Gary ang mas matimbang na pangangailangang imulat ang malawak na mamamayan upang alpasan ang matinding kahirapan at pang-aapi sa pamamagitan ng armadong rebolusyon. Isinakripisyo niya ang mataas na suweldo bilang propesor at nagsimulang kumilos bilang organisador ng mga kapwa guro at mga estudyante. Naging aktibo siya mula noong 1996 sa paglaban sa iba’t ibang isyung nagpapahirap sa mamamayan, mula sa pagtaas ng matrikula, hanggang sa pagtaas ng presyo ng langis. Hindi naglaon, noong 1998, itinalaga siya ng Partido bilang organisador ng mga manggagawa. Nang sumunod na taon, nagpasya si Ka Gary na lubusin ang kaniyang paglilingkod sa paglahok sa armadong rebolusyon sa kanayunan.

Makabuluhan ang naiambag ni Ka Gary sa pag-agapay sa mga kasamang nagsisimula pa lamang magkabisa ng kompyuter. Napakalaking pakinabang din para sa rebolusyonaryong kilusan ang ibinahagi ni Ka Gary na kahusayan niya sa computer programming. Gayundin, simple ngunit matalas niyang inilalahad sa mga kasama at masa ang rebolusyonaryong linya ng Partido sa kanyang pagbibigay ng edukasyon. Tapat sa kanyang sinumpaang tungkulin sa Partido Komunista na paglingkuran ang uring pinagsasamantalahan at inaapi, nagpatuloy at nanatili siya sa rebolusyonaryong pagkilos kaagad matapos lumaya mula sa pagkakabihag ng kaaway.

Ang tahimik na si Ka Gary, na henyo kung ituring ng mga kasama, ay isa ring makata. Ipinagmamalaki rin siya ng mga kasama bilang isa sa pinakamahusay na manlalaro ng chess sa buong rehiyon.

Sina Ka Rey (David Llunar), Ka Nene (Romero Añonuevo), at Ka Jay (William Villanueva Jr.) ay pawang mahuhusay na pulang kumander ng Celso Minguez Command na nagmula sa hanay ng uring magsasaka. Natatanging kakanyahan nila ang pagiging mapagkumbaba at malumanay ngunit matapang sa harap ng labanan. Di iilang pagkakataon nang mahusay na napamunuan nina Ka Rey at Ka Nene ang kani-kanilang mga iskwad sa mga inilunsad na taktikal na opensiba ng CMC, gayundin sa mga depensibang labanan. Si Ka Jay naman ay kilala ng mga kasama sa Camarines Sur bilang kumander na laging nangunguna sa mga operasyong isnayp at haras laban sa mga pwersa ng kaaway sa Rinconada. Ilang operasyong isparo din ang kanyang matagumpay na naisakatuparan.

Iniluwal si Ka Rey ng organisasyon ng mga magsasaka sa Gabao, Irosin, hanggang sa maging kasapi siya ng Sangay ng Partido sa kanilang baryo. Sina Ka Nene at Ka Jay naman ay masisigasig na mga kasapi ng organisasyon ng kabataan sa kani-kanilang mga baryo. Taga-Gumapia, Irosin si Ka Nene, at tubong Macad, Pasacao, Camarines Sur naman si Ka Jay. Katulad ng marami pang kabataang magsasaka na nakagisnan na ang kahirapan, nagpasya silang sumapi sa New People’s Army upang dito epektibong mapakilos ang mga kapwa magsasaka sa paglutas sa ugat ng kahirapan.

Si Ailyn Calma (Ka Kevin), tubong Padre Diaz, Bulan, Sorsogon, ay sumapi sa hukbong bayan noong 2009. Taon iyon ng tuwirang panghihimasok ng mga sundalong Amerikano sa Bikol, partikular sa Sorsogon. Sa ganitong kalagayan namulat si Ka Kevin sa karahasan at panlilinlang na dulot ng Imperyalismong US, kaya’t naging mas malalim ang pagsapol niya sa kawastuhan ng paglaban sa pandarambong ng mga dayuhan at ng kanilang mga lokal na tagapagtaguyod. Mula nang mag-fulltime sa hukbo, napaunlad ni Ka Kevin ang sarili bilang organisador ng mga kabataan at mga grupong pangkultura, bilang tagapagbigay ng edukasyon sa hanay ng mga maralitang magsasaka, at bilang masinop na supply officer ng hukbong bayan.

Sina Ka Kevin at Ka Jay ay mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo. Ngunit ang kanilang paniniwala ay hindi naging hadlang upang lumahok sa armadong pakikibaka. Bagkus, nilubos nila ang pagiging mabubuting anak ng bayan upang isabuhay ang tunay na paglilingkod sa mamamayan.

Makabuluhang papel ang ginampanan ni Ka Kevin nitong huling mga taon sa higit pang pagpapatatag ng organisadong lakas ng mga magsasaka sa kanayunan. Tuluy-tuloy na iniambag ni Ka Kevin ang lahat ng kanyang kakayahan sa magkakasunod na pagbubuo ng mga Ganap na Samahang Masa ng mga magsasaka, kababaihan, at kabataan sa mga baryong kanyang kinilusan. Hindi malilimot ng mga taumbaryo ang kasamang nagtipon sa kanila upang organisahin ang mga sarili, armasan ng mga rebolusyonaryong pag-aaral, at buuin ang kanilang sariling lakas sa pag-aabante ng interes ng kanilang uri.

Muling pinararangalan ng rebolusyonaryong kilusan at ng mamamayan ang walong martir ng rebolusyon. Nilubos nila ang kanilang panahon upang magpaunlad ng kakayahan ng masa at mga kasama. Sa kani-kanilang partikular na mga gawain bilang mga komunista, pinangunahan nila ang mga rebolusyonaryong pwersa upang hakbang-hakbang na ikonsolida ang hanay ng api at pinagsasamantalahan, mag-armas ng prinsipyo at baril, at unti-unting pahinain ang bulok na sistemang labis na nagpapahirap sa mamamayan. Sa gayon ay naipundar ng ating mga martir, sa bawat pakikipag-ugnayan nila sa mamamayan at mga kasama, ang mga binhi na magtitiyak ng pagpapatuloy at pagpapaigting ng pagrerebolusyon.

Ang sumusulong na paghihimagsik ng mamamayan ang siyang tinatangkang lutasin ng AFP sa pamamagitan ng tuwirang pasismo. Para sa mga armadong pwersa ng estado, walang puwang ang makatarungang pagtuligsa at paglaban, kung kaya’t hindi rin pinag-iba ng sumalakay na 31st IB ang mga armado sa di-armadong mga kasama. Walang pagkilala sa mga batas ng digma ang 31st IB nang pagbabarilin nila ang walang kakayahang manlaban na sina Ka Greg, Ka Nel, at Ka Gary. Gayundin, bawat nalugmok na kasama ay binaril pa sa ulo ng mga pasista.

Ang ating mga dakilang martir ng rebolusyon ay pamamarisan ng laksang mga magsasaka, propesyunal, kabataan, at kababaihan upang pagsilbihing inspirasyon ang husay at talinong inialay nila, gayundin ang kanilang tapang at katatagan sa harap ng bangis ng kaaway, upang iabante ang digmang bayan hanggang makamit ang tagumpay ng sambayanan.

National Democratic Front-Bicol