Sumasalamin sa malaganap na pagtatakwil sa SONA ni Aquino ang pagkahiwalay ng rehimen sa mamamayan

Communist Party of the Philippines
July 28, 2013


Translation: Broad repudiation of Aquino's SONA reflects regime isolation from people
Noong nakaraang linggo, ang _state of the nation address_ (ulat ng kalagayan ng bansa) ni Aquino na ipinahayag noong Hulyo 22 ay itinakwil ng malawak na seksyon ng sambayanang Pilipino. Sinasalamin nito ang patuloy na pagkahiwalay ng rehimeng Aquino na sa loob ng tatlong taon ay naghahari sa batayan ng armadong lakas, pananakot at panunupil na tinatabingan ng mga kasinungalingan, pambabaluktot sa midya at mga gimik sa publiko. Gaya ng dati, minamanipula at binabaluktot ni Aquino ang opinyong publiko, inililihim ang papalalang kalagayan ng mamamayan, itinatago ang kabulukan ng kanyang "matuwid" na rehimen at binibigyang-matwid ang pangangayupapa ng kanyang rehimen sa malalaking dayuhang kapitalista at malalaking lokal na negosyante.



Ang pinakamatatalas na pagpuna at pagbasura sa talumpati ni Aquino ay nagmula sa hanay ng masang anakpawis na mga magsasaka, manggagawa, maralitang lunsod, migranteng manggagawa at mga pamilya nila, mga drayber ng dyip, mga estudyante at iba pang sektor. Hinahamon maging ng simbahan at iba pang organisasyon ng mga panggitnang pwersa ang ipinamamarali ni Aquino na pagbabago at pag-unlad. Sinasalubong ng malawakang panunuya ang sinasabi ni Aquino na "matuwid na daan" at "mabuting pamamahala."

Lubusang binabatikos ang talumpati ni Aquino dahil sa hindi pagharap sa mga maiinit na usaping kinakaharap sa araw-araw ng masang anakpawis. Sa halos dalawang oras na talumpati, wala ni isang salitang binitiwan si Aquino hinggil sa matarik na pag-imbulog ng presyo ng krudo at iba pang produktong petrolyo na mula pa noong Mayo ay nagtutulak sa mamamayan na igiit ang pagbasura sa batas sa deregulasyon ng langis at ng pagwawakas ng pangingibabaw ng mga dayuhang monopolyong kumpanya sa lokal na industriya ng langis.

Pupspusan din siyang binabatikos sa hindi pagharap sa kahilingan ng mga manggagawang Pilipino para sa isang substansyal na pagtaas sa minimum na arawang sahod, maging ng pagwawakas sa pananaig ng kontraktwalisasyon at ibang pleksibleng pakana sa paggawa na lalong nagpapalala sa pang-aapi at pagsasamantala sa mga manggagawa.

Lubusang ipinagwalang-bahala ni Aquino ang lumalalang suliranin ng kawalang-hanapbuhay, isang bagay na hindi maitanggi kahit ng mga estadistika ng gubyerno. Kuntento na siya sa pagyayabang hinggil sa tinaguriang mataas na tantos ng pagkatanggap sa trabaho ng ilang daang estudyanteng nagtapos sa teknikal na paaralan ng gubyerno (ang totoo'y marami sa kanila ay nagtatrabaho sa ilalim ng mga mapang-aping sistema tulad ng "on-the-job" na mga treyni na ilang buwang nagtatrabaho nang walang kasiguruhan kung matatanggap sa trabaho).

Iginigiit ni Aquino na kailangan lamang ng mga estudyante at manggagawa na sumailalim sa teknikal na pagsasanay para makasiguro sa trabaho habang ipinupurisge ng kanyang gubyerno ang mga patakaran ng anti-industriyalisasyon. Ipinaghahambog niya ang "mga oportunidad sa trabaho" na sa totoo'y wala namang malawakang kampanyang pang-empleyo ang lokal na kumpanya.

Binabatikos si Aquino sa pagsisinungaling sa progreso ng distribusyon ng lupain ng Hacienda Luisita ng mga Cojuangco-Aquino. Ibinabasura ng mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita ang ipinamamarali ni Aquino na ang distribusyon ng lupain ng Luisita ay nakatakdang makumpleto sa Setyembre. Tinutukoy nila kung paano ginagamit ng rehimeng Aquino ang burukrasya sa pagpapakana ng iba't ibang iskema para hatiin ang mga manggagawang bukid, isailalim sila sa mapang-aping planong amortisasyon at pwersahin silang sundin ang iskema ng pagtatanim na ipinapataw ng mga Cojuangco-Aquino. Isang malaking buktot na panloloko sa mga magsasaka at manggagawang bukid ang distribusyon ng lupa ni Aquino sa Luisita.

Sinalubong ng malawakang panunuya ang paghahambog ng tagumpay sa "matuwid na daan". Ipinagmamalaki ni Aquino ang hungkag na kampanyang anti-korapsyon sa bantog sa katiwaliang departamento sa obras publikas na diumano'y nakapagtipid para sa gubyerno ng bilyun-bilyong piso. Ang totoo, wala ni isang burukrata sa departamento ng obras publikas ang nakasuhan at napanagot sa malawakang korapsyon. Patuloy silang nakikinabang mula sa mga dati nang tiwaling gawain gaya ng "reblocking" o paghuhukay at pagpapaaspaltong muli ng mga maaayos pang kalsada upang bigyang katwiran ang paglalaan ng pondo.

Ang pampublikong pamimintas ni Aquino sa mga panggitnang burukrata na sinasabi niyang mga tiwali o walang kakayanan ay sinalubong ng malawakang pang-uuyam. Nagiging malinaw na sa pagpuna sa publiko sa mga upisyal ng Bureau of Customs, nais lamang sa kanila ni Aquino na magsumite ng kanilang pagbibitiw upang malaya siyang makapamili kung sino ang pananatilihin at sisibakin, ng walang benepisyo ng tamang proseso at walang sinumang pananagutin sa mga krimen nila. Sa huli, nais lamang ni Aquino na sibakin ang mga susing upisyal ng adwana na tauhan ng kanyang mga karibal, at gayo'y tiyakin ang lubos na kontrol sa kawanihan ng adwana sa pamamagitan ng pagtatanggal ng mga upisyal na hindi kabilang sa kanyang pangkating "matuwid".

Tumatampok ang panunuya ng mamamayan hinggil sa "matuwid na daan" at "mabuting pamamahala" ni Aquino habang lalong lumilinaw sa kanila na nagsisilbi lamang ang gayong propaganda para tabingan ang sariling katiwalian ng pangkating Aquino. Pinalitan lamang ni Aquino ang luma ng mga bago, sa modang "weather-weather lang" na pulitikang reaksyunaryo sa Pilipinas.

Hindi maitatago ng walang katapusang pagtatabil ng "matuwid na daan" ni Aquino ang katotohanan na patuloy na tumataas ang mga kaso ng ismagling. Ipinakikita ng mga datos na ang ismagling sa ilalim ng rehimeng Aquino ay lumala nang halos tatlong ulit mula nang maupo ito sa poder tatlong taon na ang nakaraan. Ang ismagling ng bigas, sa partikular, ay patuloy na lumalala. Ipinaghahambog ni Aquino ang pagliit ng importasyon ng bigas mula noong 2010. Gayunpaman, patuloy na tumataas ang ismagling ng bigas, na siyang pumupuno sa pangangailangan habang nananatiling nakasadsad ang lokal na produksyon ng bigas.

Lubos na nagmamatigas si Aquino sa paggigiit ng tahasang mga hakbanging kontra-mamamayan tulad ng pagtutulak ng pagtaas ng pasahe sa tren (na binigyang-matwid sa pamamagitan ng kasinungalingang ang aktwal na gastos sa pasahe ay P60 at sinusubsidyuhan ng gubyerno ang P45 kada pasahero, pero ang totoo, kulang lamang sa P10 ang aktwal na pasahe para sa buong byahe) at ng pagtaas na hinuhulugang bayarin ng mga meymbro ng SSS (kahit wala pa ni isa ang pinanagot sa mga anomalya sa nakaraan na sangkot ang paggamit sa pondo ng SSS sa mga kaduda-dudang gastos at pribadong pamumuhunan).

Ang negatibong reaksyon ng publiko sa talumpati ni Aquino ay kinontra ng Yellow Army ng mga ispeyalista sa publisidad at _media managers_ ni Aquino. Sa nakaraang ilang araw, naglabas sila ng mga dinuktor na resulta ng sarbey na nagsasabing ibayo pang tumataas ang grado ng pag-apruba kay Aquino, kahit pa taliwas ito sa sarbey din nilang nagsasabing grinaduhan ng "pasang awa" ang paggampan ni Aquino. Lubos na pinaghihirapan ng Yellow media na likhain ang imposibleng senaryo ng habampanahong popular na presidente sa gitna ng isang malalang krisis sa ekonomya, malawakang armadong panunupil at ng papataas na mga kaso ng paglabag sa mga karapatang-tao.

Ang talumpati ni Aquino ay isang oda sa neoliberalismo. Isa itong imbing pagtatangkang bigyang-matwid ang pagpapanatili ng mga patakarang dikta ng mga imperyalista na naglulugmok sa sambayanang Pilipino sa malalang pagdarahop at pagdurusa. Hindi lamang bigo ang talumpati ni Aquino na ilarawan ang tunay na kalagayan ng sambayanang Pilipino, isa itong panlalansi upang itago ang pagkabulok ng kanyang rehimen at panguyapitin ang mamamayan sa hungkag na pag-asa ng pagbabago. Kaakibat ng pagwawasiwas ng batuta ng kanyang mga armadong pulis laban sa mga duguang nagpoprotesta, tinangkang lunurin ni Aquino ang hinaing ng mamamayan sa mga walang-saysay na pananalita.

Dapat magkaisa ang sambayanang Pilipino upang ibayong ilantad ang anti-mamamayan, anti-demokratiko at papet na rehimeng Aquino. Dapat nilang hubaran ang "matuwid na daan" ni Aquino bilang mga inimbentong propaganda upang itago ang katiwalian ng pangkating Aquino-Cojuangco. Dapat nilang ilantad ang nagpapatuloy na suliranin ng kawalang-lupa na naglulubog sa nakakaraming magsasaka sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala. Dapat nilang ilantad ang mga patakarang neoliberal na nagsisilbi sa malalaking dayuhan at lokal na kapitalistang interes at sanhi ng malawakang pagdurusa ng sambayanang Pilipino.

Ibinabadya ng talumpati ni Aquino ang mas matitindi pang paghihirap sa sambayanang Pilipino sa nalalabing tatlong taon ng kanyang rehimen. Bilang resulta ng matibay na pagtanggi ni Aquino na tugunin ang pambansa at demokratikong hiling ng sambayanang Pilipino, nanganganib na lalong lumala ang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema. Iigting pa ang krisis ng naghaharing sistemang pampulitika at hahamunin ang pampulitikang kapangyarihan ni Aquino. Tiyak na iuudyok ng malalang krisis ang mas malalaking demokratikong pakikibang masa kaalinsabay ng ibayong pag-igting ng armadong paglaban ng mamamayan sa susunod na tatlong taon.