Batikusin ang ala-Imeldang P250 milyong proyekto ng pagpapaganda ni Aquino

Kawanihan sa Impormasyon
Partido Komunista ng Pilipinas
Agosto 05, 2013

Translation: Denounce Aquino’s Imeldific P250 million beautification—CPP

Nanawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa sambayanang Pilipino na "batikusin ang ala-Imeldang proyektong pagpapaganda na nagkakahalaga ng P250 milyon na ipatutupad ng rehimeng Aquino bilang paghahanda sa pulong ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) sa 2015."

"Muling pinatunayan ni Aquino na katulad niya si Imelda matapos maglaan ng malaking halaga ng salapi para pagandahin ang Maynila at maging 'kaaya-aya' ito sa mga turista at bisita. Ito ay kabila ng kalagayang milyun-milyong mamamayan ang nabubuhay sa hindi makataong kundisyon sa mga kolonya ng maralitang lunsod sa Maynila, sa mga wawa at baybayin ng Manila Bay, sa ilalim ng mga tulay, sa mga pampublikong palengke, mga parke at iba pa."

Tinukoy ng PKP ang pagtatayo ng puting de-yerong pader sa kahabaan ng Airport Road sa Pasay na itinayo ng rehimeng Aquino halos isang taon na ang nakaraan sa desperadong pagtatangka na itago ang mga taong nabubuhay sa abang kalagayan sa ilalim ng tulay at sa tabing ilog mula sa tanaw ng mga dayuhang negosyanteng dumalo sa isang kumperensya sa Maynila.

"Habang nilulustay ni Aquino ang P250 milyon para sa tinatayang 700 bibisitang dayuhan, wala naman siyang inilaang pondo upang mapabuti ang kalagayan sa pamumuhay ng milyun-milyong maralitang lunsod na naninirahan sa Metro Manila. Mas ninais niyang itrato silang mga basura sa pamamagitan ng pagdemolis sa kanilang mga komunidad at sa pagpapatapon sa kanila sa mga pook ng relokasyon na malayo sa kanilang trabaho at pinagkakakitaan," dagdag ng PKP.