Pulis na dealer ng shabu, pinarusahan ng kamatayan

Ka Samuel Guerrero
Celso Minguez Command, NPA-Sorsogon

Setyembre 4, 2013

IPINATAW ng Celso Minguez Command ng Bagong Hukbong Bayan kay PO3 Jun Gil “Bong” Escalante ngayong Setyembre 4 ang malaon nang hatol na kamatayan ng hukumang bayan sa kasong pagbebenta ng bawal na gamot. Ang pagpaparusa ay isinagawa bandang 10:00 ng umaga sa tirahan ng kalaguyo ni Escalante sa Barangay Sampaloc, Sorsogon City.

Ang kaso laban kay Escalante ay isinampa sa rebolusyonaryong hukuman ng mga residenteng nasusuklam sa kaniyang pagbebenta ng shabu sa iba’t ibang barangay sa syudad. Napatunayan ang kaniyang pagkakasala noon pang 2006. Nakaligtas si Escalante sa unang pagtatangka ng BHB na ipatupad ang hatol noong taon ding iyon.

Ang kamatayan ni Escalante ay isa na namang dagok sa sindikato sa bentahan ng iligal na droga sa prubinsya na kinasasangkutan mismo ng mga tauhan at upisyal ng PNP at AFP.