2 sundalo ng 31st IB, sugatan sa operasyong partisano ng BHB

Ka Samuel Guerrero
Celso Minguez Command - NPA-Sorsogon
Oktubre 3, 2013

DALAWANG sundalo ng 31st IB ng Philippine Army ang nasugatan sa operasyong partisano ng Bagong Hukbong Bayan sa Barangay Timbayog, Casiguran, Sorsogon nitong Oktubre 1.

Inabangan ng mga operatiba ng BHB sina Cpl. Raymund Recania at PFC Arnel Divinagracia na noo’y nakikipagsabong sa lumang sabungan ng Casiguran. Malapitang binaril ng mga Pulang mandirigma ang dalawa habang pasakay sa kanilang motorsiklo matapos ang sabong. Hindi na nakabunot ng baril ang dalawang sugatang sundalo. Nagtatakbo sila habang hinahabol ng putok ng mga operatibang partisano.

Ikinalulungkot namin na nasugatan din sa pangyayari ang sibilyang si Policarpio Balase na sa kalituhan marahil ay lumapit sa isa sa mga sundalong nabuwal sa daan habang nagpapaputok ang mga partisano. Bago umatras ang mga mandirigma, inalalayan nila si Balase hanggang makakuha siya ng sasakyan paalis sa lugar. Sa ngayon ay sinisikap ng Celso Minguez Command (CMC) ng BHB na umugnay sa kanya para pormal na makahingi ng dispensa at masagot ang gastos sa kanyang pagpapagamot.

Samantala, nananatili ang direktiba ng CMC sa nasasakupang mga yunit ng BHB na ituluy-tuloy ang ganitong mga aksyon upang bulabugin ang mga reaksyunaryong tropa nang sa gayo’y hindi sila makabwelo sa kanilang mga operasyon.