Demokratikong Rebolusyong Bayan ang Tanging Solusyon sa Daan-taong Pagsasamantala sa Masang Magsasaka at Sambayanan

Pinatunayan ng kasaysayan na walang aasahang makatotohanang pagbabago ang uring magbubukid sa isang sistemang nagsisilbi lamang sa iilang naghahari. Daan-taon nang walang habas na pinagkakaitan ng dangal at hustisya ang masang magbubukid sa kanilang patuloy na kawalan ng sariling lupang binubungkal. Isang malaking kabalintunaan na ang uring lumilinang sa milyun-milyong ektaryang lupaing agrikultural ang naghihikahos sa gutom. Unti-unting pinapatay ng pyudal na pang-aalipin ang uring bumubuhay sa lipunan. At sa ilalim ng hacienda republika ni Benigno Simeon Aquino III, lalong nasasadlak ang mayorya ng mamamayan sa walang kaparis na kahirapan at pagsasamantala.

Sa rehiyon ng Timog Katagalugan, kinokontrol ng 835 panginoong maylupa at burgesya-kumprador ang 496,469 ektarya ng produktibong lupaing agrikultural. Pinipiga ng mga panginoong maylupa at malalaking kumprador ang biyaya mula sa pawis ng magsasaka at ginagamit ito sa kanilang pansariling pakinabang.
Ibayong sumasahol ang pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala udyok ng pyudal na monopolyo sa lupa at mga iskema ng rekonsentrasyon ng lupa sa kamay ng iilang makapangyarihan. Kinikikilan ang masang magsasaka ng upa-sa-lupa sa hatiang 80-20, 70-30 at 60-40 pabor sa panginoong maylupa. Pinapanatili rin ang atrasadong sistema ng pagsasaka. Itinatali ang mga magsasaka sa sistemang usura na may napakataas na interes ng pautang. Para madagdagan ang maliit nilang parte sa ani, napipilitang magtrabaho ang mga magsasaka bilang pana-panahon o permanenteng manggagawang bukid na may napakababang sahod.

Sentral na usapin sa pakikibaka ng mga magbubukid ang repormang agraryo. Sampal at insulto sa dignidad ng masang magsasaka ang binabanderang huwad na repormang agraryo ng reakyusnaryong gubyerno. Mula sa Presidential Decree 27 hanggang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reform (CARPER), tiniyak nito na hindi makakawala ang masang magsasaka sa pyudal na pagkakagapos. Ginamit ito upang mas mapalawak ang saklaw ng pangangamkam ng lupa sa mga magbubukid. Naging laganap din ang pagpapalit-gamit at reklasipikasyon ng mga lupang agrikultural. Ang mga hungkag na repormang agraryo na ito ay tila punyal na tumatarak sa dibdib ng uring magbubukid at kumikitil sa kanilang buhay.

Isa ang pagbawi ng coco levy fund (CLF) sa maigting na kampanya ng masang magsasaka sa kasalukuyan. Ang CLF sa esensya ay halagang nilikha ng labis na pagtatrabaho ng buong uring magsasaka sa nyugan na hinuthot ng uring malaking burgesya-kumprador, panginoong maylupa at burukrata-kapitalista. Ito ay labis na produkto na kolektibong nilikha ng mga magsasaka at manggagawang-bukid sa nyugan na naikumbert sa salapi. Piniga ang CLF mula sa pawis at dugo ng masang magsasaka at manggagawang bukid sa nyugan ng diktadurang Marcos at pinakinabangan para sa pagkakamal ng kayamanan ng malalaking kroni nito tulad nina Danding Cojuangco, Juan Ponce Enrile, Maria Clara Lobregat at iba pa. Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang CLF ay isang anyo ng pangingikil ng estado ng mga panginoong maylupa at malalaking burgesya-kumprador na binigyan ng ligal na bihis upang gatasan ang mga magsasaka sa niyugan. Samakatuwid, malinaw na ang buong uring magsasaka at manggagawang bukid sa nyugan ang tunay at lehitimong nagmamay-ari ng bilyong pisong coco levy fund.

Parang sinaksak nang paulit-ulit ang masang magsasaka nang gatungan pa ng kasalukuyang rehimeng Aquino II ang kanilang pasakit. Garapalan ang pagnanakaw ng reaksyunaryong gubyerno sa CLF. Ginamit ang pondong ito sa kandidatura ng Akbayan Partylist at ni Riza Hontiveros sa nagdaang reaksyunaryong eleksyon. Binuo rin ng Presidential Task Force on Coco Levy ang Poverty Reduction Road Map for the Coconut Industry na nilalayong gamitin ang CLF sa pagpapatupad ng mga kontra-mamamayang programa tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), CARP at CARPER.

Niyurakan ang bawat himaymay ng pagkatao ng masang magsasaka nang gamitin sa katiwalian ang pondong nakalaan sa pagpapaulad sa sektor ng agrikultura. Nauwi din sa korapsyon ang pork barrel na diumano’y nakalaan sa mga magbubukid. Pangunahing promotor sa paglustay at pagnanakaw ng pondo ng bayan si Aquino at ang mga alipores nito tulad nina Proceso Alcala na Kalihim ng Department of Agriculture (DA), Dinky Soliman na Kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Butch Abad na Kalihim ng Department of Budget and Management. Sa gitna ng karima-rimarim na kalagayan ng uring magbubukid, tahimik at inutil ang reaksyunaryong gubyerno. Sa katunayan, pugad mismo ang reaksyunaryong gubyerno ng mga panginoong maylupa at burgesya-kumprador na may maka-uring interes na pinangangalagaan. Ang reaksyunaryong gubyerno mismo ang mekanismo upang mapanatili ang pyudal at malapyudal na pagsasamantala. Kung kaya walang mapagpasyang aksyon na dapat asahan mula dito patungkol sa maiinit na usaping kinakaharap ng magbubukid.

Kakambal ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala ang reaksyunaryong dahas. Bunga ng katayuan sa ekonomya ng mga panginoong maylupa at malalaking burgesya-kumprador, mahigpit rin ang kanilang hawak sa kapangyarihang pampulitika. Walang pakundangan ginagamit ng mga panginoong maylupa at burgesya-kumprador ang mersenaryong militar at pulis upang mapanatili ang bangis ng kanilang kontrol sa kanayunan. Kabi-kabila ang pinsalang hatid ng mersenaryong Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Citizens Armed Force Geographical Unit (CAFGU). Marami sa masang magbubukid ang nakaranas ng pananakot, pandarahas, tortyur, iligal na pagdakip, pampulitikang pamamaslang at iba’t ibang porma ng paglabag sa karapatang pantao. Hindi malilimutan ng mamamayan ng Timog Katagalugan ang pagbaha ng dugo sa Tartaria masaker sa Cavite, Tagkawayan masaker sa Quezon, ang pagdukot at pagpatay kay Eddie Gumanoy na pangkalahatang kalihim ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama TK). Tumatak din sa gunita ng sambayanan ang Mendiola masaker at Hacienda Luisita masaker na tahasang naglantad ang duguang kamay ng pamilya Cojuanco-Aquino. At sa rehimen ni Aquino II, patuloy nitong pinangangatawanan ang kalikasan nito bilang asyendero. Binigyan nito ng basbas ang mas mabagsik na paghahasik ng lagim ng mersenaryong AFP-PNP-CAFGU sa ilalim ng Oplan Bayanihan.

Kailanman imposibleng isulong ng reaksyunaryong gubyerno ang interes ng masang magbubukid. Isang bitag ang tuwid na daan ni Aquino patungo sa kumunoy ng kahirapan at pagsasamantala. Sinasalamin ng pagiging sunud-sunuran ng reaksyunaryong gubyerno sa GATT-WTO ang kawalan ng determinasyon at gulogod na mapagpasyang humakbang para sa kinabukasan ng masang magbubukid. Hinulma ng Agreement on Agriculture (AoA) ang agrikulturang dominado ng malaking negosyong dayuhan at lokal na nakasandig sa importasyon ng pagkain at mga produktong pangkonsumo at ng eksport ng mga hilaw na materyal at mineral. Sunod sa kumpas ng imperyalistang globalisasyon, mas pinaigting ang pagpapatupad ng mga programa ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon na mismong pumapatay sa lokal na agrikultura at industriya. Sinisigurado ng imperyalismong US na bukas ang ekonomya ng Pilipinas upang tambakan ng mga sarplas na produkto at pagkunan ng murang hilaw na materyales at murang lakas paggawa. Sa ngalan ng absolutong pagsunod sa dikta ng imperyalismong US, sinasangkalan ng reaksyunaryong gubyerno ang kalagayan at diumanong kapakinabangan ng masang magsasaka at sambayanan.

Walang ibang alternatiba ang uring magbubukid upang solusyunan ang pangunahing kontradiksyon sa lupa kundi ang pagtangan ng armas, paglahok sa armadong pakikibaka, paglulunsad ng rebolusyong agraryo at pagtatayo ng mga rebolusyonaryong base. Tanging ang demokratikong rebolusyong bayan ang makapagpapabagsak sa dominasyon ng imperyalismong US na pangunahing tagakupkop ng pyudalismo. Sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan, sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, matitiyak na magiging puspusan ang pagtataguyod sa pakikibaka para sa lupa ng masang magsasaka dahil nasa ilalim ito ng pamumuno ng proletaryado. Tanging ang proletaryado lamang ang may kakayanan na itaguyod ang interes ng masang magsasaka sapagkat inilantad na ng kasaysayan ang mabuway na paninindigan ng burgesya sa pagsulong ng demokratikong mithiin ng uring magbubukid.

Sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan abot-tanaw ng masang magsasaka ang isang sosyalistang kinabukasan. Sa kanayunan, hindi pa man lubusang naibabagsak ang paghahari ng uring panginoong maylupa, tinatamasa na ng masang magsasaka ang tamis na bunga ng rebolusyong agraryo mula sa minimum na programa na pagpapababa ng upa sa lupa, pagpapataas ng sahod ng manggagawang-bukid, pagpawi sa usura, pagpapataas ng presyo ng produktong bukid at promosyon ng simpleng kooperasyon hanggang sa maksimum na programa ng nasyunalisasyon at kumpiskasyon ng mga lupaing pag-aari ng malalaking panginoong maylupa, burgesya-kumprador at imperyalista at ang libreng pamamahagi nito sa masang magsasaka na kulang o walang lupa. Sa pamamagitan ng rebolusyong agraryo napupukaw at napapakilos ang higanteng lakas ng saligang alyansa ng uring proletaryado at magsasaka. Higit apat na dekada nang iniluluwal sa sinapupunan ng mga bukirin at sakahan ang pinakamahuhusay nitong mga anak upang maging Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Ang ibinuwis nilang dugo kasama ng mga dakilang martir ang dumilig sa tigang na lupa at maghahawi ng daan tungo sa tiyak na tagumpay ng rebolusyon.