Maghimagsik laban sa mapaminsalang rehimeng Aquino

Partido Komunista ng Pilipinas
Oktubre 23, 2013

Translation: Rise up against the disastrous Aquino regime

Sa nakaraang ilang buwan, milyun-milyong Pilipinong manggagawa, magsasaka, mangingisda, pambansang minorya, mga karaniwang propesyunal at empleyado ang naging biktima ng magkakasunod na kalamidad, kapwa natural na kalamidad o likha ng gubyerno.

Nakikiramay ang Partido Komunista ng Pilipinas at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa abang masa na nawasak o lubhang naapektuhan ang mga buhay ng mga sunud-sunod na sakuna:

1. ng walang-habas na pag-ulan mula Agosto 19-20 na naglubog sa malaking bahagi ng Cavite at Laguna, maging sa timog at kanlurang bahagi ng Metro Manila, nagpalikas sa daan libong pamilya, sumira sa mga pananim at pribadong ari-arian at ikinamatay ng marami. Ilang araw matapos nito, pinabaha ng ulang dala ng Bagyong Maring ang bahagi ng Cagayan at iba pang prubinsya sa hilagang Luzon na nagresulta sa pagkasira ng mga pananim at iba pang pinagkukunan ng kabuhayan ng masa.

2. ng mahigit isang buwang armadong pagkubkob, pambobomba at pagmortar ng rehimeng Aquino at ng armadong pwersa nito noong Setyembre 8 laban sa Moro National Liberation Front (MNLF) sa Zamboanga City na nagresulta sa dislokasyon sa daan libong mamamayan mula sa kanilang komunidad at pinagkakakitaan, nagsapanganib sa buhay ng mga sibiliyan, tumupok sa kanilang mga tahanan at nagbunsod ng malawakang humanitarian crisis na nananatiling di nareresolba dalawang buwan mula pinwersa silang mamuhay sa mga kampo para sa ebakwasyon at hinadlangang bumalik sa kani-kanilang lupain.

3. ng walang-habas na pag-ulan mula Setyembre 22-23 na nagpabaha sa malaking bahagi ng Olongapo City, maging sa mga bayan ng Bataan, naging sanhi ng pagguho ng lupa at pagragasa ng putik. Ilampu ang namatay at ang paglaganap ng leptospirosis ay nagdulot ng sakit sa 500 mamamayan.

4. ng malalakas na hanging dulot ng bagyong Santi na sumalanta sa Central Luzon noong Oktubre 12-13 at naging sanhi ng malawakang pinsala sa agrikultura at pangisdaan na nagkakahalaga ng di bababa sa P3 bilyon, kabilang ang malawakang pinsala sa palayan sa Nueva Ecija, maging sa mga impraistrukturang pampubliko sa Aurora, Tarlac, Bulacan at iba pang prubinsya.

5. ng lindol na may lakas na 7.2 na nagdulot ng malawakang pinsala sa impraistrukturang publiko at pribado sa Bohol, Cebu at iba pang pribinsya sa Kabisayaan, naghiwalay sa buu-buong munisipalidad, naging sanhi ng kakulangan sa pagkain at iba pang pangangailangan sa araw-araw at pumatay sa di bababa sa 130 katao.

Ilampung libo ang naging biktima ng baha at pagragasa ng putik sa iba't ibang prubinsya ng bansa sa nakaraang ilang buwan sa panahon ng tag-ulan.

Binabatikos ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang rehimeng Aquino sa tahasang pagkabigo nitong paghandaan nang sapat ang mga kalamidad at sa hindi nito pagpapatupad ng mga hakbangin para mabawasan ang epekto ng natural na mga sakuna. Ang gayong grabeng pagkainutil ay nagresulta sa hindi kinakailangang dami ng mga namatay at pagkasira sa ari-arian.

Matapos ang tatlong taon sa poder, wala pang nagagawang maganda ang rehimeng Aquino para sa pag-iwas at paghahanda sa sakuna. Wala pa itong nasimulang anumang mayor na programang impraistrukturang pangontrol sa baha sa pambansang punong lunsod dahil abala pa ito sa pakikipagnegosasyon ng mga kontrata para sa maksimum na kikbak. Sa halip, pinapayagan nito ang malalaking kaibigan sa negosyo na magtayo ng mga mall at mga nagtataasang kondominyum na humaharang sa mga daluyan ng tubig at nagsesemento sa mga ito. Malaon nang may mga panukalang para sa pagkontrol sa baha sa punong lunsod maging sa iba pang syudad. Subalit hindi ito inaaksyunan.

Walang planong magpatupad ang rehimeng Aquino ng anumang malawakang programa para muling buhayin ang kapaligiran at mga kagubatan at hukayin ang mga ilog, kanal at iba pang daluyan ng tubig at mga lawa bilang pangmatagalang solusyon para hadlangan ang malawakang pagbaha, pagguho ng lupa at pagragasa ng putik. Sa halip, patuloy nitong inaakit ang mga kumpanya sa pagmimina sa pamamagitan ng pagbibigay ng insentibo sa buwis at pamumuhunan at sa pagpapahintulot ng mas malaking layaw para pagsamtalahan at dambungin ang likas na yaman at magdulot ng malalang pinasala sa kapaligiran.

Ang paglalaan ng rehimeng Aquino ng P7 bilyon para sa kahandaan sa mga sakuna ay talagang napakaliit kumpara ilandaang bilyong piso inilaan para sa paggasta ng pork barrel para sa mga alyado sa pulitika nito, sa dayuhang pagserbisyo sa utang at mga wala sa badyet na pondong nasa solong kapasyahan ni Aquino, na kilala rin bilang pork barrel ng presidente. Sa harap ng tahasang kawalan ng kahandaan nito, napapanganga na lamang ang reaksyunaryong rehimen sa ilalim ni Aquino sa harap ng malalaking sakuna.

Ang malala pa, binibigyang-matwid ni Aquino ang kanyang presidenyal na pork barrel sa pamamagitan ng paggigiit ng pleksibilidad umano sa pagtugon sa sakuna, na antemano, ay wala namang sapat na pondong inilaan para sa kahandaan sa sakuna at sa pag-iwas dito. Tusong ginagamit ni Aquino ang kakarampot na badyet para sa gastusing pangkalamidad para tabingan ang malaking tipak ng pork barrel at discretionary fund na batbat ng korapsyon.

Halos walang impraistruktura para sa paghahanda sa sakuna ang reaksyunaryong rehimen kumpara sa lawak ng kamakailang sakunang tumama at tatama pa sa Pilipinas. Ang konsepto ng paghahanda sa sakuna ng rehimeng Aquino ay umiinog lamang sa pagbili ng mga plastik na pambalot at sa pagtitipon ng pagkain para sa dalawang araw na panrasyon. Kulang na kulang ang mga pansalbang kagamitan. Marami pa rito, kabilang yaong mga lifeboats ay mababa ang kalidad at ngayo'y di na magamit.

Kulang ang gubyernong Aquino ng mga kinakailangang sistema ng transportasyon para sa pagtugong pangkagipitan at matapos ang sakuna. Laging bigo si Aquino na makapagbigay ng mga kinakailangang suplay gaya ng pagkain, tubig at pansamantalang masisilungan sa mga biktima ng sakuna. Pinakakamakailan, bigong makarating ang mga pantulong na suplay sa ilang bayan sa Bohol na nahiwalay ng sirang mga tulay at daan, kahit isang linggo paglipas ng kalunus-lunos na lindol noong Oktubre 14.

Si Aquino at ang mga upisyal sa PR nito, maging ang department of social welfare at mga yunit ng lokal na gubyerno nito ay nagpakita ng tahasang pag-upasala sa mga biktima ng kalamidad nang papilahin pa nila ang mga tao nang ilang oras sa ilalim ng init ng araw para sa pagkain at tubig, na nagbababa sa kanila sa katayuang mga pulubing naglilimos sa gubyerno. Sa pagkubkob nito sa Zamboanga City, pwersahang inilikas ng rehimeng Aquino ang kulang-kulang na 120,000, tinupok ang kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng pambobomba at hinadlangan silang makabalik sa pinagkukunan ng kabuhayan. Bigo ang gubyernong Aquino na makapagbigay sa taumbayan ng disenteng pansamantalang masisilungan at pinuwersa silang tumuloy sa mga gawa-gawang tolda sa gitna ng mga bukid. Ang mga pamilya ay binigyan lamang ng isang lutong pagkain para sa buong araw, isang latang sardinas at kaunting bigas. Tulad rin sa Bohol at Cebu, hindi binigyan ang mamamayan ng pansamantalang matutuluyan na nagpwersa sa ilampung libong mamamayang nawalan ng mga tahanan sa lindol na tumira sa mga lansangan.

Nais ng sambayanang Pilipino na maging ligtas sa mga natural na kalamidad at mga sakunang dulot ng tao. Isa itong panlipunang garantiyang iginigiit ng malawak na masa ng sambayanan sa naghaharing gubyernong Aquino. Kapalit ng kanilang buwis, inaasahan ng mamamayan na garantiyahan ng gubyerno ang kanilang kaligtasan at kagalingan. Sa katuus-tuusan, responsibilidad ng nagkaupong gubyerno na hadlanagan ang kalamidad at sakuna.

Hindi lamang nagkataon na maging biktima ng mga sakuna at kalamidad ang milyun-milyong Pilipino. Tahasang pinababayaan at isinasaisantabi ng reaksyunaryong gubyerno ang kaligtasan at mga pamantayang pangkapaligiran kapalit ng suhol at kikbak. Wala itong ginawang maliliit na hakbangin gaya ng pagtatayo ng mga impraistruktura para sa pagkontrol ng baha; o mga pangmatagalang hakbangin ng pag-iwas sa pagbaha.

Ang malawak na masa ng mga manggagawa at magsasaka, mangingisda at mga nakatira sa mataas na lugar ay mas nagiging peligroso sa mga sakuna na resulta ng mga kontra-mamamayan at todo-largang programa ng liberalisasyong ipinatutupad ni Aquino at lahat ng mga nagdaang rehimen.

Naninindigan ang sambayanang Pilipino sa solido at makatarungang batayan ng paggigiit sa reaksyunaryong gubyerno na magsagawa ng malawakang programa para sa paghadlang sa pagbaha kabilang ang muling pagbuhay sa mga kagubatan sa buong bansa, pagbabawal sa malakihan at komersyal na pagtotroso para sa pag-eksport, malawakang reporestasyon, pagpapatigil sa malawakang operasyon ng pagmimina, paghuhukay sa lahat ng mayor na ilog at lawa sa bansa, sa konstruksyon ng mga makabagong kanal at sistema ng daluyan at mga dam para sa pagkontrol ng pagbaha, programang relokasyon sa loob ng lunsod para sa komunidad ng maralitang lunsod, modernisasyon ng pagtatapon ng basura at sistema ng koleksyon at iba pa.

Dapat ibayong igiit ng sambayanang Pilipino sa gubyerno na magkaloob ng lahatang-panig na makataong tulong sa mga biktima at mga nakaligtas mula sa mga natural at mga kalamidad na likha ng tao. Iginigiit nila ang sapat na suplay upang matugunan ang kanilang pangangailangan sa pagkain, tubig at pansamantalang masisilungan hanggang sa panahong kaya na ng mga biktimang ipagpatuloy ang kanilang normal na buhay. Hiling nila ang isang sistema ng distribusyon na maggagarantiya sa kanilang dignidad at kagalingan, magtitiyak ng pangangailangan ng mga naulila, ng matatanda, ng mga may kapansanan at mga walang katuwang na magulang at sumalig sa mobilisasyon ng mga organisasyong masa kung saan mayroon at makapagbuo ng gayong mga organisasyon sa mga lugar na wala pa.

Sa mga lugar na nasa hurisdiksyon ng demokratikong gubyernong bayan, naglulunsad ang mga organisasyong masa at ang kanilang rebolusyonaryong awtoridad ng mga programa upang paghandaan ang mga natural na kalamidad. Iginigiit nilang ihinto ang pagmimina, pagtotroso at iba pang komersyal na aktibidad na makasisira sa kapaligiran at kakamkam sa kanilang mga lupa.

Kung saan mayroong mga kalamidad, ang mga organisasyong masa ang unang tumutugon sa pagsasagawa ng mga rescue at relief operations at naglulunsad ng rehabilitasyon at rekonstruksyon. Sa mga lugar na malalang sinalanta ng mga kalamidad, kagyat na binabago ng mga Pulang mandirigma ang kanilang moda ng operasyon at inoorganisa ang sarili bilang mga brigadang pansagip at panrelip para tulungan ang masa. Napakalaking ng pagkakaiba nito kung paano ipinagpapatuloy ng reaksyunaryong armadong pwersa ang kanilang operasyong "kontra-insurhensya" kahit sa mga lugar na sinalanta ng mga kalamidad at natural na sakuna, tulad doon sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Pablo noong Disyembre 2012. Ang mga tulong at suplay na ambag ng mga pribadong indibidwal at grupo, maging ng mga dayuhang ahensyang panaklolo, mga organisasyong di-gubyerno at mga organisasyon ng gubyerno ay idinaan sa mga organisasyong ito para tiyaking direkta itong makararating sa mga nakatakdang makatanggap ng tulong. Taliwas dito, ang tulong na suplay na hawak ng gubyerno ay malimit na ginagamit para sa gimik na pam-PR ng mga upisyal para samantalahin ang paghihirap ng mamamayan para sa kanilang pampulitikang ambisyon.

Lubos na sinusuportahan ng mga rebolusyonaryong pwersa ang kahilingan ng sambayanang Pilipino na magsakatuparan ang reaksyunaryong gubyerno ng malawakang paghadlang at kahandaan sa mga sakuna. Sinusuportahan ng PKP ang sambayanang Pilipino sa pag-aangat ng kanilang protesta laban sa rehimeng Aquino na napatunayang hindi talaga handa, walang kakayanan at inutil. Sa ilalim ng rehimeng Aquino, ang mga natural na kalamidad at yaong mga likha ng tao ay mas nagiging mapaminsala kaysa dati.

Nananawagan ang PKP sa sambayanang Pilipino na higit na pag-ibayuhin ang paglaban sa anti-mamamayang rehimeng Aquino. Dapat nilang tutulan ang kakarampot na suplay na pangkagipitan at tutulan at batikusin ang kasuklam-suklam at mapangdustang sistema ng distribusyon. Hinihikayat ng PKP ang sambayanang Pilipino, biktima man sila ng malawakang pagbaha, lindol at ng armadong pagkubkob ng AFP, na manindigan at iprotesta ang kawalang-kakayahan ng rehimeng Aquino na hadlangang maging mga sakuna at malaking kapahamakan ang mga kalamidad.