Isakdal si Aquino sa kriminal na pagkainutil at igiit ang katarungan


Partido Komunista ng Pilipinas
Nobyembre 15, 2013

Translation: Indict Aquino for criminal incompetence and demand justice

Nananawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa sambayanang Pilipino, laluna sa milyun-milyong biktima ng katatapos pa lamang na sakuna na mag-alsa, magprotesta at isakdal si Benigno Aquino III sa kriminal na pagkainutil ng kanyang gubyerno na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libo noong Nobyembre 8 nang sagasain ng superbagyong Yolanda ang Pilipinas at magdulot ng malawakang pagkasalanta. Iginigiit ng sambayanang Pilipino ang katarungan.

Dapat nilang iprotesta ang pagkabigo ng rehimeng Aquino na magkaloob at magbigay ng pangkagipitang relief at serbisyo na nagbunsod ng grabeng pagdurusa ng daan libong mamamayan na patuloy na umaamot ng pagkain, tubig at pangkagipitang suplay, matapos ng isang buo nang linggo.

Nagpapamalas ang rehimeng Aquino ng lansakan at kriminal na pagkainutil sa gitna sa malupit na kalamidad na nagresulta sa di kinakailangang maramihang pagkamatay at pagkasugat. Walang presensya ng gubyerno sa Tacloban City sa loob ng 48 oras matapos tumama at ganap na sumalanta sa syudad ang superbagyo. Ganap na napawi ang lokal na gubyerno. Lumalabas na walang pakialam ang pambansang gubyerno na alamin ang kalagayan ng mga bayang tinamaan ng bagyo sa kabila ganap na pagkaputol ang linya ng komunikasyon sa mga eryang ito. Nag-umpisa lamang itong gumawa ng hakbangin matapos maglabas ang lokal at dayuhang midya ng mga larawan sa telebisyon hinggil sa malawakang pagkasalanta sa Leyte 36 na oras matapos ang bagyo.

Nag-umpisa na ang kaguluhan noong ikalawang araw ng kalamidad na resulta ng kakulangan sa pagkain at tubig. Sa halip na madaliin ang mga suplay na pangkagipitan, nagdeploy ang gubyernong Aquino ng libu-libong armadong sundalo at tauhan ng pulisya para payapain ang diskuntento ng masa. Kaagad na ipinakita ng rehimeng Aquino ang kawalang-kakayahan nito.

Iresponsableng nagpakalat ng maling impormasyon ang mga upisyal sa seguridad at militar ni Aquino. Ipinangalandakan sa isang press release ng AFP na inambus ng BHB sa Sorsogon ang isang trak ng militar na naglalaman diumano ng mga suplay mula sa Red Cross. Ipinakalat din nila ang tsismis na sangkot ang BHB sa armadong pangungulimbat sa Tacloban City at walang patumanggang nagpapaputok ng kanilang baril sa Palo, Abucay at iba pang lugar para lamang bigyang-matwid ang pagtatayo ng tsekpoynt at pagpapataw ng tahasang batas militar. Ang malinaw, mas interesado ang AFP na ipagmayabang ang kanilang kapangyarihan at ipataw ang aramdong awtoridad kaysa sa tiyakin ang pagbibigay ng pagkain, iba pang batayang produkto at pangkagipitang suplay sa taumbayan.

Tila nagwawala si Aquino sa kanyang paninisi at kampanyang PR para maliitin ang trahedya at ang pagkasalanta. Sa pakikipag-usap sa internasyunal na midya, iginiit ni Aquino na ang bilang ng mga namatay ay di lalampas sa 2,500 di gaya ng naunang pagtaya na 10,000. Ilang araw pagkasabi nito, sinupalpal si Aquino nang ilantad ng United Nations ang independyente nitong pagtaya na ang namatay ay 4,460. Sa isang tahasang wala-sa-tonong pambabaluktot, idineklara ng mga upisyal sa turismo ni Aquino na "masaya pa ring" bisitahin ang Pilipinas kahit patuloy na desperadong pinanonood ng buong daigdig ang mamamayan sa Tacloban na umaamot ng tulong sa gitna ng tahasang kalawang-kakayahang tugon ng gubyernong Aquino.

Isang linggo mula noong trahedya, libu-libong mamamayan pa rin ang hindi nabibigyan ng dagliang kalingang medikal. Kulang na kulang ang pagkain at tubig na maiinom. Hindi man lamang nagagawa pa ng gubyerno magbigay ng pansamantalang masisilungan para sa libu-libong mamamayang nawalan ng tahanan. Sa kabila ng pagbuhos ng lokal at internasyunal na suporta sa mga biktima ng kalamidad, daan libong biktima ang hindi pa nararating ng pangkagiptang suplay. Dismayadong-dismayado ang United Nations, ang mga internasyunal na manggagawang nagsasagawa ng relief operation at ang media matapos malamang matapos nang halos isang linggo ay hindi pa nakararating sa mga biktima ang ipinadala nilang tulong.

Nakapagdeklara lamang ng "state of national calamity" (kalagayan na nasa gitna ng kalamidad ang bansa) si Aquino APAT na araw matapos ang malawakang pagkasalanta. LIMANG araw na nang maisip niya at ng kanyang mga upisyal na ang pagpapadala ng mga pangkagipitang suplay sa Tacloban at saan man, ang siyang "pinakamalaking gawaing lohistikal" na gagawin ng gubyerno. Gayunpaman, hindi pa rin nagawang maramihang imobilisa ng rehimeng Aquino ang mga barko at iba pang sasakyang pandagat sa kabila ng katotohanang ang daungan ng Tacloban ay ilang oras lamang ang layo mula sa sentral na komersyal na pantalan ng Cebu at kulang-kulang lamang na 24 oras sa Metro Manila. Ang Ormoc City, na isang oras lamang takbuhin ng sasakyan sa lupa mula sa Tacloban, ay dalawang oras lamang ang layo sa Cebu sa pamamagitan ng mabibilis na sasakyang pandagat. Hindi rin nataya ng rehimeng Aquino ang pangangailangang dagdagan ang mga barkong roro (roll-on-roll-off) sa pantalan ng Matnog sa Sorsogon na nagresulta sa mahabang pila ng mga trak at iba pang sasakyang panlupa na may lulang pagkaing pangkagipitan at mga suplay na medikal at tauhan mula Metro Manila.

Sobra-sobra ang bigong pagresponde ng gubyerno, na napag-iisip ang mamamayan na baka sadyang ipinakikita ni Aquino ang kawalang-kakayahan para palabasing ang mga pwersang militar ng US ang mga bayani at kung gayon, ay makatwiran lamang ang presensya ng higanteng nuclear-powered aircraft carrier ng US, di kukulangin sa anim pang ibang barkong pandigma, halos 10,000 tropa at mga helikopter na Osprey sa iba't ibang panig ng Pilipinas at pahintulutan ang mga ito na saklawin ang mga pasilidad at ang pagdadala at pamamahagi ng pangkagipitang suplay.

Ang Tacloban City, maging ang iba pang lunsod, ay hindi pa talaga maaaring matirahan at mananatiling ganito sa mga susunod pang linggo o buwan. Subalit wala pa ring ginagawa ang gubyerno na mailipat nang maramihan ang mamamayan sa ibang lugar kung saan maaari silang mabigyan ng elekstrisidad, kalingang pangkalusugan, matitirahan, pagkain at pansamantalang kabuhayan.

Dapat singilin ng sambayanang Pilipino ang rehimeng Aquino sa mga kabiguan nito na magsagawa ng dagliang ebakwasyon sa danlibong mamamayan na nasa mga lugar na dinaanan ng bagyo. Sa "Typhoon Haiyan Brief Technical Report" (Maikling teknikal na Ulat sa Bagyong Haiyan) na inilabas ng Manila Observatory isang araw bago tumama sa lupa ang Bagyong Yolanda, isinaad na "Kailangan ang malawakang ebakwasyon nang hanggang 8 - 16 km sa mga eryang residensyal na nasa mabababang lugar sa tabing-dagat."

Sa kabila ng gayong babala, walang signipikanteng ginawa ang gubyernong Aquino para magmobilisa ng sapat na rekurso upang magsakatuparan ng kinakailangang ebakwasyon. Sa halip, sapat na para kay Aquino na lumabas sa telebisyon noong bisperas ng pagtama ng Bagyong Yolanda at nag-isyu ng taya ng panahon. Sa pagkukumpara, minobilisa ng gubyerno ng Vietnam ang lahat ng rekurso para ilikas ang 600,000 nang halos dalawang araw bago pa dumating ang Bagyong Haiyan sa baybayin ng Vietnam. Kung ihahambing, ang populasyon ng Tacloban City ay halos 200,000.

Dapat mag-alsa sa isang protestang masa ang sambayanang Pilipino sa lansakang kawalang-kakayahan ng rehimeng Aquino. Kailangang itakwil nila ang apela ng mga loyalista ng gubyernong Aquino na huwag itong sisihin at sa halip ay makipagkaisa. Ang totoo, dapat nilang isakdal si Benignio Aquino III sa pagkamatay ng libu-libo na bunsod ng kanyang personal at ng kriminal na kawalang-kakayahan ng kanyang gubyerno.

Dapat maggiit ng katarungan ang sambayanang Pilipino sa sinapit ng danlibong biktima ng sakuna. Dapat nilang pagbayarin ang rehimeng Aquino sa malalang trahedyang sinapit nila, na resulta hindi pa ng superbagyo, kundi ng lansakang pagkabigong magsakatuparan ang rehimeng Aquino ng mga karampatang pamigil na aksyon at ng pangkagipitang relief matapos ang kalamidad.

Dapat din nilang isakdal si Aquino sa pagkabigo ng kanyang gubyerno na tiyakin sa mamamayan na hindi mawawasak ang kanilang mga ari-arian. Dapat nilang igiit na magkaloob ang rehimeng Aquino ng pondo para sa kagyat na pangkagipitang relief (hindi pautang!) para muling makapagsimula ng kanilang kabuhayan, dagliang hanapbuhay at pensyon, bayad-pinsala at kanselasyon ng lahat ng utang sa mga ahensya ng gubyerno.

Dapat nilang batikusin ang rehimeng Aquino sa paglalaan ng maliit na badyet na P7 bilyon para sa kalamidad, na nagresulta sa kawalang-kakayahan nitong magtayo ng mga kinakailangang impraistruktura para sa pagtugong pangkagipitan. Kuntento na si Aquino na maglaan ng pera mula sa kanyang di-programadong pondo upang bigyang-matwid ang pagpapalobo sa Social Fund (Pondong panlipunan) ng Presidente at ng Disbursement Acceleration Program (DAP).

Sa kabilang banda, wala sa hinagap ng rehimeng Aquino ang pagsasakatuparan ng programa para muling buhayin ang kapaligiran para mahukay ang mga ilog at iba pang kritikal na sistema ng tubig at magsagawa ng malawakang reporestasyon at sa sa halip ay haling sa pagpapasok ng dayuhang mga kumpanya sa pagmimina para tuluy-tuloy na dambungin ang kapaligiran.