Kulturang imperyalista vs. kulturang bayan

Luis Jalandoni
Chief International Representative
NDFP National Executive Committee
 

Lektura sa New World Academy, Utrecht, The Netherlands
Nobyembre 15, 2013

Translation: Cultural imperialism vs. people's culture


Kung makapagsasalita lamang ang Lupa

Kung makapagsasalita lamang ang lupa
Magsasalita ito para sa amin,
Sasabihin nito, tulad namin, na nahinang na ng
Panahon ang bigkis na naggagapos sa amin.
Dahil sa aming lakas-paggawa kaya may halaga ang lupa;
At ang ani niya ang bumubuhay sa amin,
Kami at ang lupa ay iisa!

Subalit sino ang makikinig?
Makikinig ba sila,
Silang di nakikita,
Sila, na napakalayo, na umaangkin
Na sa kanila ang lupa?
Dahil yaon ang sinasabi ng kapirasong papel?
Dahil ang kapirasong papel ay suportado
Ng lalaking nagbabanta;
Na mga taong may kapangyarihang bumaril at pumatay,
Na taong may kapangyarihang iligpit ang aming kalalakihan at mga anak?

Kung makapagsasalita lamang ang lupa
Magsasalita ito para sa amin!
Dahil kami ang lupa!

 

Sinasalamin ng tulang ito ang isang bahagi ng kulturang bayan. Matikas at masugid na tinutukoy nito ang pagmamahal ng mga magsasaka sa lupa, ang saligang aspirasyon ng mga magsasakang bumubuo ng malaking mayorya ng populasyon ng Pilipinas.


Kung pag-uusapan ang imperyalismong kultural kontra sa kulturang bayan, nais kong mag-umpisa sa kulturang bayan, na siyang kultura ng naglilingkod sa sambayanan.

Nais ko itong hugutin mula sa aking pakikihalubilo sa masang magsasaka sa Pilipinas, partikular mula sa isla ng Negros na pinanggalingan ko.

Ang mga magsasakang setler ay isainasailalim sa malawakang pangangamkam ng lupa na binubungkal nila sa mahabang panahon. Pinagbabantaan sila ng mga sakim na malalaking panginoong maylupa na suportado ng mga tiwaling pulitiko at ng mga militar. Ito ay noong huling bahagi ng 1960, panahong nasaid na ang mga prontera ng lupa sa Pilipinas at ang mga magsasakang setler ay wala nang mapuntahan.

Sa proseso ng panlipunang pagsisiyasat at mga seminar na pang-edukasyon na ginawa sa kanilang mga baryo ng mga rebolusyonaryong aktibista, sistematiko nilang natutunan ang kasaysayan ng Pilipinas at kung paano sinakop ng mga kolonyalistang Espanyol ang lupa at nagpataw ng tributo, pwersahang paggawa at pagpapasundalo, at kung paano nailunsad ang maraming pag-aalsang masa. Pagkatapos, sinakop ng imperyalismong US ang bansa na naging sanhi ng pagkamatay ng milyong mamamayan at pagkatapos ay ipinataw ang kanilang paghahari at matapos ang 1946, nang maiggawad ang naturingang kalayaan, naghari ang imperyalismong US sa pamamagitan ng mga lokal na malalaking panginoong maylupa at kumprador.

Gayundin, ibinahagi ng mga magsasaka sa mga aktibistang masa ang kanilang kwento hinggil sa kanilang partikular na karanasan ng kanilang mga ninuno at ganoon din kung paano ang katulad na sirkunstansya sa kasaysayan at mga pangyayari ay nagpatuloy na umepekto sa kanilang mga buhay. Isang mutwal na proseso ng pagkatuto ang panlipunang pagsisiyasat at ang seminar na pang-edukasyon kapwa sa mga magsasaka at mga akbista na siyang nagdala sa kanila sa rebolusyonaryong kilusan.

Magiliw na kinalugdan ng mga magsasaka ang pag-aaral at talakayan sa kasaysayan ng Pilipinas. Nagbigay ito sa kanila ng pakiramdam ng paglaya. Nauunawaan na nila ngayon kung bakit sila'y mahirap. Hindi tulad ng sinasabi sa kanila na ito ang kagustuhan ng Diyos na sila'y maging mahirap. Hindi totoong ang buhay ay parang gulong, na minsa'y nasa ibabaw, minsan nama'y nasa ilalim. Nagbigay sa kanila ng kahulugan ng dignidad ang talakayan sa kasaysayan ng Pilipinas: na sila ay bahagi ng mamamayan na may akumuladong rebolusyonaryong tradisyon, sila ang mga magsasakang lumilikha ng pagkain para sa bansa.

Ibayo silang namulat ng pag-aaral sa tatlong saligang suliranin ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Nagbigay-kahulugan sa kanila ang layon at direksyon ng programa para sa isang demokratikong rebolusyon ng bayan. Anila, "Dati, nagpapaikut-ikot lamang kami sa paghahanap ng solusyon sa problema. Ngayon, bagamat hindi tuwid at napakahirap ng daan, batid namin na ito ang tamang landas sa layunin at pagtutunguhan na dapat ipaglaban."

Ofelia


Isa sa mga tagapagturo at organisador ay ang isang 19-taong gulang na aktibistang estudaynte ng pagna-nars, na ang pangalan ay Ofelia. Mahusay siyang organisador na mahal na mahal ng mga magsasaka. Noong 1974, nang siya ay madakip ng militar at isalbeyds, itinapon ang kanyang katawan sa harapan ng munisipyo. Dinala at iniikot ng mga magsasaka ang kanyang katawan sa bara-barangay at lumikha pa ng katutubong awit na kung tawagin ay komposo bilang parangal sa kanya. Ang lugar ay naging matatag na base ng armadong rebolusyonaryong kilusan.

Ang inspirasyon ng mga naging martir tulad ni Ofelia ay bahagi ng kulturang bayan. Dahil sa pagiging mulat nila sa kasaysayan kasama ng kanilang rebolusyonaryong tradisyon, napaunlad nila ang kanilang rebolusyonaryong kulturang bayan.

Sa kanayunan, nagsasagawa ang mga grupong pangkultura ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, sa partisipasyon ng mga magsasaka at mga manggagawa, ng mga makapangyarihang kulturang pagtatanghal na naglalarawan ng pang-aapi at pagsasamantalang dinaranas nila at ng kanilang paglaban sa pamamagitan ng aramadong pakikibaka sa digmang bayan.

Sa mga lungsod, integral na bahagi ng mga aksyong masa ang mga kulturang pagtatanghal sa mga martsa at demonstrasyon ng ligal na demokratikong kilusan. Sa mga pagtitipon ng mga pambansang minorya, ang mga katutubong sayaw at iba pang katutubong aktibidad ay nagpapayaman sa rebolusyonaryong kulturang bayan.

Ang mga tula, pagpipinta, mga awit at sayaw, paglilok at iba pang likhang sining ay tumampok at patuloy na umangat para pagyamanin ang rebolusyonaryong kulturang bayan.

Sa ibang bansa, ang kultura ng sambayanang Pilipino ay nasa anyo ng hukumang bayan, na mayroon noong panahon ni Ferdinand Marcos noong 1980 at isa pa noong panahon ng termino ni Gloria Arroyo noong 2007. Sa mga hukumang ito, iniharap ng sambayanang Pilipino ang kanilang mga hinaing laban sa imperyalismong US at sa mga reaksyunaryong rehimen na mariing kinundena ng hukuman.

Idinaos ang iba pang paglilitis ng mamamayan laban sa imperyalismong US. Kinundena ng Hukumang Bertrand Russel ang krimen sa gera ng US sa Vietnam. Nagdaos din ng mga sesyon sa Argentina at sa El Salvador ang Permanent People's Tribunal. Mayroon ding mga internasyunal na hukumang bayan laban sa krimen sa gera ng US sa Korea at kamakailan sa Iraq.

Sa aming bansa, patuloy na pinauunlad ng sambayanang Pilipino ang rebolusyonaryong kultura. Integral na bahagi ito ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Hinihinang ng kulturang bayan ang paninindigan ng sambayanang Pilipino sa kanilang pulitikal at militar na pakikibaka laban sa reaksyunaryong estado ng malalaking panginoong maylupa at mga kumprador. Nilalabanan nito ang pangingibabaw sa isip ng kulturang ipinapataw ng imperyalismong US.

Imperyalismong Kultural ng US


Nais na bigyang-matwid ng mga imperyalistang US ang kanilang pananakop sa Pilipinas, pagtabing sa kanilang pakana na sakupin at pagsamantalahan ang bansa at mamamayan at makuha ang estratehikong pusisyon upang maangkin ang malaking bahagi ng pamilihan ng China. Idineklara ni Presidente McKinley ng US na "ang nakatakdang tadhana ng US ay gawing kristyano at gawing sibilisado ang mga Pilipino." Sinabi niya ito sa panahong mayorya na ng mga Pilipino ay Katoliko.

Nang labanan ng sambayanang Pilipino ang pananakop ng US, hindi nabahala ang US na durugin ang paglaban ng sambayanang Pilipino sa Gerang Pilipino-Amerikano na naging sanhi ng pagkamatay ng 1.5 milyong Pilipino. Karamihan sa mga masaker at iba pang malawakang paglabag sa karapatang-tao na isinakatuparan ng US sa Vietnam ay unang ginawa sa Gerang Pilipino-Amerikano.

Matapos ligisin gamit ang malalakas na sandata ang makapangyarihang armadong paglaban sa buong bansa ng sambayanang Pilipino, kumilos ang US para konsolidahin ang tagumpay militar nito sa pamamagitan ng serye ng ma hakbanging kultural upang lasunin at kontrolin ang utak at pag-iisip ng sambayanang Pilipino. Nagpadala ang US ng mga guro para simulan ang pagkontrol sa sistemang edukasyon. Binaluktot nila ang kasaysayan ng mamamayan, tinatakang mga bandido ang mga bayani ng bayan, dinakila ang paraan ng pamumuhay ng mga Amerikano na naglalarawan na ang US ang tagapamandila ng kalayaan at kasarinlan.

Naggawad ng iskolarship ang US sa mga "pensyunado" (sinusubsidyuhang iskolar na may kumpletong alawans) upang mag-aral sa US at pagbalik ay mga pinapaborang tauhan sa sistemang pang-edukasyon at buong burukrasya. Gayundin, ipinagbawal ng US ang anumang ekspresyong patriyotiko tulad ng paglaladlad ng bandila ng Pilipinas. Ginawang sapilitang paraan ng pagtuturo ang Ingles sa lahat ng paaralan mula unang baytang pataas. Ipinagbawal ang pagsasalita ng Tagalog o anumang lenggwahe sa Pilipinas sa iskwelahan. Pinalaganap ang Coke, Colgate, Kodak, atbp at naging mga pangkalahatang termino sa softdrinks, toothpaste, kamera, atbp. Pinalaganap ang mga sine ng Hollywood at ang Nescafe at basketbol. Pinaunlad ng US ang kolonyal na mentalidad, na ginawang pangarap ng bawat Pilipino ang makarating sa United States.

Ang pinakahuling panlilinlang ng imperyalismong kultural ng US ay ang pagpostura ng militar ng US bilang mga tagapagpalaya na namumudmod ng relief goods sa bansa na sinalanta ng natural na kalamidad. Pumapasok sa Pilipinas ang US marines, ang isang aircraft carrier ng US at iba pang barkong pandigma, sa mga erya ng rebolusyonaryong kilusan para sa diumanong pagbibigay ng relief at rehabilitasyon. Ang bagong panlilinlang ay sinalubong ng pagkundena at paglaban sa bansa. Listo ang sambayanang Pilipino sa mga ganitong pinakabagong mapanlihis na pakana ng imperyalismong US.

Habang patuloy na nalulubog ang imperyalismong US at pandaigdigang sistemang kapitalista sa krisis, bumabaling na sila sa pinakamapanupil na gawain ng imperyalismong kultural, gamit ang tinaguriang gera kontra terorismo para pagmukhaing napakasama ng mga kilusang rebolusyonaryo at mga lider nito at makaisang-panig na ilista sila bilang "mga terorista." Ang ganitong mga hakbang ng mga imperyalista ay sinasalubong sa buong daigdig ng pagtutol mula sa malawak na hanay ng mga rebolusyonaryo, anti-imperyalista at mga progresibong pwersa sa buong daigdig.

Mananaig ang Kulturang Bayan sa Imperyalismong Kultural


Epektibong nilalabanan ng rebolusyonaryong kilusan ang ganitong mga imposisyong kultural ng imperyalismong US, kapwa sa malawak na kanayunan at sa mga kalunsuran. Iwinawaksi ng makapangyarihang kulturang bayan ang mga nakatanim sa isipan na ipinataw ng imperyalismong kultural. Subalit napakalaki ng hadlang dahil ang masmidya na kontrolado ng monopolyong burgesya ay patuloy na nagsusubo ng pinakadekadente at pinakakrudong kultura.

Ang imperyalismong kultural, anumang anyo nito sa imbing pagtatangkang linlangin ang taumbayan, ay hinaharap ng yumayabong ng kulturang bayan na naglalantad ng mga pakana ng imperyalismong kultural at kumakalinga sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan. Integral na bahagi ang kulturang bayan ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan na sa huli, ay siyang gagapi sa imperyalismo.