Lektura sa New World Academy, Utrecht, The Netherlands:
Ang pambansang demokratikong pakikibaka at ang paglilitis ng bayan sa imperyalismong US at mga papet nito

Prof. Jose Maria Sison
Punong Tagapagtatag, Partido Komunista ng Pilipinas
Nobyembre 15, 2013

Translation:National democratic struggle and the people's trial of US imperialism and its puppets


Mga kapwa ko artista at mga Kaibigan,

Magandang hapon! Maraming salamat, Maria Hlavajova ng Basis voor Actuele Kunst sa maalab na pagsalubong at kay Jonas Staal ng New World Academy para sa introduksyon sa programa.

Ang gawain ko ngayon ay magsalita hinggil sa pambansang demokratikong pakikibaka at ang paglilitis ng bayan sa imperyalismong US at sa mga papet nito sa Pilipinas. May kaugnayan ito sa titulo ng sesyon ngayon na, Tungo sa Kulturang Bayan, na nakasentro sa kritikal na papel ng sining at mga artista sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya sa Pilipinas. Ikinalulugod ko na si Luis Jalandoni ng National Democratic Front of the Philippines ay tututok sa tunggalian sa pagitan ng imperyalislismong kultural at kulturang bayan.

Ilalarawan ko ang mga aspetong pulitikal, sosyo-ekonomiko at kultural ng pambansang demokratikong pakikibaka. Kaya, magbibigay ako ng malawak na konteksto sa tunggalian ng imperyalismo sa kultura at kulturang bayan at sa mas direktang pagtalakay ng iba pang tagapagsalita hinggil sa sining at mga ispesipikong anyo ng sining, tulad ng musika, grapiko, imahe (effigy) at ang "paglilitis ng bayan" bilang panteatrong modelo, na may kaugnayan sa pambansa-demokratikong kilusan sa Pilipinas.

Magbibigay din ako ng aking pananaw kung paanong ang sining at panitikan ay kinakailangan at esensyal sa "paglilitis" sa imperyalismong US at sa mga papet nito sa pamamagitan ng paglalantad sa kanilang mga krimen at sa paghahatid ng pagkundena at husga sa mga salarin at mga krimen nila. Kung kaya mapagpasyang nag-aambag ang sining at panitikan sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa at sa pagsusulong mula sa simbolikong paglilitis tungong tunay na paglilitis ng mga kriminal sa drama ng rebolusyonaryong proseso.

Upang hindi lumihis sa tema ng paglilitis ng bayan, nais kong iharap ang makahayop at sistematikong krimen ng imperyalismong US at ng mga papet nito sa pang-aapi at pagsasamantala sa mamamayan, ang hakbang-hakbang na kahilingan ng mamamayan para sa pambansa at panlipunang paglaya at ang proseso ng paggagawad ng katarungan. Sa pagtalakay sa kaso ng Pilipinas sa malawak na konteksto, sana ay makapag-ambag ako sa pagpapaunlad ng isang transnasyunal na "paglilitis ng bayan" bilang isang mayor na gawain ng sining laban sa pang-aapi at pagsasamantala.

I. Ang Pambansa Demokratikong Pakikibaka sa Pilipinas

Ang sambayanang Pilipino ay katangi-tangi sa pagiging kauna-unahang bansa sa buong Asia na nagkapaglunsad at nakapagwagi ng isang rebolusyonaryong digma ng pambansang paglaya laban sa isang Kanluraning kolonyal na kapangyarihan. Nag-impisa ang rebolusyong Pilipino noong 1896 at nagtagumpay sa Spain noong 1898. Subalit matapos na magkunwaring mapagkaibigan at karamay ng rebolusyon, pinasiklab ng US ang Digmaang Pilipino-Amerikano noong 1899 at nagpatupad ng gerang agresyon upang wasakin ang republika ng Pilipinas at ipataw ang sarili nitong kolonyal na paghahari sa Pilipinas.

Ang rebolusyong Pilipino ng 1896 ay antikolonyal at antipyudal at kung gayon, ay may katangiang pambansa-demokratiko. Matagumpay na nakapamuno ang mga liberal na burges na intelihensya (mga ilustrado) para wakasan ang kolonyal na paghaharing Espanyol. Subalit bigo itong makapamayani sa bagong sibol na modernong imperyalistang kapangyarihan ng US na nakabatay sa industriyal na monopolyo kapitalismo, na may superyor na sandatang militar at may kakayahang gamitin ang burges na liberal na ideolohiya upang pasukuin ang intelihensyang Pilipino at mamuhunan para makahuthot ng supertubo.

Naglunsad ang US ng isang barbarikong gera upang gapiin ang republika ng Pilipinas. Pinatay nito ang kabuuang 1.5 milyong Pilipino sa 7 milyong populasyon sa proseso ng upisyal na tinaguriang Digmaang Pilipino-Amerikano noong 1899 hanggang 1902 at ng mga kampanyang ng pasipikasyon hanggang 1914. Ginamit itong isang brutal na estratehiya at taktika na inilapat laban sa First Nation at Mexicans. Pinaalagwa nito ang mga blokeyo ng pagkain, pwersahang relokasyon ng buu-buong komunidad at ng malaganap na paggamit ng tortyur at ekstrahudisyal na pamamaslang.

Pinwersa ng US ang sambayanang Pilipino na pondohan ang sarili nilang pagkasakop at pagkalupig militar. Nagpalutang ito ng bono sa gera sa Wall Street at pagkatapos ay pinagbayad ang mamamayan para rito sa pamamagitan ng pagbubuwis. Para makapiga ng supertubo, namuhunan ito sa pagpapalawak ng mga plantasyon, pagbubukas ng mga minahan, pagtatayo ng ilang monopolyong empresa at pagpapabilis ng lokal at dayuhang kalakalan. Nilikha nito ang isang malapyudal na tipo ng panlipunang ekonomya na nakasandig sa mga imported na produkto at eksport ng mga hilaw na materyales mula sa dating malaganap na baseng pyudal.

Itinatag nito ang isang sistema ng edukasyon at kultura na nagpapanatili ng kolonyal na mentalidad subalit sa pagkakataong ito, ay nangangayupapa sa US sa halip na sa Spain. Ipinangibabaw nito ang burges na mga ideya at gawi sa mga pyudal at reliyoso na dating ipinalalaganap ng nangingibabaw na simbahang Katoliko. Sistematiko nitong ginamit ang edukasyon at kultura para magpalitaw ng mga bago at malalaking kwerpo ng mga papet na pulitiko at makalikha ng mga propesyunal at mga kawani para magsilbi sa pinalawak na burukrasya at mga negosyo.

Kabilang sa panlipunang istrukturang lumitaw mula sa malapyudal na ekonomya ay ang batayang naghaharing uring malalaking kumprador burgesya at mga panginoong maylupa, na bahagi ng isang porsyento ng populasyon. Ang panggitnang saray ng lipunan ay ang panggitnang burgesya at ang petiburgesya na aabot ng 1 porsyento at 8 porsyento. Ang saligang pinagsasamantalahang mga uri ay ang mga manggagawa at magsasaka, na umaabot sa 15 at 75 porsyento.

Simula pa noong maagang panahon ng ika-20 siglo, umunlad na sa hanay ng mga manggagawa ang kilusang unyon. Mula 1930, sa pagkakatatag ng Partido Komunista ng mga Isla ng Pilipinas (PKIP), ang rebolusyonaryong ideya ng pamumuno ng uring manggagawa sa mamamayan sa isang pambansa-demokratikong rebolusyon at sa susunod na sosyalistang rebolusyon ay naging reyalidad at umugat sa Pilipinas.

Matapos na maitatag ito noong 1930, sinupil ang PKIP ng kolonyal na rehimen ng US.

Pinahintulutan itong kumilos nang iligal sa ilalim ng antipasistang Popular na Prente noong 1937.

Inorganisa nito ang Hukbong Bayan Laban sa Hapon noong 1942 matapos ang paglusob ng mga Hapones sa Pilipinas. Nabalewala ng mga estratehikong pagkakamali ng pamunuan ng PKIP ang mga oportunidad at prospek para sumulong ang rebolusyong Pilipino, na nagpapabaling-baling mula sa Kanang oportunismo (mula 1942 hanggang 1946) tungong "Kaliwang" oportunismo (1948 hanngang 1952) at muli tungong Kanang oportunismo (1954 hanggang 1962).

Noong 1946, ibinigay ng US sa Pilipinas ang nominal na independensiya. Mula noon, naging malakolonyal na ang sistemang pampulitika, hindi na direktang pinaghaharian ng US kundi sa pamamagitan ng mga papet na pulitiko na sa esensya ay mga burukrata kapitalista at nagsisilbi sa US maging sa interes ng malalaking kumprador at panginoong maylupa sa isang malapyudal na ekonomya. Pinanatili ng US ang pangingibabaw at kontrol nito sa sistemang pang-ekonomya, pampulitika, pangkultura at panseguridad sa Pilipinas.

Pinalitaw ng US ang Pilipinas bilang halimbawa ng demokrasya (ang totoo'y basurahan ng neokolonyalismo at malapyudalismo) dahil sa tuwangang kontrol ng Liberal Party at Nacionalista Party na halinhinang humahawak ng presidensyal na kapangyarihan sa pamamgitan ng pana-panahong eleksyon. Matapos muling maihalal ang sarili sa pamamagitan ng pandaraya at terorismo noong 1969, isinulong ni Marcos ang kanyang pakanang ipataw ang isang pasistang diktadura at nagawa ito sa pamamagitan ng proklamasyon ng batas militar noong 1972.

Habang mabilis na sumasahol ang sosyo-ekonomiko at pulitikal na krisis ng lipunang Pilipino noong huling hati ng 1960s, tumiwalag ang mga proletaryong rebolusyonaryong pinapatnubayan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong mula sa lumang Partido Komunista noong 1966. Pinuna nila at itinakwil ang maling linya at mga estratehikong kamalian ng mga lider na Lava ng partido nito simula 1942.

Nilinaw nila ang katangian ng lipunang Pilipino bilang malakolonyal at malapyudal at ang katumbas na katangian ng rebolusyong Pilipino bilang pambansa at demokratiko sa ilalim ng pamumuno ng uring manggagawa. Ang mga pwersang nagtutulak ng rebolusyon ay ang mga manggagawa, magsasaka at ang pertiburgesyang lunsod. Ang mga kaaway ay ang imperyalismong US, ang malalaking komprador, panginoong maylupa at mga burukrata kapitalista. Ang kasalukuyang yugto ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan ay nakatuon sa patutunguhang yugto ng sosyalistang rebolusyon.

Naitatag ang Partido Komunista ng Pilipinas sa teoretikal na gabay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong noong Disyembre 26, 1968. Binuo nito ang Bagong Hukbong Bayan noong Marso 29, 1969. Sinimulan nito ang pagbubuo sa National Democratic Front noong Abril 24, 1973. Sa pagtakbo ng mga ito, nilabanan ng mga rebolusyonaryong kadre at mamamayan ang hibang at marahas na paghahanda at pagpapataw ng pasistang dikatadura sa mamamayan.

Mapagpasyang salik sa pagpapatalsik sa pasistang diktadurang Marcos noong 1986 ang rebolusyonaryong pagsulong ng PKP, BHB at NDF. Subalit mula noon, ang mga naghalinhinang mga rehimen na nagmaskarang mga demokratiko ay umapi at nagsamantala sa mamamayan para sa kapakinabangan ng imperyalismong US at ng lokal na mapagsamantalang uri ng malalaking kumprador at panginoong maylupa.

Ang bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan ay nagpatuloy upang ipaglaban ang pambansang kalayaan, demokrasya, katarungang panlipunan, kaunlaran sa pamamagitan ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, para sa isang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura at para sa internasyunal na pakikipagkaisa para sa kapayapaan at kaunlaran. Lumakas ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa pamamagitan ng digmang bayan sa kanayunan at ng ligal na kilusang masa sa kalunsuran.

II. Ang mga Krimen ng Imperyalismong US at ng mga Papet nito

Sa layuning litisin ng mamamayan ang imperyalismong US at ang mga papet nito, dapat mulat tayo sa masaklaw ng mga krimen na dapat nilang panagutan.

Dapat papanagutin ang imperyalismong US. Kapag binabanggit ang imperyalismong US, tinutukoy natin ang pederal na estado ng US at ang iba't ibang ahensya nito, ang mga korporasyon at mga bangko na pinakikilos ng monopolyo kapitalismo para gawin ang agresyon at pandarambong.

1. Ang henosidyo sa 1.5 milyong Pilipino na bumubuo sa 20 porsyento ng populasyon ng Pilipinas na 7 milyon ay isang nakapanghihilakbot na krimen. Ito ang brutal na pamamaraan kung paano nilapastangan ng imperyalismong US ang pambansang soberanya ng sambayanang Pilipino at winasak ang republika ng Pilipinas.

2. Ang direktang okupasyong kolonyal sa Pilipinas mula 1902 hanggang 1946, maliban sa patlang ng okupasyong Hapones mula 1942 hanggang 1945, ay nangahulugan ng pang-aapi at pagsasamantla sa sambayanang Pilipino. Binuwisan ang mamamayan ng kolonyal na estado upang pagbayarin sa halaga ng agresyon ng US at kolonyal na okupasyon.

3. Piniga ng mga monopolyo kapitalistang US ang supertubo mula sa kolonyang Pilipinas sa pamamagitan ng pandarambong sa mga likas na yaman nito, sa pagsasailalim sa mga manggagawa sa di makataong mababang sahod sa obras publikas at sa mga empresa ng US, pagtataguyod ng di pantay na palitan ng hilaw na materyales para sa eksport at ng mga yaring import at pagsasailalim sa bansa sa pagkakautang sa mga bangkong US.

4. Ginamit ng US ang Pilipinas bilang base sa paglulunsad ng gerang agresyon laban sa China at sa pag-angkin ng kapiraso ng China sa kolonyal na girian. Ito ang nag-umpisa ng kriminal na paggamit ng mga base militar ng US sa Pilipinas para sa agresyon ng mga kanugnog na bansa ng Pilipinas, laluna pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, laban sa China, Vietnam, Laos, Cambodia at Indonesia.

5. Ginamit ng US ang imperyalismong kultural at itinanim ang kolonyal na mentalidad. Ipinataw nito sa mamamayan hindi lamang ang wikang Ingles kundi ang maka-imperyalistang mga ideya at kostumbre na nasa likod ng utang na dugo ng US at sa panlilinlang sa pagsasamantala sa masa na kapaki-pakinabang. Binaluktot nito ang pyudal at lumang sistema ng paniniwala ng dominanteng simbahang Katoliko para magsilbi sa interes ng monopolyo kapitalismong US.

6. Sinanay ng US ang mga burukrata, pulitiko at mga propesyunal na maging sunud-sunuran sa imperyalistang kapangyarihan ng US at gamitin ang lenggwahe ng maka-imperyalistang liberal na demokrasya upang linlangin ang mamamayan. Dapat nitong lubos na panagutan ang pagtataguyod ng burukrata-kapitalismo. Tinuruan nito ang mga anak ng mga nagsasamantalang mga uri at ang petiburgesya ng kalunsuran na mag-ambisyon at humawak ng kapangyarihan at magkamal ng pribadong yaman sa pamamagitan ng burukratikong korapsyon.

7. Inalagaan ng US ang malalaking burgesya kumparador bilang prinsipal na ahente nito sa kalakalan at pinansya ng bansa. Ang uring ito ang responsable sa pagtitiyak ng produksyon ng hilaw na materyales para sa eksport at sa pag-aangkat ng dayuhang yaring produkto at sa pamamahagi nito sa bansa. Pinanatili rin ng US ang uring panginoong maylupa para sa layunin ng pagkontrol sa produksyon ng pagkain at produksyong agrikultural para sa eksport.

8. Nang pakunwaring igawad ng US ang kasarinlan ng Pilipinas noong 1946, tiyak ito na masasandigan ang kanyang mga papet: ang malalaking kumprador at mga panginoong maylupa at ang mga burukrata kapitalista. Mula noon napanatili nito ang kontrol sa ekonomya, sa pulitika at sa kultura, seguridad at diplomatikong relasyon ng Pilipinas.

9. May pananagutan ang US sa malakolonyal na sistema ng pagsasamantala, kawalang-kaunlaran, at laganap na kahirapan. Ang arawang dahas ng pagsasamantala ay naging sanhi ng wala sa panahong kamatayan ng mas marami pang mga Pilipino kumpara sa 1.5 milyong namatay mula 1899 hanggang 1913.

10. Hanggang ngayon, nagsusuplay ang US ng mga armas, indoktrinasyon, pagsasanay at estratehikong pagpaplano sa mga pwersang militar at pulis ng reaksyunaryong estado at may pananagutan sa mga kampanyang militar ng panunupil at sa lansakan at sistematikong mga paglabag sa karapatang-tao. Mayroon itong interbensyunistang pwersa sa Pilipinas at ginagamit ito para dominahan ang Pilipinas at bantaan ang mga kalapit na bansa sa tabing ng permanenteng gera kontra terorismo ng US at ng estratehikong patakaran nito ng pagpihit sa East Asia.

Namamantine ng imperyalismong US ang hegemonya sa Pilipinas dahil tinutulungan ito ng malalaking kumprador, panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista. Kasapakat ng US ang mga reaksyunaryong papet na ito sa mga malalang krimen laban sa sambayanang Pilipino at nag-iinisyatiba sila upang apihin at pagsamantalahan ang mamamayan.

1. Ang pagpapakatuta sa imperyalismong US ay isang malalang krimen laban sa mamamayan. Pagtatraydor ito. Isa itong pagtataksil at paglabag sa soberanya ng mamamayan at pambansang kasarinlan sa isang lahatang-panig na pamamaraan. Isinasailalim sa paglilitis ng mamamayan ang mga taksil.

2. Isang malalang krimen ang burukratikong korapsyon ng mga burukrata kapitalista. Isinusubasta nila ang pang-ekonomyang soberanya, ang pambansang patrimonya at mga pribilehiyo sa negosyo sa mga dayuhang monopolyong korporasyon at malalaking kumprador. Nagpapataw sila ng mabigat na pasaning buwis at utang sa mamamayan at ninanakaw ang pambansang yaman sa pamamagitan ng sistemang pork barrel.

3. Nakikipagkutsahan at tinutulungan ng malalaking kumprador sa lunsod ang mga dayuhang monpoloyo kapitalista sa mga gawain ng malubhang pagsasamantala at pagpiga ng supertubo sa pamamagitan ng pamumuhunan, kalakalan at pinansya. Sa pagsanib sa imperyalismong US, sila ang nakapipiga ng kalakhan sa pawis at dugo ng mamamayan.

4. Namamayagpag naman ang mga panginoong maylupa sa kanayunan at nagpapataw ng pyudal at malapyudal na uri ng pagsasamantala sa masang magsasaka at mga nmanggagawang bukid. Tinatanganan ng mga despotikong panginoong maylupa ang kapangyarihang pampulitika at ginagamit ang armadong tauhan ng estado at mga pribadong gwardya para supilin ang anumang anyo ng paglaban ng mga pinagsasamantalahan.

5. Ipinagkakait ang karapatan ng mga manggagawa. Kiling ang batas ng mga reaksyunaryo kontra sa karapatan ng mga manggagawa na magbuo ng mga unyon sa paggawa at sa pag-ehersisyo ng kanilang mga demokratikong karapatan. Basta ginagamitan ng dahas ng mga may-ari ng kumpanya at estado ang mga unyon ng mga mangagawa at kanilang mga welga. Kaya laging papasama ang sahod at ang kundisyon sa pamumuhay ng mga manggagawa.

6. Ginagamit ng papet na reaksyunaryong estado ang huwad na reporma sa lupa upang linlangin ang masang magsasaka at ipreserba ang pagmomonopolyo sa lupa sa Pilipinas. Ibinebenta ng mga panginoong maylupa ang kanilang pag-aari para sa layunin ng "reporma sa lupa" kung gugustuhin nila at sa karampatang kabayaran batay sa umiiral na presyo sa pamilihan. Laganap ang pagmomonopolyo at ang pangangamkam ng lupa para sa walang rendang pagmimina, pagtotroso, plantasyon at ispekulasyon sa real estate.

7. Bawat rehimen ng reaksyunaryong estado ay mayroong plano sa kampanya para sa panunupil sa mga magsasaka na naggigiit ng reporma sa lupa at sa mga manggagawang nakikipaglaban para sa kanilang karapatan sa pag-uunyon. Tumatanggap ang mga papet ng sandata at payo mula sa kanilang imperyalistang amo para sa layuning ito. Walang humpay sa paglabag ng karapatang-tao ang US at ang bawat papet na rehimen nito.

8. Ang bahagi ng edukasyong publiko, kalusugan, pabahay at iba pang serbisyong panlipunan ang palaging kinakaltasan habang dinadagdagan ang pondo pangunahin sa gastusing militar, burukratikong korapsyon at pagbabayad ng utang.

Lansakang nilalabag ang karapatan ng mga pambansang minorya at katutubong mamamayan sa sariling pagpapasya. Ipinagkakait sa kanila ang kanilang karapatan sa lupang ninuno at ang kanilang lupain at ang iba pang likas na yaman ay kinakamkam sa kanila ng mga lokal na mapagsamantalang uri at ng mga kumpanya sa pagmimina, pagtotroso, mga plantasyon at real estate. Palaging iniimbita ng reaksyunaryong papet na estado ang mga pwersang militar ng US para ibayong panatilihin sila sa Pilipinas at makapabigay ng mga pasilidad sa kanila na paglabag sa pambansang soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas. Sinusuportahan din nito ang imperyalismong US sa pagkatupad ng hegemonya nito at estratehikong mga plano sa Asia-Pacific.

III. Ang Proeseso ng Paglilitis sa mga Salarin

Ang pagtataguyod, pagtatangol at pagpapaunlad sa kulturang bayan ay isang krusyal at kinakailangang bahagi ng komprehensibong programa para sa demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas. Mayroon pamabansa, syentipiko at pangmasang katangian ang kulturang bayan.

Sa pagkakaroon ng pambansang katangian, itinataguyod nito ang pambansang kasarinlan at nagsisilbi sa mga pangangailangan at hangarin ng bansa. Itinatangi at pinagkakaisa nito ang lahat ng rehiyunal at lokal na kultura sa bansa. Natututo ito mula sa ibang bansa subalit hindi nangangayupapa o sumasandig sa kanila. Nag-aambag ito makakaya para sa pagsulong ng makatong sibilisasyon at internasyunal na pakikipagkaisa.

Sa pagkakaroon ng syentipikong katangian, malaya ito sa anumang paggapos ng lumang paniniwala at mga pamahiin at gayundin, nirerespeto nito ang kalayaan sa pag-iisip at paniniwala. Tinatanggap nito ang mga rebolusyonaryong ideya mula sa wastong landas ng makataong sibilisasyon. Nais nitong maging makabago at umunlad ang lipunan sa pamamagitan ng pakinabang sa mga syentipiko at mga teknolohikal na pagsulong.

Sa pagkakaroon ng pangmasang katangian, nagsisilbi ito sa mga karapatan at interes ng mga masang anakpawis ng sambayanan at hindi sa iilan na nabibilang sa mapagsamanatalang uri. Ang kultura ng sambayanan ay taliwas sa kultura ng mapagsamantalang iilan.

Ang sining ay malaking bahagi ng kultura. Kabilang dito ang arkitektura, iskultura, pagpipinta, malikhaing pagsusulat, musika, sayaw, teatro, potograpiya at komiks. Lahat na anyong ito ng sining at ang kanilang mga likha ay hindi simpleng mga pasibong bagay na kinalulugdan lamang o istatikong repleksyon ng realidad, dapat din itong maging aktibong pwersa sa paglalantad at sa paglaban sa mga krimen ng mga buhong na pwersa ng lipunan, para sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa at para sa paglikha ng saligang panlipunang pagbabago.

Buti na lamang at kasama natin sa sesyong ito si Walkie MiraƱa na maaaring makapagpaliwanag sa atin ng papel ng manggagawang pangkultura bilang isang organisador ng paglaban at kung paano ang iba't ibang anyo ng sining ay konsentrado sa teatro bilang isang natatanging anyo ng sining at nagagawa sa minimal na gastusin subalit may maksimum na epekto sa pagpapasigla sa mamamayan kontra sa kawalang katarungan at mga krimen. Mabuti rin at narito si Lisa Ito na maaaring makapagpaliwanag sa atin ng protestang sining ng mga papet at kung paano ginagawa at sinusunog ang mga effigy ng mga salarin bilang pagpapakita ng paghusga at pagkundena. Nagpapasalamat kami sa New World Academy sa pag-imbita sa kanila at gayundin sa pagsasaayos ng eksibisyon ng mga likhang sining na ipinakita para salaminin at isulong ang pambansa-demokratikong pakikibaka sa Pilipinas.

Gugugol pa ng malaking panahon bago maibagsak ng demokratikong rebolusyong bayan ang umiiral na naghaharing sistema sa pambansang saklaw sa Pilipinas upang malitis ang mga pinakamalalang kriminal, maiggawad sa kanila ang kaparusahan at mawakasan ang mga ugat na sanhi ng pang-aapi at pagsasamantala. Subalit habang hindi pa magagamit ang mga prosesong hudisyal ng demokratikong estadong bayan, maliban sa kanayunan kung saan mayroon nang mga rebolusyonaryong organo ng kapangyarihang pampulitika at mga hukumang bayan, ang kultural na proseso para litisin ang mga kriminal sa pamamagitan ng iba't ibang anyo ng sining ay maaari nang pagulungin at makaimpluwensya at magkaroon ng malakihang epekto.

Sa pagsalamin sa realidad ng lipunan at sa paglalantad at paglaban sa mga krimen ng pang-aapi at pagsasamantala, ipinararating ng iba't ibang uri ng sining sa anyong metapora, simboliko, at alegorya ang mga yugto at gawain ng kriminal na paglilitis, tulad ng panimulang imbestigasyon, pagsasakdal at ang paglilitis mismo kung saan nabubuo ang katotohanan batay sa mga ebidensya at testimonya at sa paglalapat ng batas sa husga. Ang hukumang moral ng opinyong publiko hindi ang hukuman ng batas ang hinaharap ng paglilitis ng bayan sa mga salarin. Maaaring ibayo pang pasiglahain at palakasin ang paglilitis ng bayan sa pamamagitan ng intergrasyon at koordinasyon dito ng artistikong likha at pagganap. 

Ang umiiral na mga hukuman ng mga mapang-api ay isang teatro sa paglilitis at pagpapasya sa mga kasong nasa perimetro ng di makatarungang naghaharing sistema. May karapatan ang rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa Pilipinas na magdaos ng paglilitis ng bayan sa imperyalismong US at lokal na mga reaksyunaryo upang ilantad at labanan ang mga tunay na kriminal at ipaglaban ang hustisya. Ipinakikita ang paglilitis ng bayan ng mga organisasyon sa Pilipinas noon pa man. Sa panahon ng Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970, tinutukoy na mga hukumang bayan ang pulong masa sa mga pampublikong plasa. Mayroon ding bantog sa ibang bansa na indoor (nasa loob ng isang gusali) na paglilitis tulad ng Hukumang Russel noong 1967 at ang Permanent People’s Tribunal simula pa noong 1979.

Nakapagkakamit ng moral na awtoridad at pampulitikang bigat ang paglilitis ng bayan, 1. dahil ang mamamayan mismo at mga organisasyon nila ang nagbuo nito; 2. dahil tinatalakay nito ang isyu na nakaaapekto sa buhay ng isang buong bansa o ng buong sangkatauhan subalit binabalewala o sinusupil ng mga mapang-aping awtoridad at kanilang mga korte, 3. dahil may mga hukom itong respetado ang moral na integridad; 4. dahil pinagtitibay nito ang proseso ng pagdinig ng magkatunggaling panig, laluna yaong sa mga supil na agrabyadong panig; 5. dahil inilalapat nito ang mga prinsipyo at pamantayang itinatadhana ng internasyunal na batas, laluna ang International Bill of Rights at ang International Humanitarian Law; at 6. dahil ibayong ginagawang lehitimo ng mamamayan ang mga desisyon nito sa pamamagitan ng pagpapalaganap at pagpapatupad nito.

Layong imulat, organisahin at pakilusin ang masa ng paglilitis ng bayan sa imperyalismong US at mga papet nito para sa  rebolusyonaryong kilusan upang maiwaksi ang mapang-api at mapagsamantalang naghaharing sistema at itatag ang isang bagong sistema na naaayon sa paggigiit ng mamamayan para sa pambansang kasarinlan, demokrasyang bayan at katarungang panlipunan, pang-ekonomyang kaunlaran sa pamamagitan ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, pambansa, syentipiko at pangmasang kultura at internasyunal na solidaridad ng mamamayan para sa kapayapaan at kaunlaran.

Ang pinakamataas at pinakaseryosong layunin ng pangkulturang paglilitis ng bayan ay ang imulat, organisahin at pakilusin ang masa at kaakibat nito, palitan ang di-makatarungang naghaharing sistema. Pagkatapos, ang mamamayan sa isang makatarungang sistema ang gumagamit ng rebolusyonaryong kapangyarihan para wakasan ang pambansa at makauring pang-aapi at pagsasamantala at nagbibigay-awtoridad at nangangasiwa sa tunay na paglilitis ng bayan sa mga kriminal.