Operatiba ng military intelligence, patay sa operasyong partisano ng BHB

Ka Samuel Guerrero
Celso minguez Command, NPA-Sorsogon
Nobyembre 11, 2013

NAPATAY sa ispesyal na operasyon ng Bagong Hukbong Bayan nitong Nobyembre 9 si Nelson Ara, elemento ng CAFGU at operatiba ng Military Intelligence Command (MICO) ng Philippine Army. Ang operasyon ay isinagawa sa compound ng Camp Fabilane, 505th Community Defense Center ng Philippine Army Reserve Command sa Barangay Balogo, Sorsogon City.


Si Ara ay dating military infiltrator sa BHB na sangkot sa pagpatay sa Pulang mandirigmang si Diogenes Manrique alyas Ka Jomar sa Barangay Abuyog, Sorsogon City noong 2007. Matapos ang pamamaslang ay tinangay niya at ng isa pang kapwa impiltrador ang dalawang ripleng M16 at isang pistolang kalibre .45 ng yunit.

Nitong mga nakaraang taon, naging aktibo si Ara sa mga operasyong paniktik ng militar at paninindak sa mga sibilyan sa mga bayan ng Casiguran, Gubat at Barcelona sa Sorsogon.

Ang pagpatay kay Nelson Ara ay pagbibigay-hustisya kay Ka Jomar at isang importanteng hakbang sa pagsisikap ng rebolusyonaryong kilusan na lansagin ang makinarya ng terorismo ng AFP sa probinsya.