Parangal kay Fr. Jose P. Dizon, patriyotiko at rebolusyonaryo

Prof. Jose Maria Sison
Founding Chairman, Communist Party of the Philippines
November 5, 2013

Translation: Tribute to Fr. Jose P. Dizon, patriot and revolutionary

Ipinapaabot namin ni Julie ang aming taos-pusong pakikiramay sa mahal na pamilya ni Fr. Jose P. Dizon sa kanyang pagpanaw. Tulad ng lahat niyang mga kasamahan, lubos kaming nalulungkot at nalulubag lamang ang loob sa pag-aalala namin sa kanyang tapat at mabungang paglilingkod sa mga maralita at pinagsasamantalahang anakpawis.

Isang kaibigan naming paring Irish (si Jack Hynes na pumanaw na rin), na malapit kay Bishop Perez sa Church-Labor Center, ang nagkwento sa amin noong 1976 hinggil kay Fr. Joe D bilang mapagkakatiwalaang katulong ng obispo, isang matatag na kalaban ng pasistang diktadurang Marcos at tagasuporta ng mga manggagawa, partikular sa welga sa La TondeƱa. Paglao'y ipinakilala niya kami sa kanya at ipinaubaya sa kanyang kalinga. Naglilipat kami noon.



Batid ni Fr. Joe D na kami ay nasa kilusang lihim na nakikipaglaban sa pasistang rehimeng Marcos, subalit hindi niya alam ang tunay naming indentidad. Sa loob ng ilang linggo, binigyan niya kami ng kwartong mapagtatrabahuhan. Nalugod kami sa pakikipag-usap sa kanya at sa kanyang ina na naghahain sa amin ng masasarap na pagkain. Nakipagtalakayan kami sa kanya kung gaano kasama si Marcos at kung gaano kabulok ang naghaharing sistema.

Bago kami umalis, nag-iwan kami sa kanya ng kopya ng Philippine Society and Revolution (Lipunan at Rebolusyong Pilipino). Nalaman namin pagkatapos na masugid niyang binasa ang aklat, sinang-ayunan ito at tinalakay sa kanyang kapwa pari at ibang mga kaibigan. Nagulat siya nang malaman niya kalaunan kung sino kami nang kami'y madakip noong 1977.

Nang makalaya si Julie sa bilangguan noong 1982, nakipag-ugnayan siya kay Fr. Joe D. Nalaman namin na naging mas mapagpunyagi at militante siya bilang isang patriyotiko at rebolusyonaryo. Aktibo siya sa Basic Christian Community-Community Organizing na itinayo noong 1978. Tumulong siya sa pag-oorganisa ng Conference of the National Coalition for the Protection of Workers' Rights noong 1982 (Kumperensya ng Pambansang Koalisyon para sa Proteksyon ng mga Karapatan ng mga Manggagawa). Siya yaong nagmungkahi sa akin sa pamamagitan ni Julie na sumulat ng talumpati para sa kumperensya.

Ipinagmamalaki namin ni Julie si Fr. Joe D sa pagiging matapang sa unahan ng mga pakikibakang masa noong 1980s. Isa siyang prominenteng aktibista sa kilusang Justice for Aquino, Justice for All. Naging pangkalahtang kalihim siya ng Nationalist Alliance for Justice, Freedom and Democracy. Naging matatag na tagasuporta siya ng Congress for the Restoration of Democracy at pagkatapos, ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN). Naging Pangkalahatang Kalihim ng Bayan Southern Luzon, na nagdala ng signipikanteng bilang ng mamamayan sa EDSA noong panahon ng pagpapatalsik kay Marcos.

Nang makalaya ako sa bilangguan matapos ang pagbagsak ni Marcos noong 1986, muli naming ibinalik ang aming mapagkasamang samahan ng mutwal na pagtutulungan at ilang ulit kaming nagkita sa mga aktibidad ng mga patriyotiko at progresibong organisasyong masa. Malapit siya sa mga aktibista sa kilusang kabataan, manggagawa at magsasaka. Sinuporthan niya ang SELDA at ang Partido ng Bayan at laging interesado sa pagpapalakas ng kilusang masa at ng nagkakaisang prente ng mga patriyotiko at progresibong pwersa.

Habang nasa ibang bansa, lagi kaming nagagalak ni Julie na alamin ang gawain ni Fr. Joe D sa pagtataguyod, pagtatanggol at pagpapalaganap ng mga karapatan ng manggagawa. Sinuportahan niya ang Ecumenical Institute for Labor Education and Research. Itinatag niya ang Workers' Assistance Center noong 1995 at itinulak ang mga organisasyon ng mga unyon sa paggawa sa Cavite export processing zone laban sa banta ng lokal na pulitikong garapal sa kanilang panunupil sa pakikipagkutsabahan sa mga negosyante at militar. Pinamunuan niya ang National Conference of Church People and Workers (Pambansang Kumperensya ng mga Manggagawa at Taong Simbahan) noong 2011.

Dinalaw niya kami sa The Netherlands noong 1999. At sinamantala namin ang pagkakataon na talakayin kung paano maaaring imulat, organisahin at pakilusin ang malawak na masa ng sambayanan laban sa arogante at tiwaling rehimeng Estrada. Naging tagapagbuo siya ng kilusang relihiyosong Kairos at ng Solidarity Philippines.

Tuluy-tuloy siyang kritiko ng anti-mamamayan, antinasyunal at anti-demokratikong katangian ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema at sa tanikala ng mga tiwali at brutal na rehimen. Sa kahit anong paraan, ipinaglaban niya ang mga karapatan at interes ng mamamayan. Aktibo siya sa Kontra Daya, isang oraganisasyong nagbabantay sa eleksyon, at nilabanan ang automatikong programadong pandaraya sa eleksyong 2010 at 2013.

Noong Setyembre 13, nasa Luneta siya sa kabila ng sakit. Pangunahing siyang tagapagtaguyod ng kampanyang masa laban sa pork barrel at korapsyon. Binabalaan niya si Aquino laban sa patuloy na pagtatanggol sa korap na sistemang pork barrel. Ang huling rali niyang dinaluhan ay noong Setyembre 21, ang anibersasryo ng proklamasyon ni Marcos ng batas militar. Binatikos niya ang nagpapatuloy ng korapsyon at panunupil sa ilalim ng rehimeng Aquino.

Siya ang organisador ng Clergy Discernment Group, isang pormasyon ng mga pari at madre para sa pagsusulong ng adyenda ng katarungang panlipunan ng Simbahang Katoliko. Matatag siyang nanindigan sa opsyon ng pagkatig ng simbahan para sa mga maralita. Nang ipinagdiwang niya ang kanyang ika-40 ng pagiging pari kamakailan, ipinaliwanag niya na nanatili siyang pari dahil sa kanyang panatang palakasin pa ang pagbubuo ng Simbahan ng Maralita.

Nagsilbi si Fr. Jose P. Dizon sa sambayanan nang walang anumang reserbasyon at hanggang sa siya'y malagutan ng hininga. Nais niyang makihanay ang Simbahan sa iginigiit ng sambayanang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya.