Singilin at Papanagutin ang Rehimeng US-Aquino II sa Kapabayaan sa Harap ng Matinding Delubyo

Patnubay De Guia
NDFP Southern Tagalog
November 18, 2013

Kaisa ang mga rebolusyonaryong pwersa ng Timog Katagalugan sa hinagpis ng sambayanan sa di mailarawang pinsala ng superbagyong Yolanda. Walang makatutumbas na mga salita upang isalarawan ang kinasasadlakang hirap at pasakit ng mamamayang biktima ng nagdaang kalamidad. At sa kabila nito, binagsakan pa ng isa pang delubyo ang mga biktima dahil sa inutil na pagtugon ng reaksyunaryong gubyerno para ibsan at sagipin ang mamamayan sa walang kaparis na pinsala na iniwan ng superbagyong Yolanda sa buhay, ari-arian at kabuhayan ng mamamayan.



Sa harap ng diumano'y kabi-kabilang mga operasyong relip ng iba't ibang ahensya ng reaksyunaryong gubyerno, inutil ang rehimeng US-Aquino II na magbigay ng makatotohanan at mabilisang pagtugon sa mga nasalanta. Ang lawak, tindi at lalim ng pinsala ng Yolanda ay naglantad lamang sa kainutilan at ng kawalan ng preparasyong ginawa ng reaksyunaryong gubyerno kundi magbigay lamang ng babala at bahala na ang mamamayan at lokal na gubyerno na dumiskarte ng sari-sarili. Higit na nalantad ang kainutilang ito kung ihahambing sa ginawang paghahanda ng gubyernong Vietnam bago pa tumama ang bagyong Yolanda; at ang ginawang pagtugon sa kalamidad ng pamahalaang Hapones matapos tumama ang delubyo ng lindol at tsunami noong 2011.

Sa halip na imobilisa ang buong rekurso ng reaksyunaryong gubyerno, parang batang nagmamaktol na ibinubunton ang sisi sa lawak ng pinsala sa kapabayaan ng mga lokal na gubyerno at ang paghuhugas nito ng kamay sa pananagutang maagap na rumesponde sa pinsala ng kalamidad at tugunan ang pangangailangan ng mga biktima upang maibsan ang kanilang mga hinagpis at muling ibangon ang nawasak na kabuhayan.  Bunga ng malawak na sentimyento at kahilingang akuin ng pambansang pamahalaang Aquino ang pangunguna sa pagresponde, napilitan itong magdeklara ng State of National Calamity makalipas ang tatlong araw.  Bago ito, ipinauubaya lamang ni Aquino ang buong pananagutan at paninisi sa lokal na mga pamahalaang biktima rin ng delubyo.  Gayunman, kapos ang naging hakbang ni Aquino na ideklara lamang ang isang State of National Calamity sa halip na State of National Emergency para mas mapagpasyang mobilisahin ni Aquino ang buong rekurso ng reaksyunaryong estado para sa mga operasyong relief and rehabilitation.

Samantala, para lamang menosin ang inutil na pagtugon ni Aquino at ng kanyang gubyerno, pilit namang pinagtatakpan ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang lawak ng pinsala sa pag-uulat ng maliit na bilang ng mga nasawi at nasaktan sa kabila ng hindi maitagong datos mula sa ulat ng mga dayuhang entidad at ng United Nations (UN).

Naglulubid ng buhangin si Aquino sa kanyang pahayag na natugunan diumano ng pambansang pamahalaan ang mayor na mga problema sa pag-aalis ng bara sa mga lansangan at paghahatid ng pagkain, tubig at gamot sa mga biktima ng kalamidad. Hindi matatapalan ng kasinungalingan ng reaksyunaryong gubyerno ang mga testimonyang galing mismo sa mamamayang nagugutom at naghihinagpis. Hindi maikukubli ng hungkag na mga salita, pamumustura at pagmamaktol ni Aquino ang sidhi ng trahedyang nararanasan ng mamamayan sa mga probinsya ng Eastern at Central Visayas, sa mga isla ng Mindoro, Palawan, Masbate, Panay, Negros at iba pang mga lugar sa Eastern at South Eastern Mindanao, Northern Mindanao at mga probinsya sa Timog Luzon.

Manhid at walang puso si Aquino at ang kanyang buong gubyerno. Paano ba mararamdaman at makikiisa ang isang antimamamayan at antidemokratikong gubyerno sa pamimighati ng mamamayang nasalanta kung ang tanging obsesyon ay paano pipigain at pagsasamantalahan?

Sa gitna ng mga pangako, nauubos na ang pasensya ng taumbayan. Hinahalinhan ng poot ang pagdadalamhati ng mga biktima dahil sa pagiging walang-silbi ng reaksyunaryong gubyerno na mabilisang aksyunan ang pangangailangan ng mga nasalanta. Makalipas ang maraming araw matapos humagupit ang superbagyong Yolanda, marami pa ring mga bayan ang di nararating ng tulong at batayang serbisyo. Maraming mga kalsada ang di pa rin madaanan dahil sa di natatanggal na mga bara. Maraming mga bangkay ang nakahandusay pa rin sa mga lansangan na hindi nagagalaw at di mabigyan ng disenteng libing bukod sa ibinibigay na panganib sa kalusugan. Hindi ganap na makapagluksa ang mga kaanak ng mga nasawi dahil maging sila ay lumalaban upang patuloy na mabuhay. Solong hinaharap ng mga biktima ang mga suliraning ito dahil malayo sa kanilang tanaw ang inaasahang tulong at suporta mula sa reaksyunaryong gubyerno.

Sa gitna ng karimarimarim na kalagayan ng mamamayan, mas pinipili pa ni Aquino na unahin ang sarili nitong imahe. Pilit na itinatago ng mga alipores ng reaksyunaryong gubyerno ang tunay na datos ng mga apektado ng trahedya. Pilit na ikinukubli ng reaksyunaryong gubyerno ang libu-libong nasawi, daan-daang milyong halagang nawasak at nawalang ari-arian, libu-libong bilang ng mga nawawala at sugatan at milyun-milyong mamamayan na naghihikahos sa gutom at uhaw.  Sa takot na mabuntunan ng sisi, inunahan na ni Aquino na isisi sa diumano'y hindi kahandaan ng lokal na pamahalaan at mamamayan na harapin ang kalamidad sa kabila ng diumano'y pagpapaalala ng pambansang pamahalaan. Manhid at kawalang-pusong sisihin ng reaksyunaryong gubyerno ang mga biktima ng kalamidad sa gitna ng kanilang miserableng kundisyon.  At sa harap ng kawalang aksyon ng gubyerno, ibinabaling nila ang sisi at pag-aakusa ng pagnanakaw sa mamamayang hindi masisising mangalap ng tubig at pagkaing esensyal upang mabuhay.

Itinuturing na pinakamalakas na bagyo na tumama sa kalupaan ang superbagyong Yolanda, ngunit higit pa sa hagupit na hatid nito ang delubyong dulot ng kasalukuyang rehimen.  Si Aquino at ang kanyang gubyerno ang pinakamalaking delubyo at salot na tumama sa mamamayang Pilipino. Ang epekto ng bawat sakunang tumatama sa bansa ay lalong pinasisidhi ng antikalikasan at antimamamayang mga programang nagsasakripisyo sa interes at seguridad ng mamamayan at mga lokal na komunidad. Sinasalamin ng bulnerabilidad ng bayan sa mga sakuna at kalamidad ang mahabang panahong kapabayaan ng reaksyunaryong gubyerno na magsagawa ng malinaw, kumprehensibo at sustinableng mga programa. Repleksyon ito na mas inuuna ng reaksyunaryong gubyerno ang mga mga proyekto at programang naghahatid ng kapakinabangan sa mga lokal na naghaharing uri at sa amo nitong imperyalista tulad ng kaliwa't kanang mapanirang pagmimina ng mga lokal at dayuhang kumpanya at pagtatayo ng mga negosyo at imprastrukturang mapaminsala sa kalikasan, buhay at kabuhayan ng mamamayan.

Dapat papanagutin ang rehimeng US-Aquino II sa kapabayaan nitong magpatupad ng mga hakbangin upang tugunan ang kagyat na pangangailangan ng mamamayan at magsagawa ng mga kumprehensibong programa upang ihanda ang mga komunidad sa pagharap sa ganitong mga kalamidad. Mabagal, kulang at hindi epektibo ang mga aksyon at operasyon nito na lalong nagdudulot ng pagdurusa sa mga biktima ng superbagyong Yolanda.

Maririnig sa buong kapuluan at maging sa labas ng bansa ang alingawngaw ng hinaing ng mamamayan para sa kagyat na tulong at mga hakbangin upang makabangon sa pinsalang dulot ng bagyo. Nananawagan ang NDF-ST sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa at mamamayang magkaisa, mag-ambag ng ganang kaya at bukas-palad na mag-abot ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

Nag-iwan ng malalim na sugat sa puso ng sambayanan ang bagyong Yolanda subalit ang isang sugat na hindi maghihilom ay ang delubyong nilikha ng isang sistemang sinasangkalan ang kapakanan ng nakakarami para sa interes ng iilan. Tanging apoy ng paghihimagsik lamang ang tunay na maghahatid ng hustisya at katarungan na magpapahilom sa sugat ng mamamayan. Sa pagdaluyong ng isang rebolusyonaryong unos, papawiin ang lahat ng uri ng pagpapahirap, karahasan at delubyong dulot ng sistemang kinakatawan ng rehimeng US-Aquino II laban sa mamamayan.