Tumulong sa pagbigay ayuda at sa muling pagtayo ng mga sinalanta ng Yolanda, isuspendi ang mga taktikal na opensiba ng BHB habang iginigiit sa rehimeng Aquino ang tungkulin nitong tulungan ang mga nasalanta

Concha Araneta
NDFP Panay Regional Chapter
November 12, 2013

Translation: Magtubong sa pag‐alibyo kag pagtindog liwat sang nahalitan sang Yolanda suspendihon ang mga taktikal nga opensiba sang BHB samtang idemanda sa rehimen Aquino ang katungdanan sa pag‐ayuda sang nahalitan

Noong nakaraang Nobyembre 8, 2013 hinambalos ng pinakamatinding bagyo sa mundo ang sentral na bahagi ng Pilipinas laluna sa Kabisayaan, at nagdulot ng walang katulad na pinsala't kamatayan sa mga lugar na ito. Bagamat pumapangalawa lamang ang pinsalang tinamo ng isla ng Panay, na sa pinakahuling lista ay mahigit isang milyong katao ang apektado pero malamang kalahati ng taga-Panay na may populasyong 4.5 milyon ang tinamaan. Daan-daan ang namatay at libu-libo ang nasugatan.

Halos isang milyong kabahayan ang nawasak. Ilampung libong istrukturang pampubliko naman tulad ng mga eskwelahan, ospital, mga gym at barangay hall, palengke at tiyangge ang nasira kaya hindi na rin ito magamit para magbigay sa mamamayan ng serbisyong panlipunan at pangangailangang pangkagipitan. Karamihan sa mga linya ng komunikasyon (cellphone at telepono, radyo, internet) ang nasira kaya hindi makauugnay ang mamamayan sa kada isa at makahatid ng ayuda, pakikiramay sa panahon ng kalamidad at kawalan.



Putol ang mga kalsadang umuugnay sa buong isla, sa mga lalawigan, mga bayan at kahit sa mga barangay. Nabalot sa dilim at walang kuryente ang karamihan ng mga lugar sa isla maliban sa syudad ng Iloilo at paligid nito. Grabeng takot at pangamba ang nadama ng ilang milyong mamamayang nasalanta at ng mga kamag-anak at kakilala nila sa iba't ibang lugar sa Pilipinas at sa labas ng bansa. Wasak, nilimas at malubha ang pagkasalanta ng mga bukirin, palaisdaan at hayupan ng mga Panayanon. Nagkalat at nagkasira-sira ang kanilang mga kagamitan, mga sasakyan, mga palengke at mga makina. Ilang buwan at taon pa ang bibilangin para makabawi at muling mapagana ang ekonomya ng Panay sa antas ng produksyon nito bago sumalanta ang bagyo. Ilang buwan at taon din ang bibilangin bago muling maipundar ang mga nasirang tahanan.

Inutil ang rehimeng Aquino sa pagpapatakbo ng _relief_ at rehabilitasyon ng mga lugar. Sa lunsod pa lamang ng Tacloban, hindi nito mapakain, mapainom ang nagugutom at giniginaw na mamamayan, hindi maiipon ang libu-libong patay kahit apat na araw mula nang humagupit ang bagyo. Walang magawa ang mga upisyal ng rehimen kundi ang magparoo't parito, mag-anunsyo at magsiguro na makukonsentrahan ng mga pulis at sundalo ang  umaalsang gutom na mamamayan.

Paano pa kaya makatulong ang rehimen sa Panay at sa iba pang mga islang malaki ang kapinsalaan ngunit hindi naman pokus ng midya ng mundo? Kahit pa ibuhos ang tulong ng mundo at ang ibinibigay na ayuda ng rehimen, hindi pa rin matutumbasan nito ang ilang taong kakailanganin para makabawi sa sinapit na kalamidad. Pinabayaan ng rehimen pati ng mga lokal upisyal nito ang mamamayan ng Panay na mag-inisyatiba na lamang sa pagtayo sa sarili nito pagkaraan ng malaking pinsala nang dumalaw ito sa Roxas City. Ito ay dahil ilang bilyong buwis na ng mamamayan ang ninakaw ng malalaking pulitiko kabilang ang mga alipures ng rehimen, sa tulong ni Napoles. Hanggang sa magpalitrato lamang ang ginawa nina Aquino at Mar Roxas II sa Roxas City.

May kriminal ding kapabayaan ang rehimeng Aquino sa paghahanda sa mamamayan sa pinakamalalang sakuna.

Inamin ng kanyang tagapagsalita na bisperas pa lamang ng bagyo ay nagpaabot na ito ng babala sa pamamagitan ng ulat sa bayan sa peligro ng malakas na bagyo. Pero lubhang huli ang pagbigay-babala sa storm surge na umabot sa 5-6 metro ang taas batay sa kanyang nalalaman. Paano mo mailikas ang buong syudad ng Tacloban sa kalahating araw lamang na babala? Hindi kataka-takang libu-libo ang mga kaswalti dito. Hindi na ito nakaabot ang babala sa mga lokal na pamahalaan sa bayan ng Estancia, Iloilo at sa mga islang barangay sa Panay kung saan marami ang napatay. Nag-aalburuto ang panlalawigang upisyal ng NFA-Iloilo sa hungkag na deklarasyon ng NFA na sapat umano ang nakaimbak na bigas gayong lubhang kulang pala ito sa pangangailangan ng mga sinalanta.

Salamat sa pagdagsa ng ilang bilyong pisong ayuda mula sa ibang bansa at mga dayuhang ahensya. Pero hindi nito matutumbasan ang mga nasira ng matinding bagyo, pagbaha dulot ng pagbuhos ng ulan at tagtuyot na lahat ay idinulot ng pag-init ng klima.

Ang pag-init ng klima ay resulta rin ng akumuladong karbon mula sa daan-daang taong di-planadong industriyalisasyon, hibang na pagkukumpetisyon ng mga negosyo at sakim na pagkamal ng yaman at rekurso ng malalaking kapitalista ng mundo.

Ang mata ng bagyong Yolanda dumaan sa sentral at hilagang bahagi ng Panay, mga lugar kung saan umiiral ang mga larangang gerilya at Pulang kapangyarihang pampulitika na kinakatawan ng NDF-Panay.

Pagkatapos ng malakas na hangin ng bagyo, kaagad na sinimulan ng mga rebolusyonaryong pwersa at ng mga impluwensyado nito ang paghanap sa mga nasugatan at inilikas ang mga nasa bingit ng peligro. Nag-organisa sila ng mga ayuda, nag-imbentaryo ng mga tao, naglinis at nagtayo ng mga kubong masisilungan, nangalap ng makakain at maiinom kahit sa limitadong maabot nito sa simula. Ang mga rebolusyonaryong pwersa at mga impluwensyado nito ay nagbabad sa ulan, ginaw at gutom simula nang sumalanta ang bagyo, pagkasira ng kanilang mga bahay at kabuhayan, nahiwalay sa ibang lugar bunga ng pagkaputol sa komunikasyon. Ganito rin ang kalagayan ng malawak na mamamayang hinagupit ng bagyo na karamiha'y hindi pa nakatanggap ng anumang ayuda mula sa  rehimeng Aquino.

Para lubos na maipon ang lakas ng mamamayan sa mabilis na pagtulong, pag-rehabilitate at mapabangon ang sinalanta ng bagyong Yolanda, may sumusunod na kagyat na mga tungkulin:

1. Para sa mga rebolusyonaryong pwersa, tutukan ang paglulunsad at pagsusulong ng kilusan sa pag-organisa ng operasyon sa _relief_ at rehabilitasyon. Maaari itong simulan sa pangangalap at pamamahagi sa kagyat ng pagkain at maiinom laluna sa mga lugar na madaling maabot at matindi ang tama ng bagyo, mga lugar na hindi naaabutan ng ayuda pero naaabot ng kilusan at mismong sa mga lugar na organisado at impluwensyado ng rebolusyonaryong kilusan.

Para sa mamamayang Panayanon, simulan ding mag-organisa ng mga nakatitindig sa sariling proyekto sa pagbangon sa pamamagitan ng konstruksyon ng mga agarang masisilungan at pagtanim ng makakain laluna sa mga nakatiwangwang na lupa. Gawin ito sa mga pampublikong lupain at igiit din ito sa mga panginoong maylupa at mga bangkong nagremate ng kanilang lupa.

Igiit sa mga usurero at bangko ang pagpapaliban o pagpapatawad sa prinsipal na utang o sa interes man lamang. Palawigin din ang taning sa pagbayad nito at itigil ang pag-iilit ng ari- arian ng mga hindi makapagbabayad sa loob ng takdang panahon. Dapat palakihin pa ang kanilang ipinauutang sa mga mamamayang nasalanta ng bagyo.

Dapat paunlarin ang kilusan sa paghahanda sa mga kalamidad na palala nang palala. Dapat napapanahon at sapat na babala hinggil sa mga susunod pang malalakas na bagyo, pag-ulan at pagbaha. Mahalaga ang impormasyon hinggil sa mga panganib na kinakaharap at ang partikular na anyo nito sa iba't ibang lugar.

Ipatigil ang enggrandeng konstruksyon ng dam sa Jalaur River upang maiwasan ang mas mapaminsala pang mga baha kapag nawasak ang dam bunsod ng matinding pag-ulan.

2. Igiit sa rehimen, mga ahensya at sa mga lokal na tauhan nito ang agaran, sapat at sustenidong pagkain at tubig, gamot at serbisyong medikal at bubong na masisilungan ng daanlibo pang nasalanta. Dapat ding igiit sa rehimen na bahagian ng sapat na ayuda ang Panay kahit sekundaryo lamang ito sa tindi ng pagkakasalanta. Tiyakin na ang ibinibigay na ayuda ng ibang mga bansa ay nakararating sa mga totoong biktima.

Igiit ang maagap na pagpapabalik ng komunikasyon at kuryente para ang mamamayan ay makapagpaabot ng mensahe sa kani-kanilang mga pamilya o makahingi ng tulong.

Igiit din sa rehimen na libre at maramihan itong mamigay ng mga binhi at iba pang pangangailangan sa pagsasaka at paunang kapital sa mga magsasaka at mangingisda. Igiit ang paglilikha ng kagyatang trabaho para sa daanlibong walang hanapbuhay.

3. Sa kagyat, unilateral na sinususpinde ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang mga taktikal na opensiba nito laban sa reaksyunaryong militar upang matutukan nito ang pag-oorganisa ng _relief operations_ sa daan-daan-libong nasalanta ng bagyo sa mga larangang gerilya. Alinsunod sa umiiral na patakaran ng rebolusyonaryong kilusan, hindi hinahadlangan ang mga ahensya ng reaksyunaryong gubyernong responsable sa pamamahagi ng ayuda sa mamamayan sa loob ng mga sonang gerilya.

Ang magiging moda ng mga yunit ng BHB ay aktibong depensa laban sa pang-aatake ng 3rd ID at 301st Brigade. Nagawa na ito nang magdeklara ng tigil-putukan ang BHB nang lumikha ng malawakang pagbaha ang bagyong Frank noong Hunyo 2008 at tuwing may tigil-putukan sa Pasko at Bagong Taon. Malisyosong tinatabingan ng reaksyunaryong militar ang kanilang pang-aatake sa pagsasabing naghahatid sila ng _relief goods_.

Kung ito ang tunay nilang layunin, simple lamang ang kinakailangan nilang gawin:

Magdala lamang sila ng maiikling armas at magpaabot na mag-eeskort sila ng _relief goods_ at hindi sila aatakehin ng BHB. Ito ay tulad ng ginagawang paghingi ng pahintulot ng ilang elemento ng PNP kung may dinadakip silang sagadsaring kriminal sa loob ng sonang gerilya.

Ang mga hakbang na ito ay pangunahing nakasalig sa nagkakaisang lakas ng mamamayan upang makabawi at muling makatindig sa kanilang kabuhayan, maipundar ang kanilang mga kabahayan sa mga lugar na umiiral ang rebolusyonaryong pwersa at sa kanilang mga  impluwensyado. Panawagan din ito sa mamamayan ng Panay na singilin ang GRP sa responsibilidad nitong mag-ayuda sa sinalantang mamamayan na siya ring nagbabayad ng buwis sa rehimeng Aquino. Singilin din ang rehimen sa nararapat na bahagi ng pinadalang mga ayuda ng ibang bansa para sa Panay.