Hinggil sa Oplan Bayanihan at sa prospek ng kapayapayaan at katarungang pangkapaligiran

Presentasyon sa Media Forum hinggil sa Oplan Bayanihan at sa mga Prospek sa Kapayapayaan at Katarungang Pangkapaligiran

Prof. Jose Maria Sison
Founding Chairman, Communist Party of the Philippines
Chief Political Consultant, National Democratic Front of the Philippines

Itinaguyod ng Apo Sandawa Lumadnung Panaghiusa sa Cotabato (ASLPC)

at ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas- Probinsya ng Kutabato (KMP-PK)
Kidapawan City, North Cotabato
Disyembre 9, 2013


Mga Kababayan at Kaibigan,

Salamat sa pag-imbita sa akin para maging tagapagsalita sa Media Forum (Talakyan ng Midya) hinggil sa Oplan Bayanihan at sa mga Prospek sa Kapayapaan at Katarungang Pangkapaligiran. Batid ko ang malasakit ninyo sa kapayapaan at kaayusan at sa kalagayang pangkapaligiran sa Mindanao at ikinalulugod ko ang inyong hangaring maunawaan ang mga ugat na nagbubunsod ng problema.



Isang pribelihiyo sa akin na mag-ambag ng impormasyon at pananaw sa mga kalahok sa talakayan na mula sa mga nangungunang institusyon ng midya, mga organisasyon ng kabataan at estudyante, mga grupong sibil ng lipunan, sa mga guro at mga taong simbahan mula sa ibat ibang kasapian. Tiwala ako na magbibigay-linaw ang talakayang ito sa mga usapin at mas mahusay natin itong matatalakay sa mga edukasyong publiko at mobilisasyon.
 

A. Oplan Bayanihan


1. Katangian at Layunin ng Oplan. Tulad ng Oplan Bantay Laya, isang pambansang pakanang militar ang Oplan Bayanihan na dinisenyo ng US at ibinatay sa Counterinsurgency Guide (Gabay sa Kontra-insurhensya) ng US para sa imbing layunin na wasakin o ipawalangsaysay ang Bagong Hukbong Bayan. Subalit di tulad ng Oplan Bantay Laya, na bantog sa lansakan at sistematikong paglabag sa mga karapatang-tao, dinisenyo diumano ang Oplan Bayanihan na mas nagdidiin sa saywar at gawaing paniktik, nang di pinahihina ang mga operasyong pangkombat kundi mas ginagawa itong epektibo sa pamamagitan ng saywar at gawaing paniktik.

Ang saligang ideya ng Counterinsurgency Guide ng US at ng Oplan Bayanihan ay, kayang gapiin ng isang rehimen ang isang rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng mabuting pamamahala, sa pagiging malinis sa matuwid na daan, at sa episyenteng paghahatid ng serbisyo sa mamamayan. Kahit di totoo, ang ipinagmamalaking mga ng tagumpay sa ekonomya ay mahalaga sa saywar at higit pang mahalaga sa pagkakaroon ng negosasyong pangkapayapaan, na pwede itong isaisantabi at gamitin lamang para sa layuning saywar.

2. Ang Susing Papel ni Aquino. Bilang tagatustos sa kampanya noong 2010, pinili ng pinakamalalaking dayuhan at lokal na negosyante si Aquino para maging presidente at gumampan ng susing papel sa Oplan Bayanihan. Nakipagmabutihan siya sa burges na masmidya na idinambana siya bilang huwaran ng isang malinis, tapat at episyenteng gubyerno at bilang siyang gumagawa ng milagro sa ekonomya na mabilis na lumalago at lumolobo dahil sa ispekulatibong salapi mula sa ibayong dagat.

Sa pakikipagkoordina sa militar, ang susing sibilyang ahensya ni Aquino sa pagkumbina ng saywar at gawaing paniktik laban sa rebolusyonaryong kilusan ay ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP), ang Kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at ang Tagapangulo ng National Anti-Poverty Commission (NAPC). Sila ang may responsibilidad sa pamumudmod ng pera sa ilalim ng Conditional Cash Transfer at ng pondong PAMANA sa inutil na pagtatangkang maliitin ang baseng masa ng mga rebolusyonaryong pwersa at makapaniktik sa mga antas ng komunidad hinggil sa mga rebolusyonaryong mandirigma, mga aktibistang masa at mga pamilya nila para sa layuning akitin silang sumuko kapalit ng kabayaran, tulad noong mga nagpailalim sa Programa sa Amnestiya at Rehabilitasyon sa ilalim nina Cory Aquino at Ramos.

3. Paglalantad sa Rehimeng Aquino. Ang huwad na imaheng ipinakikita ni Aquino at ng rehimen niya na malinis, tapat at episyente ay lantad na. Nagsimula ito nang malantad ang iskandalong _pork barrel_ ni Napoles na may kaugnayan sa Priority Development Assistance Fund, na naghubad kay Aquino bilang hari ng _pork barrel_ na gumagasta ng salaping publiko mula sa Disbursement Acceleration Program para sa sarili niyang kapakinabangan at bentahe sa pulitika at sa iba pang bultuhang paglaan ng pondo na nasa solo niyang diskresyon.

Naglantad pang lubos sa rehimeng Aquino ang pagkawala ng pondo para sa kalamidad at ang kabiguan ng rehimen na gumawa ng mga paghahanda bago ang mga sakuna at makapagbigay ng maagap at sapat na tulong na panalba at pan-_relief_ sa milyun-milyong biktima ng suberbagyong Haiyan (Yolanda). Mas naging bantog ang OPAPP, DSWD at ang NAPC sa burukratikong korapsyon kaysa sa pagtataguyod ng kapayapaan, pagtulong sa mga mamamayang nasa panganib at sa paglaban sa kahirapan.

B. Mga Prospek para sa Kapayapaan


1. Pananabotahe sa Prosesong Pangkapayapaan. Sa unang pormal na pulong pa lamang ng mga _negotiating panel_ (panel sa negosasyon) ng GPH at ng NDFP sa Oslo noong Pebrero 2011, inatake na ng GPH ang The Hague Joint Declaration bilang isang dokumento ng walang katapusang pagkakahati. Idiniin ng NDFP na ang naturang deklarasyon ay ang balangkas na kasunduan kung kaya nalikha ang mahigit 10 pang mayor na mga kasunduan, kabilang ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Tumungo ang GPH sa pagpawalambisa ideklarang walang silbi ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).

Tumanggi itong palayain ang mga bilanggong pulitikal na protektado ng JASIG at ang daan-daan pang bilanggong pulitikal na ikinulong ng rehimeng Arroyo na labag sa CARHRIHL. Lubos ang kalupitan at walang habag nitong ipinipiit nang walang taning ang mga bilanggong pulitikal. Hindi maaaring pagkatiwalaan ng NDFP ang isang rehimeng hindi marunong rumespeto sa mga kasunduan. Nang mag-alok ito ng posibilidad ng tigil-putukan at alyansa o kooperasyon batay sa pangkalahatang deklarasyon ng komun na layunin, naggigiit ng pagsuko ang rehimen sa tabing ng "makaisang-panig na sabayang walang taning na tigil-putukan", nang walang pagsangguni sa adyendang nakatakda sa The Hague Joint Declaration.

2. Ang Komitment ng NDFP sa Prosesong Pangkapayapaan. Nananatiling naninindigan ang NDFP sa negosasyong pangkapayapaan sang-ayon sa The Hague Joint Declaration at mga sumunod pang kasunduan, sa kabila ng masamang karanasan sa pakikipagnegosasyon sa mga rehimeng Estrada, Arroyo at Aquino. Ang pinakamahalagang dahilan ng pagpupunyagi ng NDFP sa negosasyong pangkapayapaan ay ang paghahanap ng kalutasan sa mga saligang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitikang suliraning bumibiktima sa milyun-milyong mamamayan.

Walang anumang signipikanteng palatandaan na interesado ang rehimeng Aquino sa pagtutuloy ng pormal pakikipag-usapan pangkapayapaan sa NDFP. Kung kaya, ang kailangang gawin ng mamamayan ay pabilisin ang pagtanggal sa naghaharing pangkating Aquino sa poder at igiit ang komitment ng susunod na presidente upang ipagpatuloy ang mga pormal na usapang pangkapayapaan.

3. Kailangan ang Prosesong Pangkapayapaan sa Krisis. Para sa kapakapanan ng sambayanang Pilipino, dapat ipagpatuloy ang negosasyong pangkapayapaan, laluna sa harap na matagalan at papalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng lokal na naghaharing sistema. Lubos nang nagdurusa ang mamamayan sa mataas na tantos ng kawalang-hanapbuhay, pag-imbulog na presyo ng mga batayang produkto at serbisyo, pagbaba at pag-uk-ok ng serbisyong panlipunan, laganap na kahirapan at pagdurusa. Ang ilusyon ng paglago ng ekonomya na pinalobo ng ispekulatibong salapi ay puputok sa kalaunan at lalong maghihirap kaysa dati ang mamamayan.

Hindi imposible ang matagumpay na pagsulong ng negosasyong pangkapayapaan. Isang usapin ang prosesong pangkapayapaan ng pagbubuo mula sa mga nakamit na. Nagtagumpay na ito sa pagkakamit ng sustantibong kasunduan, ang CARHRIHL, sa loob ng balangkas ng The Hague Joint Declaration. Posibleng magkaroon ng isang komprehensibong kasunduan hinggil sa mga repormang sosyo-ekonomiko, kung saan ang reporma sa lupa at ang pambansang industriyalisasyon ay mga mayor na probisyon. Posible ring magkaroon ng isang komprehensibong kasunduan hinggil sa mga repormang pulitikal at konstitusyunal, kung saan ang pambansang kasarinlan at ang demokrasyang bayan ang mga susing probisyon. Sa batayan ng mga sustantibong kasunduang ito, kung kaya posibleng magkasundo nang komprehensibo para wakasan ang mga labanan at para sa disposisyon ng mga pwersa. Dapat pukawin, organisahin at pakilusin ang mamamayan para igiit ang muling pagtutuloy ng negosasyong pangkapayapaan.

K. Mga Prospek ng Katarungang Pangkapaligiran


1. Krisis Pangkapaligiran sa Mindanao. Nakikita natin sa buong bansa ang walang habas na pandarambong sa mga likas na yaman at ang pagkawasak ng kapaligiran. Ang Pilipinas ngayon ang ikalawang may pinakamaliit na kagubatan sa buong Southeast Asia. Ang pagkalbo sa kagubatan sa Luzon at Visayas ay mula pa noong panahon ng Espanyol, subalit sa nakaraang siglo, dulot ito pangunahin ng mga operasyon ng pagtotroso, agribisnes, at mga kumpanya sa pagmimina laluna sa Mindanao.

Hanggang 2003 (ang pinakahuling taon na meron pang mga upisyal datos hinggil sa kagubatan), ang kabuuang nananatiling gubat sa buong bansa ay umabot na lamang sa 21 porsyento. Lumala ito sa Mindanao kung saan ang kagubatan ay umabot na lamang sa 15.2 porsyento. Sa pagkawala ng kagubatan, naging mas bulnerable kapwa ang mga komunidad sa kalunsuran at kanayunan sa mga bagyo, palagiang erosyon at pagguho ng lupa, malalang pagbabaw ng mga ilog at lawa, pagkawala ng _biodiversity_ at pagkabawas ng mga halaman at hayop, at sa sobrang pag-init sa kalunsuran.

Ang paggamit ng _open pit mining_ at ang maramihang paggamit ng mga kemikal para pabilisin ang ekstraksyon ng mga mineral, kabilang ang pagmimina ng _magnetite_ o _black sand_ sa mga baybaying dagat ay nagpalala sa erosyon ng lupa at pagkalason ng mga sapa, ilog, lawa at mga baybayin sa kapinsalaan ng mga magsasaka at mangingisda. Ang ekspansyon ng mga plantasyon para sa produksyon ng _bio-ethanol_ at pag-eksport ng mga produkto gaya ng mga prutas, goma at _palm oil_ ay kinasasangkutan ng sobra-sobrang paggamit ng kemikal at grabeng pagkatagibang ng paggamit ng lupa sa kapinsalaan ng kapaligiran at produksyon ng pangunahing pagkain.

2. Pananagutan sa Krisis. Pangunahing responsable ang mga dayuhang multinasyunal na kumpanya at ang kanilang malalaking kumprador at matataas na kaalyadong burukrata sa pagkawasak ng kapaligiran sa Pilipinas. Dapat sisihin ang rehimeng Aquino sa pagganyak sa iligal na pagtotroso, sa walang patumanggang pagmimina at sa mabilis na paglawak ng mga plantasyon. Tuluy-tuloy nitong itinataguyod ang makadayuhang Mining Act ng 1995 at hinikyat ang maramihang pagpasok ng malalaking kumpanya sa pagmimina sa Mindanao kasabay ng militarisasyon sa lugar ng mga minahan. Nagdeklara ang rehimen ng tinaguriang _total log ban_ (ganap na pagbabawal sa pagputol ng kahoy) sa mga likas na kagubatan. Subalit ang totoo, gumawa siya ng napakaraming eksempsyon at kinukunsinte pa nga ang tahasang iligal na pagtotroso ng AFP-CAFGU at mga lokal na yunit ng gubyerno tulad sa lugar ng PICOP at Forest Research Institute.

May pananagutan ang mga imperyalistang kapangyarihan na pinangungunahan ng US, kapwa noon at ngayon, dahil sa singaw mula sa uling na nagdudulot ng _global warming_ (pag-init ng mundo). Ang mga natural na sakunang dulot kapwa ng malalang pangyayari kaugnay ng panahon tulad ng mga bagyo at mga matagalang panganib gaya ng pagbaha mula sa baybayin, ay dumadalas at lalong nagiging mapaminsala dahil sa _global warming_.

Ang mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas, na hindi lumilikha ng bulto ng mga _greenhouse_ na gas, ay bulnerable hindi lamang dahil nasa direktang daanan ito ng mga tropikal na bagyo at masyadong mainit na agos ng karagatan kundi maging ng kawalang-kaunlaran humahadlang sa kakayanan nitong tumugon sa mga sakuna. Ang superbagyong Yolanda ay tiyak na pinalakas ng pag-init ng Pacific Ocean.

Tulad na ipinakita ng kakarampot na resulta ng kamakailang pagpupulong kaugnay sa klima ng COP-19 sa Warsaw, buong kahambugang tinututulan ng mga imperyalistang kapangyarihan ang iginigiit ng mahihirap na bansa para sa kumpensasyon sa mga biktima ng natural na sakuna na likha ng _global warming_. Ipinataw nila sa daigdig ang paggamit ng _fossil fuel_ (organikong materyal) at minantine ang pribilehiyo ng pagbubuga ng _carbon dioxide_. Dahil sa mga katwirang ito, marapat lamang na tingnan ng mga inaaaping mamamayan ng daigdig ang usapin ng pagbabago ng klima at ang mapaminsalang epekto nito bilang isang inhustisyang pangkapaligiran na ipinataw ng imperyalismo sa halip na tingnang isang natural na kaganapan na dapat sama-samang harapin ng mga bansa.

Totoo na ang mamamayan, laluna na yaong mga pinakadahop na seksyon ng mga manggagawa at magsasaka, ay talagang desperado na magkaroon ng kapit-sa-patalim na ikabubuhay sa kapinsalaan ng ekolohikal na balanse at ng ligtas at maalwang kundisyon ng pamumuhay. Subalit talang walampuso ang rehimeng Aquino na isisi pa sa kanila ang mga suliraning pangkapaligiran at ang pagtira nila sa mga lugar na mapanganib sa mga sakuna, at sa gayong katwira'y pwersahan pa silang palayasin sa kanilang mga komunidad. Ang malawak na masa ng sambayanan ay mga biktima, hindi mga salarin, ng inhustisyang pangkapaligiran na pinalalala ng mga paglabag sa mga karapatang-tao.

3. Pagkakamit ng Katarungang Pangkapaligiran. Habang nananatiling malakolonyal at malapyudal ang Pilipinas sa mahabang panahon, patuloy na ipaiilalim ng mga imperyalistang kapangyarihan at mga reaksyunaryong papet ang sambayanang Pilipino sa inhustisyang pangkapaligiran. Ang paraan para makamit ng mamamayan ang katarungang pangkapaligiran ay makibaka para sa pambansang kasarinlan, demokrasya, katarungang panlipunan, kaunlaran at internasyunal na pakikipagkaisa sa mamamayan ng daigdig. Hanggang ngayon, dapat maging mulat tayo sa pangangailangang itigil ang pagsira sa kapaligiran at ang walang habas na pagkaubos ng ating mahahalagang rekursong di na mapapalitan, laluna ang mga hilaw na mineral at gawin ang lahat ng posibleng magagawa kaugnay nito.

Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pambansa at panlipunan kalayaan, mahahadlangan ng isang tunay na may kapangyarihang sambayanang Pilipino ang pandarambong sa mga likas na yaman at ang pagkawasak ng kapaligiran. Mapagbabawalan natin ang mga imperyalista at malalaking kumpanyang kumprador-asendero na basta limasin ang mga likas na yaman at iwan ang bansang bansot at ang masa na mas lalong nagdarahop. Mapangangalagaan at mapangangasiwaan ang ating mga likas na yaman at magagamit ito ng wasto sa pamamagitan ng pagpoproseso rito para sa pambansang industriyalisasyon at para suportahan ang agrikultura at ang lahat-panig na pag-unlad ng kanayunan sa batayan ng repormang agraryo.

Sa pambansang industriyalisasyon at repormang agraryo na lumilikha ng lokal na produksyon at hanapbuhay na mas malaki kaysa sa iniaalok ng mga kumpanyang imperyalista at kumprador-asendero, nagiging posible sa mamamayan na makagawa ng angkop na pamamaraang pamproduksyon na ekolohikal, magpatupad ng pangangalaga sa kapaligiran, iwasan ang panganib sa kapaligiran, at mas epektibong makaangkop sa mga sakuna sa pamamagitan ng mobilisasyong masa.

May direktang ugnayan ang pakikibaka para sa kapayapaan at ang pakikibaka para sa katarungang pangkapaligiran. Ang totoo, nabanggit na namin na ang tanging batayan para sa isang tunay at pangmatagalang kapayapaan ay batay sa katarungang bunsod ng sustantibong mga repormang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika. Ang paglaban sa katarungang pangkapaligiran ay nangangahulugan ng pakikibaka sa mga komprehensibong reporma, tungo sa isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.