Masang magsasaka ng Gitnang Luson, Ipagtanggol ang karapatan sa lupa sa Gitnang Luson! Isulong ang Rebolusyong Agraryo!

Sa ika-150 taong kaarawan ng rebolusyonaryong si Andres Bonifacio

Pambansang Katipunan Ng Magbubukid – Gitnang Luson
Nobyembre 30, 2013

Sa paggunita ng ika-150 taong kaarawan ng rebolusyonaryong si Andres Bonifacio, pinananawagan ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid – Pambansa Demokratikong Prente ng Gitnang Luson (PKM – NDF) sa malawak na masang magsasaka na isulong ang Rebolusyong Agraryo at Demokratikong Rebolusyong Bayan.  Kaugnay nito, inaatasan ng pang-rehiyonal na organo ng PKM ang iba’t ibang balangay sa mga probinsya at bayan na isulong ang karapatan sa lupa, partikular ang okupasyon ng sakahan o bungkalan at pakikinabang sa ani mula rito.  Ang dakilang layunin ng Katipunan, sa pamumuno ni Bonifacio, na ipamahagi ang malawak na lupa sa mga magsasaka at wasakin ang monopolyong kontrol ng mga panginoong maylupa (PML) ay lubos na makatarungan at makatwiran sa kasalukuyang pamumuno ng reaksyunaryong rehimeng US-Aquino.



Ang rehiyong Gitnang Luson, kung saan malawak at produktibo ang mga sakahan ay siya ring target ng sistematikong programang pribatisasyon, kumbersyon ng lupa at pandarambong, sa pangunguna ng rehimeng US-Aquino, sa pakinabang ng imperyalismong US.  Samakatuwid, ang malawak na masang magsasaka at mamamayan ay nahaharap sa malaking panganib ng pagsagasa sa karapatang pantao, sa lupa at kabuhayan.  Samakatuwid, walang ibang masasaligan ang mamamayan kundi ang Demokratikong Rebolusyong Bayan, sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), at ang Rebolusyong Agraryo, sa pakikipagtulungan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at PKM.

Sinasagad ng rehimeng US-Aquino ang pagpapakatuta nito at pagpapalala ng mala-pyudal at mala-kolonyal na sistema ng lipunan, sa pagpapatupad ng kontra-mamamayang programang Public-Private Partnership (PPP).  Ang PPP ay walang ibang kahulugan kundi ang kutsabahan ng reaksyunaryong gubyerno, imperyalismong US at mga lokal na naghaharing uri.  Target nitong pagkakakitaan ang malawak na kalupaan ng rehiyon, ang mayamang likas na yaman, gayundin ang lakas-paggawa ng masa.  Upang isulong ito, sinusupil nito ang pakikibaka ng mamamayan para sa Tunay na Reporma sa Lupa sa pamamagitan ng pasistang paghahari gamit ang mga bayarang pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Matingkad na konsiderasyon ng rehimeng US-Aquino ang pagsabotahe sa pamamahagi ng lupa ng Hacienda Luisita sa masang manggagawang bukid.  Lantad ang kabulukan ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with “Reforms” (CARPer) at kontra-magsasakang mga probisyon nito.  Sistematikong sinusupil ng pamilyang Cojuangco-Aquino ang bungkalan ng mga manggagawang bukid at todo ang kampanya nito sa panlilinang at panghahati upang maisulong ang plano nitong i-kumbert ang malawak na lupa at tumubo ng bilyun-bilyong piso mula sa pagbebenta.  Nakaukit sa kasaysayan ang pagsasamantala, pang-aapi at panlilinlang ng pamilyang Cojuangco-Aquino, hindi lamang sa mga manggagawang bukid, kundi maging sa malawak na mamamayan ng bansa nang makinabang ito sa pondong publiko na pinambayad upang makontrol ang kalupaan ng Hacienda Luisita.  Gayunpaman, hindi tumitigil ang mga manggagawang bukid at mamamamayang sumusuporta sa kanila para ilantad ang mga maniobra ng pamilyang Cojuangco-Aquino at isulong ang bungkalan sa iba’t ibang bahagi ng Hacienda Luisita.  Tangan din ng mga nakikibakang manggagawang bukid ang mga aral ng welga noong 2004, kung saan pinatunayang ang matibay na pagkakaisa at sama-samang pagkilos ay epektibong armas laban sa lahatang-panig na  atake ng pamilyang Cojuangco-Aquino.  Sa yugto ring ito ng kasaysayan, sa unang pagkakataon ay napakinabangan ng mga manggagawang bukid ang lupang ilang dekada nilang pinahirapan.

Susog sa makasariling plano ng papet na si Noynoy Aquino at kanyang pamilya sa Hacienda Luisita, todo nitong inaabante ang programang PPP.  Nangako ng pagbabago ngunit itinuloy nito ang proyektong Metro-Luzon Urban Beltway (MLUB) ng korap na rehimeng US-Macapagal-Arroyo.  Binubuo ito ng pribatisasyon ng North Luzon Expressway (NLEx), konstruksyon ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx), Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEx), Central Luzon Expressway (CLEx) at North Luzon East Expressway (NLEx East).  Ang mga proyektong ito ay para sa interes ng imperyalismong US, malalaking burgesya kumprador (MBK) at PML at hindi para sa kapakanan ng masang naghihirap at inaapi.  Ang mga proyektong ito ay mitsa ng malawakang pangangamkam ng lupa at pagpapalayas sa napakaraming mga magsasaka sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.

Bunga ng mga highway na ito, naglalaway sa malaking tubo ang mga PML, MBK, mga tuta nitong ispekulador, mga opisyal ng gubyerno, kapulisan at militar.  Ang mga proyektong ito ang nagpataas ng halaga ng lupa kung kaya at  malaki ang potensyal para pagkakitaan na siyang nagbunga ng malawakang pang-aagaw ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka.  Ito ang naganap sa 2,000-ektaryang lupa ng Hacienda Dolores nang ikonekta ito sa SCTEx, sa mahigit 1,500-ekt. sa paligid ng intereksyon ng SCTEx at TPLEx sa Tarlac city, at sa nagsulputang mga subdivision, industrial estate at mga plantasyon ng mga agro-korporasyon na  malapit sa mga interchange ng SCTEx mula Pampanga at Tarlak.  Ang proyektong TPLEx ay kumamkam sa kabukiran ng mga magsasaka at tirahan ng mamamayan mula Tarlac city hanggang sa bayan ng Rosales sa Pangasinan.  Sa kasalukuyan, ang mga magsasaka mula bayan ng La Paz hanggang Cabanatuan city ay humaharap sa pagpapalayas ng rehimen upang bigyang daan ang konstruksyon ng CLEx.  Sa yugtong mabuo ang mga proyektong ito, mawawalan ng kabuhayan at tirahan ang libu-libong mamamayan ng iba’t ibang probinsya.

Sa Hacienda Dolores sa bayan ng Porac, ang mga magsasaka ay lumalaban sa pangangamkam ng lupa at pagpapalayas ng korporasyong Leonardo Lachenal Leonio Holdings, Inc (LHI) at FL Property Management Corp. (FL PMC) na pawang mga tutang kumpanya ng Ayala Land, Inc. na may planong i-kumbert ang 1,000-ekt. para sa  proyektong eko-residensyal, komersyal at industriyal tulad ng Nuvali sa Sta. Rosa, Laguna.  Ang mga korporasyong ito ay nagtambak ng daan-daang security guard at goons upang harasin ang mga magsasaka at bakuran ang mga lupang kanilang sinasaka.  Ang mga ninuo ng mga magsasaka ay nagsimulang mamuhay rito mula pa taong 1835 sa ilalim ng kolonyalismong Kastila at bunga ng kahungkagan ng mga batas at programa ng kasalukuyan at nagdaang rehimen tulad ng Presidential Decree ng diktaduryang Marcos, CARP ng rehimeng US-Cory Aquino at ngayo’y CARPer, hindi napasakanila ang lupang matagal na nilang sinasaka at ngayo’y pinapalayas.

Sa Aurora, ang proyektong Aurora-Pacific Economic Zone and Freeport (APECO) ay kumamkam sa 13,000-ekt. bayan ng Casiguran, na pawang kabuhayan at tirahan ng mga magsasaka at katutubo.  Ang proyektong ito ay pakana ng pamilyang Angara na malaking mangangamkam ng lupa sa probinsya, gayunding nakikinabang sa buwis ng mamamayan na ginagamit upang pondohan ang APECO.  Libu-libong mamamamayan ang nanganganib mawalan ng kabuhayan at tirahan bunga ng proyektong ito.

Umaabot din sa Pangasinan ang kasakiman ng pamilyang Cojuangco-Aquino nang simulan nito ang pangangamkam sa kulang-kulang 400-ekt. lupang dating saklaw ng Camp Gregg military reservation sa bayan ng Bayambang.  Ang mga ninuno ng magsasaka ay nagsimulang mamuhay rito noong panahon pa ng kolonyalismong Kastila, ngunit sila ngayon ay pinapalayas ng Central Azucarera de Tarlac Realty Corp. (CAT Realty) at mga alipores nitong mga nangangamkam ng lupa.

Sa probinsya ng Nueva Ecija, nagpapanibagong atake ang mga PML sa pamamagitan ng paggamit ng mga kontra-magsasakang batas at programa, maging ang armadong bayarang militar at pulis.  Malawakan ang isinasagawang pagpapalayas sa mga magsasaka sa pamamagitan ng kanselasyon ng mga certificate of land ownership award (cloa) certificate of land transfer (clt), emancipation patent (ep), foreclosure at tuwirang pagpapalayas.  Sa mahigit dalawang dekada ng pagpapatupad ng CARP, hindi natinag ang mga hasyenda, bagkus ay nanatili.  Ang Hacienda Gabaldon, Kilantang, Anggara sa bayan ng Guimba, Hacienda Rueda sa Quezon, De Santos sa Guimba, Cuyapo at Nampicuan, Tinio sa Talavera, mga estate ng Ilagan, Gonzales, Domingo, Sanggalang, Joson, Angeles, Padre Crisostomo sa iba’t ibang bayan ay nanatili at ang mga magsasakang may cloa, clt at ep ay humaharap sa mga kaso ng kanselasyon at foreclosure.  Gayundin sa 3,100 ekt. sa Fort Magsaysay military reservation, pinapalayas ng pasistang militar ang mga magsasakang matagal nang namumuhay rito.

Sa ngalan ng patakarang pribatisasyon, maging ang mga military reservation ay planong i-kumbert ng rehimen at ibenta sa dayuhan.  Nauna nang itinransporma ang mga base militar ng Amerikano, ang Clark at Subic, bilang mga special economic zone (eco-zone) na ngayo’y pinapakinabangan ng imperyalismong US at mga dayuhang monopolyo kapitalista.  Patuloy din itong pinapalawak ng rehimeng US-Aquino, tulad ng planong Clark Green city na sumasaklaw sa 36,000 ekt. kalupaan ng bayan ng Capas at 11,000 ekt. ng Sacobia valley sa pagitan ng Pampanga at Tarlak.

Gayunpaman, hindi nangingimi ang masang magsasaka, bagkus, nagkakaisa at patuloy na nakikibaka para sa karapatan sa lupa.  Napakaraming karanasang mahahalawan ng aral at nagpatunay na ang epektibong armas laban kontra-magsasaka at kontra-mamamayang programa at patakaran ng mga papet na rehimen ay ang konsolidadong lakas ng pagkakaisa at masikhay na pagkilos ng masa.

Tagumpay ng Rebolusyong Agraryo ang pananatili ng mga magsasaka sa maraming bayan ng timog-silangang Pampanga, probinsya ng Tarlak at Nueva Ecija at iba pang probinsya.  Gayundin, produkto ng matibay na pagkakaisa at sama-samang pagkilos ang bungkalan sa Hacienda Luisita, paglaban sa pagpapalayas sa Hacienda Dolores sa bayan ng Porac at hilagang kanlurang Pampanga, iba’t ibang bahagi ng probinsya ng Tarlak, iba’t ibang bayan sa gitna at timog Nueva Ecija, sa timog ng Pangasinan, sa laylayan ng kabundukan ng Zambales at Bataan, at sa iba’t ibang bahagi ng Aurora.  Nakatala sa kasaysayan na ang pagkakaisa ng PKM sa lokalidad at mga yunit ng BHB ang instrumento ng pagsusulong ng demokratikong interes ng masa at pagpapahina sa pampulitika-ekonomiyang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa.

Sa kasaysayan ng matagumpay na pagsusulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan, dakilang aral ang mahusay na ugnayan ng anti-pyudal, anti-pasista at anti-imperyalistang pakikibakang sumaklaw sa malawak na batayang masa at kumabig sa panggitnang pwersa at humati sa naghaharing uri.  Susi rin ang walang puknat na gawaing edukasyon at propaganda upang kontrahin ang mga pakana at panlilinlang ng reaksyunaryong rehimen.  Ang Partido Komunista na mayoryang binubuo ng batayang masa ay mahusay na namuno sa pambansa demokratikong rebolusyon na may matibay na pagtangan sa sosyalistang perspektiba.

Kailangang maisulong ng kilusang magbubukid ng rehiyon ang makauring interes ng masang magsasaka, pangunahin ang pagbungkal sa lupa.  Ito rin ang tuntungan upang lubos na mapahusay ang gawaing rekoberi at ekspansyon para sa paghahanda sa pag-igting ng digmang bayan.  Mahigpit na panghawakan ang aral sa karanasan sa Oplan Bantay Laya sa panahon ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo tulad ng pag-abot sa iba’t ibang seksyon ng masang magsasaka, abante, panggitna at nahuhuli at pakikipag-ugnayan sa mga ligal-tradisyunal na organisasyon at mga samahan, upang magbigay lawak sa eryang malalanguyan, gayundin ang paghatak sa suporta ng panggitnang pwersa.  Ang mga nagpapatuloy at mga umuusbong na pakikibakang masa ay patunay lamang na handa ang magsasakang ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupa at demokratikong interes.  Gayundin, ang mga pakikibakang ito ang nagbigay insipirasyon sa iba pang magsasaka sa iba’t ibang lugar upang lumaban. Mapupuspos lamang ang kilusang magbubukid at makapagtatanggol sa pasistang atake at maniobra kung ito ay lalahukan ng malawak na masang magsasaka.

Sa yugtong ito ng pinatinding atake ng rehimeng US-Aquino at kronikong krisis ng mala-pyudal at mala-kolonyal na lipunan, inaatasan ang lahat ng balangay ng PKM sa rehiyon na paigtingin ang pagtatanggol sa karapatan sa lupa, sa mga tagumpay ng Rebolusyong Agraryo at pagsusulong ng armadong pakikibaka.  Kaugnay nito, mahigpit na hinihikayat ang masang magsasaka ng Gitnang Luson na lumahok sa kampanyang masang bungkalin ang mga tiwangwang na lupang pag-aaari ng mga malalaking panginoong maylupa.  Ito ay sa layuning magkaroon ng kabuhayan ang matagal nang naghihikahos na mga magbubukid, mga dating magsasakang na-transporma bilang manggagawang bukid, mga mala-manggagawa sa baryo na walang pirming pagkukunan na kabuhayan at upang mag-ambag sa kasiguruhan sa pagkain at malabanan ang kagutuman sa rehiyon.  Kaugnay nito, inaatasan ang lahat ng balangay ng PKM na abutin at pamunuan ang masang magsasakang nagpapahayag ng intensyon at paglahok.

Sa ilalim ng reaksyunaryong rehimeng US-Aquino na masunuring papet ng imperyalismong US at nagpapatupad ng mga kontra-magsasaka, kontra-mamamayan at maka-panginoong maylupang patakaran at programa, walang maaasahan ang mamamayan kundi kahirapan, kagutuman, pagsasamantala at pang-aapi.  Kung kaya bilang pagpapatuloy ng pambansa-demokratikong rebolusyong pinamumuan ni Bonifacio, hinihikayat ng PKM ang malawak na masang magsasaka na sumama sa kampanyang okupasyon ng sakahan sa Gitnang Luson, sumapi sa PKM at BHB, isulong ang Rebolusyong Agraryo at Demokratikong Rebolusyong Bayan.

MABUHAY ANG MASANG MAGBUBUKID NG GITNANG LUSON!  MABUHAY ANG PKM, PKP AT BHB!

SUMAPI SA PKM AT BHB!

BUNGKALIN ANG MALAWAK NA SAKAHAN NG GITNANG LUSON!

ISULONG ANG REBOLUSYONG AGRARYO! ISULONG ANG DEMOKRATIKONG REBOLUSYONG BAYAN!